Angie, Angie

… when will those clouds disappear?
– Rolling Stones

Rebyu ng Angie Bisuña-Ipong, Mars Marata, at iba pang bilanggong pulitikal, A Red Rose for Andrea: Writings from Prison. Quezon City: Southern Voices Printing Press, 2012. 148 pahina.

Sa panahong ginugunita ng sambayanan ang deklarasyon ng Batas Militar 40 taon na ang nakakaraan, natatawag ang pansin natin sa mga paglabag sa karapatang pantao hindi lang sa panahong iyun, kundi maging sa kasalukuyan. Gustuhin man ng rehimen ngayon ang purong pagsariwa sa kasaysayan, dahil mapapatampok nito ang “pagkakaiba” ng panahon ni Macoy at panahon ni Noynoy, malay ang sambayanang lumilikha ng kasaysayan na nagpapatuloy sa iba’t ibang porma ang Batas Militar. Binabalikan man ng tanaw ng sambayanan ang madilim na nakaraan, iyan ay para mailawan ang mga pagpapatuloy, higit pa sa pagbabago, sa takbo ng kasaysayan.

Hinggil sa paglabag sa karapatang pantao nitong nakaraang mga taon ang librong A Red Rose for Andrea nina Angelina “Angie” Bisuña-Ipong, Mars Marata at iba pang bilanggong pulitikal. Tampok dito ang salaysay ng pagkamulat at pagkilos, pagkaaresto at pagkabilanggo ni Ipong – na sa maraming dahilan ay nakakahalinang tawaging “Angie” matapos mabasa ang libro. Laman din ang salaysay ng pagbabanta sa buhay ni Marata at ang pagkaaresto’t pagkabilanggo niya pagkatapos. Sa pamamagitan nilang dalawa, mababasa ang mga katulad at mahuhusay na salaysay ng iba pang bilanggong pulitikal, gayundin ng mga bilanggong nakasama nila sa buhay sa loob ng piitan.

Si Angie ay matagal nang aktibistang guro at misyonaryo, inaresto noong Marso 8, 2005, inakusahang namumunong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Kanlurang Mindanao, tinortyur at pinagsamantalahang sekswal, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, at ikinulong sa loob ng anim na taon. Si Marata naman ay mamamahayag na nagtago matapos ang ekstrahudisyal na pagpaslang noong 2005 sa kanyang kapatid na pamprobinsyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, lumutang noong 2006 matapos ikulong ng militar ang kanyang misis na bagong panganak, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, ikinulong noong 2009, at nakalaya lang nitong 2011.

Sa isang banda, mabigat basahin ang libro – syempre pa. Marami ritong kwento ng pagtortyur at pang-aabuso ng mga militar, nailarawan ang iba’t ibang sanhi ng kalungkutan ng mga bilanggo mula madalang na dalaw hanggang pagkabalam ng pagdinig sa kaso, at nailahad ang malulungkot na sirkumstansya ng mga bilanggo. May seksyon tungkol sa mga babae at batang bilanggo, na pawang biktima ng kahirapan, ng pyudal-patriyarkal na kalakaran, at maging ng sekswal na pagsasamantala sa kulungan. Kongkretong nailarawan nina Angie at Marata kung paanong ang Estadong mapanupil na instrumento ng iilang naghahari ay gumagamit sa militar, pulisya, korte at kulungan.

Sa kabilang banda, magaang basahin ang libro. Simple ang estilo ng pagkakasulat nito, maiksi lang, at ang takbo ng salaysay ay kasing-bilis ng pagkukwento ng isang dumalaw na kaibigan. Kaiba sa sulatin sa piitan ng ibang awtor, lalo ng mga Kanluranin, hindi naglunoy ang mga awtor sa mga detalye ng kanilang dinanas at sa mga sikolohikal o eksistensyal na tunggalian. Hindi nga sila nagkulong sa kanilang mga sarili kundi yumakap sa mga nakasama nila. Sa huli, libro rin ito ng katatagan, paglaban at tagumpay – ng samu’t saring produktibong aktibidad ng mga bilanggo; pagtangan sa prinsipyo, pag-asa at diwang palaban; at kapasyahang makalaya at bumalik sa pagkilos.

Bakit masarap tawaging “Angie” ang prinsipal na awtor ng libro? Dahil parang kilala mo na siya matapos basahin ang aklat; karaniwang tao siya rito. Higit pa riyan, dahil parang gusto mong maging malapit sa kanya, “feeling close,” maisip na kabahagi ng isang kilusan na komunidad din ng mga taong may malasakit sa kapwa, may marangal na pangarap sa bayan, at may tatag sa harap ng panunupil at karahasan. Sa gitna ng todong panunuhol ng militar ng masarap na pagkain at buhay kapalit ng “kooperasyon” –ano’ng pagsalaula ang paggamit nila sa salitang iyan! – tumanggi si Angie dahil katumbas ito, aniya, ng pagkakaroon ng bahid o pagsuko sa “esensya ng piniling buhay.”

Sa gitna ng posibilidad ng kamatayan, nasumpungan niya ang tatag. “[N]atuklasan kong may kakayahan tayong hangganan ang ganoong mga takot. Ang susi ay ang pagtanggap sa kasalukuyan. Napansin kong nang lubos kong tanggapin ang katotohanang pwede talaga akong mamatay, nagsimula akong kumalma… Naging mas madaling pasanin ang pag-iisip ng kamatayan… Kung mamamatay ako, marami pang iba ang papalit sa aking lugar, dahil alam kong ang pakikibakang pinag-alayan ko ng buhay ay karapat-dapat. Walang masasayang.” Ginamit din niyang armas ang hunger strike para magprotesta at ipresyur ang militar para kagyat siyang ilutang at itigil ang pandarahas sa kanya.

Sabi ni Amado Guerrero sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na nalimbag noong 1970 bago ang Batas Militar pero parang isinulat lang kahapon, sa panahong pangulo si Aquino, “Kapag ginagamit na ang pinakamararahas na hakbangin laban sa rebolusyunaryong masa, humahantong ang mga reaksyunaryo sa pinakamatatamis na salita ng pagmamalasakit.” Isang hakbang ang pagbasa at pagkukwento’t pagpapabasa sa pinakamarami ng libro nina Angie para masalag at makontra ang matatamis na kasinungalingang ipinapaulan ng rehimen kasabay ng mga banta at mismong mga bala.

22 Setyembre 2012

Galing dito ang larawan ni Angie. Galing naman dito, sa blog nina Jo at Jordan, ang ikalawang larawan. Tingnan din ang mga larawang ito.

Ang problema sa mga kasabihan, ayon kay Patrick Cockburn. Hindi ako komportable sa mga parangal na ang laging pinapatampok ay kung gaano ka-layo ang isang aktibista sa istiryutipo ng mga aktibista – na ang kadalasang paksa ay si Lean Alejandro. Kakatwang larawan sa Kasama Project. May bagong tula si Ericson Acosta, isa ring bilanggong pulitikal.

Kahol Walang Kagat

Laman ng balita ang panenermon ni Pang. Noynoy Aquino sa Bureau of Immigration sa ika-72 anibersaryo pa man din nito. Sinermonan niya ang ahensya sa pagpapatakas sa bansa mga sikat na suspek sa mga krimen at pagpapapasok naman sa mga miyembro ng dayuhang sindikato sa cybercrime human trafficking. Kasama sa una sina dating Gob. Joel Reyes ng Palawan at ang kapatid nitong si Mario, mga suspek sa pagpatay sa mamamahayag at maka-kalikasang aktibistang si Gerry Ortega.

May kagyat na motibo si Aquino: ang patunayang kontra-katiwalian siya sa gitna ng kaliwa’t kanang ispekulasyon at batikos tungkol sa paglusob ni dating Undersecretary Rico Puno ng DILG sa bahay ni dating Sec. Jesse Robredo para umano protektahan ang mga dokumento nito. Hindi maalis sa isip ng publiko na may bahong gustong pagtakpan ang kabarilan ng pangulo, na pinatampok ng pagtanggi sa kanya ng pamilya ni Robredo. Ang masama pa, inako ni Aquino ang pag-uutos kay Puno.

Kung idudugtong naman sa nauna niyang panenermon sa isa pang ahensya ng gobyerno, sa Pagasa, lulutang ang paninisi at paghuhugas-kamay ni Aquino sa mga kapalpakan ng kanyang gobyerno. Gusto niyang palabasing wala siyang pananagutan, kahit pa may kasalanan ang kanyang gobyerno – ang barat na sahod at benepisyo sa Pagasa at ang hindi pagtuklas at pagpaparusa sa mga tiwali sa BI. Sa kaso ng BI, hugas-kamay rin siya sa kaduda-dudang pagtakas ng magkapatid na Reyes.

At kung idudugtong pa sa isa niyang panenermon sa isang anibersaryo – kay Noli de Castro sa anibersaryo ng ABS-CBN – lalabas ang arogansya ni Aquino. Ang akala niya, tatampok ang pagiging “matuwid” niya sa pagbunton ng sisi sa mga umano’y palpak at baluktot. Ang akala niya, hindi bubwelta sa kanya ang sermon niya: ang kapabayaan ng gobyerno sa mga ahensyang nabanggit at, sa kaso ni De Castro, ang kawalan ng mabuting ibabalita sa lagay ng ekonomiya ng bansa.

Pero may dagdag na panganib ang panenermon niya sa BI, na nakapuntirya sa katiwalian sa naturang ahensya. May magagawa ba ang panenermon niya? Mababago ba nito ang ahensyang notoryus sa korupsyon, kaya sinamantala noon ni Sen. Miriam Defensor-Santiago para magpakilalang anti-korupsyon? Parang gustong sabihin ni Aquino na katumbas ng katiwalian sa BI ang pag-uulat ni De Castro at pag-uulat ng Pagasa, pwedeng baguhin basta lang gugustuhin.

Pero hindi mababago ng panenermon ang katiwalian sa BI. Hindi rin totoo ang gustong palabasin ng eksenang ito: na may magagawa ang pagkontra ng pangulo para matanggal ang katiwalian sa gobyerno. Sa panenermon na ito, samakatwid, sinisikap ni Aquino na palakasin ang repormistang ilusyong pwedeng matanggal ang korupsyon sa pamahalaan. Pero kahit ang kahol na ito ay patunay ng kawalang-kakayahang kumagat: nanenermon na lang dahil hindi kayang tanggalin ang katiwalian.

11 Setyembre 2012

Galing ang larawan dito.

Rebyu ng isang librong naglilinaw sa katangian ng konserbatismo. Ano ang kaibahan nito sa neoliberalismo, halimbawa? Magandang panayam sa pilosopong si Jacques Ranciere. Maraming impormasyon tungkol sa New Deal sa panahon ng Great Depression ng dekadang 1930. Aliw at nakakapagpaisip na entri ni Mong Palatino.

Lagay ng Panahon

Bago si Kuya Kim ay si Ernie Baron. At bago si Ernie Baron ay si Amado Pineda – isang empleyado ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o Pag-asa na naghahatid ng balita sa telebisyon. Noon iyun, nang hindi pa minamaksimisa ng mga estasyon sa telebisyon ang ulat hinggil sa lagay ng panahon para magpasikat ng talento nila.

Karakter si Amado Pineda: halatang mahiyain at nailagay lang sa harap ng telebisyon, nakasalamin sa mata at naka-polo barong. Sobrang karakter, ginaya-gaya siya noon ni Tessie Tomas. Pero noon iyun, bago pa si Jon Santos, sa panahong ang impersonator ay maraming kayang gayahing karakter – kaiba sa panahon nina Pooh, Ate Glow o, sige na nga, Angelica Panganiban.

Mukha talagang kawani ng gobyerno si Amado Pineda. Nawala siya sa tanaw ng publiko at hindi na napalitan ng katulad niyang kawani. Sa panahong wala siya, nagmukhang ahensya ng mga eksperto ang Pag-asa na pana-panahong kinaiinisan sa maling ulat, at bihirang mapuri sa wastong ulat. Nitong huli, mismong si Pang. Noynoy Aquino ang nangunguna sa pagsabon sa kanila.

Nitong huli, mga kawani ng Pag-asa ang naging laman ng balita. Nagprotesta sila sa pagtanggal sa ilang benepisyo at marami ang naantig sa kalagayan nila. Habang krusyal ang ulat nila kung may pasok o wala dahil sa bagyo, mayroon pala sa kanilang hindi makapasok sa opisina kahit maaraw dahil kulang ang sweldo. Habang krusyal ang ulat nila sa pagliligtas ng buhay, may namatay na pala sa kanila dahil kulang ang pambili ng gamot. Masama ang lagay ng mga taong inaasahan nating maagap na maghahatid sa atin ng eksaktong lagay ng panahon.

Nakakainis, gaya ng lagi na, ang tugon ng pangulo ng Pilipinas. Ang bali-balita – sige na nga, tsismis – sa Twitter, hindi pakikinig at pakikipagdiyalogo ang ginawa ni Aquino sa mga taga-Pag-asa. Sinermunan niya ang mga ito, na halata kahit sa balita. “Dumadanas tayo ng masamang panahon… at nagdurusa pa rin ang mga naapektuhan ng pagbaha. Huwag na tayong dumagdag pa,” sabi niya sa mga kawani, parang pikong haciendero kausap ang mga kasama. Hindi raw dapat maging hadlang ang isyu sa pagganap ng mga kawani sa kanilang “tungkulin” sa publiko.

Heto na naman tayo. Nagprotesta lang naman ang mga taga-Pag-asa, hindi pa nga nagbantang magwelga – na, ayon sa batas, ay bawal sa mga kawani ng gobyerno. Nangako naman si Aquino na ibibigay ang kahilingan ng mga kawani, bagamat sa kasunod na araw pa inanunsyo kung kailan. Pero hindi siya umako ng pananagutan sa kalagayan ng mga kawani ng Pag-asa – kung bakit tinanggal ang benepisyo nila, kung bakit mababa ang sahod nila, kahit ng matatagal na sa serbisyo. Siya pa nga itong galit, iritadong nagsasalita sa ngalan ng publiko.

Hindi lang iyan mauugat sa palaging pag-iwas ni Aquino sa sisi dahil baka bumaba ang kanyang popularity ratings, bagamat totoo rin iyan. Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa pagiging sunud-sunuran ng gobyerno sa neoliberalismo na, ayon kay Prop. Jose Ma. Sison, “ay mahigpit na naninindigan laban sa pag-ari ng Estado sa anumang kagamitan sa produksyon at anumang interbensyon ng Estado sa ekonomiya, maliban kung binibigyang nito ang mga pribadong kapitalista ng pabor na mga oportunidad para magkamal ng tubo…”

Tinatawag ng insidente sa Pag-asa ang pansin natin sa kung paano ginagamit ng gobyerno, sa panahon ng neoliberalismo, ang retorika ng “tungkulin sa bayan” para takasan ang hindi pagtupad sa mga tungkulin nito sa bayan. Kakambal ito ng pagsisi sa mahihirap sa mga suliranin ng bansa. Bitag ito para sa mga nasa panggitnang uri na naghahangad ng pagbabago, tagahanga ng sinabi ni John F. Kennedy na “Huwag mong itanong kung ano ang magagawa para sa iyo ng bansa mo…,” mapagkawanggawa, at negatibo ang tingin sa pagpoprotesta.

Ang gobyerno ang dapat instrumento ng mga mamamayan para magtulungan, para magbayanihan – kahit pa binababoy ngayon ng gobyerno ang pakahulugan ng salitang iyan. Ito lang ang may potensyal, may kapangyarihan at rekurso, para matulungan ang nakakarami, kung hindi man lahat, ng mahihirap. Hindi sapat ang pagtulung-tulong, tuluy-tuloy man at lalo na kung pana-panahon; matutuwa lang diyan ang gobyerno dahil pinupunuan ang ipinagkakait nito.

Tungkulin nating labanan ang paggamit ng gobyerno sa “tungkulin sa bayan” laban sa kapakanan nating mga mamamayan. Sa panahong tinatakasan ng gobyerno ang mga pundamental na tungkulin nito sa mga mamamayan, lalong tungkulin nating mga mamamayan na maggiit sa gobyerno. At kung hindi pa rin ito tatalima sa ating mga panawagan, tulad ng nangyayari ngayon, tungkulin nating pag-isipan kung ano ang dapat gawin dito. Sa ganyan lang tayo magkakaroon ng tunay na pag-asa sa masamang lagay ng panahon ngayon.

24 Agosto 2012

Galing ang larawan dito.

Sa wakas! Naayos ko na rin ang Mga Links ng Kapirasong Kritika. Kung may nakalimutan o komento, magkomento na lang sa baba.

May maiksing parangal para si Jam Jacob kay Daniel Imperial. Mga paboritong awtor ni RM Topacio-Aplaon. Si Joma Sison? Amado Hernandez, Nick Joaquin at Gelacio Guillermo sa mga Pilipino at sina Ernest Hemingway, Bertolt Brecht at Pablo Neruda sa mga dayuhan.

Kasalanan ng Mahihirap

Nitong mga nakaraang taon, sa tuwi na lang may kalamidad sa bansa, nagkakaroon ng pyesta ng pagsisi sa mga maralita. Ang mga maralitang lungsod, sinisisi kung bakit naninirahan sa tabi ng estero at mapanganib na lugar. Ang lahat ng maralita, maging sa kanayunan, sinisisi kung bakit ayaw umalis sa kani-kanilang bahay kapag mataas na ang baha at pinipilit ilikas ng mga rescuer. Nitong huli, sinisisi sila sa pagbaha, dahil sila raw ang nagtatapon ng basura na bumabara sa mga daanan ng tubig.

Magandang itanong sa mga may-edad na: Dati na bang ganito? Noon pa ba sinisisi ang maralita sa pinsalang dulot ng mga kalamidad, mga pinsalang sila rin kadalasan ang biktima? Ang isang impresyon, sa pagtindi ng pinsalang dulot ng mga kalamidad, tumitindi rin ang pagsisi sa mahihirap. Kahit ang usong paliwanag na “global warming” at “climate change,” nakakalimutan kapag ibinubunton ang sisi sa kanila. Paanong inabot sa ating lipunan ang ganitong kalupitan sa pagtingin sa maralita?

(1) Isang maituturo ang kawalan ng pag-unawa sa mga maralita at ng pagsisikap na unawain sila – partikular sa pagiging limitado ng pagpipilian nila. Sa mga dominanteng pwersa sa lipunan, kahit iyung umano’y nagbubuo ng pag-uunawaan tulad ng midya at Simbahan, walang nagpapaliwanag nito. Lagi tuloy may sasagot ng “May choice, laging may choice!” kapag sinasabi ito. Para sa iba, kasalanan talaga ng napakarami nating kababayan ang pagtira nila sa mga estero at lugar na peligroso sa baha.

Kung tutuusin, panay na panay ang labas ng maralita sa midya. Masasabi pa ngang may pornograpiya sa karalitaan sa bansa. May mga dokumentaryong detalyado ang kwento tungkol sa lagay nila; sa mga palabas na tulad ng kay Willie Revillame, inuurirat ang mga buhay-buhay nila. Pero sa lahat ng ito, hindi naipapakita kung paanong nalilimitahan ang mga pagpipilian nila – na, sa kongkreto, ay dulot ng mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno sa dikta ng mga naghahari-harian sa bansa.

Dahil walang pagtalakay sa mga patakarang pinag-uugatan, nagmumukhang indibidwal, partikular na kwento ang karalitaan, kanya-kanyang swerte at malas. Hindi nauugat ang mga dahilan ng pagdami ng maralitang lungsod, halimbawa. Patakaran ang pagpayag sa pagkamkam ng iilan ng lupa sa kanayunan, kaya walang trabaho doon. Patakaran ang pagwasak sa kalikasan na pinagkukunan ng kabuhayan. Patakaran din ang hindi pagbibigay sa lumikas na maralita ng mura at ligtas na pabahay.

Hindi rin nauugat ang mga patakarang nagdudulot at nagpapatindi sa baha. Patakaran ang pahintulutan ang mga kumpanya ng pagtotroso na kalbuhin ang kabundukan, at ang mga kumpanya ng pagmimina na wasakin ang kalikasan. Patakaran ang payagan ang mga kumpanyang may-ari ng mga dam na magpakawala ng tubig sa oras de peligro. Patakaran ang walang planong kaliwa’t kanang konstruksyon sa mga lungsod. Sa kabila ng lahat ng ito, patakaran ang kawalan ng disaster preparedness.

Nangingilag ang midya sa pagtalakay sa mga patakaran, at kahit anong abstrakto sa pangkalahatan; kwento-kwento ang laging gusto nito. Problematiko ito dahil, ayon nga kay Fredric Jameson, Marxistang intelektwal, sa pandaigdigang sistemang kapitalista, “kung awtentiko ang indibidwal na karanasan, hindi ito pwedeng maging totoo; at kung totoo ang siyentipiko o kognitibong modelo ng naturang nilalaman, humuhulagpos, humihigit ito sa indibidwal na karanasan [“Cognitive Mapping,” 1988].”

(2) Maituturo rin, na kaugnay rin ng nabanggit, ang pagpapatupad sa mga patakarang neoliberal at ang katangian ng kasalukuyang gobyerno ni Noynoy Aquino. Pinalalabas ng dalawang ito ang kawalan ng kapangyarihan at pananagutan ng gobyerno sa mahahalagang usapin sa bansa, lalo na sa ekonomiya. Dahil kailangang may managot para sa pinsala ng mga disaster, sinisisi nila ang madaling ituro – ang mahihirap. Walang duda: napapatatag ang mga patakarang neoliberal at nakikinabang ang gobyernong Aquino kapag mga maralita ang sinisisi sa mga disaster.

Naaprubahan ang mga mayor na patakarang neoliberal sa huling bahagi ng dekada ’80 at buong dekada ’90. Mulat na itinali ng gobyerno ang mga kamay nito para bigyang-laya ang malalaking kapitalista at asyendero na magpalobo ng yaman. Magandang halimbawa ang tinakbo ng talakayan hinggil sa industriya ng langis pagkatapos: Kapag natutuligsa sa pagtaas ng presyo, sasabihin ng gobyerno na wala itong kapangyarihan, ituturo nito ang mga salik na labas sa kontrol nito (tulad ng pandaigdigang pamilihan), at ipapanakot ang umano’y masasamang epekto ng pagkontrol nito.

Ang gobyernong Aquino naman, nahuhumaling sa pagdepensa sa umano’y popularidad nito. Umiiwas ito sa pananagutan at may malakas na makinaryang pampropaganda. Mismong pagsuspinde ng klase, ipinapasa nito sa mga lokal na pamahalaan – na pwede nitong sisihin kapag pumalpak, tulad ng nangyari sa pagguho ng lupa sa Litex, Quezon City. Huwag nang banggitin pa ang paghuhugas-kamay nito sa napakaraming isyu. Ang katiting na aksyon nito, kailangang malakas na maipropaganda at magamit sa eleksyon – tulad ng relief operation kasama ang mga kandidatong senador nito.

Mahalagang idagdag ang obserbasyon ni Wendy Brown, progresibong intelektwal, hinggil sa neoliberalismo: “[B]agamat nakabatay ang neoliberal na pampulitikang rasyunalidad sa isang pag-unawa sa merkado, ang pag-oorganisa nito sa pamamahala at lipunan ay hindi lamang resulta ng pagtagos mula sa pang-ekonomiya patungo sa iba pang larangan, kundi ng lantad na pagpapataw ng partikular na porma ng rasyunalidad ng merkado sa mga larangang ito [“American Nightmare,” 2006].” Hindi umasenso ang mga maralita dahil tamad, hindi kayang makipagtagisan sa merkado.

Ganito ang disaster sa panahon ng neoliberalismo, makailang-ulit na bumibiktima sa mahihirap na Pilipino. Disaster ito sa kabuuang buhay at kabuhayan nila. Ginagawa pa sila nitong mas bulnerable sa mga natural na kalamidad habang pinapatindi rin ang mga naturang kalamidad. Sa mahabang panahon, tinanggalan sila nito ng pagkakataong maunawaan kahit ng mga nasa panggitnang uri. Sa dulo, sila rin ang sinisisi sa pinsalang dulot ng kalamidad na sila rin ang matinding tinatamaan. Masayang-masaya ang mga naghaharing uri: sila pa ngayon ang may ganang manisi!

13 Agosto 2012

Galing ang mga larawan dito. Tingnan kung alin ang poster mula sa Pilipinas.

Ang bise-presidente ni Mitt Romney, si Barack Obama ang pumili? Basahin dito. Crush ng bayan, pwede ring crush ng makabayan. Patok! Bakit hindi ko ito nakita sa Facebook?

Malaya pero Hindi?

Matagal nang nagpapakilalang “independyenteng manunuring pampulitika” si Mon Casiple. Ang totoo, ayon sa mga matagal nang aktibista, kapanalig siya ng Akbayan, na alyado ni Pang. Noynoy Aquino. Kung malabo man ang mga ebidensyang pang-organisasyon, malinaw naman ang mga ebidensyang pampulitika. Lalo na ngayon, sa pagsusuri niya sa paglaya ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa hospital arrest nito.

“Okey lang iyan.” Ganito sa pangkalahatan ang tindig ni Casiple sa paglaya ni Arroyo. Hindi naman daw ito makakatakas ng bansa, at patuloy na lilitisin sa mga nakasampang kaso. Humina rin daw ang baseng pampulitika ni Arroyo, habang “nakapagkonsolida ng kapangyarihan” si Aquino. Maaalis din ang pananagutan ng gobyerno sa karamdaman o posibleng pagkamatay ni Arroyo. Malaya pero hindi talaga malaya ang dating pangulo.

Hindi nakakapanatag ang mga pahayag ni Casiple. Hindi pa rin matagpuan at maikulong ang berdugong si Hen. Jovito Palparan, at walang patunay na nasa bansa pa siya. Kung nagawa niyang magtago sa batas o maikanlong ng batas, paano pa kaya ang amo niyang si Arroyo? At bakit hindi imbestigahan ang sinasabing sakit ni Arroyo? Napakarami na niyang opisyal ang umiwas sa pananagutan sa pagsasakit-sakitan.

Tama si Casiple: Hindi isinampa ang kasong pagsabotahe sa eleksyong 2007 para ikulong si Arroyo. Ang layunin lang nito ay pigilan ang kanyang pagtakas sa bansa – hindi para papanagutin siya kundi para maiwasan ang posibleng pagsiklab ng galit ng mga mamamayan. At bakit humantong sa ganito ang gobyernong Aquino? Dahil mahigit isang taon na ito sa pwesto, wala pa itong isinampang kaso laban kay Arroyo.

Humina ang baseng pampulitika ni Arroyo, lumakas ang kay Aquino? Lalong dapat makulong at hindi mapalaya si Arroyo. Pero hindi: nakalaya siya sa panahong kumpleto ang kontrol ni Aquino sa gobyerno. Pinayagan ang hospital arrest niya noong pinapatalsik si Chief Justice Renato Corona, at nakalaya siya dalawang araw matapos ang State of the Nation Address. Gumaganansya si Arroyo sa mga papogi ni Aquino.

Wala ring pag-alala si Casiple sa postura ng kanyang organisasyong Akbayan noong eleksyon. Hindi ba’t nanalo ang kanilang kandidatong si Aquino sa pangakong papanagutin si Arroyo – sa usapin ng katiwalian at pag-abuso ng kapangyarihan, hindi sa paglabag sa mga karapatang pantao? Mangako ng isang bagay at iba ang gawin kapag naupo? Hindi ba’t ganyan ang tradisyunal na pulitiko? Nasaan diyan ang pagbabago?

Musika sa pandinig ng gobyernong Aquino ang iba pang sinabi ni Casiple: Hindi kabawasan sa “kampanyang kontra-korupsyon at pampulitikang katayuan” ni Aquino ang paglaya ni Arroyo. “Minimal” daw ang pampulitikang epekto nito. Hindi ito pasibong pagsusuri sa reyalidad, kundi aktibong interbensyon sa reyalidad. Nais nitong pahinain ang namumuong protesta laban sa pagpapalaya ni Aquino kay Arroyo.

Sa kanyang SONA, may depensibang patutsada si Aquino tungkol sa “industriya ng kritisismo” laban sa kanya. Kitang-kita kay Casiple ang tipo ng industriya ng kritisismo ng Akbayan: may renda basta’t may renta – prinsipyo ng mga bayaran sa pulitika.

29 Hulyo 2012

Galing ang larawan dito.

Aliw: rebyu sa isang libro tungkol sa hilig sa piano ng mga pilosopong sina Sartre, Barthes at Nietzsche.

Hindi raw totoong hindi umatras kahit minsan ang radikal na mamamahayag na si Alexander Cockburn sabi sa parangal na ito. Heto ang isa pang magandang parangal.

Heto ang magandang pagkukumpara ng ekonomiks ni Aquino at ekonomiks ng guro niyang si Arroyo.

Maita Mia

(1) Nakilala niya si Maita Gomez sa konteksto ng hindi pagkakasundo, sa maagang bahagi ng 2006. May hindi ito nagustuhan sa isang ginawa ng mga aktibista. Kinausap niya si Maita para magpaliwanag. At dahil kilala si Maita na prangka at hindi mahilig makipagbolahan, sinabi niyang mas malamang ay uulitin ang naturang ginawa, hindi man sang-ayon ang kausap. Siguro, nagustuhan ni Maita ang katapatan, ang palagay na mauunawaan niya, ang hindi pagmenos sa kakayahan niyang maintindihan. Doon nagsimula ang malapit na pagkakaibigan hanggang namatay si Maita nitong 12 Hulyo.

Sabi ni Prop. Jose Maria Sison, naganap ang huli nilang pag-uusap ni Maita simula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga. Sa ganyang mga kwentuhan din niya nakilala si Maita. Minsan, biglaang pagdalaw niya, pero mas madalas, imbitasyon ni Maita sa hapunan. Mahilig makipagkwentuhan at mahilig tumawa si Maita. Natuwa siguro si Maita na may mga taong hindi sa pagiging beauty queen niya interesado, kundi sa pagiging gerilya at aktibista niya, sa mga pananaw niya sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Mahusay lang din niyang naitago ang pagkamangha sa ganda at gaang ni Maita.

(2) Bukas-palad, mapagbigay si Maita. Ibinukas niya ang bahay sa mga kabataang aktibistang kumikilos malapit sa dating bahay niya sa Malate, Maynila. Sabi niya, pinakain at kinanlong siya ng masa kaya panata niyang magpakain at tumulong sa mga nangangailangan. Dagdag pa niya, ang masa, hindi tinatandaan ang pagpapakain sa mga bisita – hindi katulad ng mga naghaharing uri na hindi malimut-limutan. Sa mga usapan, lagi siyang may mababanggit na tinutulungan – magpaaral ng anak, lumipat ng bahay, kumuha ng trabaho. Walang indikasyong siya’y umaasa ng kapalit o nasisiphayo.

Mapagbigay rin si Maita pagdating sa mga pananaw at kwento. “Lahat ng taon ko sa Kilusan, maganda,” sabi niya nang puno ng katiyakan. Hindi raw siya gumising nang patanghali at halos wala ring day-off. Lagi niyang pinag-isipan kung paano mas mahusay na maipapatupad ang mga tungkulin – at agad na tinatasa ang resulta nito. Minsan, maingat niyang tinapat ang isang alyado tungkol sa planong pagrekluta sa natitsismis noong ikalawang asawa ng mister nito. Ang sabi raw ng alyado, “Alam mo, Maita, ikaw ang paborito kong Komunista.” At hindi pa nga siya nagtatapat dito!

Ang maganda kay Maita, mapagbigay man siya sa kwento at komentaryo, hindi ka makakaramdam ng pagmamataas o pangangaral. Hindi rin siya mariringgan ng pagmamaliit o sama ng loob sa Kilusan. Masaya lang siya, sa paglalarawan ni John Berger, manunulat: “Nagaganap ang ligaya kapag kayang ibigay ng mga tao ang kabuuan ng kanilang sarili sa yugtong pinagdaraanan, kapag ang Pag-iral at Pagiging ay parehong bagay [“The Soul and Operator,” 1990, Selected Essays, 2001].” Masaya siyang ibinigay niya ang mga pinakaproduktibong taon niya sa Kilusan, sa sambayanan.

(3) Siguro, dahil handa siyang magbigay at magsakripisyo, matapang si Maita. May kasama raw siya sa New People’s Army na namatay sa tabi niya, habang natutulog sila sa mga cogon ng Gitnang Luzon. Lagi raw niyang kinokontra noon ang mga insureksyunistang pakana ni Felimon “Popoy” Lagman sa kilusang masa, kahit ang kapalit ay ang paglusob ng huli sa kanyang bahay nang sumisigaw. May nagsulat, sa mga kasamahan niya sa Women for Ouster of Marcos and Boycott o WOMB, na hindi siya binatuta sa mga raling kontra-Marcos dahil maganda siya. Hindi totoo, sabi niya.

Noon daw, may kasama siyang lalaking magsasaka sa NPA na minamaliit siya. Ang tingin niya, dahil galing siya sa maykayang uri at isang babae, ang tingin nito ay duwag siya, takot mamatay. Minsan, may “kaaway” o militar sa kanilang erya. Bilang lider ng yunit, nagpanukala siya ng rutang dadaanan para makaiwas sa militar at makatulog sa gabi. Kinontra siya ng kasama, na naggiit ng rutang malapit sa militar. Pumayag siya. Nang nasa delikado na sila, sabi niya “Para! Tigil tayo. Dito tayo matutulog.” Yanig ang buong yunit. Lumapit ang katunggali. “Sige na, kasama. Lumakad na tayo,”  sabi nito.

(4) Masayang kakwentuhan si Maita, parang kabarkada. Walang seryosong usapan ang hindi napapagaan ng ngiti, tawa at halakhak niya. Matalas, simple siyang magpaliwanag; hindi madalas masabi sa mga parangal na isa sa mga unang yunit niya ang Instructors’ Bureau ng Partido Komunista ng Pilipinas. Masarap pakinggan ang boses niyang parang malat, tulad ng kay Lotte Lenya, mang-aawit – “one octave below laryngitis.” Puno siya ng buhay. Minsan, pinilit niya ang mga kaibigan na manood ng bidyo ni BLKD, rapper na kanyang paborito. Kapag nagra-rap na ang kalaban, panay ang sigaw niya: “Gago!”

Handa rin siyang maging sentro ng katatawanan. Nang minsang may humingi ng payo tungkol sa buhay mag-asawa, ang bungad niya, “Una sa lahat, congratulations. Nagkaroon ka ng relasyon na mas matagal sa kahit aling relasyon ko.” Ang tsismis, may nagmumultong white lady sa nabili niyang isla sa Laguna. “Hala kayo, Ma’am,” biro ng mga kaibigan, “dahil kilala kayong tagapagtatag ng Gabriela, magpapatulong sa inyo iyun.” Hanggang may nakaisip ng solusyon: Kapag lumabas na ang white lady, dapat sumigaw si Maita ng “Anti-mining! Anti-mining na ang advocacy ko ngayon!”

(5) Nagulat ang mga kaibigan ni Maita sa biglaan niyang pagpanaw. Alam nilang may diabetes siya pero larawan siya ng katatagan. Kahit mas bata sila, naisip nilang pupunta si Maita sa burol nila, hindi sila ang pupunta sa burol ni Maita. Ni hindi nila siya natanong tungkol sa gusto niyang mangyari kapag namatay siya. Nakasubaybay siya sa bawat yugto ng buhay nila, nagpapayo, nagbibigay ng inspirasyon. Marami pa siyang plano, katulad ng pagsulat ng kanyang memoirs. Ni hindi sila nakapagpasalamat sa kanya sa lahat ng itinulong nito sa kanila. Paanong bigla na lang siyang mawawala?

Totoo, ayaw ni Maita na pinag-uusapan sa publiko ang buhay niya. Pero ang kamatayan niya, na sing-bigat ng Sierra Madre, wika nga, ay naganap sa gitna ng mga kongkretong buhay na kanyang tinulungan at hinikayat. At iyan ay dahil gusto niyang makatulong sa bayang ito, sa Kilusang inaasam niya ang pagtatagumpay. Kahit sa kanyang kamatayan, nagbibigay siya – ng liwanag na hindi man natin laging masusunod ay pwede nating kuhanan ng direksyon. Nagpupugay tayo kay Maita dahil binubuhay ng salaysay niya ang pinakamahusay sa ating sarili bilang tao, progresibo, aktibista, at rebolusyunaryo.

25 Hulyo 2012

Kuha ang mga larawan ni Kenneth Guda ng Pinoy Weekly. Maraming salamat! Kakamatay lang ng hinahangaang radikal na mamamahayag na si Alexander Cockburn, at ang sumulat ng magandang parangal sa kanya, hindi inaasahan – si Louis Proyect. Pagbati kina Angela Stuart-Santiago at Katrina Stuart Santiago sa kanilang mga bagong libro! Ikinararangal kong  malagay sa likuran ng The Filipino is Worth Blogging For!

Pidol/Facifica

Nang mapag-usapan nitong huli si Dolphy – sa konteksto noon ng kanyang muntik-muntikang pagkamatay – at ang progresibong pagsusuri sa kanya, ang tanong ko: “Okey ba ang karakter niyang si Facifica Falayfay?” Sa isang banda, gusto kong magpatawa, na laging reaksyon sa pangalang iyan. Sa kabilang banda, talagang tanong ito sa ating panahong politically correct. Marami siyang napatawa, pero okey ba sa mga progresibo ang kanyang pagpapatawa? Ang posibleng sabit: ang pagganap niya bilang bakla.

Iyun pala, ang mismong pagganap niya bilang bakla ang nakahadlang sa pagiging National Artist o Pambansang Alagad ng Sining niya. Inamin ito ni Nicanor G. Tiongson, progresibong manunuring pangkultura at isa sa mga hurado sa parangal. Aniya, “Ang paniwala ko noon, ang dalawang icon na likha niya para sa pelikula at telebisyon… ay, sa mayorya ng mga pelikula niya, nagpapalabas na ang pagiging bakla ay kasingkahulugan ng abnormalidad at walang katuturang kaligayahan sa maliliit na bagay (frivolity)…”

Sinagot si Tiongson ng direktor na si Peque Gallaga sa isang panayam ni Angela Stuart-Santiago, kaibigang blogger. Ani Gallaga, ang pagganap ni Dolphy bilang bakla sa pelikula “ay sa isang banda siyang mas subersibong landas patungo sa pagtanggap [sa mga bakla] ng lipunang Pilipino, nang hindi nangangaral, nanenermon…” Dagdag pa niya, “Ginawang okey, hindi malaking problema ni Dolphy ang magpalit-damit at gumanap na bakla; sa puntong [ang ibang artista] ay hindi natakot ‛magbakla’…”

(Kakatwa ang itinuturong dahilan ni Gallaga kung bakit kinayang gawin ito ni Dolphy: “Karamihan ng kanyang manonood, alam na isa siya sa may pinakamalalaking ari sa industriya at siya’y 100 porsyentong ‛tunay na lalake’ sa sukatan ng pagkamacho sa kanto.” Nagawa niyang labagin sa pelikula ang namamayaning kalakaran ng mga kasarian dahil alam ng mga manonood na kampeon siya nito sa totoong buhay. Kumbaga, kinaya niyang sumugal sa papel dahil malaki naman ang puhunan niya.)

May punto si Gallaga. Kung magiging historikal tayo sa pagsusuri, dapat sukatin kung progresibo o hindi ang isang artista o isang bagay batay, una sa lahat, sa kanyang konteksto. Sa panahong iyun na hindi pa nakikita sa pelikula, na black and white pa noon, ang mga bakla, pagsulong na ang kanilang paglabas dito – bagay na nagawa ni Dolphy. Natural, istiryutipikal ang karakter, nakakompromiso sa kanyang panahon. Kahit ang kaisipan tungkol sa paglaya ng kababaihan, lumalaganap pa lang noon.

Saan nagkamali si Tiongson? Imbes na alamin o kilalanin ang historikal na konteksto ng mga naunang pelikula ni Dolphy, ipinataw niya ang pamantayan ng kasalukuyan sa nakaraan. Hindi historikal at isang kalabisan ang asahang may progresibong representasyon – lalo na’t “progresibo” sa pakahulugan ngayon – si Dolphy sa mga bakla sa panahong iyun. Positibo na ang nakita ang mga bakla sa pelikula, at posibleng naghawan ito ng landas sa anumang pagsulong sa pagtanggap sa mga bakla ngayon.

Hawig ito sa puna ni Elayne Rapping, feministang second wave sa US, sa galit at siphayo ng mga feminista sa lagay ng midya: “Isang dahilan kung bakit napakadaling ibasura [ng mga feminista] ang telebisyon ay dahil nalimutan na natin ang kalakaran bago ang dekada ’60. Parami nang parami sa atin… ang hindi sapat ang edad para maalala. At, dahil sa feminismo, lumobo ang ating ekspektasyon at hinihingi mula zero tungong infinity [Media-tions: Forays into the Culture and Gender Wars, 1994].”

Sa dulo, pwede namang pagsalubungin ang mga punto nina Tiongson at Gallaga. Magkabilang panig sila ng isang kaisahang masasabing diyalektikal: Pagsulong ang pagganap ni Dolphy na bakla kumpara sa nakaraan noon at sa panahong iyun mismo, pero kulang kumpara ngayon. Pero hindi ito nangangahulugan ng linyar na pag-abante tungo sa mas sulong; sa halip, makikita na may tunggalian kung saan ang pagkilala sa mga bakla ng lipunan ay maaaring may pag-abante at pag-atras sa pagtakbo ng panahon.

Kung pag-abante pala ang pagganap na bakla ni Dolphy sa mga una niyang pelikula, dapat na ba siyang maging National Artist? Isang aspekto lang ng pagiging “alagad ng sining” ang natalakay rito; kailangan pa sigurong suriin ang iba. Higit pa diyan, ano naman ngayon kung kilalanin siya ng Estado, na pakitang-tao lang ang pagsuporta sa sining at kultura? Maganda ang sabi ni Cong. Teddy Casiño ng Bayan Muna: Kilalanin man siya ng Estado o hindi, kinikilala na siya ng marami sa bansa. At iyun ang mahalaga.

12 Hulyo 2012

Galing ang mga larawan dito. Basahin ang magandang parangal ni Prop. Judy Taguiwalo kay Maita Gomez, kilala bilang dating NPA at beauty queen. Susulat din ako ng munting parangal.

KolonyalNation

Sunud-sunod ang kontrobersya ngayon tungkol sa mga patalastas na tinawag nang “rasista.” Una ang sa BAYO, sumunod ang sa Belo Medical Group, at humabol ang sa Executive Optical. Sa tatlo, malinaw ang pagbibigay-halaga sa Kanluraning modelo ng kagandahan at ang pagwawalang-halaga naman sa Pilipinong kulay at itsura. Magkakaiba rin naman ang kulay at itsurang tinatawag na “Pilipino” bagamat mas tumatampok ang pagkakatulad kapag inihambing sa Kanluranin.

Maaaring hindi sinadya ang mga kontrobersya: Baka matapang lang na naipahayag ang pagpapahalaga na malay na tinatanganan pero itinatago o hindi malay na tinatanganan pero namumuo. Maaari rin namang sinadya: Dahil publisidad pa rin ng produkto o serbisyong ibinebenta ang kontrobersya. Kung sinadya man, malinaw ang iniisip ng mga promotor: Hindi makakasama sa matagalan sa kikitaing tubo mula sa produkto o serbisyo kahit ang negatibong reaksyon sa rasistang patalastas.

Ang sigurado, hindi lahat ng kumondena sa mga rasistang patalastas, at sa gayo’y lumikha ng kontrobersya hinggil sa mga ito, ang kumondena rin sa mga sumusunod:

>> Sa larangang militar, sa pag-iisip ni Pang. Noynoy Aquino na humiling sa US na magpalipad ng mga eroplanong pang-espiya sa pinaglalabanang teritoryo sa South China Sea – laban sa Tsina, syempre. Na sinagad ni Sen. Gringo Honasan sa pagpanawagang mga tropang Kano ang aktwal na dalhin sa naturang teritoryo, para kunwari’y maging “barangay tanod” ang mga ito. Gusto ng gobyerno na maging matikas laban sa Tsina, pero ang paraan nito, todong pagsandig sa US.

>> Sa larangan ng ekonomiya, sa “pagpapautang” ng Pilipinas ng $1 Bilyon sa International Monetary Fund, sa batayan, ayon kay Gob. Armando Tetangco Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na “Miyembro tayo ng pandaigdigang komunidad ng mga bansa…” na dinodomina syempre pa, ng pinakamalalakas na bansa – ang mga abanteng kapitalistang bansa, pangunahin ang US. Katunayan, ang gamit ng gobyerno sa “pandaigdigang komunidad” ay pamalit-salita lang sa “US.”

>> Sa pagyayabang ng gobyernong Aquino, sa pagtuntong nito ng dalawang taon sa pwesto, na “Kinatangian ang dalawang taong ito ng tunay, makabuluhang pagbabago: sa pagpapatakbo ng gobyerno, [at] sa kung paano tinitingnan ang bansa ng internasyunal na komunidad…” Karugtong nito ang diskursong nagsasabing kapag may tiwala ang ibang bansa – katunaya’y ang pinakamayayamang bansa – sa Pilipinas, dadaloy ang pamumuhunan at kasunod ang empleyo at kaunlaran.

Ang kailangang ilinaw: ang rasismo, tulad ng iba pang isyung pangkultura, ay hindi lang isyung pangkultura. Nakaugat ang pagiging dominante ng Kanluraning modelo ng kagandahan sa aktwal na dominasyon ng Kanluran sa ekonomiya, pulitika, at militar ng mundo. Sa aktwal na tinakbo ng kapitalismo, mga makapangyarihang bansa sa Kanluran ang naging dominante, at sa batayan ng pagiging dominante nila naipataw-ipinataw ang kanilang kultura at modelo ng kagandahan.

Dahil sa kolonyalismo at imperyalismo, ang mga matang gamit natin sa pagtingin ng “maganda” ang siya ring gamit natin sa pagtingin ng “maunlad,” “mahusay,” at maging “demokratiko.” Hangga’t hindi lumalaya ang bansa sa dominasyon ng mauunlad na bansa sa Kanluran, pangunahin ang US, lagi’t laging may rasismo, iwawalang-halaga ang kulay na kayumanggi at itsurang Pilipino.

04 Hulyo 2012

Galing ang larawan sa Facebook. Maanghang ang banat ni Slavoj Zizek sa mga kritiko niya. May bagong sulatin si Salud y Benedicto. Magandang paggunita ni Elmer Ordoñez sa dekada ’30. Maganda ang parangal ni Anton Dulce kay Arman Arbarillo.

Key Plas Tsuwelb

Isang susing patakarang neoliberal ang K+12 na ipinapatupad ng gobyernong Aquino. Nakadireksyon ito sa mga batayang tunguhin ng mga patakarang neoliberal hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo: ang gawing mura ang lakas-paggawa at kaltasan ang subsidyo sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon. Makikinabang dito ang malalaking kapitalista: ibayo nilang mapagsasamantalahan ang mga manggagawa at mamamayan at makokopo nila ang pondo ng pamahalaan.

(1) Hindi lang sa hindi sinosolusyonan ng K+12 ang mga lantad na suliranin ng sistema ng edukasyon sa bansa gaya ng matinding kakulangan ng mga klasrum at guro. Ang totoo’y bahagi ito ng pagtakas ng gobyerno sa tungkuling subsidyuhan ang edukasyon, sa tungkuling ibigay ang edukasyon sa mga mamamayan bilang karapatan. Higit pa diyan, papasahulin ng K+12 ang pagiging kolonyal, komersyalisado, at pasista ng sistemang pang-edukasyon sa bansa.

(a) Papatindihin nito ang katangiang kolonyal ng namamayaning sistemang pang-edukasyon. Sa pagpapalaganap ng edukasyong teknikal-bokasyunal, mas direkta nitong inihahanda ang mga kabataan at estudyante sa pagtatrabaho para sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at bilang migrante sa ibang bansa. Sa pagsinsin nito ng kontrol sa nilalaman ng kurikulum, tiyak na mas papaigtingin nito ang maka-imperyalista at maka-naghaharing uring nilalaman ng edukasyon. Hindi rin dapat ipagdiwang per se ang paggamit ng K+12 ng iba’t ibang lokal na wika sa bansa sa pagtuturo; nangangahulugan ito ng mas epektibong kolonyal na pagtuturo sa mga kabataan at estudyante sa layuning hindi makabayan kundi kontra-makabayan. Lalong gagawing pabrika ng mga manggagawa para sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal ang sistemang pang-edukasyon.

(b) Papatindihin nito ang katangiang komersyalisado ng sistemang pang-edukasyon. Dahil sapat na ang hayskul para makapagtrabaho, lalo nitong ginagawa at pinagmumukhang pribilehiyo ang edukasyong pangkolehiyo na laan lang sa “mas mataas” na pag-aaral. Alinsunod ito sa matagal nang direksyon ng gobyerno na kaltasan ang subsidyo sa edukasyong pangkolehiyo at akitin ang mga kapitalista-edukador na mamuhunan sa larangang ito. At dahil edukasyong hayskul na ang magiging rekisito sa pagtatrabaho, lalong magiging mas desperado ang mga pamilya na tiyaking makapagtapos dito ang mga kabataan at estudyante. Matabang lupa ito para takasan din ng gobyerno ang pagsubsidyo sa edukasyong panghayskul at akiting mamuhunan dito ang mga kapitalista-edukador.

(c) Papatindihin nito ang katangiang pasista ng sistemang pang-edukasyon sa bansa. Sa batayang katangian nito ng pagdidiin sa edukasyong teknikal-bokasyunal, at sa pangkalahatan nitong tunguhin na mas idireksyon ang edukasyon sa pagtatrabaho sa malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at bilang migrante sa ibang bansa, lalo nitong papawiin ang posibilidad ng pagkakaroon ng kritikal at makabayang na pag-iisip sa hanay ng mga kabataan at estudyante. At dahil uudyukan nito ang paglaban ng mga kabataan at estudyante, hindi man sadya, sa mga patakarang nagpapatindi sa kolonyal at komersyalisadong edukasyon, tiyak na gagamit ng pandarahas ang gobyerno para supilin ang naturang paglaban.

May isang anekdota tungkol kay Margaret Thatcher, dating punong ministro ng Inglatera na pasimuno ng neoliberalismo. Nang minsang dumalaw siya sa isang unibersidad, tinanong niya ang isang estudyanteng nakasalubong kung ano ang kurso nito. Nang sabihin nitong Kasaysayan, ang sagot niya: “Ay, ano’ng luho! (Oh, what a luxury!)” Ang gusto ni Thatcher, ang gusto ng gobyernong Aquino: edukasyong mas nakadireksyon sa pangangailangan ng pagtatrabaho. Marahil, sa ilalim ng K+12, hindi ituturo si Andres Bonifacio bilang lider ng rebolusyong 1896, kundi bilang manggagawa. At kung rebeldeng manggagawa rin siya, mas malamang na hindi na lang siya ituro, o pasadahan na lang nang mabilis.

(2) Hindi solusyon ang K+12 sa malaganap na kawalang-trabaho sa bansa. Higit pa diyan, nasa balangkas ito ng kontra-manggagawa at kontra-mamamayang patakaran ng gobyerno sa “paglikha” ng trabaho – ang mang-akit ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal para mamuhunan sa bansa sa pamamagitan ng paghahain ng mura, bukod pa sa siil, na lakas-paggawa, at ang itulak ang mga manggagawa at mamamayan na mangibang-bayan para lang makapagtrabaho. Hindi mga mamamayan ang makikinabang sa K+12 samakatwid, kundi ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal na magsasamantala sa murang lakas-paggawa.

(a) Gagawing mas sistematiko ng K+12 ang pagpoprodyus ng sistemang pang-edukasyon ng mga manggagawang “semi-skilled” at sa gayon ay mura – mababa ang sahod, kontraktwal ang katayuan, pinagkakaitan ng benepisyo at seguridad sa trabaho. Sa kalagayang hindi aktibong lumilikha ang gobyerno ng trabaho at nakasandig ito sa malalaking kapitalista sa paglikha ng trabaho, mangangahulugan ang K+12 ng ibayong pagdami ng manggagawang “semi-skilled.” Mura na nga per se ang manggagawang “semi-skilled,” sa pagdami pa ng suplay nito, lalong dadami ang mag-aagawan sa trabaho at sa gayo’y lalong mapapababa ng gobyerno at mga kapitalista ang halaga ng lakas-paggawa ng mga manggagawa. Sinumang gustong umalis sa trabaho ay may kapalit na sampu-sampu, kundi man daan-daan.

(b) Babawasan ang mga nagtatapos ng edukasyong pangkolehiyo dahil hindi mga manggagawang “semi-skilled” ang pinoprodyus nito. Sa ganitong pagtingin, ang edukasyong pangkolehiyo ay nagdadagdag ng halaga sa lakas-paggawa – na hindi naman masalubong ng mga nakahaing trabaho. Ito ang tinatawag ng gobyerno na “jobs mismatch”: maraming nagtapos sa kolehiyo na nag-aasam ng mga trabahong wala naman, kaya kailangan ng “re-skilling” para makapasok sa mga trabahong nariyan. Sa mata ng gobyerno, sayang lang ang ginagastos ng maraming nagtatapos sa edukasyong pangkolehiyo. Ang hakbangin nito: mas itulak ang mga kabataan at estudyante sa edukasyong nakadireksyon sa mga trabahong nariyan at tanggalin na lang ang dagdag-gastos na edukasyong pangkolehiyo.

(3) Kasabay ng pagpapatupad ng K+12, ipinapatupad din ng gobyernong Aquino ang Two-Tiered Wage System na nangangahulugan ng pagkaltas sa sahod ng mga manggagawa at pagpako nito sa napakababang antas. Ipinapatupad din nito ang Department Order No. 18-A Series of 2011 na nagpapalaganap ng kontraktwalisasyon sa balatkayong kumokontra rito. Malinaw ang nabubuong larawan: may kampanya ang gobyernong Aquino na ibayong pababain ang halaga ng lakas-paggawa sa bansa. Sa harap ng matinding pandaigdigang krisis pang-ekonomiya at pampinansya, na kinakatangian ng pagkaunti ng pamumuhunan at malaganap na kawalang trabaho, ang ginagawa nito’y gawin pang mas mura ang lakas-paggawa sa pag-asang makakapagdulot ng kahit kaunting pagdami ng may trabaho.

Pero hindi malulutas ang kawalang-trabaho ng mga hakbanging ito. Nasa balangkas silang lahat ng napatunayan nang palpak na programa ng “paglikha” ng trabaho sa bansa. Lalo lang nilang isasadlak ang mga manggagawa at mamamayan sa mas matinding pagsasamantala, kahirapan at kagutuman sa kamay ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal. Tinatawagan ang mga kabataan, estudyante, manggagawa at mamamayan na lumaban para ibasura ang K+12 at mga kaakibat nitong patakaran at para labanan ang gobyernong Aquino na kasabwat ng malalaking kapitalista sa ibayong pagsasamantala, na pinagmumukha pang maganda ang mas matinding pagdurusa ng sambayanan.

20 Hunyo 2012

Galing ang mga drawing ni Da Vinci dito.

Berso sa Bilangguan

Marami ang nakakakilala ngayon kay Alan Jazmines bilang bilanggong pulitikal sa ilalim ng rehimen ni Noynoy Aquino. Kinikilala siya ng National Democratic Front of the Philippines bilang konsultant sa usapang pangkapayapaan nito sa gobyerno ng Pilipinas. Marami pa rin ang nakakaalala sa kanya bilang pangkalahatang kalihim ng itinayong Partido ng Bayan noong 1987, kung saan si Prop. Jose Ma. Sison ang naging tagapangulo. Mas malamang, mas kaunti ang nakakaalala sa kanya bilang makata.

Hindi ko rin naman siya natatandaan bilang makata, bagamat ilang tula na niya ang nabasa ko. Mas tumatak sa akin na makata siya dahil sa isang kaibigan, na bagamat sumisimpatya sa Kaliwa ay kritikal sa pagtula ng mga aktibista. Sa pagtingin ng kaibigang ito, marami sa mga makatang aktibista ang gumagamit ng mabibigat na salita – kamao, dugo, rehas, mapulang bukang-liwayway – na bukod sa gasgas na ay hindi nabibigyan ng bagong buhay. Parang basta inilalagay, walang kongkretong pag-uugnay.

Anu’t anuman, tatlong makatang aktibista lang ang pinuri ng naturang kaibigan: si Sison, si Gelacio Guillermo, at si Jazmines. Kahit nga sa pagpuri ay madamot siya: may mga “cute na linya” raw si Jazmines kaya bukod-tangi. Kaya naman nang aksidenteng makita ko ang librong Moon’s Face and Other Poems [1991] ni Jazmines sa bahay ng isa pang kaibigan, agad ko itong hiniram at binasa. Para sa tulad kong hirap magbasa at umunawa ng tula, simple at madaling maunawaan ang kalakhan ng tula ni Jazmines.

Isinulat ni Jazmines ang mga tula sa Moon’s Face habang nakapiit bilang bilanggong pulitikal ng diktadurang US-Marcos noong 1982 hanggang Pebrero 1986. Sa kanyang panghuling salita, iniugnay ng kritikong si Lilia Quindoza-Santiago ang pagtula ni Jazmines sa pagtula ng maraming bilanggong pulitikal. Sa kanyang paunang salita naman, pinasaklaw pa ng kritikong si Elmer A. Ordoñez ang pagkukumparahan – ang mahabang tradisyon nina Balagtas, Rizal, at Amado Hernandez ng pagsulat sa piitan.

Kung tutuusin, pandaigdigang tradisyon ito ng mga progresibo sa partikular at mga rebelde sa pangkalahatan. Simula kay Vladimir Lenin hanggang kay Ho Chi Minh, simula kay Antonio Gramsci hanggang kina George Jackson at Mumia Abu-Jamal, nagsulat ang mga progresibo sa kulungan. Ang sabi ng isang akademikong kontra-Kaliwa, sa piitan lang nagkakaroon ng katulad ng “sabbatical leave” ng akademya ang mga rebolusyonaryo – na para bang napakainam ng kalagayan dito para magsulat.

Sa mga tula ni Jazmines, makikita ang pagpapatibay, kung hindi man pagpapatalas, sa kanyang paninindigan, sa kalagayang gusto itong pahinain at papurulin ng mga nagpiit sa kanya. Pinatigil man siya sa paglaban sa labas ng piitan, patuloy siya sa paglaban sa loob, sa hangaring makasanib muli sa paglaban sa labas. Ang panahong ginagamit na armas laban sa kanya ng kaaway, itinatransporma niyang armas laban sa kaaway. Ang espasyo na pinapakitid sa kanya, nilalampasan niya gamit ang kamalayan at alaala – para, syempre pa, sa aktwal na pisikal na pag-alpas para bumalik sa pakikibaka sa labas.

Sa isang tula, inilarawan ni Jazmines ang kroniko o papasahol na krisis ng lipunan sa antas na personal, parang nagkukwento lang, at nang nakakaantig ng damdamin. Ipinakita niya ang pagkitid ng larangan ng maniobra ng maralita para magdiwang, kahit sa isang panahong pinalalabas ng namamayaning kultura na nagdiriwang din sila.

Disyembre 25, 1983

Minsan nga’y
ibinili ako ni Nanay
ng bagong damit
sa palengke. Pinagpag
niya ang kanyang
pinakamagandang nasa aparador
at namasyal kami sa Luneta.
Ang di-matapos-tapos na kwentuhan
ay pinangibabawan na lang
ng pagod at antok.

Noong isang taon nama’y
hindi na kami lumayo
pero nagpista naman kami
sa puto-bumbong,
mantikilya’t tsokolate
bago matulog.

Ngayo’y niyakap niya ako
nang ubod-higpit
at binati na lang ako
nang walang imik
bago matulog.

Sa isa pang tula, ipinapakita niya ang mahigpit na ugnayan ng pang-araw-araw na aktibidad ng mga aktibistang nakikipamuhay sa mga magsasaka, at marahil ng mga New People’s Army rin, sa matayog na pag-unawa sa halaga ng naturang mga aktibidad. Puno ng kabuluhan ang tahimik na pagsusulong ng gawain sa hanay ng maralita.

Ang mga Naglalamay

Kaunting kaluskos.
Mahinang kaskas ng pawid.
Munting kiskis. Nagkakilala
ang mga mata’t pisnging
bumilog sa bahid ng sindi.
Marahang pagbubukas ng pinto.
Pahid ng putikang
mga paa sa basahan.
Mahigpit na daupang-palad.
Maliksing pagbaba
ng tuyong mga paa. Sandali’y
kumukulo na ang kape. Sunud-
sunod na pahid ng putikang
mga paa sa basahan.
Mahigpit na daupang-palad.
Mahinang mga usapan. Umuusok
pa ang kape. Sunud-
sunod na pagbaba ng mga paang
kumakalat at kumakaluskos
sa gabing kagampan
sa bukang-liwayway.

Sa isa pang tula, napakalinaw ang pagkabig sa mga nasa panggitnang uri, sa kabila ng titulong magbibigay ng akalang itataboy sila. Ang konteksto: ang mga rali sa Makati noon laban sa diktadurang US-Marcos na binubuhusan ng confetti ng mga nasa panggitnang uring nasa mga gusali sa nasabing lungsod. Kaalinsabay, pinapaigting sa kanila ang mga personal na kontradiksyon sa harap ng paglaban ng sambayanan.

Confetti Revolutionaries

At the din
you stir
to open your windows
and let pass that shot
that has hung
in the hollows
of your high-rise
edifices.
A fisty air
rushes in
from the sweating ground
and shatters
your shut-in office cool.
You shed dead files,
yellow matter
and other scrap,
shred them
and throw them
out of windows,
each shred
pantomiming
the inevitable fall,
in terms so genteel
you sojourn to the ground
for a look-see
at the lithe
touchdown of paper.

Instead you meet
a heavy,
heaving,
sweating
groundswell
to whom you are
welcome confetti.

It rises to absorb you.

You shudder an instant,
weighing your own readiness
to go farther
than the paperwork.

Sa liham niya kay Quindoza-Santiago, mapagkumbaba si Jazmines. Aniya, dahop ang kanyang pampanitikang background, wala siyang nalahukang palihan sa pagtula, hindi pa nakikinabang sa kritikal na pagsuri sa kanyang mga tula, at hindi siya pamilyar sa mahuhusay na makata. Pero taliwas dito ang paghusga ni Quindoza-Santiago: inalpasan ni Jazmines ang lahat ng limitasyon sa pamamgitan ng paghasa ng kanyang pagtula sa gitna ng pakikibaka – at, maidadagdag, kahit sa laylayan nito, sa loob mismo ng piitan.

Sa kanyang panayam nitong huli sa Pinoy Weekly, simple at matalas ang paliwanag ni Jazmines sa “tungkulin at halaga” ng mga progresibo at rebolusyunaryong alagad ng sining: “Halos katulad ng sa mga rebolusyonaryong edukador at propagandista…” Aniya, “Napag-iibayo [nila] ang paggising sa rebolusyonaryong kaisipan at damdamin… sa iba’t ibang mapanlikhang paraan…” Sa Moon’s Face, nagpapakita si Jazmines ng mahusay na pagtangan sa naturang tungkulin at mahusay na pagsasabuhay ng naturang halaga.

14 Hunyo 2012

Galing ang unang larawan dito, ang ikalawa at ikatlo dito.

Matapos ang 9/11, bakit pwede na ulit wasak-wasakin sa pelikula ang Manhattan, gaya ng ipinapakita ng pelikulang Avengers? Heto ang rebyu ni J. Hoberman para sa isang sagot.

May magagandang pagmumuni si Terry Eagleton tungkol sa ugnayan ng Katolisismo sa Marxismo, sa papel ng mga intelektwal sa kasalukuyan, at pagbalik-pansin sa porma sa mga likhang-sining.

Tama si Angela Stuart-Santiago: Kailangang maging mapagbantay sa panibagong Visiting Forces Agreement. Tama rin si Arnold Padilla: Ang ipinagmamalaking pag-unlad ng gobyerno, walang patrabaho, at nagpapahirap pa sa mahirap.

Sino’ng mang-aawit ang paborito ng anti-imperyalistang intelektwal na si Norman G. Finkelstein?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 144 other followers