Tag Archives: digmaang Pilipino-Amerikano

Salamat at Paalam, Howard Zinn

“Huy, patay na raw si Howard Zinn…” Sa ganitong mensaheng text ko nalaman na patay na si Zinn, ang Amerikanong sosyalista-anarkistang historyador, intelektwal at aktibista – salamat sa isang kaibigang alam ang paghanga ko kay Zinn. Para bang kaibigan o paboritong mang-aawit ang namatay, at hindi malayo sa ganyan ang pagmamahal ko kay Zinn bagamat nakilala ko lang siya sa mga libro at sanaysay niya.

Kilala si Zinn bilang nagsulat ng A People’s History of the United States [1980], ang bantog na librong nagrepaso sa kasaysayan ng Amerika mula sa perspektiba ng mga mamamayan nito, at bumago sa pagtingin ng marami – ng isang henerasyon, sabi ng isang nagbigay ng parangal – sa kung sinu-sino ang bayani at kung sinu-sino ang kontrabida sa kasaysayang iyun. Pero hindi lang siya nagsulat, bagamat makabuluhan ang mga isinulat niya, kundi aktibong nakilahok din sa iba’t ibang pakikibaka ng mga mamamayan ng US at ng daigdig sa buong panahon ng mahabang buhay niya.

Mas sikat sa kanya ang kaibigan niyang sosyalista-anarkista na si Noam Chomsky, bagamat hindi siya malayo. Katulad ni Chomsky, kilala siya sa mga sulatin sa iba’t ibang usapin sa US at mundo. Kaiba kay Chomsky, kilala siya sa magaang na estilo ng pagsulat, na parang nagkukwento lang lagi. Mas tining sa mga akda niya ang pag-asa, na kahit malakas sa kasaysayan ang masasamang iilan sa mundo, laging lumalaban ang karaniwang tao, at nagdudulot ng pagbabago. Kaiba kay Chomsky, mas kilala siyang magaling magtalumpati sa harap ng maraming tao – sa mga kumperensya man o rali.

Sa kanyang mga sulatin, makabuluhan ang simple bagamat mahalagang pag-iiba niya sa maraming bagay: sa Estado at mamamayang Amerikano, sa mga sundalo at mga opisyales nila, sa mga batas at diwa ng mga batas, sa pagkokomentaryo at paglahok sa protesta, sa mga pangako at mga reyalidad, sa terorismo ng mahihina at ng malalakas.

Dati, nakikita ko sa estante ng isang sikat na bilihan ng libro ang You Can’t be Neutral on a Moving Train [1994], ang memoir niya na inilathala niya sa panahong mayabang na ipinoproklama ng kapitalismo na ito ang nagtagumpay sa paglaban sa sosyalismo, na ito pa nga ang “katapusan ng kasaysayan.” Inilabas ni Zinn ang libro dahil gusto niyang mang-agit, buhayin ang pag-asa ng mga kapwa-radikal, at ipakitang ang malalaking pag-aalsa ay nagmula sa una’y maliliit na pagkilos ng mga karaniwang tao.

Salamat sa BookSale, nabili ko rin ang libro ilang taon pagkatapos. At mula noon, hinikayat ko na ang maraming kaibigan na basahin din ang mga libro niya – at maging kritikal din sa ilang bahagi ng mga ito. Maganda ang komento ng mga kapwa-aktibista, nagpatatag din sa paniniwala nilang makatarungan ang paglaban sa bulok na sistema at posible ang tagumpay ng pakikibaka. Kaya noong namatay si Zinn, sabi ng isang kaibigan, si Zinn ang binabasa niya noong ipinagbubuntis niya ang kanyang anak.

Sa kanyang memoir, ikinwento ni Zinn ang mahabang proseso ng pagkamulat niya sa kabulukan ng pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya at pampulitika na dinodomina ng mga naghaharing uri ng US. Malaking bahagi ng pag-asang ibinabahagi ng libro ang galing dito: sa personal na pagkamulat ni Zinn, gayundin ng mga kasabayan niya at ng mga taong sinikap niyang imulat – at, higit sa lahat, ng kanilang pagkilos nang tuluy-tuloy at mula sa maliit patungo sa malaki para sa pagbabago.

Naging piloto siya ng Air Force ng US noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at lumipad sa isang misyong nambomba ng isang bayan sa Europa. Noong nakita niya ang epekto ng pambobombang iyun sa mga larawan, nagulantang siya at unti-unting nabago ang pagtingin sa gera. Noong nasa militar siya, may mga kapwa-sundalong nagpaliwanag sa kanya: hindi demokrasya at pasismo ang naglalaban, kundi mga imperyalista para sa sari-sariling yaman at kapangyarihan. Hindi gustong lumahok sa gera ng nasabing mga sundalo; ang gusto nila’y imulat ang mga katulad ni Zinn.

Pagkatapos ng gera, naging propesor siya sa isang kolehiyong marami ang mga Aprikano-Amerikano, ang Spelman College, at naging estudyante niya ang manunulat na si Alice Walker. Dito, kahit puti, lumahok siya sa paglaban ng mga Negro para sa mga karapatang sibil. Sinuong niya ang panganib ng pakikibakang ito, at lumahok pa nga sa mga civil disobedience na nag-imbita rin ng panunupil ng Estadong Amerikano.

Lumahok din siya sa paglaban ng mga mamamayang Amerikano kontra sa gera sa Vietnam. Noong minsang magpapalaya ng bihag na sundalong Amerikano ang hukbong mapagpalaya ng sambayanang Vietnamese, isa siya sa dalawang tinukoy na mapagkakatiwalang Amerikano na pinag-abutan ng bihag at pinagdala ng mensahe sa presidente ng US. Siya ang unang intelektwal na malinaw na nanawagan sa gobyernong Amerikano na kumalas na sa Vietnam, sa pamphlet na kanyang isinulat. Hindi ba’t kailangan ng rebolusyong Pilipino ang ganyang magigiting na alyado?

Sa kanyang buong memoir, mababasa ang aktibong paglahok niya sa napakaraming martsa at pulong-bayan, ang pagharap niya sa maraming korte sa iba’t ibang kasong kinasangkutan niya at ng mga radikal na tinulungan niya, ang paglaban niya sa pamunuan ng Boston University kung saan siya nagturo at ginipit ng mismong pangulong si John Silber, ang pakikipagkaibigan niya sa maraming radikal at progresibo, at ang kanyang walang maliw na pag-asa sa kakayahan ng mga tao at masa.

Sa isang banda, sosyalista si Zinn. Mataas ang respeto niya sa Marxismo at mga Komunista. Sabi niya, hindi malupit na burukrata ang imahe niya ng Komunista – na siyang pinapalaganap ng mga anti-Komunista – kundi ang tito ng isang kaibigan niyang umuwing bugbog-sarado, pinagtulungan ng mga maton ng isang kapitalista – dahil pangahas na nagsikap mag-organisa ng unyon sa kumpanyang pinapasukan niya.

Sa isang bahagi ng Original Zinn [2006], koleksyon ng mga panayam sa kanya, inilahad ni Zinn kung paano niya pinapahalagahan ang Marxismo. Para sa kanya, tampok sa Marxismo ang pagsuri sa mga uri sa lipunan, at sa tunggalian ng mga ito – na kinakasangkutan ng iba’t ibang pwersa sa lipunan, mulat man ang mga ito o hindi. Sangkot din, aniya, sa tunggaliang ito ang mga ideyang namamayani, lumalaganap at umuusbong. Sa isa niyang sulatin, dama ang paghanga niya kay Marx kahit, pabiro niyang sinabi, posibleng nabuntis ng dakilang lider-Komunista ang kanilang katulong.

Pero sa kabilang banda, hindi Komunista si Zinn at para sa kanya, binaluktot ni Stalin ang kahulugan ng sosyalismo. Bukod sa katangian ng mga Estado sa mga lipunang kapitalista, ang katangian ng mga Estado sa mga lipunang sosyalista ang isang dahilan kung bakit wala siyang tiwala sa Estado. Bahagi siya ng umusbong na “New Left” noong dekada 1960 sa US at mga bansa sa Europa, na ganito ang mga paniniwala.

Pero malinaw ang kiling niya: sa pagitan ng mga Komunista at maka-imperyalista, mas kakampi siya sa mga Komunista. At kung hindi man siya sang-ayon sa mga prinsipyo ng mga Komunista, malinaw at magalang ang kanyang prinsipyadong dahilan.

Sabi niya, hindi nasisira ng karanasan ng Unyong Sobyet ang paniniwala niya sa sosyalismo, kung paanong hindi rin nasisira ng karanasan ng Estados Unidos ang paniniwala niya sa demokrasya. Parehong ideyal na sinisikap kamtin ang sosyalismo at demokrasya sa pakahulugang ito. Bagamat hindi sasang-ayunan ng pilosopong Pranses na si Alain Badiou ang ganitong pagtingin sa demokrasya, magkakaisa naman sila sa sinabi ng huli na “Ano’ng kalokohan! Kapag usapin ng pagbabagsak sa pagdomina ng mayayaman at karapatan sa kapangyarihan, na tumagal na nang mile-milenyo, nakasandig ang pagtutol [ng mga kritiko ng sosyalismo] sa 70 taon ng mabuway na paghakbang, karahasan at mga krisis!” – ang Unyong Sobyet, Tsina at iba pang bansa.

Si Zinn ang nagkumpirma ng matagal ko nang hinala: na ang matitino at mahuhusay na progresibo sa ibang bansa ay may partikular na pagpapahalaga sa Pilipinas. Sa libro niyang A People’s History of American Empire: A Graphic Adaptation [2008] kasama sina Mike Konopacki at Paul Buhle, na bersyong komiks ng lumaganap niyang aklat sa tungkol sa kasaysayan ng US, may isang kabanata: “Ang Pagsakop sa Pilipinas.”

Bagamat lumalabas sa salaysay niya na tunay na makabayan si Emilio Aguinaldo – at hindi kolaborasyunista sa dayuhang mananakop – naipakita niya ang panlilinlang ng gobyernong Amerikano sa mga Pilipino at, gamit ang mga pahayagan noon, sa mga Amerikano mismo. Ipinakita niya ang pandarahas, higit sa lahat, ng imperyalismo sa bansa na pumatay ng mahigit 4,000 katao sa digmaang Pilipino-Amerikano na inamin ni Hen. Arthur MacArthur pagkalaon na sinadyang paputukin ng mga Amerikano.

Maraming datos ang ipinapaalala niya. Pinakamalaking bangkete pala sa kasaysayan ng US ang pinag-anunsyuhan ni Presidente William McKinley ng pagsakop sa Pilipinas – 400 waiter para sa 2,000 kumain. Tinutulan ng mga lider ng mga Aprikano-Amerikano sa US katulad ng sosyalistang si W.E.B. DuBois ang gera sa Pilipinas, kung saan ginamit ding representasyon ng mga Pilipino ang mga Negro. Sa Pilipinas naimbento ang water cure bilang porma ng pagtortyur sa mga kaaway ng imperyalismo. Mariing tinutulan ni Mark Twain, sikat na manunulat na Amerikano, ang pananakop at gera sa Pilipinas.

Ipinapaalala niya ang “Labanan sa Bud Dajo” noong 1906 kung saan 900 Muslim, bata at matanda, ang pinatay ng mga Amerikano. Bago nito, lumikas ang 900 sa pananakop ng US, nanirahan sa bunganga ng tahimik na bulkan, at mula doo’y nakipaglaban sa mananakop. Inutusan ang mga tropang Amerikano na arestuhin o patayin ang 900 katao. Ang nag-utos: si Hen. Leonard Wood – na siyang naging pangalan ng kampo kung saan nagsanay ang mga sundalong nang-tortyur sa Abu Ghraib noong 2004.

Sa kabila ng buong-buhay at pursigidong paglaban niya sa mga digma ng agresyon ng US at iba pang makapangyarihang bansa, at pagtataguyod ng kapayapaan sa buong mundo, hindi mananalo si Zinn ng Nobel Peace Prize. Hindi rin naman niya bukod-tanging ikakarangal kung mapanalunan nga niya ito. Pero ipinapakita nito ang klase ng kapayapaan na pinapahalagahan ng sistemang ito, at ang klase ng mga taguyod ng kapayapaan na gusto nitong parangalan at itanghal sa mga tao sa mundo.

Kaya katulad ng ginagawa namin noon sa paaralang pampubliko kapag paalis na ang titser, tumatayo ako ngayon at nagsasabing “Salamat at paalam, Howard Zinn.” At katulad ng mga guro ko sa paaralang pampubliko, hindi ko malilimutan si Zinn, at buong-buhay akong magpapasalamat sa mga aral at halimbawang ibinahagi niya.

03 Marso 2010

Inisa-isa ni Gary Leupp ang mga distorsyong ginagawa ng midyang Amerikano sa rebolusyong nagaganap sa Nepal.

May mahabang tugon si Diwa Dimagiba sa paggamit sa “Cory Magic” ng kampanya ni Noynoy Aquino.

Heto ang isang maikling patotoo sa aktwal at kongkretong pagbabagong naidulot ng Dakilang Rebolusyong Pangkultura sa mga mamamayang Tsino.

Nababanggit na lang din si Alain Badiou. Pilosopong overrated daw siya? Ito ang opinyon ni Levi R. Bryant.

Talagang in-effort at kinarir ni Kenneth Roland A. Guda ang huling entri niya tungkol sa kahangalan nitong si Maj. Gen. Jorge Segovia kaugnay ng Morong 43.

May tula ang makabayang makatang si Mark Angeles kaugnay ng iligal na pagdakip sa Morong 43.

Heto ang parangal ni Eddie Vedder ng Pearl Jam kay Zinn. Kaya ba may komentaryo sa lipunan ang sikat nilang kantang “Jeremy”?

Bisitahin ang napakagandang arkibo ni Prop. Dante L. Ambrosio ng mga publikasyon at pahayag na radikal noong panahon ng Batas Militar ni Marcos.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 148 other followers