Noong Mayo 22, naglabas ang Philippine Daily Inquirer ng editoryal na pinamagatang “Ka Bel,” parangal kay Crispin “Ka Bel” Beltran – maka-Kaliwang lider ng kilusang manggagawa at kilusang masa sa bansa, na namatay noong Mayo 20 sa edad na 75.
Kung gagawing pamantayan ang mga artikulong lumalabas sa PDI, puwede nang ikatuwa ng mga kasama’t kapanalig ni Ka Bel ang buong editoryal – maliban na lang sa bahaging ito:
“Hindi kasalanan ni Beltran na ang prinsipyong buong-buhay niyang ipinaglaban, ang karapatan ng mga manggagawang mag-organisa sa sariling hanay, ay nabawasan ng kaunting kakagyatan nito at nawalan ng pang-akit. Nagiging manipis ang hanay ng mga manggagawang organisado, sa Pilipinas gayundin sa ibang bansa. Sa kalakhan, resulta ito ng paghusay ng mga kalagayan sa paggawa. (Lagi itong kahinaan kay Marx, ang kawalan ng kakayahang makitang maaaring may kapasidad ang kapitalismong pagalingin ang sarili [self-healing capacity].)”
Dagdag pa nito, “[K]ahit may naliliwanagang mga may-ari ng negosyo o modernong mga praktika sa pagnenegosyo, nasa panganib pa rin ang mga manggagawa. (Ito ang katangian ng malayang pamumuhunan.)”
(1) Implikasyon
Ano ang sinasabi nito? Na lipas na ang batayang mga prinsipyong isinabuhay ni Ka Bel, at ang pagtunggali sa masasamang rehimeng tulad ng kay Arroyo na lang ang makabuluhan sa buhay at pakikibaka niya. Na, kung batayang mga prinsipyo niya ang pag-uusapan, okey siya noong panahon niya – pero hindi na ngayon. Na, kung posisyong pampulitika ang pagbabatayan, kasing-halaga lang siya ng sanlaksang personalidad na kontra-Arroyo – mula kay Fortunato Abat, halimbawa, hanggang kay Manuel L. Quezon III.
Gusto ng sumulat ng editoryal ng PDI, sa madaling salita, na bigyan ng huling parangal si Ka Bel at ng disenteng libing pagkatapos – sa limot, marahil.
Kung bumubuti na ang lagay ng mga manggagawa sa kapitalismo at sa gayo’y hindi na kaakit-akit ang kahit magtayo o sumali ng unyon, sinasabi ng sumulat ng editoryal na lalong hindi na kailangang baguhin ang kapitalismo. Na napatunayan naman palang tutugma ang pagsasamantala ng kapitalista sa mga manggagawa at ang pagsulong ng karapatan at interes ng huli: Ang pabrika na ang unyon at ang kapitalismo ang sosyalismo. Mabuhay ka, kasamang propagandista!
Sa mga pahayag ng mga kasama’t kapanalig ni Ka Bel sa progresibong kilusan, malinaw na gusto nilang pamarisan siya, at dumami ang tulad niya sa kanilang hanay. Pero para sa sumulat ng editoryal ng PDI, dapat dumami ang mga tulad ni Ka Bel sa hanay ng mga taong-gobyerno – mula pulis hanggang pangulo – at mga taong-NGO. Ito ang implikasyon ng hindi pagkilala sa prinsipyo’t praktika ng pag-oorganisa ng mga manggagawa para sa tunay na panlipunang pagbabago.
(2) Pinagmulan
Anu’t anuman, galing ang teoryang ito ng “self-healing” ng kapitalismo sa mga teorista sa abanteng kapitalista mga bansa. Isa ito sa mga paliwanag nila sa pagkabigo ng pinantasya nilang rebolusyon sa sariling bayan. Sintomas ito ng pagkabigo nilang unawain kung paanong ipinapasa ng imperyalismo ang krisis nito sa mga kolonya at mala-kolonya.
Isang halimbawa ng ganitong teorista ang pilosopong Alemang si Jurgen Habermas, tagapagmana ng tinatawag na Frankfurt School ng “Marxismo” at pana-panahong tagapagtanggol ngayon ng mga giyerang agresyon ng US. Pero siya, sa partikular, tutol na sa aktibismo ng mga estudyanteng Aleman noon pa mang dekada 1960.
Tulad ni Pang. Arroyo, “feeling First World” ang sumulat ng editoryal – “feeling” tulad ng “Ramdam na ang pag-unlad” na propaganda ng gobyerno. Sa mga pelikula, siya ang hangal na sinasampal at sinasabihan ng “Magtigil ka, Digna!”
(3) Pluto
Ang problema sa editoryal: Mali – oo, mali, hindi tama – ito sa pagsasabing bumubuti ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa sa bansa.
Dati, naaadwaan ako sa mga kapwa-aktibista o kapwa-progresibo kapag nananawagan sila sa katunggaling mga manunulat na lumabas sa komportableng hawla at lumubog sa batayang masa – at tigilan muna marahil ang pagse-surf sa Internet o pagba-blog. Pero sa pagkakataong ito, sa harap ng manunulat na mangmang – oo, mangmang, hindi maalam – sa lagay ng nakakarami’t nagkalat naman sa bansa, wala akong magawa kung hindi ang sumang-ayon.
Saang planeta ba nagmula ang sumulat ng editoryal? Bumubuti ang kalagayan sa paggawa? Sa Pilipinas? Baka naman hiniram lang ng PDI ang sumulat ng editoryal para isulat ito. Saan kaya? Sa Pluto Daily Inquirer? Napaka-pangkalahatan na nga ng nasabi tungkol sa lagay ng mga manggagawa, mali pa.
(4) Opensiba
Kung hindi bumubuti ang kalagayan sa paggawa, bakit “nagiging manipis” o kumakaunti ang hanay ng mga manggagawang organisado o unyonisado? Bakit, maidadagdag pa, nakapagmalaki si dating Sek. Arthur Brion ng Department of Labor and Employment na sa bansa, “pinakamapayapa” ang 2007 sa larangan ng paggawa, taong pinakakaunti ang nairehistrong welga sa huling kasaysayan?
Sagot: Dahil napakatindi ng bugso ng opensiba ng dayuhang mga korporasyon (partikular ang mga monopolyo-kapitalista) at malalaking lokal na namumuhunan (partikular ang mga burgesya-komprador) sa pakikipagsabwatan ng Estado. Sa pangkalahatan, ganito ang diwa ng opensibang itong binubuo ng samu’t saring programa’t patakaran ng gobyerno: Kung anu-ano na lang (anything goes) pabor sa kapitalista at kung ano na lang ang pagturing sa mga manggagawa.
Dalawa ang tampok na layunin ng bugso ng opensibang ito: (1) Palakihin pa ang tubo ng dayuhang mga kapitalista at lokal na burgesya-komprador, at (2) durugin ang sama-samang paglaban ng mga manggagawa, tampok ang pagbubuo ng mga unyon. Sopistikado ang opensibang ito, masasabing nagdala sa mas mataas na antas sa sinabi ni Martin Levith sa libro niyang Confessions of a Union Buster na “Ang tanging paraan para durugin ang isang unyon ay ang magsinungaling, mambaluktot, magmanipula, manakot, at lagi, lagi’t laging umatake.”
Kasabay ng bugso ng opensibang ito ang pagpapatupad sa mga programa’t patakarang naghahatid sa atin ngayon ng pagtaas ng presyo ng bigas, pagkain, langis, kuryente, gamot, edukasyon at iba pang batayang kalakal at serbisyo. Sinimulan silang ipatupad noong unang bahagi ng dekada ’90, panahon nina dating Pang. Aquino at Ramos. Masasabing isinulong sa mas mataas na antas at pinabilis nila ang mga atake sa mga manggagawa at pag-uunyon na nariyan na’t umiral bago ang panahong ito.


Wala lang: Pinaghiwalay noong ipinanganak? Si Sek. Margarito Teves ng Pinansiya at ang pilosopong Pranses na si Jacques Derrida. (Galing ang larawan sa imf.org at humanities.uci.edu.)
(5) Paggawa
Isang napakahalagang dokumentong nagsisikap gagapin ang bugso ng opensibang ito sa mga manggagawa at kilusang paggawa sa Pilipinas ang isinulat ni G. Paul Quintos ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, ang “Labor Flexibilization and Imperialist Crisis: Intensifying Exploitation, Dismantling Job Security, Liquidating Unions” na lumabas noong 2000. Inilathala itong muli sa librong Jobs and Justice: Globalization, Labor Rights and Worker’s Resistance na inedit ni Antonio A. Tujan Jr. at inilabas noong 2007 ng Ibon Books. Dapat mabasa ng lahat ang papel na ito.
Sa isang seksiyon ng sanaysay, masinsing inilarawan ni G. Quintos ang dalawang porma ng tinatawag niyang “pleksibilisasyon ng paggawa” na makabuluhang unawaing bahagi ng pangkalahatang “deregulasyon ng pamilihan ng paggawa” (deregulation of the labor market): ang eksternal at internal na pleksibilisasyon.
(1) Tinutukoy ng “eksternal” na pleksibilisasyon ang “mga iskema ng pagpapatrabahong nagpapahintulot sa mga employer na baguhin ang laki at komposisyon ng puwersa ng paggawa sang-ayon sa demand. Mulat na pinapagaang ng mga iskemang ito ang ugnayang employer-empleyado para padaliin ang tanggalan at pagpapatrabahong muli (labor turnover) ng isang puwersa ng paggawa na nasa gilid (peripheral) habang nagpapanatili ng istableng bag-as (core) ng mga manggagawa.”
Halimbawa nito ang (a) outsourcing o subcontracting (labor-only-contracting, subcontracting, agency-hiring), at (b) panandaliang trabaho o contingent employment (pagkuha ng mga part-timer, casual, contractual, apprentice, trainee).
(2) Tinutukoy ng “internal” o “pambag-as” na pleksibilisasyon “ang internal na mga kaayusan sa istruktura at organisasyon ng paggawa para sa mga manggagawang regular o core workers.”
Halimbawa nito ang (a) pleksibleng oras ng paggawa (puwersahan o regular na pago-overtime, 24 oras na relyebo, trabaho kahit Sabado at Linggo), (b) pleksibleng gawain (multi-tasking, pagsasalo sa trabaho, job levelling, teamwork, sirkulong pangkalidad), at (c) pleksibleng sahod kung saan nakabatay ang sahod ng manggagawa sa “indibidwal na performance” para maksimisahin siya.
Mahalaga ring patampukin sa sanaysay ni G. Quintos ang pagpasa sa Wage Rationalization Act ng 1989 na bumuo sa mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board na siyang dumidinig at nagpapasya sa mga panukalang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa bawat rehiyon. Pahirap ito sa mga manggagawa dahil pagbarat ito sa sahod nila at pagpapahirap sa kanilang sama-samang makakuha ng umento.
(6) Wolverine
Ang sumusunod ang ilan sa mga salik na nagpapahirap sa pagbubuo ng mga manggagawa ng kanilang unyon: ibayong pagdami ng kontraktuwal o kaswal na mga manggagawang bawal mag-unyon at madali lang tanggalin sa trabaho; samu’t saring hadlang sa pag-uunyon, hanggang sa panunupil at pagpaslang sa mga unyonista’t lider-unyon; kontra-manggagawang katangian ng mga batas at sistemang hudisyal; at maging ang napakatinding opensibang pampropaganda at pang-ideolohiya laban sa mga unyon, pag-uunyon at mga unyonista.
Ibig sabihin, hindi ordinaryong opsiyon lang para sa mga manggagawa ang mag-unyon, kung paanong opsiyon marahil ng sumulat ng editoryal na mag-blog ngayon o matulog o mag-surf sa Internet para dumami ang nalalaman.
Ang mga opensibang ito mismo’y nagpapahirap sa kabuhayan – o kalagayan sa paggawa – ng mga manggagawa: pagpapatindi ng pagkayod at pagpapaliit sa sahod. Dagdag pa, dahil hinahadlangan nila ang pagbubuo ng mga unyon – na siyang armas ng mga manggagawa sa paglaban para sa sahod, trabaho at karapatan – nagdudulot pa sila ng ibayong paghihirap ng mga manggagawa. Idagdag pa dito ang pagtaas ng presyo ng halos lahat ng binibili sa kasalukuyan.
Ibig sabihin, hindi porke’t kumakaunti ang mga manggagawang unyonisado ay bumubuti na ang lagay ng mga manggagawa sa bansa. Ang totoo, hindi bumubuti ang lagay nila. At hindi nagagamot ng kapitalismo ang sariling sakit, lalo na sa Pilipinas – bagamat totoong kaya nitong magpaalwan ng buhay ng mga blogger, kolumnista at posibleng TV personality na magsasabing ito nga si Wolverine na kayang paghilumin ang sariling sugat at kumuha ng lakas sa sarili.
Sasabihin mong nagagamot ng kapitalismo ang sarili? Para mo na ring ipinagdiwang ang kapitalismo at tinalikuran ang paghihirap ng mga manggagawa. Sa loob ng nakaraang daantaon, lalo pa ngang umigting ang kahirapan sa mundo at umigting din ang yaman ng iilan dahil sa pagsasamantala. Nananatiling walang habas na pagtatrabaho ang buhay ng nakakarami sa ilalim ng kapitalismo.
(7) Makabuluhan
Ibig sabihin, nananatiling makabuluhan sa panahon natin ang batayang mga prinsipyo ni Ka Bel, gayundin ang pagsasabuhay niya sa mga ito. Napakahalaga pa ring magsama-sama at mag-unyon ng mga manggagawa hindi lamang para labanan ang mga “panganib” sa kanila o isulong ang kanilang kagyat na mga interes – kundi para baguhin ang sistemang kung nagagawa mang gamutin ang sarili’y hindi kailanman sa paraang nakabuti o nakainam sa kalagayan nila.
Makabuluhang idiing nagpunyagi si Ka Bel, at ang mga kasamahan niya, na itayo ang isang tunay, palaban, at makabayang sentrong unyon ng mga manggagawa – ang Kilusang Mayo Uno – sa panahon ng pasismo ng Batas Militar. Tulad ni Ka Bel noon, nahaharap ang mga manggagawa ngayon sa mga kalagayang napakamapanupil sa pag-uunyon ng mga manggagawa.
Napakaraming mabuting katangian ni Ka Bel ang pinuri’t pinarangalan nitong huli. Sa pagkakataong ito, mainam patampukin ang ilang bagay: ang mahigpit na pagyakap sa buhay at pakikibaka ng mga manggagawa at masang anakpawis, ang kakayahang kongkretong suriin ang kongkretong mga kalagayan, at ang optimismong wala nang mas angkop na paglalarawan kundi ang salitang “rebolusyunaryo.”
Nabuhay si Ka Bel nang gayon – nang simple at marangal – hindi lamang dahil pagpapakatao ang gayon. Nabuhay siya nang gayon para mahusay na maisulong ang mithiin ng mga manggagawa at sambayanan – mithiing inangkin niyang waring kanyang-kanya – para sa pagbabagong panlipunang wala nang mas angkop na paglalarawan kundi ang salitang “rebolusyunaryo.”
Takot na takot ang imperyalismo at naghaharing mga uri sa mga manggagawa. Paano mo ipapaliwanag ang santambak na mga pagbabawal at paghadlang, opensiba at maniobra, atake at kontra-atake, na ginagawa nila laban sa mga ito? Natatakot sila sa lakas na puwedeng pawalan ng puwersang itong esensiyal sa produksiyon, tagalikha ng yaman at binhi ng bagong lipunan.
Tulad ni Ka Bel, nagpupunyagi ang mga manggagawa ngayon, gayundin ang iba’t ibang uri at sektor na kakampi nila, para magluwal ng kilusan nilang may bagong lawak, lakas at tatag. Kung kailangan mang igiit na makabuluhan pa rin ang buhay at pakikibaka ni Ka Bel, iyan ay para sa kanila at sa mithiin nila.
“Tayo ngayo’y inaalipin, subalit atin ang bukas,” sabi ng “Internationale.” Pananalig ito ni Ka Bel, at ng maraming manggagawa. Manalig tayo, at makiisa, sa pagtatagumpay nila.
01 Hunyo 2008
