Tag Archives: Rebolusyon

dulang-bayan-ni-renato-habulan

Tungkol sa kanila ang rebolusyon – sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang maralita, sa mga Juan at Maria dela Cruz, hindi kay Jose Maria Sison. Kailan kaya masasapul ito ng mga kritiko ni Sison at ng rebolusyunaryong kilusan? Ialay natin sa masa ang susunod na taon, at ang mga susunod pa. Manigong bagong taon sa lahat!

Mahirap Lang Sila, Hindi Tanga*

Tuwing mapapag-usapan ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army, tulad ngayong ika-40 anibersaryo ng nauna, tumatampok sa midyang mainstream, kahit sa mga umaastang “liberal,” si Jose Maria Sison.

Heto ang mga datos na inamin na ni Sison at di makukwestyon: Naging tagapangulo siya ng CPP noong itatag ito (1968) hanggang noong nadakip siya ng diktadurang Marcos (1977). Noong nagpasya ang CPP nitong dekada 90 na iwasto ang malalaking pagkakamaling nagawa ng “Kilusan” noong dekada 80, naging mahalaga ang papel niya. Punong pampulitikang konsultant siya ngayon ng National Democratic Front sa negosasyong pangkapayapaan sa gobyerno – paboritong hingan ng pagsusuri at mungkahi ng iba’t ibang progresibong grupo.

Pero mula rito, lumulundag ang midyang mainstream: Pinapalabas na siya pa rin ang tagapangulo ng Partido (na naglalagay ng buhay niya sa panganib), na para bang kanya ang CPP at ang rebolusyong isinusulong nito, at “nagpapasarap lang” siya sa The Netherlands (nakikipag-party lang sa kung kani-kanino).

ron-mueck-5

ron-mueck-3

Sa paglundag na ito nakabatay ang propaganda ng US, gobyerno at mga uring naghahari laban kay Sison at sa rebolusyunaryong kilusan – propagandang nilagom ng isang mainit-init pang komento sa isang blog: “Kaya nag-iinuman at nagpa-party sila habang namamatay para sa kanila ang mga kasama nila sa kabundukan? Tsk, tsk. Kailan ba talaga magigising ang mga komunistang ito?” (Isinulat ito ng isang blogger na mahilig bumanat kay Sison sa sariling blog at sa blog ng iba, sa blog ng isang blogger na may ganyan ding pampalipas-oras.)

Sa isang panayam [noong 1994, kasama sa libro niyang Interventions, 1998], sinabi ni Edel E. Garcellano, sa estilo niya ng pang-aasar: “Tinatanong mo ako kung Marxista ako? Hindi. Nabubuhay ako nang katulad ng isang taong mahirap pero hindi ibig sabihin ay Marxista na ako. Mayroong mga estupidong magsasabing maraming Marxista ang may kotse. Syempre, non-sequitur iyan. May sinasabing katulad na ideya si Felimon Lagman. Bakit si Sison nasa [The] Netherlands?”

Oo nga naman. Sa pahayag na ito, itinuturo ni Garcellano kung paanong itinuturing at ginagamit ang pagtahan ni Sison sa ibang bansa bilang sapat-sapat nang batayan para maliitin at pagmukhaing peke ang komitment ni Sison sa rebolusyon – at ang rebolusyon mismo, dahil pinapamunuan niya ito diumano. Madalas, ginagamit ang pagkakamaling ito sa lohika para hadlangan ang higit pang pag-iisip: Hindi na babasahin si Sison, hindi na uunawain ang rebolusyon. Na para bang hindi nananatiling matalas ang mga ambag niya sa pakikibaka.

ron-mueck-1

ron-mueck-9

Kakatwa ang paggamit ng ganitong “di-argumento (non-argument).” Hindi naman pupurihin ng mga nagsasabi nito si Mao Zedong, halimbawa, dahil nasa Long March siya at bihirang umalis sa Tsina. Ibig sabihin, hindi lang naman ang pagtahan sa ibang bansa ni Sison ang isyu nila laban sa kanya at sa Kilusan. Pero bakit paulit-ulit nilang sinasabi ito, bukod sa wala na silang ibang masabi?

Lalong mali ang palabasing namamatay ang mga rebolusyunaryo sa bansa para kay Sison. Kailan kaya maiintindihan ng mga komentarista na hindi tungkol kay Sison ang rebolusyon? Na tungkol ito sa mga taong minsa’y ipinagdurugo rin ng puso nila? Tungkol ito sa masang Pilipino – sa lubos-busabos na nakaraan at kasalukuyan nila, sa pagbabagong gusto nila at karapat-dapat sa kanila, at sa limitadong mga opsyon nila para makamit ang pagbabago batay sa mga aral ng kasaysayan. Tungkol ito kay Juan at Maria dela Cruz, hindi kay Jose Maria Sison.

Kahit sa hanay ng mga umalis sa Kilusan, marami ang nagsasabing sa organisasyon nila nakilala ang pinakamahusay, magiting at di-makasariling mga taong nakilala nila. Ito ba ang mga taong gugustuhing mamatay para kay Sison?

ron-mueck-8

ron-mueck-22

Kaya nga, sa tingin ko, may pagbalewala – pagmamataas, pagmamaliit, di-pagpansin – sa masa, kung hindi man sa kapwa sa pangkalahatan, na kaakibat ang ganyang mga pahayag. Iniisip ng mga nagsasabi nito na hindi masapul ng masa at ng marami ang “simpleng” puntong ito. O kaya iniisip nilang madaling yakapin ng masa at ng marami ang palsong pangangatwirang ito. Kaya nga kahit mali sa lohika, walang awat at buong giliw nilang inuulit-ulit-ulit ito.

Bukod pa diyan ang malinaw na kontra-masang pag-unawa nila sa masa. At hindi ba’t sentral sa ideolohiya at praktika ng pasismo ng neo-kolonyal na Estado ang pagbalewala sa masa? Tanga at mangmang kaya nauuto ng mga komunista. Mura ang buhay at maikli ang alaala kaya ayos lang maging damay-pinsala (collateral damage) sa mga operasyong militar. Makakaraos naman at tanggap naman ang lagay sa buhay – gumon pa nga sa mga bisyo at katamaran! – kaya sakto na lang sa kanila na patuloy na umiral ang kasalukuyang sistema.

Para sa mga komentaristang ito, hindi buhay na pwersa ang masa. Kaya nga nasasabi nilang pareho lang ang Kaliwa at ang rehimeng Arroyo at “nasa gitna” daw sila. Hindi tampok sa isip nila na sa buong kasaysayan ng Pilipinas, sa tuwing nagpapakita ng lakas ang masa sa pagkilos, kasama nito ang Kaliwa.

31 Disyembre 2008

ron-mueck-7

ron-mueck-4

*Halaw sa isang diyalogo sa Goin’ Bulilit.

Kondenahin ang terorismo ng Israel sa Gaza, Palestina! Kondenahin ang pagsuporta ng gobyernong US sa terorismo ng Israel! (Tandaang pati si Obama, matatag sa pagpapahayag ng suporta sa Israel kahit noong tumatakbo pa lang.)

Namatay nitong nakaraang linggo si Eartha Kitt, mahusay na Amerikanang aktres na kritiko ng gera ng US sa Vietnam, at si Harold Pinter, mahusay na Ingles na alagad ng teatro na kritiko ng mga gerang agresyon ng US.

Inilagay ni Jose F. Lacaba, makatang Pinoy, ang salin niya sa isa, dalawang napakagandang tula ni Bertolt Brecht, Marxistang Aleman.

Kasulatan ko ngayon si Karl Friedrich M. Castro. Nagpapagawa ako ng bagong header. Gusto ko kasi ng bago para sa bagong taon, at sa una’t kalahating taon ng blog na ito. Gusto ko pa rin ang unang header, na ginawa ni Chrysalin Ann “Tarik” Garcia. Kaya lang, magandang maiba naman. Hehe.

Manigong bagong taon sa lahat! Ang New Year’s Resolution ko para sa blog na ito? Paikliin ang mga entri. Asa pa! Hehe. Inaasam ko, at sana kayo rin, na ibayong lalakas sa susunod na taon, at sa mga susunod pa, ang pakikibaka ng sambayanan – sa Pilipinas at sa buong mundo – para sa pagbabago.

 

Isang hadlang ang kasaysayang pop tungkol sa rebolusyon sa Rusya at Tsina sa pagtanaw ng mga mamamayan ngayon – na nahaharap sa napakatinding krisis ng sistema – sa rebolusyon, pagbago sa bulok na sistema, at pagtatayo ng sosyalismo. (Galing ang larawan sa koleksiyong online ni Stefan Landsberger.)

Pagtatanggol sa Hindi Lost Cause

(1)

 

“Hindi pa ba lost cause iyan?” bungad sa pag-uusap ng kaibigan ng isang kaibigan, noong nagkasama-sama kaming tatlo minsan sa isang kainan.

 

Nagulat ako, hindi makapaniwala sa narinig – at hindi dahil wala akong pasensiya sa ganitong mga tanong, na agad kong ipagpapalagay na tungkol sa mga paniniwala kong isinusulat sa blog na ito. Nagulat ako dahil akala ko, dahil Bisaya siya, nabibisaya lang siya ulit: “Loslos” ang una kong dinig. Mabuti na lang at inulit niya, binigkas nang malinaw ang praseng Ingles. Nabura ang hinala kong may x-ray vision ang kausap ko; x-rated lang pala ulit ang aking pandinig.

 

Tanong na pang-beauty contest ito, naisip ko, masyadong masaklaw. “Ibatay na lang natin sa huling mga balita,” sabi ko. Gusto ko sanang ipakitang lalo pang sumasadsad ang lagay ng bansa mula sa dati nang pagkalugmok at pagkabulok. Halimbawa, bungad ko, matagal na nating alam na grabeng naghihirap ang karamihan ng kababayan natin, kapos sa pangangailangan. Pero pati ba naman bigas, kakapusin? Walang tigil ang paghirap ng buhay sa sistema sa bansa.

 

Nagtuluy-tuloy na ako. Sa hirap ng bansa, kailangang patuloy na mamalimos ang presidente ng tulong at pautang sa US. Anuman ang tunay na kuwento sa likod ng pagdukot kay Ces Drilon ng Abu Sayyaf, tiyak na ginamit ni Gng. Arroyo ang nangyari para humingi ng dagdag na tulong noong nakipag-usap siya kay G. George W. Bush. Dati, si Pres. Cory Aquino, simple lang ang damit sa pagbisita sa US – hihingi rin kasi ng tulong – pero si Gng. Arroyo, naka-junket pa ngayon.

 

Patuloy na tumataas ang presyo ng langis, gayung sapat-sapat ang suplay nito sa mundo. (Nag-iipon ba ang malalaking kapitalista ng pondong pandigma?) Walang ginagawa ang gobyerno, nagbibingi-bingihan kahit sa panawagang ibasura ang VAT, kahit pansamantala, sa gitna ng krisis. Dati, hindi kongkreto sa akin ang sinasabing paggamit sa seks – at karahasan, at sensasyunalismo – sa panahon ng krisis. Ngayon, dumadami pa ang magasing seks ang pambenta.

 

Lagi’t lagi, ang namamayani ay ang interes ng US, mga uring naghahari at humahawak sa gobyerno, at malalaking korporasyong dayuhan; interes ng nakakarami ang natatapakan. Habang lalong nakikitang naghihirap ang marami (laging nakapila para sa bigas), lalo rin namang nakikitang nagpapasarap ang iilan (nasa ibang bansa gamit ang pondo ng bayan). Lalo ring nalalantad ang pagtatangkang ilayo sa makabuluhan ang kaisipan at katawan ng nakakarami.

 

Sa ganitong lagay, kailangang lumaban ng mga tao para makamit ang kahit kaunting ginhawa sa buhay. At hangga’t hindi nababago ang sistema, laging mumo, tira-tira, o latak lang ng naghaharing mga uri at dayuhan ang makukuha nila. Hindi pa man sila bumubuhos sa kalsada para magkondena at manawagan, nagsasalita na ang mahihirap: kung hindi pa man sigaw ng protesta, daing ng pagkapulubi ang lumalabas sa mga bibig nila – sa Wowowee man o Eat Bulaga.

 

Naging matiyaga ako sa pagsagot. Hindi ako humantong sa shameless self-promotion, at sinabing tingnan na lang ang Kapirasong Kritika para sa sagot ko. 

 

Si Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian

(2)

 

Pero tulad sa maraming masaklaw na tanong, may follow-up question: “Kung hindi lost cause, eh bakit hindi pa nagtatagumpay ang ipinaglalaban ninyo?”

 

Pamilyar na ako sa ganitong mga tanong. Hindi siya ang una at tiyak na hindi rin huli. Ramdam kong sinsero siya, tulad ng maraming nauna, at hindi lang gustong magpalipas-oras o mang-asar. Tanggap ko na iyon: Ganoon talaga, kapag ganito ang paniniwala mo, matatanong ka nang ganito – ng sarili mo at ng iba. Hindi siguro katulad ng mga naniniwalang iisa ang Diyos pero tatlo ang persona niya, o magiging mahusay din ang kalagayan ng bansa sa kamay ng gobyerno.

 

Nag-isip ako ng simpleng paliwanag. Una, sabi ko, hindi nangangahulugan ang hindi pagtatagumpay – o pagkabigo pa nga – na lost cause na ang isang ipinaglalaban. Paborable sa sinasabi ko ang sitwasyong pampulitika sa bansa: Halimbawa, hindi porke’t hindi pa napapatalsik si Gloria Arroyo eh mali o patalo nang ipaglaban ang pagtanggal sa kanya sa pagkapangulo. At pagbabago pa lang iyan ng presidente, hindi pa ng sistema – na sigurado nang mas mahirap.

 

Tumango siya sa ganitong pag-iiba ko, at medyo nakahinga ako nang maluwag. Sabi ko, sa kongkretong mga pangyayari sa kasaysayan maipapaliwanag ang hindi pa pagtatagumpay ng iba’t ibang kilusang mapagpalaya sa mundo katulad ng nasa Pilipinas. Sa kabilang banda, ganitong mga pangyayari rin ang magpapaliwanag kung bakit nagtagumpay ang mga kilusang mapagpalaya sa ilang bansa – at kung bakit nabawi ng imperyalismo ang mga tagumpay nila.

 

(Sa puntong ito biglang napahalagahan kong muli ang mga sanaysay na “Muling Pagtibayin ang Ating Batayang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali” at “Manindigan para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo.” Parehong inilabas noong bungad ng dekada ’90, sinisikap ng dalawang ito na ipaliwanag kung bakit hindi pa nagtatagumpay ang kilusan para sa tunay na pagbabago sa Pilipinas at sa mundo – kung bakit umatras pa nga ang mga ito.)

 

Ang problema kasi, kung mayroong tinatawag na “sikolohiyang pop” (pop psychology) – ang mababaw kung hindi man maling pag-unawa at paggamit sa batayang mga konsepto ng sikolohiya – namamayani ang matatawag nating “kasaysayang pop” (pop history). Dito, nagagawang simple ang kumplikadong mga paliwanag sa mga pangyayari sa kasaysayan ng Kaliwa sa mundo. Laging simple: Dahas ang dulot ng rebolusyon sa masa at miyembro, kaya laging bigo. 

 

Mula kina Alex Magno at Dean Jorge Bocobo (maka-Kanan) hanggang kina Manuel L. Quezon III (nagpapakilalang liberal-demokratiko), Mon Casiple (nagpapakilalang independiyenteng “manunuring pampulitika”), Conrado de Quiros (kaliwa ng sentro) at Walden Bello (akademiko at aktibistang kontra-imperyalista), parang sinulid na tumatahi ang ganitong pag-iisip – na tampok sa kanilang pagtatasa sa rekord ni Stalin sa Rusya at ni Mao Zedong sa Tsina.

 

Sa sama ng lagay ng bansa, wala nang hayag na nagsasabing panatilihin ang kasalukuyang kaayusan. Ang karamihan, kung hindi man lahat, tumatanaw ng malaking pagbabago. Pero mayroong matatawag na “phobia” sa nakaraan.

 

 

(3)

 

Sa aspektong ito – ng pagtasa sa kinahantungan ng sosyalismo sa Rusya at Tsina – napapahalagahan ko ang ilang elemento ng kaisipan ni Slavoj Zizek, pilosopong Slovenian na kakalabas lang ang librong may titulong In Defense of Lost Causes. Para bang dahil hindi – pa? – lumaganap sa Europa at Estados Unidos ang suri ni Jose Ma. Sison sa mga naganap, kinailangang imbentuhin o kathain si Zizek, na ang suri ay malapit sa suri ni Sison. Malaki pa rin ang pagkakaiba, pero mas katulad kumpara sa malaganap, o sa namamayani.  

 

Naisip ko ito noong nabasa ko ang blog ni Scott Eric Kaufman, Amerikanong akademiko. May pagtutol siya sa sinabi ni Etienne Balibar, pilosopong Pranses, sa libro nitong The Philosophy of Marx, na ang pilosopiyang Marxista ay “pananaw-sa-daigdig ng kilusang sosyalista.” Aniya, hindi naman daw lahat ng sosyalista ay “marxista,” at nakamit lang daw ang pagkakapareho ng dalawa sa pamamagitan ng “iba’t ibang uri ng puwersa” at di ng “rasyunal na argumento.” 

 

Ganito rin, noon, ang pagharap sa isyung ito ng kilalang mga intelektuwal na Marxista sa Kanluran mula kina Fredric Jameson at Terry Eagleton hanggang kina Arif Dirlik at Douglas Kellner: ang ihiwalay at iligtas ang Marxismo sa reputasyon ng Rusya at Tsina, o ng tinawag nilang “aktuwal na umiiral na sosyalismo” (actually existing socialism). Noon at hanggang ngayon, malaganap ang pagtinging katumbas ng sosyalismo ang panunupil at “totalitaryanismo.”

 

Sa isang banda, kinailangan ang ganitong tugon nila: Hindi nga naman dapat madawit at makaladkad ang Marxismo sa mga pagkakamali, kalabisan at kamatayang nagawa sa ngalan nito. Pero kung hindi na maangkin ng kilusang sosyalista ang Marxismo, tulad ng inilalaban ni Kaufman, ano ang magiging silbi nito? Hindi ba’t hindi ito dogma, sabi nga ni Lenin, kundi gabay sa pagkilos, sa pagrerebolusyon? Para ba ito sa akademya, hindi sa mga pabrika at hacienda?

 

Kaya nga mainam ang interbensiyon ni Zizek – at ni Alain Badiou, pilosopong Pranses, sa isang banda. Hindi siya nagkasya sa gawaing-tamad at akademikong paghugas sa kamay ng Marxismo. Sa halip, binalik-aralan niya ang kasaysayan ng sosyalismo sa Rusya at Tsina at hinalaw ang mga aral. Sa panayam niya sa Democracy Now!, sabi niya, “Dapat nating gawin ang tungkuling suriin ang Stalinismo nang mas mahusay sa anti-komunistang kanan.”

 

Sa “Stalinismo,” tinutukoy niya ang mga pagkakamali ni Stalin, na humantong sa pagpatay at pagbilanggo sa libu-libo sa Rusya noon: “Para sa akin, ito ang nag-iisang pinakamalaking delubyo ng ika-20 siglo, dahil nga hindi lamang ito simpleng komunistang totalitaryanismo.” Ang mahirap isipin, aniya, ay ang “tunay na mapagpalayang pagsabog ng Rebolusyong Oktubre at kung paano ito naging Stalinismo.” Ito aniya ang sinikap niyang gawin sa libro niyang bagong labas.

 

Tugma ang ganitong pag-aaral sa kasaysayan sa sinabi rin niya sa panayam: “[K]ailangan nating buhayin ang konsepto ng malaki, dambuhalang kolektibong mga aksiyon” – na inuunawa ko, itanggi man ni Zizek, na rebolusyon. Tugma rin ito sa pagtatakwil niya sa ilang moda ng Kaliwa sa Kanluran: (1) ang lumaro sa kapitalismo at sikaping pahusayin ito, (2) ang walang humpay na tumuligsa lang sa sistema, at (3) ang mag-asam sa rebolusyong inaakalang malapit na.

 

Para kay Mao Zedong, 30% ng nagawa ni Stalin ang kahinaan, at 70% ang kalakasan – at kailangang matuto mula sa pareho. Katulad ni Mao at Sison, lumalabas na naniniwala si Zizek sa pangangailangan ng rebolusyon – ang marahas na pagkilos ng nakakarami para ibagsak ang mga naghahari at baguhin ang sistemang panlipunan. Dito sa tingin ko nagmumula ang kagustuhan niyang aralin ang kasaysayan ng sosyalismo, at ang kaibahan ng suri niya sa marami.

 


Winawalis ni Lenin ang mga dumi ng daigdig.  

 

(4)

 

Naging mabilis na ang palitan ng tanong at sagot. Sabi niya, “Kinakabig ba diyan ang mga nasa panggitnang uri (middle class)? Mahalaga sila sa kahit anong proyektong pampulitika sa bansa.” Sinagot ko ng “oo” ang pareho, sabay paliwanag. “Bakit parang di ko ramdam na nahahatak ang mga nasa uring ito?” Sabi ko, depende sa kinalalagyan niya. Ipinaalala kong mas malakas ang mga aktibista sa kampus noong nagtapos siya kaysa noong pumasok kami doon.

 

“Ibig sabihin,” patuloy niya, “hindi istrikto ang tingin sa kaaway at kakampi?” Una, hindi itinuturing ng rebolusyon na kaaway ang mga nasa panggitnang uri. Ikalawa, makikita sa kasaysayan na kahit mga anak ng naghaharing mga uri, marami na ang lumahok at nag-ambag. Napangiti siya, saka sinabing may maliit na negosyo na kasi siya ngayon. Tinanong ko siya: “Iuugnay kita sa kaibigan kong aktibista, gusto mo? Para mas mapaliwanagan ka pa.” Sabi niya, “Sige.”

 

Hindi ko alam kung nakumbinsi ko talaga siya sa mga sagot ko. Nagsimula siya sa tanong, kung “lost cause” na ang ipinapaglaban ko. Hindi ako tiwalang nakumbinsi ko siyang “winning cause” ito. Pero, siguro, napatimo ko sa kanyang “open cause” ang pinapaniwalaan ko. Bilang panimula, okey na rin siguro.

 

 

18 Hulyo 2008  

 

Sa Filipino Voices, lumabas ang “Kapirasong Kritika” sa seksiyon ng komento ng isang artikulo tungkol sa wika. Sabi ni Cocoy, itinataas daw ng blog na ito ang “talino” (intelligence) ng wikang Filipino. Sa isang banda’y gusto kong magpasalamat – dahil ito na yata ang pinakatampok na pagkilala ng sikat na mga blogger sa blog na ito. (Sa seksiyon para sa komento ng isang entri, hah!) Sa kabilang banda, ano ang mga palagay sa ganyang pahayag? Na hindi matalino ang wikang Filipino o mga gumagamit nito? Kumpara sa Ingles, halimbawa? Nagtatanong lang po.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 134 other followers