Tag Archives: Rolando Tolentino

Ang Pagkabuhay na Muli ng Dagli

Rebyu ng Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza, mga patnugot. Ang Dagling Tagalog, 1903-1936. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.


Sa unang buhay nito, isang porma ng maikling sulatin o panitikang tuluyan – prosa, hindi tula – sa wikang Tagalog ang dagli. Kadalasan, pasalita ang tono nito. Dahil pormang pakuwento, nasabing ninuno ito ng tinatawag ngayong “maikling kuwento”. Namayagpag ito noong unang mga taon ng 1900, panahon ng direktang pananakop ng US sa bansa, noong regular na laman ito ng iba’t ibang pahayagan sa wikang Tagalog. Bahagi samakatuwid ito ng pagsasalubong ng (1) pagpasok at paglaganap ng teknolohiya ng paglalathala at (2) pagkabuo ng saray na marunong magbasa at sumulat ng Tagalog.

Malaking mayorya ng mga dagli, pumapaksa sa wagas na pag-ibig – bigo, masaya, nananabik. Basta pag-ibig. Pero marami ding tumatalakay sa paglaya ng Pilipinas at ng mga manggagawa. Marami ding nagkokomento sa mga isyung panlipunan – kung sa kasalukuyan, hindi pa siguro partikular na NBN-ZTE, kundi pagkagumon sa droga ng paparaming kabataan o pangkalahatang katiwalian sa pamahalaan. Sinasabing katangian ng mga dagli ang pagiging labis na emosyonal o sentimental. At tulad sa kulturang “emo” ngayon, naging mababa ang pagtingin sa dagli noong kasikatan nito.

Repleksiyon nito ang nalimbag na pangalan ng mga sumulat nito. Bagamat lalabas na mahilig ang mga manunulat ng nasabing panahon na gumawa nito – tulad marahil ng pag-ekstra sa pelikula, pago-ghost writing para sa mga mapera, at pagsali sa Palanca ng mga manunulat ngayon – pawang nagsigamit ng “talipanpan” o pseudonym ang sikat at di-sikat na mga manunulat na gumawa ng mga dagli. May hinalang sinadya ito para huwag matukoy ng kani-kanilang asawa ang mga manunulat na naghuhumiyaw sa pagbubulalas ng pag-ibig sa iba. O baka ninuno rin ang dagli ng blind item na chika?

Anu’t anuman, sa paglipas ng panahon, tiningnan nang mababang klase ang mga pahayagang Tagalog, kasabay ng pagsulpot at paglakas ng sari-saring programa at institusyon ng tinawag na “panitikan” sa mga unibersidad. Sa huli napaunlad ang kinikilalang modernong maikling kuwento, na ang mga katangian ay malinaw na kasalungat ng sa dagli. Panahon ito ng pag-arangkada ng pagpapatatag sa sistemang kolonyal sa bansa. Sa isang kapani-paniwalang pagbasa, makikita ang “pagpasok ng subhetibidad ng kolonialismo sa porma ng maikling kwento at pagkatao ng kwentista.”

escher_hands.jpg
(Mula sa loneprairie.net.)

Salamat sa mga patnugot ng Ang Dagling Tagalog, 1903-1936, naipapaalala sa atin ang nawalang kasaysayan ng nawalang dagli – at ang ugat sa kolonyal na barbarismo ng maikling kuwentong “sibilisado,” kung hahalaw kay Walter Benjamin. Pero hindi lamang pangkalahatang pagtuklas sa nawalang porma – kahit pa biktima ito ng kolonisasyon – ang ginawa nina Rolando B. Tolentino at Aristotle J. Atienza. Sa koleksiyong ito ng 94 na dagli, mulat nilang pinatampok ang mga dagling kontra-imperyalista at makabayan, maka-manggagawa at sosyalista, at nagkokomentaryo sa lipunang kolonyal noon.

Maliban sa madalas na paggamit ng mga salitang luma at Espanyol, nakakaaliw ang mga dagli. Kanya-kanyang gimik ang mga nagsulat. Nakakatuwang matuklasan ang ilang punto sa wika: May “h” na sila noon sa kanilang mga “eh” at “oh”. Hindi sila maingat sa “ng” at “nang,” pabor kadalasan sa una. At lumang salita pala ang “ungas”. OA o over-acting ang mga dagli ng pag-ibig: “Kaya irog, anong sarap! anong tamis! anong sarap! anong sarap ng buhay ko na ngayon ay nagtatalik sa sarap…” ni Puso aka Jose Corazon de Jesus. Ang iba’y parang litrato, bagamat maraming parang telenobela.

Sa kanyang introduksiyon, inilahad ni Atienza ang “nakalulungkot, nakalulunos, at nakakainis” na kalagayan ng pagsasaliksik na “arkayval” (archival) sa mga laybrari, karamihan ng mga universiti, para sa antoloji. Ipinakilala niya ang mga “talipanpan,” “sagisag-panulat” o pseudonym na ginamit ng mga may-akda ng dagli, gayundin kung bakit kapansin-pansin ang paggamit ng mga ito sa mga dagli. Ipinakilala rin niya ang mga kabanata ng antolohiya, gayundin ang tampok na mga dagli sa bawat kabanata. Nagkomento siya sa halaga sa kasalukuyan ng mga paksa at komentaryo ng mga ito.

Ipinagtanggol din niya ang aklat sa posibleng mga puna mula sa perspektiba ng kasarian at rehiyon dahil karamihan sa mga dagling Tagalog – Tagalogosentrismo? – ay isinulat ng mga lalaki at mula sa maka-lalaking pananaw. Maganda ang kanyang mga punto bagamat kalabisan, sa tingin ko, na hinging maging sosyalista si Hesukristo, halimbawa. Bagamat may hibo ng gayong kaisipan sa mga aral niya, lampas iyon sa panahon niya. Anu’t anuman, pasok at patok ang aklat sa paghahagilap sa “otherness” ng akademikong postmodernismo na pinagkukuhanan ng lakas ng gayong pagtuligsa.

the-flower-carrier.jpg
“The Flower Carrier,” painting ni Diego Rivera.
(Mula sa moderato.wordpress.com.)

Sa introduksiyon naman niya, sinuri ni Tolentino ang dagli sa konteksto ng kasaysayan – noon at ngayon – ng ekonomiyang pampulitika, kultura at panitikan ng bansa. Ipinakita niya kung paanong may halaga sa ating mga mambabasa sa kasalukuyan ang mga dagli at ang mga daloy na pang-ekonomiya, pampulitika, pangkultura at pampanitikan na lumalagos – pumapaloob at humihigit – dito. Maraming matatalas na punto rito, tampok ang malinaw na paglulugar at pag-ugat sa kaayusang kolonyal ng pagkapawi sa dagli. Malinaw din niyang nilagom ang pangkalahatang katangian ng pormang ito ng pagsulat.

Sabi ni Tolentino, walang pagpapanggap ang dagli na unibersal ito. “Ang halaga nito ay sa araw ng kanyang paglabas at ang lipunan ng madlang tumatangkilik nito. Kaya walang dagli sa kanon ng panitikang Filipino… gayong ito ang naging teknolohiya ng integrasyon ng print-oral na repersepsyon sa mundo sa panahon ng matinding agam-agam.” Kailangang ihabol, gayunman, na idinidiin nito ang partikular na katangian ng “kanon” ngayon. Sabi nga ni Fredric Jameson, kaya nilang angkinin o i-coopt – nila: ng imperyalismo, naghaharing mga uri, Estado – ang lahat, maliban sa kanilang pagkatalo.

Hindi ang pagtatanghal ng mga dula ni Bertolt Brecht sa harap ng burgesya, halimbawa, ani Jameson, kundi sa harap ng mulat at militanteng mga manggagawa. Tambalan ng dalawang wikang hindi pang-araw-araw ang laman ng libro: ang malalim na Tagalog ng mga sumulat ng dagli, at ang apropriasyon ng wikang Ingles at akademiko sa layuning progresibo nina Tolentino at Atienza. Hindi sila masisi: Tutal, libro – anyong hindi umaabot sa nakakarami – ang inilathala nila. Pero madali pa ring angkining ambag sa pagkilos ng sambayanan para sa kalayaang pambansa at panlipunan ang libro nila.

Nasa mambabasa na ang tungkulin, na mag-ambag sa pagbago sa lipunang pumaslang sa popular na dagli at kumukupot sa pagbuhay nito ngayon sa makitid na sirkulo ng panggitnang uri.


08 Marso 2008, inilathala ang inedit na bersiyon sa Philippine Collegian ng 18 Marso 2008. Maraming salamat sa mga patnugot!

Pagpapakamatay, Pagpupunyagi, Pag-asa

Una, tungkol sa kanyang pangalan: Ayon kay Michael L. Tan, propesor ng antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer, mas makakabuting huwag gamitin, lalo na’t ulit-ulitin, ang pangalan ng 12 taong gulang na nagpakamatay sa Lungsod ng Davao. Sabi ng propesor, batay sa pagkakilala niya sa kultura natin, magkakaroon ng masamang tatak o stigma ang mga kapatid at kapamilya ng bata – dahil nagpakamatay ang huli bunsod ng kahirapan, o dahil nagpakamatay o pinatay siya dahil inabuso siya. Sa kabila ng todo-todong pagpapatampok sa pangalan ng bata – na, oo, may magandang layunin sa kalakhan – mabuti pa ring sundin si Tan.

(1)

Pamilyar na sa marami ang istorya niya, na bagamat ilang beses nang naikuwento ay makabuluhan pa ring ulitin. Gabi ng Nobyembre 1, humingi siya sa kanyang tatay ng P100 para sa isang proyekto sa paaralan. Walang trabaho noon ang tatay niyang construction worker, na nagsabing wala siyang pera pero gagawa ng paraan. Hapon ng Nobyembre 2, natagpuan siyang patay, nakabitin sa isang manipis na taling nylon sa barung-barong na tirahan ng kanyang pamilya. Hindi na umabot ang tatay niyang nakabale ng P1,000 sa proyektong konstruksiyon. Sa mga balita, agad ang hinala ng kanyang tatay: Nagpakamatay ang anak niya dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya.

Napagtibay ang ganitong hinala ng natuklasang diary niya. Tungkol sa pagpasok sa paaralan, sabi niya, “Parang isang buwan na kaming absent. Hindi na kasi nakin (sic) binibilang ang absent ko. Hindi ko namalayan na malapit na pala ang Pasko.” Tungkol sa pagsisimba, “Hindi kami nakapagsimba dahil wala kaming pamasahe at nilalagnat pa ang aking tatay kaya nanglaba na lang kami ng aking nanay.” Natagpuan din ang sinasabing liham niya para sa Wish Ko Lang, programa sa telebisyon na tumutupad sa mga kahilingan. Dito, humiling siya ng bagong sapatos, bag at bisikleta. Hiling din niyang makatapos sa pag-aaral at magkaroon ng trabaho ang kanyang nanay at tatay.

“Hindi namin alam na may mga pangarap ang anak namin para sa amin,” sabi ng tatay niya. Walang tubig at kuryente ang barung-barong na tinitirhan ng kanilang pamilya. Kumikita ng P50 kada araw ang kanyang nanay, sa pagre-repack ng odong at miswa sa isang pabrika. Naglalabada ang nanay niya para punuan ito, para kumita ng dagdag na P100 hanggang P150. Labas-masok naman sa trabaho ang tatay niya, na nagsabing “Matanda na ako, kaya walang may gustong kumuha sa akin.” Ayon sa isang kapitbahay ng pamilya niya, mababa ang tingin sa kanya at mga kapatid niya ng mga kapitbahay. “Ayaw makipaglaro ng ibang bata sa kanila dahil madudungis daw sila,” sabi nito.

(2)

Dawit sa salaysay na ito ang lahat ng tinatawag sa mga teksbuk sa mga paaralan na “mga institusyong panlipunan”: pamilya, paaralan, Simbahan at midya. Malinaw na ikinalungkot o ikinapighati ng batang nagpakamatay ang maralitang lagay ng kanyang pamilya: Hindi lang sa hindi nito naibigay ang batayang mga pangangailangan niya, hindi rin nito naibigay sa kanya ang matatag o positibong pagtingin sa karalitaan ng pamilya nila. Pero kaugnay ng lungkot o pighating ito sa pamilya ang paaralan at Simbahan – dalawang lagusan tungo sa ginhawa: ang una, sa pang-ekonomiyang pag-unlad sa mundo at ang ikalawa, sa kaligtasan ng kaluluwa at buhay na walang hanggan.

Sa isang pagtingin, epekto at repleksiyon ito ng papatinding pagpapahirap – o pagpiga – ng sistema, ng Estado, lalo na sa ilalim ng rehimeng Arroyo, sa mga mamamayan. Magtataas ng sinisingil na buwis, presyo ng langis, pamasahe, presyo ng batayang mga bilihin, matrikula, at iba pa; patuloy na babaratin ang sahod at patuloy na babawasan ang trabaho – sa lahat ng ito, bahala ang mga mamamayan, ang kanilang pamilya, na dumiskarte. Para makapag-aral at makapagsimba, para guminhawa, kailangan ng pera. Kaya nakaimbudo sa pamilya ang lahat ng pahirap, walang tulong mula sa ibang institusyon. Sa gayon, mabigat at nakakawala ng pag-asa kapag ito mismo ang maralita.

Makabuluhan ding tingnan ang pag-unawa niya sa midya, partikular sa programang Wish Ko Lang. Hindi proyektong pangkabuhayan ang hinihingi niya, kundi ilang bagay na magbibigay ng pansamantalang ligaya at luwag lamang sa kanyang pamilya: bagong sapatos, bag at bisikleta. Daing niya ang pagkakaroon ng trabaho ng kanyang mga magulang at ang pagtatapos niya sa pag-aaral – pagbabakasakali marahil na matutugunan ito ng programa. Sa isang banda’y masamang balitang kumakapit ang mga katulad niya sa midya, sa kawalan ng ibang institusyong tutulong. Sa isang banda’y alam niya kung hanggang saan lamang ang kakayahan nito, na hindi matagalang lunas.

Sa isang banda, pagpupunyagi ang ipinakita niyang paghanap ng ligaya at luwag para sa kanya at kanyang pamilya. Sa kabilang banda, paano ito gustong salubungin ng midya? Sa pamamagitan ng pagbubuo niya sa sarili ng karalitaan ng kanyang pamilya, at pagtatanghal nito sa publiko. Bago ang ginhawa, pagpapabigat muna ng loob, ibayong pagdama sa hikahos at desperadong kalagayan, at nakakahiyang pagtatanghal nito sa publiko – na ginagawa na lamang katawa-tawa: nagtataktak o nagbu-boom-tarat-tarat – ngayon may galaw pa ng nguso at mukha – at ikinukuwento ang kahirapan. May hawig sa pagtayo at pagtatangkang magpakamatay sa malalaking billboard sa Edsa.

pbsantos.jpg

“Alay sa Bagong Bayani” ni Pablo Baens Santos

(3)

Hindi man direktang idinawit ng bata, alam ng Estado, lalo na ng rehimeng Arroyo, na papapanagutin ito sa pagpapakamatay niya. Ganoon na rin, sa isang banda, ang antas ng pagbabantay at pagdududa ng mga mamamayan sa rehimeng ito. Hindi ba’t noong inakusahan ito ni Sen. Antonio Trillanes IV na siyang utak sa pagsabog sa Glorietta, binigyang-boses lamang niya ang nasa isip-isip ng marami? Alam ito ng mga utak ng rehimen – at ng Pangulo mismo – kaya nga’t pinag-aasta nilang matatag ang kanilang rehimen. Alam nila, sa kaloob-looban nila, na hindi nila kontrolado ang kalagayan, kung gaanong nakakahilo at kasuka-suka ang instabilidad ng sistemang ipinapagtanggol nila.

Dito mailulugar ang mga pahayag at aksiyon ni Mayor Rodrigo Duterte ng Davao hinggil sa batang nagpakamatay. Ipinahukay ang katawan ng bata, sinuri diumano ng mga eksperto, at napatunayang may mga sugat ang kanyang ari. Umalingasaw ang teorya at usap-usapang posibleng dumanas ang bata ng seksuwal na pagmolestiya. Kesyo may pahaging ang bata noong nabubuhay pa na ginahasa siya ng isang kaanak. Kesyo hindi marunong ang batang magtali ng lubid sa paraang pambigti. Malinaw ang layunin sa mga pahayag at aksiyong ito: pahupain o durugin ang pagtinging kahirapan ang nagtulak sa kanyang magpakamatay. Wala raw nagugutom sa Davao, sabi ni Mayor.

Tama ang kolumnistang si Conrado de Quiros: Asin ito sa sugat. Lalo lamang idiniin ng mga pahayag at aksiyong ito ng mga “awtoridad” ng Davao ang kahirapan at kawalan ng kapangyarihan ng pamilya ng bata. Bakit ngayon lang, matapos mailibing ang bata? Bakit hindi noong nakaburol pa siya? Bakit nagawang ipahukay ang katawan niya at magpasingaw ng mabahong teoryang inabuso siya ng kanyang tatay o kapamilya? Magagawa ba nila ito kung abang anak siya ng mga Arroyo, Cojuangco, Tan o Marcos? Siyempre, hindi magpapakamatay sa gutom ang mga anak ng mga pamilyang ito. Pero ni hindi nga sila masaling ng gobyerno kaugnay ng mga kasong dapat nilang panagutan.

Pero ipagpalagay na nating totoo ang teorya ni Duterte. Ibig bang sabihin, hindi kahirapan ang sanhi ng pagpapakamatay ng bata? Hindi. Una sa lahat, dapat nating labanan ang maling palagay – na naipapalaganap din ng midya – na magkabanggang dahilan sa pagpapakamatay niya ang pag-abusong seksuwal at ang kahirapan. May mga nagpapakamatay dahil sa pag-abusong seksuwal, may mga nagpapakamatay dahil sa kahirapan. Kapag pinagsama pa kaya? Sa malinaw na direksiyon ng kanilang mga pahayag at aksiyon, nagpapakita ng kamangmangan sa ugnayang ito ng mga usaping pang-uri at pang-kasarian ang mga awtoridad ng Davao. “Bullshit ka, Boy. Fuck you!”

(4)

Maikli at mabilis ang direktang sagot ng Malakanyang: “isolated” o bukodtangi lamang ang pagpapakamatay ng bata. Totoo, hindi nagpapakamatay ang lahat ng mahirap – pero hindi dahil ibayong bumubuti ang kalagayan nila sa ilalim ng rehimeng ito, katulad ng gustong palabasin ng rehimen. Kailangang tingnan, gayunman, ang kapansin-pansing pagdami ng mga nagpapakamatay, o nagpapakita ng desperasyong sapat para magbantang magpakamatay, nang publiko sa panahon ng rehimeng ito. Dahil lamang ba sa midya ang pagdaming ito? Ang hinala ko’y hindi. Maraming maipapakitang patunay na lumalaganap at tumitindi ang desperasyong kaakibat ng kahirapan sa bansa.

Sa tingin ko, may isa pang salik na dumadagdag sa nakakamatay na kombinasyon ng kahirapan at desperasyon o kawalan ng pag-asa para humantong ang “masayahing” mga Pilipino sa pagpapakamatay: ang lantarang pagpapakita o pampublikong pagtatanghal ng kawalan ng pagpapahalaga sa buhay, kung hindi man ng gaan ng kamatayan – bagay na tumampok sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Aksidente lang ba na sa ilalim ng pinakamarahas at pinakabrutal na pasistang rehimen sa huling kasaysayan ng bansa natin nasasaksihan ang pagdami ng mga Pilipinong nagpapakamatay? Aksidente lang bang sabay na dumarami ang pinapatay at nagpapakamatay? Sa tingin ko, hindi.

Sapat nang balikan ang ilang mayor na kaganapan sa lipunan sa panahon ng rehimeng Arroyo para ipakita ang pag-igting ng pagtatanghal sa kawalan ng halaga ng buhay, at sa gaan ng kamatayan. Maagang nagkaroon ng dugo ang kamay ng rehimeng ito: dugo ng ilan sa mga nag-alsa sa “Edsa 3”. Ibayong dumami ang lantarang panliligalig, pampulitikang pamamaslang, mga pagdukot at pagtortyur. Nakakatakas nang mabilis ang mga naka-motor na mamamatay-tao. Umigting ang militarisasyon sa kanayunan. Dalawang malakas na pagsabog ang kumitil nitong huli sa ilan nating kababayan, na ang “resolusyong” inihahain ng gobyerno ay hindi kapani-paniwala para sa nakakarami.

Sinasawata at pinapatay ang mga Pilipino sa mismong pagsisikap nilang mabuhay. Agad naaalala ang trahedya sa Wowowee, at wala pang napaparusahan dito. May kung ilang migranteng Pilipino ang inuuwing patay o pinaparusahan ng kamatayan, literal at hindi, sa ibang bansa bawat buwan. Dinadahas ang mga nakikipaglaban para sa mas maayos na buhay at kabuhayan: Tampok ang masaker sa Hacienda Luisita noong 2004. Sa Kamaynilaan, binubuwag ang mga maralitang naghahanapbuhay at nagbabahay-bahayan – ng berdugong Metropolitan Manila Development Authority o MMDA. Malupit at pampatay maging ang trabahong alok ng ipinagmamalaking industriya ng call center.

Ipinapaalala sa atin ng pagpapakamatay ng bata kaugnay ng pagliham niya sa isang mapagkawanggawang programa sa telebisyon, ang sinabi ng radikal na intelektuwal na si Domingo Castro de Guzman: “Ang kawanggawa ay walang iba kundi ang pagpapanggap ng mga pasista (Charity is but the hypocrisy of fascists).” Aksidente bang dumami at tumindi ang mga game show sa telebisyon sa paghahari ng rehimeng ito? Sa pag-igting ng krisis ng lipunan, sumisidhi ang pasismo – dahil sa paglakas ng paglaban ng mga mamamayan – gayundin ang desperasyon ng masa. Mayroong kawanggawa dahil nananaig ang mga pasista. Sa kanyang pagpapakamatay, parang alam niya ito.

(5)

Sa sanaysay niyang “Pagpupunyagi nina Karen at Sherlyn,” inuulat ni Kenneth Roland A. Guda, alternatibong mamamahayag, ang huling balita tungkol kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga aktibistang estudyante ng UP na dinukot ng mga militar noong Hunyo 2006. Nauna nang naibalita, ni G. Guda rin, ang paglutang nang saglit ni Sherlyn noong Abril sa bahay ng kanyang kasintahan. Sa bago niyang sanaysay, inilahad ni G. Guda ang sinumpaang salaysay ni Raymond Manalo, isa sa magkapatid na Manalo na dinukot ng militar noong Pebrero 2006 at nakatakas nitong Agosto 13, 2007. Lumalabas na bahagi ang paglutang ni Sherlyn ng tangkang ipaalam ang kinalalagyan nila ni Karen.

Laman ng salaysay ang karahasan at kalupitan ng mga militar sa dalawang aktibista at sa magkapatid na Manalo. “Noong una niyang nakita si Sherlyn, ‘payat na payat at lubog ang mata’ nito. Nakatali ng kadena ang mga kamay at paa… Sa ilang pagkakataon, ‘ginawang labandera at masahista ng mga militar’ ang dalawang estudyante.” Dahil natuklasan at nabigo ang tangkang pagsusuplong ni Sherlyn, ayon kay G. Manalo, sinaktan ang dalawa: “Sinuntok nila ang buong katawan ni Sherlyn at Karen, dumugo ang nguso, ibinitin ang dalawa [nang] patiwarik na ang nakatali lamang ay isang paa habang sila ay hubo’t hubad… Pagkatapos ay binubuhusan sila ng tubig sa ilong.”

Pagpapatuloy ni G. Guda, “Si Reynaldo, kapatid ni Raymond, ginawang tagatapon umano ng ihi ng dalawa na ‘pulos dugo.’ ‘Ako naman ang pinaglaba ng mga militar ng mga damit at underwear ng dalawa na puno rin ng mantsa ng dugo at putik,’ sabi pa ni Raymond. Wala sa pangalawang sinumpaang salaysay, pero sinabi rin diumano ni Raymond sa Karapatan na ikinuwento sa kanya ni Sherlyn na ginahasa sila ng mga sundalo.” Noong ika-8 at ika-9 ng Hunyo huling nakita ng magkapatid na Manalo sina Karen at Sherlyn, dahil ihiniwalay na sila sa dalawa. Ibig sabihin, halos isang taon matapos dukutin sina Karen at Sherlyn, buhay pa sila at lumalaban para makalaya.

Madali nating maunawaan si G. Erlinda “Linda” Cadapan, nanay ni Sherlyn: “Hindi lubos-maisip ni Linda kung ‘anong pagkatao mayroon’ ang mga sundalong nagpahirap – at maaaring nagpapahirap pa rin ngayon – kina Sherlyn at Karen.” Tiyak, sarado ang isip at puso nila: Kaaway ang kaaway at dapat ituring na ganoon. Marahil, hindi nila naitatanong, o lubos na nauunawaan ang sagot sa maraming tanong: Ano ang ipinapaglaban nila? Ano’ng klaseng tao sila? NPA ba sila o aktibista lamang? Maka-Kaliwa lamang ba sila at hindi mga anak, kapatid, kaibigan, kaklase, at kakilala rin? Bakit kailangang danasin ng dalawa, o ninuman, ang ganoong klase ng kalupitan?

Ano ang plano nila sa dalawa? Kabigin at himuking isuplong ang mga kapwa-aktibista? Paano sila makakabig kung ganito? Patayin? Bakit pa nila kailangang pahirapan nang todo-todo kung papatayin din lang naman nila? Bakit pa nila kailangang buhayin nang parang patay ang dalawa kung puwedeng ilagay nila sa butas na bulsa ang perang pambuhay sa mga ito? Isa lang ang posibleng sagot: Mayroon silang sadistang ligayang nakukuha sa pagpapahirap at pagwasak sa katawan, at diwa marahil, ng tao. Maipagpapalagay ring may makapangyarihan sa gobyerno na naniniwalang dapat subsidyuhan ang kahayupang ito. Para mapanatili ang diwang palaban ng militar?

rbtolentino.jpg nxmtadiar.jpg

Sina Roland Tolentino at Neferti Tadiar: Gumagagap sa pag-asa.
(Galing ang larawan ni Tolentino sa pinoyweekly.org, ni Tadiar sa columbia.edu.)

(6)

Laban sa pighating bumalot sa kanyang nagpakamatay nang bata, at bumabalot sa iba pang kauri niya – na dumarami bagamat iilan pa rin – dapat tayong manindigan para sa pag-asa. Ayon sa maka-Kaliwang intelektuwal na Ingles na si Raymond Williams, “Ang maging tunay na radikal ay ang gawing posible ang pag-asa at hindi ang gawing hindi matatakasan (inevitable) ang pighati.” Kailangan nating tumindig pabor sa pag-asa para himukin ang mga nawawalan o nauubusan nito. Kailangan, dahil totoo rin namang bukodtangi ang pagpakamatay ng bata: Dahil kailangan nating isatinig ang pag-asang nariyan, pumipintig sa marami. Dahil kailangan nating palawigin ito para sa pagbabago.

Sa isyu ng pag-asa, lalo na sa usapin niyang nagpakamatay, may pagkakatulad ang sinabi ng mga komentaristang progresibo at konserbatibo. Habang nagkakasya ang ibang komentarista – na masasabing liberal, o walang malinaw na pampulitikang direksiyon o pangarap – sa pagnamnam sa mga sanhi at pighati ng nangyaring pagpapakamatay, nag-aalok ang mulat na mga progresibo at konserbatibo ng pag-asa, na may kinalaman sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga Pilipino. Kagyat nating ihahabol: Peke ang pag-asang inilalako ng mga konserbatibo. Dahil peke ang pag-unlad na inilalako nila, hindi nila magawang makapag-udyok ng pag-asa sa mga mamamayan.

Ayon sa rehimeng Arroyo, gamit ang iba’t ibang datos at estadistika galing sa pinagpipitaganang mga institusyon: Mag-antabay lamang, patuloy lang tayong kumayod, at unti-unti nang umuunlad ang bansa. Ang epekto nito, sa pangkalahatan, ay maging pasibo ang mga mamamayan: maghintay na maranasan ang pag-unlad na nagaganap sa kung saang antas na hindi kita at ramdam ng karaniwang tao. Matagal nang kumakayod at naghihintay ang mga Pilipino. Hindi na nakakapagpaalab ng pag-asa ang ganitong mga pahayag. Dahil ang pag-asa, kung ano pa man ito, ay nag-uudyok ng ibang pagkilos sa mga tao. Kikilos sila dahil itinutulak sila ng kung anong pag-asa.

Sa librong Fantasy-Production [2004], ginagap ni Neferti Xina M. Tadiar, progresibong intelektuwal, ang pag-asa. “Para sa akin, nakasandig ang pag-asa sa pang-araw-araw na paggamit ng ating mapanlikhang mga kakayahan para muling likhain (remake) ang mundo, sa mga akto ng pamumuhay na lumilihis sa tradisyunal (orthodox) na mga pangarap ng ating… panahon.” Sa ganito, aniya, nabuo ang “de facto na mga kilusang panlipunang naghahanap ng mga ruta ng pagtakas mula sa mga istruktura ng pantasya ng mga kaayusang dominante.” Halimbawa niya ang mga paksa sa aklat: mga Pinay sa pag-aalsang “people power” noong 1986 at sa penomenon ng Overseas Filipino Worker.

Sa sanaysay na “Pagpapatiwakal ng zombie [2007], sinuri ni Rolando B. Tolentino, isa ring progresibong intelektuwal, ang pagpapakamatay ng bata sa Davao. Dito, malinaw ring ginagagap niya ang lunan ng pag-asa. “Kung hindi nabigyan ng pag-asa at buhay ang bata… ng Estado, bagkus ay naging bahagi pa nga ng kanyang pagpapatiwakal bilang invisible hand na tumulong magbuhol ng lubid, ang pulitikal na kilusan ng masa ang dapat na nakaabot sa kanya. Bibigyan ng alternatibo sa pagiging zombie at pagpapatiwakal, bibigyan ng buhay.” Madiing wakas niya: “Sa kasalukuyang umiigting na estado ng buhay at buhay sa Estado, walang buhay sa labas ng rebolusyon.”

May tensiyon sa mga sinabi nila. Si Tadiar, pinapatampok ang pang-araw-araw at nariyan nang mga pagkilos ng karaniwang tao, lalo na ng kababaihan, bilang lunan ng pag-asa. Kay Tolentino, pagrerebolusyon ng nakikibakang mga mamamayan ang siyang lunan nito. Binibigyang-halaga ni Tadiar ang mga pagsisikap ng karaniwang tao para makatawid-buhay (survive) laban sa mga puwersa ng kamatayan. Para kay Tolentino, abang kalagayan ito. Halimbawa niya ang mga mangangalahig ng basura sa Tondo: “Zombie o taong-patay dahil umaasa na lamang… sa sarili nilang kayod para mabuhay”. Binibigyang-halaga niya ang pag-aalay ng buhay para sa “higit pang buhay,” wika nga.

Produktibo, sa isang pagtingin, na huwag ituring na magkatunggali ang kanilang mga punto – sa halip, ituring na nagtutulungan, dalawang panig ng iisang diyalektikal na katotohanan. Nagdurusang uri ang anakpawis, pero lumalaban o nakikibakang uri rin ito. Kagyat na laban nito ang pagtatawid ng sariling buhay – na totoong bumabago sa mundo. Ngunit lalong nagiging makabuluhan ito kung nagiging mulat na pagbago, kapag humahantong sa pagrerebolusyon, sa pakikibaka para sa buhay ng kapwa at hinaharap. May pag-asa sa parehong lunang inilalarawan nina Tolentino at Tadiar. Ang pag-asa ng mga progresibo, siyempre pa, ay ang paghuhugpungan at pagtutulungan ng dalawa.

(7)

Leksiyon sa pag-asa ang pagbabalik-aral kina Karen at Sherlyn sa isang banda at sa kanyang nagpakamatay nang bata sa kabila. Dumanas ang bata ng kahirapan. Dumanas at posibleng dumaranas pa sina Karen at Sherlyn ng pagpapahirap. Sa parehong kaso, dapat managot ang Estado. Karimarimarim ang mga imahen ng pagkakabitin nila – hindi dahil naiisip nating masakit iyon sa ating katawan, kundi dahil nararamdaman nating masakit iyon sa ating budhi: Grabeng kahayupan! Nagbigti ang bata para makatakas sa kahirapan at kawalan ng pag-asa. Ibinitin nang patiwarik sina Karen at Sherlyn dahil gusto nilang tumakas sa pagpapahirap, na layon ng pag-asa nila.

“Sosyalismo o barbarismo.” Ito ang paglalarawan ng komunistang si Rosa Luxemburg sa hinaharap ng sangkatauhan, na siya ring hinaharap ng sambayanang Pilipino. Kung hindi magiging sosyalista ang sistema ng lipunan, magpapatuloy at sasahol ang barbarismo nito – na nasasaksihan na natin ngayon. Nitong huli, sinasabi ng mga inuupahan ng sistema para magsabing maganda ang hinaharap – “mga ekonomista” – na madilim ang hinaharap ng ekonomiya ng bansa, at posible ang isang “tsunaming pampinansiya”. Tiyak na darami ang maghihirap at mawawalan ng pag-asa. Ayaw man natin, hindi maiwasang darami ang mga kababayan nating makakaisip magpakamatay.

Tama ang salalayan ng pag-asa nina Karen at Sherlyn: Kailangan nilang manatiling buhay, niluray-luray man ang katawan nila. Kailangan nilang makatakas, danasin man nila ang halos pagpatay. Dahil araw-araw, lalong tumitindi ang pangangailangan para sa pagbabago, at sa kanilang mga aktibistang nagsusulong nito, buhay man ay ialay.

25 Nobyembre 2007

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 146 other followers