No Woman, No Cory

Antonio Berni

Nitong nakaraang buwan, nagkaroon ako ng pagkakataong mabasa ang mga dulong bahagi ng librong State and Society in the Philippines [2005] nina Patricio N. Abinales at Donna J. Amoroso. Ang balita ko, ang librong ito – na nalimbag nang may papuri ng mga bantog na akademikong sina Paul D. Hutchcroft at Felipe B. Miranda, ng bantog na mamamahayag na si Sheila S. Coronel, at ng iba pa – ay ginagamit nang teksbuk ng ilang propesor sa Agham Pampulitika sa ilang unibersidad sa bansa. Kung sa mga naunang teksbuk ay hindi mababasa ang (pambansa-demokratikong) Kaliwa, dito ay tampok ito, pero pinagmukhang masama.

Anu’t anuman, sabi nina Abinales at Amoroso, kaunti ang pansin na ibinigay ng mga iskolar sa “pagtampok sa pampulitikang arena nang walang katulad sa nakaraan” ng sektor ng kababaihan “simula sa pagkahalal ng unang babaeng pangulo ng bansa” na si Cory Aquino, syempre pa. Sabi ng dalawa, pinakamainam na mauunawaan si Cory bilang miyembro ng kanyang kinabilangang uri, ang “landed elite,” at kinabilangang pamilya, ang “pampulitikang angkang Aquino-Cojuangco.” Pero “hindi nito dapat pagtakpan ang katotohanan na sa panahon ng kanyang pagpapanumbalik ng mga demokratikong praktika, lumawak nang makabuluhan ang paglahok ng kababaihan sa pampublikong larangan. Ibinukas ni Aquino ang mga pinto ng Estado sa kababaihan, at nanatili silang bukas simula noon.”

Maririnig ang alingawngaw ng ganitong mga pahayag kay Pang. Noynoy Aquino mismo. Sabi sa isang balita, sinabi raw niya, sa isang pagdiriwang sa Buwan ng Kababaihan, na ang nanay niya ay katulad ni Gabriela Silang: Kung paanong ipinagpatuloy ng huli ang laban ni Diego Silang, ipinagpatuloy rin ni Cory ang laban ni Ninoy Aquino. Sabi pa niya sa harap ng tinatayang 5,000 benipisyaryo ng programang Sari-Sari Store Training and Access to Resources o STAR, ang nanay niya ang may gustong magbigay ng “mas maraming oportunidad” sa kababaihan. Itinulak daw ni Cory ang “affirmative action” para sa kababaihan sa gobyerno, kapulisan at militar. “Bilang isang babae at lider ng ating bansa, alam ng aking ina na maraming maiaambag ang kababaihan sa paghubog sa hinaharap ng ating bansa,” ani Noynoy.

Kung babalikan ang kasaysayan, gayunman, si Cory bilang pantapos sa diktadura ni Ferdinand Marcos ang dinala ng kababaihan, hindi ang kabaligtaran. Sabi ni Neferti Xina M. Tadiar na nagsiyasat sa aspetong ito ng pag-aalsang Edsa noong 1986: “[M]atapos patayin si Ninoy, may walang katulad sa nakaraan na bilang ng kababaihan mula sa maraming sektor, makabuluhan mula sa mga panggitnang uri, ang naging aktibo sa pulitika, at militante pa nga. Marami sa mga organisasyong natayo para suportahan ang kandidatura ni Cory ay pinamunuan at kinasapian ng kababaihan. At maraming kalalakihan ang nahatak sa pakikibaka laban kay Marcos ng kanilang mga asawa… Noong pag-aalsa, kumilos ang kababaihan nang malaya sa kanilang mga asawa, minsan laban sa kanila [Fantasy-Production, 2004].”

Antonio Berni2

Sa isang banda, naluklok si Cory sa pagkapangulo at ang maraming babae sa mga posisyon sa gobyerno dahil sa pagkilos-paglaban ng mga kababaihan, kasama ng sambayanan. Sa kabilang banda, hindi pa inaabot ng naturang pagkilos-paglaban ang pagbabago sa kalagayan ng nakakaraming kababaihan – kababaihang magsasaka, manggagawa, at maging panggitnang-uri. Kung kalagayan nila ang pag-uusapan, mas naging kalaban kaysa kakampi si Cory. Sa mga pahayag nina Abinales, Amoroso at Noynoy, labis-labis ang pagtaya sa umano’y pagsulong ng kababaihan batay sa pagsulong ng mga nasa naghaharing uri, at ibinibigay ang lahat ng papuri para sa gayong pagsulong kay Cory. Ang itinutulak ay ang karangalan ni Cory, hindi ang kapakanan ng nakakaraming kababaihang Pilipino.

Isa sa mga organisasyon ng kababaihan na nabuo sa paglaban sa diktadurang US-Marcos, syempre pa, ang militanteng Gabriela. Tinutulan ng grupo ang pagsasabi ni Noynoy na magkatulad si Cory at ang katukayo nilang bayani. Ayon sa grupo, hindi lumaban si Cory sa dayuhang kapangyarihan sa Pilipinas, na siyang ginawa ni Gabriela Silang. Para iwasan ang matalas na pag-iiba ng organisasyon, idineklara ng Malakanyang na “maraming nagawa” si Cory “para sa bansa” at “kinikilala ng buong daigdig” ang mga nagawa at tagumpay niya. Ito’y walang ibang iba kundi pagtanggi sa pagkilos-paglaban ng kababaihan, kasama ang sambayanan, at pag-angkin sa anumang tagumpay ng naturang pagkilos-paglaban para sa iisang babae – isang pagsusuring napaka-kontra-kababaihan sa Buwan ng Kababaihan.

07 Abril 2015

Galing ang mga larawan dito.

Batbat ng suliranin ang sanaysay ni Yanis Varoufakis tungkol sa pagiging erratic na Marxista. Nakakahon sa makitid na tanong ng pagharap sa krisis ng kapitalismo sa Europa, sa halip na sa ugnayan ng reporma at rebolusyon. Interesante ang pagsusuri ni James Petras hinggil sa mga maka-kaliwang partidong naupo sa pwesto matapos ang pagputok ng pandaigdigang krisis noong 2008.

Sang-ayon ako dito: Dapat pangalanan ng mga nagsa-sarbey ang isponsor ng bawat sarbey nila. At nakakatawang ang mga kampeon na ito umano ng demokrasya at transparency ay tila tumututol. Simple ang sabi ni Oskar Lafontaine: “Because where there are billionaires, there is no democracy. No person can earn a billion. A billionaire contradicts the basic Enlightenment idea that wealth is the result of labor.”

Magandang pagsusuri ni Franco “Bifo” Birardi kay Andreas Lubitz, ang pilotong nagbangga ng eroplanong minamaneho sa isang bundok: “He did what he did because he could not get rid of the unhappiness that has been devouring contemporary mankind since advertising began bombing the social brain with mandatory cheerfulness, and digital loneliness has been multiplying the nervous stimulation and encasing the bodies in the cage of the screen, and financial capitalism has been forcing everybody to work more and more time for the miserable salary of precariousness.”

That Thing Called Drone

FlagHead04usaFLAT

(1)

Sa mga sulatin sa Internet, lumalabas na tinutukoy ng salitang “drone” ang mga makina na may kakayahang maglakbay nang walang lulang tao na nagmamaneho. May nagsasabing tinutukoy rin nito ang ganoong mga makina na naglalakbay sa mga anyong lupa at anyong tubig, pero mas madalas na itong ipareho sa UAV o “unmanned aerial vehicle.” Kung hindi paniniktik sa mga target, ginagamit ito para maglunsad ng atake laban sa kanila. Maaaring may dala itong missile o wala. Maaaring may dala itong kamera o wala. Maaari itong “minamaneho” ng isang tao sa isang lugar na malayo sa target liparan; ang mga drones na lumipad sa Iraq at Afghanistan, halimbawa, ay “minaneho” mula sa Nevada, USA. Maaari ring pre-programmed na ang direksyong tatahakin nito.

Partikular sa mga drones na pang-atake, matagal na ang paggamit ng militar ng US, pero naging malaganap sa ilalim ni Pres. Barack Obama. Ayon kay Marjorie Cohn, propesor sa batas sa karapatang pantao sa daigdig, ipinagpatuloy ni Obama ang gera ni George W. Bush sa Iraq at Afghanistan pero binawasan ang mga tropang Kano na nakatalaga sa mga bansang ito. Ang pinalawak ni Obama, iyung “nakatarget na pagpaslang (targeted killing),” kasama ang paggamit sa mga drones. Ayon sa isang sanggunian, panandang-bato ang mga taong 2009-2010 sa US, kung kailan mas maraming “screen pilots” ang sinanay kumpara sa mga nakagawiang piloto at mas maraming “eroplanong walang piloto,” na mas mura, ang binili kumpara sa mga nakagawiang eroplano.

Bagamat ginamit sa Iraq at Afghanistan ang mga drones, ayon sa Bureau of Investigative Journalism, umaabot na nitong Pebrero 2015 sa mahigit 2,464 katao ang napatay ng “drone strikes” sa mga bansang walang deklaradong gera ang US tulad ng Pakistan, Yemen, at Somalia. Independyente ang naturang bureau, dahil nababalot ng paglilihim ang paggamit ng gobyernong Obama sa mga drones. Sa paggamit sa mga ito, malinaw na lalong totoo ang sinabi ng pilosopong si Paul Virilio noong 1983: “Ngayon, alam ng militar ang lahat tungkol sa mga sibilyan, pero walang alam ang mga sibilyan tungkol sa militar [Pure War].”

(2)

Lumalabas ding malaki ang papel ng mga drones, pero mas iyung paniktik, hindi iyung pang-atake, sa bantog na ngayong operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. Masasabing ang papel nila ang pinakamalinaw na patunay ng pagsangkot ng gobyerno ng US sa naturang operasyon laban sa mga inaakusahang teroristang sina Zulkifli bin Hir alyas Marwan at Basit Usman. Taliwas ito, syempre pa, sa tahasan at hindi kapani-paniwalang pagtanggi ni Philip Goldberg, ambassador ng US sa Pilipinas, sa partisipasyon ng US at ng mga drones nito sa naturang operasyon.

USsoldier02

Ayon sa isang ulat, nagsimulang liparan ng mga drones ang Mamasapano mahigit isang linggo bago ang operasyon ng PNP-SAF. Sabi ng mga residente sa lugar, pinakamatagal ang paglipad noong Enero 24, gabi bago ang aktwal na operasyon. Maingay ang mga ito at kumukutitap sa dilim ng gabi. (Ayon sa parehong ulat, noon pa mang Enero 2005, mayroon nang bidyo na kuha ng isang drone sa nabigong operasyon ng Armed Forces of the Philippines para arestuhin ang Indonesian at pinaghihinalaang teroristang si Dulmatin sa Tukanalipao, barangay ng Mamasapano.) Dito, lumalabas na ginamit ang mga drones na paniktik para tiyakin ang kinaroroonan ni Marwan at aralin ang kalupaan na paglulunsaran ng operasyon.

Kailangang idagdag, sa usapin ng pagtukoy sa lokasyon ni Marwan, na ayon sa isang pang ulat, nakuhanan ng bidyo sina Marwan at Usman ng isang tao ilang araw bago ang operasyon laban sa kanila. Ligtas na ipagpalagay na katambal ang pagkuhang ito ng bidyo ng pagtukoy sa kanilang lokasyon gamit ang drones.

Ayon naman sa isa pang ulat, ginamit ang drones sa pagmonitor sa mismong paglulunsad ng operasyon. Nakuhanan ng bidyo ng isang kagawad ng assault team ang paglipad ng drones habang nagaganap ang operasyon. Ang mas matinding impormasyon ay galing sa isang kinapanayam: naging mahalaga ang drones sa magkaibang sinapit ng assault team at blocking force. Nakaligtas umano ang assault team – na sinasabing nakapatay kay Marwan at nakakuha ng daliri niya – dahil sinubaybayan ito ng drone habang marami ang namatay sa blocking force dahil walang drone na sumubaybay rito. Sa isa namang ulat, malinaw ang pormulasyon ni Director Getulio Napeñas, hepe ng PNP-SAF: nakasama ang US sa paniniktik pero hindi sa bakbakan – nakamasid, hindi nakipaglaban.

(3)

Sa US at ibang bansa, marami nang tumuligsa sa mga drones, partikular sa tampok na porma nito, ang mga drones na pang-atake. Mababanaag ang mga tuligsang ito, gayundin ang kalakasan at bentahe ng drones, sa pagtatangol ni Jamie Holmes, komentarista ng isang maka-Kanang institusyon sa US: “Kasama sa listahan ng mga armas na minsang itinuring na ‘duwag’…  hindi lang ang mga submarines ng World War I ngunit maging ang pana at palaso at ang baril… Ang punto ng bawat isa sa mga teknolohiyang ito ay pareho: ang magkamit ng asimetrikong bentahe kumpara sa kalaban at bawasan ang mga panganib.”

Madaling makita kung bakit itinuturing ng gobyerno ng US ang drones na hulog ng langit. Ito ang sagot sa kanilang phobia, trauma, complex o iba pang pagkayanig na pinangalanang “Vietnam” – kung saan maraming sundalong Amerikano ang namatay, bagay na nag-udyok ng paglakas ng kilusan laban sa imperyalistang gera sa loob ng US mismo. Sang-ayon sa sinabi ni Holmes, binibigyan ng mga drones na pang-atake ang gobyerno ng US ng kakayahang pumatay, maglunsad ng opensiba, o mandigma saanmang panig nang mundo nang minimal ang posibleng pinsala, at wala pa ngang pinsala kung sundalong patay ang pag-uusapan.

YouTubeNEW08flat

Madali at epektibong opensiba nang minimal ang pinsala, nang walang sundalong patay – sa pamamagitan ng drones na pang-atake, makakamit ang maksimum sa dalawang layuning ito. Maksimum sa puntong marami ang nagsasabing binabago ng drones ang mismong konsepto ng digmaan. Ayon nga sa pilosopong Pranses si Gregoire Chamayou, sa pamamagitan ng drones, maaaring pumatay nang hindi nagiging lantad sa posibilidad na mapatay. Kaya nga, aniya, ang paggamit ng drones na pang-atake ay mas kahawig ng pagha-hunting sa mga hayop, higit pa sa pagdidigmaan sa pagitan ng mga tao. Mahirap ding labanan ang drones ng mga biktima nito, at iyan ay kung malalaman nilang target nga sila ng mga ito.

Sa kamay ng imperyalismong US, ang malawak na kakayahan ng mga drones na pang-atake ay ginagamit para labagin ang maraming bahagi ng internasyunal na makataong batas na sumasaklaw sa mga gera. Una, ginagamit ang naturang drones para lusubin ang mga target sa kanilang tahanan, na hindi dapat saklaw ng lugar ng labanan o battlefield. Ito ang isa pang punto ni Chamayou, na binabago ng naturang drones ang pakahulugan ng digmaan bilang kumprontasyon sa isang lugar ng labanan ng dalawang pwersa. Ikalawa, ginagamit ang mga drones na pang-atake para sa operasyong sa esensya ay ekstrahudisyal na pagpaslang; pinapatay ang mga target kahit walang hatol ng korte. Sa praktika ng US, ayon sa isang balita, ang nagpipinal ng listahan ng mga target patayin gamit ang drones ay si Obama mismo, sa gabay at pagpapayo ng Central Intelligence Agency tuwing “Terror Tuesday.”

Ikatlo, bagamat ipinagmamalaki ng US ang pagiging eksakto ng pag-atake ng mga drones, sa aktwal ay maraming nadadamay na sibilyan at hindi target ng operasyon. Bukod pa rito ang praktika ng US, ayon kay Cohn sa itaas, ng pagpuntirya sa mga nagliligtas sa mga tinamaan ng drones at maging sa mga naglalamay sa mga bangkay ng mga napatay nito. Ikaapat, dahil pamilyar na ito sa mga mamamayang tinatarget nito, kahit ang paglipad ng mga drones na pang-atake ay isang porma na ng terorismo laban sa kanila. At ikalima, dahil malaya itong naglalabas-masok sa iba’t ibang bansa, nilalabag nito ang soberanya ng maraming bansa.

(4)

Sa isang magandang sanaysay, pinaksa ni Firmin DeBrabander, propesor ng pilosopiya, ang kaugnayan ng paggamit sa mga drones na pang-atake sa demokrasya, prinsipyong pormal na pinapahalagahan ng mga mamamayang Amerikano.

Aniya, dahil sa drones, mas madaling magpasya ang iilan sa iilang namumuno sa US na maglunsad ng atake saanmang bahagi ng mundo. At dahil hindi ito ramdam ng mga mamamayan, bunsod nga ng kawalan ng sundalong patay, mas walang pagkabahala sa hanay nila hinggil sa paglulunsad ng atake ng gobyerno. Dahil minimal ang panganib sa US, pwedeng bawasan ng mga mamamayang Amerikano “ang pagiging mapagbantay sa mas maiitim na tendensya ng ating mga lider, mga di-sinasadyang resulta ng kanilang mga aksyon, at kuntento na tayong magpalulong sa mga pribadong usapin.” Aniya, senyales ang paggamit sa mga drones ng lalong pagkawala ng karapatan ng lipunang Amerikano na matawag na demokrasya.

IMG_7015edit03Flat

Kahit umano si Niccolo Machiavelli, pilosopong pampulitika na kilala sa islogang “The end justifies the means” at nagbibigay-katwiran sa pagdidigmaan ng mga bansa, ay hindi sasang-ayon sa “pakikidigma” gamit ang mga drones na pang-atake. Para kay Machiavelli, aniya, mahalaga ang responsibilidad at ang pagkatuto at pagkapanday sa kabutihang sibiko o pangkomunidad (civic duty) ng mga mamamayan sa isang digmaan, bagay na hinahadlangan ng paggamit ng drones na pang-atake.

(5)

Sa diwa ng pagsusuri ni DeBrabander, na naglugar ng drones na pang-atake sa ugnayan ng mga mamamayang Amerikano at ng gobyerno ng US, magandang suriin ang paggamit ng drones, sa pamamagitan ng lente ng nangyari sa Mamasapano, sa Pilipinas bilang bansa.

Madaling makitang sa simula pa lang, magiging kandidato ang Pilipinas sa mga bansang gagamitan ng drones ng US. Syempre pa, nananatili ang interes ng US sa Pilipinas bilang neokolonya na pagkukunan ng hilaw na materyales at ng murang lakas-paggawa at tambakan ng labis na produkto. May geo-pulitikal na interes ngayon ang US na tiyakin ang presensyang militar nito sa Pilipinas para hadlangan at labanan ang pagpapalakas ng kakayahang militar ng China, na nagpapakita ng papatinding pagtutol at pagsalungat sa mga dikta ng US. Ang interes na ito ang nasa ubod ng programang “Pivot to Asia” ng US.

Bukod pa diyan, mga Muslim ang pinupuntirya ng gobyerno ng US sa umano’y “gera kontra-terorismo” nito at may mga rebeldeng grupong Muslim sa bansa. Idinadawit din ang naturang mga grupo sa mga grupong terorista na kumikilos sa Timog Silangang Asya at kaugnay ng Indonesia. Bukod pa diyan, nasa Pilipinas ang isa sa pinakamatagal na armadong grupong Komunista sa buong mundo, ang New People’s Army. Matatandaang binansagan ito, at ang namumuno rito, ang Communist Party of the Philippines, na grupong terorista ng US.

Sa Pilipinas, may mga ulat na ng paggamit ng drones na pang-atake, bagamat tiyak na mas masaklaw ang paggamit sa mga drones na paniktik – gaya ng sinasabi ng mga pahayag ng mga yunit ng New People’s Army at ng mga balita tungkol sa mga drones na inaanod sa dalampasigan ng mga dagat. Sa kalagayan ito na si Noynoy Aquino, ang pangulo ng Pilipinas sa panahon ng pag-arangkada ng paggamit sa mga drones na pang-atake, ay sunud-sunuran sa mga dikta ng US kahit sa aspektong militar. Tampok na patunay ang pag-apruba sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA at ang paglalabas-masok ng mga barkong pandigma ng US sa bansa.

May implikasyong karugtong ang paggamit ng drones na paniktik sa pagtugis sa mga pinaghihinalaang terorista – ang paggamit sa mga armadong tropa, pulis man o militar. Kapag operasyon ng US, nangangahulugan ito ng pag-uunahan at pag-aagawan ng mga paksyon ng naghaharing uri – na nasasalamin sa mga posisyon sa gobyerno at militar at pulisya – sa namumunong papel sa operasyon.

BarbedWireSilk02flat

Sa kaso ng Mamasapano, ang kinasabwat ay isang pangkatin sa loob ng dominanteng paksyon ng mga naghaharing uri na kinakatawan ni Aquino. Ang lumutang na dahilan ay ang paglilihim ng operasyon, dahil hindi umano mapagkakatiwalaan ang AFP. Pero tiyak na nangunguna sa mga tunay na dahilan ang pagkopo sa perang reward at iba pang premyo mula sa gobyerno ng US, kapwa materyal at pampropaganda, kasama na ang natsismis na Nobel Peace Prize para kay Aquino. Maaari sanang pinagana ni Aquino ang chain of command ng militar at pulisya, pero naging gahaman siya at ang pangkatin niya sa ganansya.

Sa kabilang banda naman, sa panig ng mga grupong rebelde na target ng mga drones, patuloy silang nabubuhay at nakakalaban dahil pumapabor sa kanila, bukod ang suporta ng masang maralita, ang tereyn, ang pagkagamay rito, at ang kanilang moda ng pagkilos. Maganda ang pagsusuri ni Gaston Gordillo, antropologong nagsusuri sa espasyo: Ang paglipad sa ere ng mga drones ay patunay na hindi lubos na kontrolado ng Imperyo, ng imperyalismo, ang kalupaang madalas ay tinatanaw ng mga ito. Kailangang lumipad ng mga pwersa ng imperyalismo sa ere dahil delikado sila sa lupa.

Ani Gordillo, ipinapakita rin ng mga drones ang “pang-espasyong hangganan at kalabuan (opacities) na nahaharap [ng karahasan ng Imperyo] sa gitna ng mga pulitikal at materyal na pagkakakurba-kurba (striations) ng pandaigdigang tereyn.” Aniya, nananatiling totoo ang “isang sinaunang prinsipyo ng pakikidigmang gerilya:… ang paggamay sa kalupaang may matinding pagkakakurba-kurba (kabundukan, kagubatan, espasyong urban) ng mga pleksible at makilos na pwersa ay nagpapahintulot sa kanilang makatakas sa pagkakahuling biswal (visual capture) ng estado at, sa matagalan, pagurin at gapiin ang mas makapangyarihang mga militar.”

Nakakakumbinsi ang argumento ni DeBrabander kung paanong ginagawang mas dahop ng paggamit ng drones ang demokrasya sa US – na isang sentral na usapin kapag sinusuri at pinag-uusapan ang bansang iyan. Sa panig ng mga bansang tulad ng Pilipinas na pinaggagamitan ng drones, ipinapakita ng nangyari sa Mamasapano na ang usapin ay mas pundamental, ang usapin ng buhay. Sobrang pundamental ito sa puntong inilalantad ng pagdanak ng dugo na nananatiling ilusyon lamang ang anumang sinasabing demokrasya at kalayaan ngayon sa ating bayan.

21 Marso 2015

Galing ang mga larawan dito.

Iyung isang sikat na kanta lang niya ang alam ko, at hindi ko alam na kabisado ng marami ang mga kanta niya, pero parang ang saya lang ng concert ni Ed Sheeran sa bansa, lalo na para sa kanya mismo. Hehe.

Pera ang Nagsasalita

Jeremy Geddes3

Nabasa ko ang pahayag ng Akbayan para sa ika-29 na anibersaryo ng pag-aalsang Edsa People Power. Ang titulo: “Realize Edsa’s unfulfilled promises; shield it from opportunists, vultures and usurpers.” Inilathala ang pahayag, syempre pa, pagkatapos ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. Sa gitna ng pinakamatinding eskandalong yumanig sa gobyerno ni Noynoy Aquino, hindi pa rin nayayanig ang matinding suporta ng Akbayan sa kanya. Masasabi pa nga na minamarkahan ng pahayag ang panibagong antas ng pagkabulok ng Akbayan mula sa grupong may pseudo-progresibong pagpapanggap patungong sagad-sagaring bayaran.

Sa kaso ng Mamasapano, ang panawagan ng Akbayan kay Aquino: “igiit ang kanyang solidong pamumuno sa isyu at gumawa ng mapagpasyang hakbangin para ilabas ang buong katotohanan at magbigay ng hustisya sa lahat ng biktima.” Para kang nanawagan kay Gloria Macapagal-Arroyo na ilabas ang katotohanan sa “Hello Garci.” Ayon pa rito, may “mga seryosong pagkakamali sa paghusga at command sa mga kritikal na yugto ng engkwentro.” Sa ganitong pahayag, ang itinuturing lang na biktima ay ang 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force, hindi kasama ang maraming Moro na napatay dahil sa operasyon – rebelde man o karaniwang sibilyan.

Pero ang mas mahalagang punto: Ang ugat ng pagdanak ng dugo ay wala sa anumang detalye ng operasyon, kundi sa buong plano nito. Dumanak ang dugo dahil ang plano ay pagpatay sa isang pinagbibintangang terorista na nasa loob ng isang komunidad kung saan maraming armadong grupo. Dumanak ang dugo dahil ipinatupad ni Aquino ang patakaran ng US ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang terorista sa isang delikadong konteksto. Mahalagang punto ito kung gusto nating matuto sa nangyari, dahil lantad nang may patakaran ang gobyerno ng US ng asasinasyon sa mga pinaghihinalaang terorista, ayon nga kay Glenn Greenwald at iba pang imbestigatibong mamamahayag.

Jeremy Geddes4

Syempre pa, ramdam na tinutunggali ng Akbayan ang Kaliwa sa pahayag. Sabi nito patungkol sa mga tumutuligsa kay Aquino: “sa kalakhan ng kanilang buhay ay nag-instrumentalisa, nang-abuso at nang-angkin sa makatarungang pakikibaka ng bayan para sa pagbabagong panlipunan.” Ang Kaliwa ang tinutukoy rito, dahil ang iba pang personalidad at pwersa na idinidikit sa Kaliwa ay direktang kumalaban, hindi nakisakay, sa naturang pakikibaka. Sa kabilang banda, tiyak na sarili ang tinutukoy ng Akbayan nang sinabi nitong nagbukas ang Edsa ng “mga bagong oportunidad para ituloy ng mga kilusang panlipunan ang pakikibaka para sa tunay na pagbabagong panlipunan.”

Pero nasaan ang ebidensya ng retorikang ito? Gustong palabasin ng Akbayan na nagsusulong ng mga reporma ang gobyernong Aquino, pero puro mga hakbangin ang ibinibida nito, hindi resulta – sa pagbawas sa kahirapan at kagutuman, halimbawa. Participatory budget process? Tapos pwedeng baguhin ng pangulo gaya ng ginawa sa Disbursement Acceleration Program. Disenteng paninirahan para sa mga “informal settlers”? Tatak ng gobyernong Aquino ang mararahas na demolisyon at bulok na relokasyon. Proteksyong panlipunan? Lalong lumaganap ang kawalang-trabaho, kontraktwal na empleyo, at kawalang-lupa. Ito ang katuparan ng mga pangako ng Edsa?

Sobrang labag na sa katwiran ang mga pahayag ng Akbayan hinggil sa gobyernong Aquino. Halatang hindi na katwiran, at lalong hindi paninindigan, ang nagsasalita sa mga ito, kundi pera. Makikita rin ito sa paggamit ng Akbayan sa retorika ng Edsa: Sa panawagan nitong kamtin ang pangako ng Edsa ngayon, pinapalabnaw ng Akbayan ang naging bisa at silbi ng Edsa para sa mga Pilipino – ang magpatalsik ng kinamumuhiang pangulo. Higit pa riyan, pinapatatag nito ang ilusyong makakamit ang mga pangako ng Edsa sa kasalukuyang sistema at gobyerno. Malinaw, kung susuriin lang, kung sino ang tunay na “oportunista, buwitre at mang-aagaw” sa pakikibaka para sa pagbabago.

25 Pebrero 2015

Galing dito ang mga larawan.

Pagmumuni sa anibersaryo ng Edsa People Power sa ilalim ni Noynoy ni Angela Stuart-Santiago. Ulat at mga larawan ng Pinoy Weekly sa naturang anibersaryo.

Si Yannis Varoufakis ng Syriza, kung paano siya naging Marxista. Kritisismo ni Stathis Kouvelakis sa tinatakbo ng Syriza, lalo na’t kaugnay ng Eurozone.

Mabuhay ang kaboses kong si John Legend! Glory!

At What Cost Daw

Sky

Sa kanyang kolum na “Resignation at what cost?” nitong 07 Pebrero, tinanong ni Solita Collas-Monsod ang mga nananawagang magbitiw sa pwesto si Pang. Noynoy Aquino: Nababaliw na ba kayo? Ayon sa propesor ng ekonomiks sa Unibersidad ng Pilipinas, sa usapin ng pagtutulak na mag-resign si Aquino, mas malaki ang magiging gastos ng sambayanan kaysa sa magiging pakinabang nito. Sabi pa niya, kahit pagsama-samahin ang mga kritisismo niya kay Aquino, mas matimbang pa rin ang mga positibo rito at mas mainam pa rin ito sa posibleng pumalit na si Bise-Presidente Jejomar Binay.

Malamang, dahil napakababaw naman ng mga kritisismo niya kay Aquino. Lalabas nga, tutol siya sa pagbitiw nito sa pwesto dahil wala siyang nakikitang mabigat na kasalanan nito, hindi pa dahil ayaw niya kay Binay. Anu-ano ang mga tuligsa niya kay Aquino? Tungkol lang sa pagtatalaga ng mga tao sa iba’t ibang pwesto sa gobyerno – interes ng mga akademikong may pamantayan sa mga lingkod-bayan, interes din ng mga gustong magpwesto ng sariling mga kaibigan. Ano ang teorya sa likod nito? Na huhusay na lang ang gobyerno kung maitatalaga rito ang mga maabilidad na tao? Hindi ba’t makitid ito?

Sa kaso ng pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong 25 Enero, ligal at hindi moral ang nakikita niyang pinakamabigat na kasalanan ni Aquino: paglabag sa chain of command ng gobyerno. Ni hindi ang resulta ng paglabag na ito – ang pagkamatay ng 44 operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force, 18 mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front, at walong sibilyan. Hindi rin ang paglalagay sa panganib ng usapang pangkapayapaan sa MILF. Hindi rin ang pagsugal at paglustay ng buhay ng mga Pilipino dahil sa utos ng US na walang malasakit sa buhay.

Ang totoo, hindi kinonsidera ni Monsod ang matitinding kritisismo kay Aquino. Hindi ang pagkabigo sa paglikha ng trabaho, bukod pa sa disenteng trabaho, na mahalagang indikasyon ng lagay ng ekonomiya. Hindi ang pagkabigong sumaklolo sa ating mga kababayang nasalanta ng superbagyong Yolanda. Hindi ang pagkopo ng iilang malaking kapitalista sa mga kontrata sa pribatisasyon. Hindi ang militarisasyon sa kanayunan at patuloy na paglabag sa mga karapatang pantao. Para kay Monsod, abswelto na agad si Aquino sa korupsyon, kahit ipinagtanggol at pinalaki nito ang pork barrel sa gobyerno.

Coastline

Binanggit lang ni Monsod ang mga tuligsa niya kay Aquino para palabasing nyutral siya, na pwede siyang maging hukom at magbaba ng kapani-paniwalang hatol. Pero hindi pwede, dahil hindi niya pinakinggan ang prosekusyon. O mas eksakto: dahil simula’t sapul ay nasa depensa siya. At ano ang depensang ito? Isang hanay sa lipunan na kumbinsido sa mga batayang patakaran ng gobyerno, maalwan ang buhay sa gitna ng lahat ng ito, at humahatol lang batay sa mga itinatalaga ng pangulo. Hindi mula sa batayan ng nakakaraming matagal nang naghihirap at naghahanap ng pagbabago.

Marami nang sumagot nang diretso sa akusasyon ni Monsod. Ang mga gustong mag-resign si Aquino, gusto ba nilang si Binay ang pumalit? Hindi, kahit pa iba ang igiit ni Monsod. Posible bang si Binay ang pumalit? Oo, dahil isinasaad sa Konstitusyon na bise ang papalit sa presidente. Pero pwede at mas mainam ang isang konsehong transisyon– tulad ng pinlano noong pinapatalsik si Ferdinand Marcos at si Joseph Estrada. Ang programa nito: itigil ang mga krimen ni Aquino, panagutin siya sa mga ito, magpatupad ng mga maka-mamamayang reporma, at magdaos ng eleksyon ng papalit na pangulo.

Ang kakatwa, sumuporta si Monsod sa Edsa 1 at Edsa 2; alam niya, kung huhukayin lang sa alaala, ang ideya ng konsehong transisyon bilang pamalit sa pangulo. May mga sinserong nangangamba na si Binay ang papalit kay Aquino. Pero mayroon din namang mga mulat na maka-Aquino na ginagamit si Binay bilang panakot para huwag nang matalakay ang mga krimen ng pangulo. Alam nila, na kung kikintal ang mga krimen ni Aquino sa bayan, hindi nito iisiping mas malaki ang gastos kaysa pakinabang sa pagre-resign ng pangulong tuta, kurakot, maka-elite, sinungaling at duguan ang mga kamay.

Dahil, sa totoo lang, may konsiderasyong mas mabigat kaysa timbangan ng gastos at pakinabang. Kung tutuusin, parang sirang plaka na ngayon si Monsod. Ganyan din ang sinasabi niya noon sa gitna ng madilim na paghahari ni Gloria Macapagal-Arroyo: mas malaki ang gastos kaysa pakinabang kung papalit ang bise-presidenteng si Noli de Castro. Kaya natapos ang paghahari ni Arroyo na nakahanay si Monsod sa mga kakampi nito. May konsiderasyong mas mabigat kaysa timbangan ng gastos at pakinabang. Mas mahalaga ang pagtindig sa tama – at hindi si Monsod ang magandang halimbawa.

08 Pebrero 2015

Galing ang mga larawan dito.

Nakakaaliw na mga pangalan na kaugnay sa pagkapanalo sa eleksyon ng Syriza, alyansang kontra-austerity sa Greece: Costas Lapavitsas, Stathis Kouvelakis, at Yannis Varoufakis. Mahalaga raw ang mga propesor na naging pulitiko sa pangyayaring ito.

Tiyak na Kapahamakan

Commandeath in Chief

Apatnapu’t apat na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF). Labing-walong mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). At dalawa hanggang anim na sibilyan. Kabisado na ng marami ang mga datos na ito tungkol sa madugong operasyon ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 18. Makaisang-panig na tumampok sa midya ang maraming namatay sa hanay ng PNP-SAF, kaya naging mabilis ang pagsisi sa MILF. At sa pamumuno ni dating Pangulong Joseph Estrada, lumakas ang panawagan para maglunsad ng todo-gera laban sa MILF.

Pero mas malawak ang pagkondena kay Pang. Noynoy Aquino. Itinanggi niya ang direktang pananagutan sa nangyari sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Enero 28. Wala siya sa parangal noong dumating ang mga bangkay ng napatay na PNP-SAF sa Villamor Air Base noong Enero 29. Nahuli rin siya ng pagdating sa parangal sa burol ng mga ito noong Enero 30. Sa mga aksyon niyang ito nagmula ang bansag sa kanyang “traydor” sa mga napatay na elite na pwersa ng kapulisan. Sa paglakad ng mga araw, tumatalas din ang pagsisi sa kanya dahil sa pag-uutos niyang ilunsad ang operasyon.

Marami nang nasabi at nasulat tungkol sa nangyari sa Mamasapano. Alam mong galit ang publiko at delikado ang pangulo kapag bumabaha ng salita at imahen sa Facebook at iba pang social media, kapwa sa istatus at komento ng mga tao. Sa ganitong mga panahon, ang mga selfie at larawan ng pagkain, alagang hayop at anak ay nagiging sekundarya sa mga balita at komentaryo tungkol sa pulitika. Naganap ang pagdanak ng dugo sa Mamasapano sa panahong lumalalim din ang galit ng publiko sa gobyernong Aquino dahil sa pagtaas ng pamasahe sa MRT-LRT at ng iba pang singilin sa serbisyo.

Anu’t anuman, heto ang mga aspeto ng isyu na tawag-pansin at interesante para sa akin:

(1) Papel ng US. Binansagang internasyunal na terorista ang target ng operasyon. Ang US ang matagal nang tumutugis sa kanya. Umano’y eksakto ang impormasyon tungkol sa lokasyon ng target. Nagkumahog si Noynoy, matapat na tuta ng US, para ipatupad ang operasyon. At lihim itong ipinatupad. Lahat ng ito, indikasyon na ang US, kasabwat si Aquino, ang pangunahing nagtulak ng operasyon at responsable rito. Kumpirmasyon na lang ang mga larawan ng mga sundalong Kano na tumutulong sa paglilikas sa mga napatay sa labanan – at kung hindi ito nakunan ng larawan, posibleng itatanggi rin ito.

Police Black Ribbon

Mas malamang na ang US ang nakatunton sa target na terorista, nag-utos ng operasyon, nagdisenyo nito, at namuno sa pagpapatupad nito. Antas-imperyalista ang kumpyansa, kaya nga ipinwesto na si Aquino sa Zamboanga City para sa press conference na magbubunyi dapat sa harap ng internasyunal na midya ng noo’y inaasahang tagumpay. Itinanggi na ng US Embassy ang anumang mahalagang papel sa operasyon, pero sinong naniniwala rito? Hindi ang mga mamamayang alam ang madugong rekord ng US sa buong mundo at ang kasinungalingan ng mga embahada nito sa iba’t ibang bansa.

(2) Paggamit sa mga Pilipino, pagmaliit sa paglaban ng sambayanang Moro. Kung direktang sakop ng US ang Pilipinas, mga tropang Kano ang lalaban sa mga Pilipino. Pero dahil neo-kolonya ng US ang Pilipinas, at tuta nito ang gobyerno, Pilipino mismo ang ginamit laban sa Pilipino. Patunay ng kumpyansang imperyalista ang paggamit ng kapulisan at hindi militar sa operasyong ito. Sa pagpakat ng mahigit 400 pulis sa Mamasapano, malinaw na labanan ang pakay nila. Pero patunay ang madugong resulta na lubhang minaliit ng US at ni Aquino ang paglaban ng sambayanang Moro.

(3) Paglabas ng katotohanan. Lumalakas ang panawagan para sa katotohanan hinggil sa nangyari, na dapat lang. Pero magandang itanong: anong katotohanan ang hinahanap? Iyung pamperyodismo? Iyung ligal? Dapat hanapin ang mga ito, pero dapat kilalanin din ang isang katotohanan: na kayang-kayang itago, baluktutin, o ipitin ng mga naghahari ang mga ito. Dapat ding kilalanin ang isa pang katotohanan: Na sa kasaysayan ng People Power, lumalabas ang katotohanan kapag ang sambayanan ay nagpoprotesta, naggigiit ng pananagutan batay sa pinapaniwalaan nitong katotohanan.

(4) Gera kontra-terorismo. Inilunsad ang operasyon sa balangkas ng tinatawag na “gera kontra-terorismo” ng US. Maaalala ang tuligsa ni Michel Chossudovsky, progresibong intelektwal: ang “gera kontra-terorismo” mismo ay terorismo – atake sa mga mamamayan ng daigdig para sa interes ng malalaking kapitalista at gobyerno ng US. Kailangang palawakin ang pag-unawa lampas sa mga indibidwal na terorista at mga kaso ng terorismo, patungo sa kalagayang nagluluwal ng mga binabansagang terorista – na hinuhubog ng mga mapaminsalang patakarang imperyalista sa ekonomiya at militar.

Larawan ng “gera kontra-terorismo” ng US ang nangyari sa Mamasapano. Sa panahong ipinagyayabang ng US ang mga abanteng kagamitan para sa presisong pagtukoy at pagbigwas sa umano’y terorista, mas maraming mamamayan ang namamatay. Sa panahong ipinagyayabang nito na isinusulong ng mga gera nito ang “demokrasya,” pinakilos nito ang gobyerno sa paraang palihim at di-demokratiko. Sa panahong ginagamit nito ang mga usapang pangkapayapaan para pasukuin ang mga armadong grupo, ipinakita nito na hindi ito magpapapigil sa paglulunsad ng mga atake at gera.

03 Pebrero 2015

Galing ang mga larawan sa timeline ni Teddy Casiño sa Facebook.

Disiplina para sa Bisita

Manila Times Pope Francis1

Isa sa mga tawag-pansin na salitang tumampok sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas ang “disiplina.” Sabi ni Pang. Noynoy Aquino bago dumating ang Santo Papa, “I call on Filipinos to exercise the utmost discipline, in order to ensure that our gatherings are peaceful and orderly.” Sa unang gabi ng pagdating ni Pope Francis, sinabi ni Kris Aquino, kapatid ni Noynoy, sa kanyang sikat na palabas sa telebisyon na “proud” siya dahil “disiplinado” ang mga Pilipino. Pinaalingawngaw na ang naturang salita, at ang positibong pagpapahalaga rito, ng iba’t ibang ulat ng midya ng malalaking kapitalista kaugnay ng pagdalaw ni Pope Francis. Sa ikalawang gabi ni Pope Francis sa Pilipinas, si Ces Oreña-Drilon ng impluwensyal na ABS-CBN ang narinig kong nagbalita nito.

Syempre pa, pumapatungkol ang disiplina sa isang disposisyon kaugnay ng mga patakaran o prinsipyo na nagmumula sa isang awtoridad labas sa indibidwal. Sa partikular, disposisyon ito ng pagsunod – at hindi nga lang ng pagsunod, kundi ng mulat at kusang pagsunod. Maaaring maging disposisyon ito ng marami, pero dahil usapin ito ng mulat at kusang pagsunod, mas matitingnang disposisyon ito ng indibidwal. Madalas na imahen nito, dahil na rin sa propaganda ng gobyerno na dumadaloy sa midya at sistemang pang-edukasyon, ang pagtawid sa tamang tawiran – gawain ng indibidwal, pagtalima sa patakaran ng gobyerno, at larawan ng pag-abante sa modernidad. Susing salita rin ito, syempre pa, ng Martial Law ni Ferdinand Marcos.

Paano gumagana ang “disiplina” sa kaso ng pagdalaw ni Pope Francis? Una sa lahat, maraming patakarang ipinatupad ang gobyernong Aquino na mapanupil sa normal na kalakaran ng mga mamamayan bago ang pagdalaw, at lampas sa panunupil sa mga protesta ng kilusang masa sa bansa: nilinyahan ng mga pulis ang kalsada; nilimitahan ang transportasyon ng mga tao sa kalsada, himpapawid, at dagat; pinatay ang signal ng mga cellular phones, hadlang sa pagpapadala at pagtanggap ng mga mensaheng text; at iba pa. Ipinatupad ang mga ito ng gobyerno nang nagsasarili, walang konsultasyon sa publiko, at mabilisan. Ipinatupad ang mga ito sa paraang wala nang magagawa ang karaniwang mamamayang gustong sumalubong kay Pope Francis kundi ang sumunod.

Pagkatapos obligahing sumunod ang mga mamamayan, papapurihan sila ng mga makinarya ng propaganda ng gobyerno dahil “disiplinado” sila, dahil nagpakita sila ng “disiplina.” Maririnig din sa ibang reporter sa midya ang linya ni Kris Aquino: Kadikit ng pagiging disiplinado umano ng mga Pilipino ang pagiging “proud” o pagmamalaki. Na kadikit naman ng tahimik na pagkilala na nanonood ang mundo sa Pilipinas sa panahong narito si Pope Francis – at para bang pagiging disiplinado ang inaasahan nilang makita sa mga Pilipino. Sa ganito, ang diskurso tungkol sa disiplina ay nagsisilbing premyo sa mga mamamayan sa pagiging disiplinado umano, at sa gayon ay bahagi rin ng mismong mga mekanismo ng pagpapataw ng disiplina sa kanila.

Manila Times Pope Francis2

Sa kabilang banda, marami-rami na ring komentarista ang nagpahayag tungkol sa kababawan ng pagbabalita ng midya ng malalaking kapitalista tungkol sa pagdalaw ni Pope Francis. Pangunahin dito ang pagpokus sa maliliit na detalye kaugnay ng pagdalaw, sa kapinsalaan ng pag-uulat tungkol sa kabuluhan nito at ng mga pahayag ng Santo Papa. Sa isang pakahulugan, “walang disiplina” ang midya ng malalaking kapitalista kaugnay ng mga prinsipyo ng pamamahayag o journalism. Madalas, ang mga komentaryo hinggil sa kawalang-disiplinang ito ay inilalabas sa social media, sa pampublikong larangan na may akses ang mga komentarista, para mabasa ng marami. Parang sinasabihan nila ang midya ng malalaking kapitalista: “Mahiya naman kayo!”

Kung walang disiplina ang midya ng malalaking kapitalista sa gitna ng pagdalaw ng Santo Papa, wala ring disiplina si Pang. Aquino mismo. Sa kanyang talumpati sa harap ni Pope Francis, tinuligsa ni Aquino ang lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko dahil sa pagiging kritikal nito sa kanya. Masasabing kawalang-disiplina rin ito: sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, sinamantala ni Aquino ang okasyon para i-ere ang kanyang mga isyu sa Simbahan, sa halip na tugunan ang mga isyu ng korupsyon at kawalan ng pagkakapantay-pantay na tinuligsa ng Santo Papa. Sabi naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, “isang kahihiyan para sa buong bansa” ang mga pahayag ni Aquino. “Nakakahiya!”

Ang nabubuong larawan: Disiplina para sa mga mamamayan, kawalang-disiplina para sa midya ng malalaking kapitalista at kay Aquino mismo. Madali ring makita ang pakinabang ng malalaking kapitalista. Hindi kataka-taka, sa unang buong araw ng Santo Papa sa Pilipinas, dinala siya sa Malakanyang ng gobyerno, sa Manila Cathedral ng Simbahang Katoliko, at pagkatapos ay sa Mall of Asia o MOA ng malalaking kapitalista. Mismong pamilya ni Henry Sy – pinakamayamang Pilipino, may-ari ng MOA, at pangunahing tagapagpatupad ng kontraktwalisasyon sa mga manggagawa – ang sumalubong sa Santo Papa sa lugar. Kitang-kita rin ang pagpapaanod lang ng lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko, sunud-sunuran lang sa gobyernong Aquino.

(Sa isang pagtingin, sa pagpataw ng panunupil sa mamamayan, sinuspinde ng gobyernong Aquino ang mga batas, at sa gayon ay nagpataw sa bansa ng “state of emergency.” Maaalala ang bantog na depinisyon ng pilosopong Nazi na si Carl Schmitt: “Sovereign is he who decides on the exception.” Sa ibang salita, ang makapangyarihan ang siyang nagtatakda ng “eksepsyon” – kailan lalagpas sa mga batas para umano sa interes ng publiko. Isang porma ng “estado ng eksepsyon” ang “estado ng emergency” at makikita natin sa pagtatakda nito kung sino ang makapangyarihan sa bansa. At dugtong ng pilosopong si Walter Benjamin: “Itinuturo ng tradisyon ng mga inaapi, na ang ‘estado ng eksepsyon,’ kung saan tayo nabubuhay, ay ang normal na kalagayan.”)

Manila Times Pope Francis3

Anu’t anuman, mahalagang suriin ang “nakakahiya” na “kawalang-disiplina” na ipinakita ni Aquino sa talumpati niya sa harap ni Pope Francis. Mayor na pahayag ito, at tiyak na hindi aksidente, kundi sinadya. Tila mababaw na katatawanan lang ang pagbanggit niya sa kanyang pagkapanot, pero itinatago nito ang kaakibat na tahimik pero matinding panawagan kay Pope Francis na gawin sa pamunuan ng lokal na Simbahan ang pampublikong pagtuligsa na ginawa ng Santo Papa sa Curia sa Roma. Sa kanyang talumpati bago dumating si Pope Francis, ipininta ni Aquino ang worst-case scenario sa kaguluhan ng publiko. Tiyak, naghanda rin ang kanyang gobyerno sa worst-case scenario sa posibleng pahayag ng Papa na kritikal sa kanyang gobyerno.

Sa pag-upak sa lokal na pamunuan ng Simbahang Katoliko, ang gustong unahan at kung sakali’y banggain ni Aquino ay ang posibleng kritisismo ni Pope Francis sa kanyang gobyerno. Ang gusto niyang palabasin: kaaway niya ang lokal na pamunuan ng Simbahan, kaya mali o malisyoso ang ulat nito sa Santo Papa. Hindi na mahalaga kung ano ang posibleng tuligsa ng Santo Papa; ang mahalaga ay batuhin ng duda, pagkwestyon, o malisya ang posibleng pinagmulan ng naturang tuligsa. Maaaring ito rin ang pangamba na pinagmumulan ng mga mapanupil na hakbangin ng gobyerno: ang takot sa kritisismong posibleng sabihin ni Pope Francis sa gobyernong Aquino. Dinidisiplina ng gobyernong Aquino ang mga Pilipino para sa sariling interes nito.

17 Enero 2015

Galing sa Manila Times sa Facebook ang magagandang editorial cartoons.

Magandang salaysay ni Raymund Villanueva hinggil sa pagdiriwang sa anibersaryo ng CPP kasama ang NPA. Ang ganda naman ng sanaysay ni Mong Palatino tungkol sa pagsuko ng green card sa US Embassy, nakakaiyak.

Bakit ngayon ko lang nakita ito? Napakagandang sanaysay ni Delia Aguilar na tumatalakay sa kasaysayan at mga kompromiso ng bantog na konseptong feminista ng intersectionality. Magandang panayam kay Tariq Ali tungkol sa Islamophobia sa France, matapos ang Charlie Hebdo.

Hindi pa Tapos

Bonifacio Ang Unang Pangulo Poster

A single spark,” sabi ni Mao Zedong noong 1930 laban sa ilang pesimistang pananaw sa pinapamunuan niyang Partido Komunista ng Tsina, “can start a prairie fire.” Kaya ng isang titis na mag-umpisa ng apoy sa kadawagan. Nag-umpisa ang pelikulang Bonifacio: Ang Unang Pangulo sa itinuturing na titis na nagpaliyab sa rebolusyong Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol – ang pagpaparusa ng kamatayan sa harap ng nanonood na publiko sa Gomburza, o kina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora noong 1872. Kasama sa nanood doon, ayon sa pelikula, ang batang si Andres Bonifacio, at nakakakilabot ang marahang eksena ng pagpulot sa telang nahulog ng isa sa mga bibitaying pari habang kinakaladkad sila patungo sa entabladong may garrote sa gitna.

Mula doon, hinagod na ng pelikula ang buhay ni Bonifacio na kalakha’y kaugnay ng itinatag niyang Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan: ang pagkuha ng inspirasyon at pagkatapos ay pagkalas sa mga kaisipan ni Jose Rizal, ang pagkakatatag ng Katipunan at paglaganap nito sa bansa, ang pagsusuplong dito at pagsuong nito sa mga sagupaan, ang pag-agaw ni Emilio Aguinaldo sa pamumuno ng Katipunan, at ang pagkulong at pagpatay kay Bonifacio. Sumisingit-singit ang kwento mula sa kasalukuyan ng mga estudyanteng nagsasaliksik tungkol kay Bonifacio at sa Katipunan. Sumisingit-singit naman sa mismong kwento ang pag-iibigan nina Bonifacio at Gregoria de Jesus at iba pang kwentong pamilya at kaugnay ng pamilya.

Para sa isang hindi madalas manood ng pelikula, mabilis ang takbo ng istorya. Kung may bahaging mabagal, iyan ay dahil sa tuluy-tuloy na pag-uusap ng mga karakter. Hindi tawag-pansin ang pagganap ni Robin Padilla na Bonifacio, at nakakatuwang hindi na pinilit gawing nakakakilig ang mga eksena nila ni Vina Morales – o nina Daniel Padilla at Jasmine Curtis, na hindi love team sa pelikula. May paraan bang ilarawan ang kolonyalismong Espanyol nang hindi masyadong madilim ang mga gabi, at sa gayo’y makatipid sa paggawa ng pelikula? Bagamat seryoso ang pelikula, nakapagpasok ng katatawanan, mapapaisip ka tuloy kung bakit hindi pa dinamihan. Bonifacio: Tatlong daang kasapi? Sa Maynila lang ba ito? Sagot: Sa buong bansa na.

Bonifacio Ang Unang Pangulo Poster2

Kaalaman ang kagyat na masasabing kabuluhan ng Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Isinisiwalat nito ang itinuturing na historikal na katotohanan ng maraming historyador, na nananatiling lingid sa kaalaman o lihim para sa napakarami nating kababayan. Madalang na nating marinig at matalakay sina Rizal, Bonifacio at Aguinaldo, pero kahit ang ating naririnig at natatalakay ay kulang – at ang kulang ay nilalaman ng pelikula. Noon, mababasa lamang ang kwentong nilaman ng pelikula sa mga libro nina Teodoro A. Agoncillo, Amado Guerrero (o Jose Maria Sison) at Renato Constantino. Ngayon, salamat sa paggabay ni Prop. Milagros C. Guerrero, mahusay na historyador at kapwa-awtor ni Agoncillo sa isang libro, mapapanood na ang naturang kwento sa pelikula.

Mas malamang, may magpapaabot ng pahabol sa kaalamang ibinabahagi ng pelikula. Tiyak na panggatong sa apoy ng kontrobersya ang paglalarawan kay Rizal bilang sagad-sagaring repormista at kay Aguinaldo bilang traydor sa himagsikan. Pero ang pelikula ay kwento ni Bonifacio at ang naturang mga lugar, o malapit sa mga ito, ang kinalagyan nila kaugnay ng Katipunan. (Hindi pa nga todo ang paglalarawan kay Aguinaldo, na ipinakitang nag-utos lang ng pagdakip kay Bonifacio at tumangging tumulong nang nagsumamo si De Jesus. Sabi ni Prop. Guerrero sa dating palabas ni Randy David sa telebisyon, nakahukay siya ng pahayag ni Aguinaldo sa isang diyaryo noong kolonyalismong Amerikano: “That Bonifacio was an evil man. I had him killed.”)

Kahanga-hanga ang malinaw at matapang na paggigiit ng pelikula sa pagpili at pagtahak ni Bonifacio at ng Katipunan sa landas ng rebolusyon. Ibang usapin pa kung nasobrahan ito sa linaw at tapang; kung gawa ito ng mga aktibista, baka masabihan itong “grim and determined.” Isang maliit na kahinaan, gayunman: Hindi natapatan ang linaw at tapang ng paliwanag hinggil sa ipinakitang mga pagkatalo sa labanan ni Bonifacio. Sapat na bang paliwanag ang maagang pagkabisto rito ng mga awtoridad? O ang naisinghal ng kakampi ni Bonifacio sa eksena ng Kumbensyon sa Tejeros, na nakatipon ang mga Espanyol sa Maynila habang kaunti ang mga ito sa Cavite? Dahil sa kawalan ng paliwanag dito, may dating tuloy na nakatadhanang mabigo si Bonifacio.

Robin Padilla Andres Bonifacio

Anu’t anuman, malinaw na napagtibay ng pelikula na si Bonifacio ang unang pangulo ng bansa. Ayon dito, noong Agosto 1986, nang magdeklara ng pag-aalsa si Bonifacio laban sa kolonyalismong Espanyol at pamunuan ang mga Katipunero sa pagpunit sa mga sedula sa “Sigaw ng Pugadlawin,” humiwalay na ang bayani sa gobyernong kolonyal at nagtayo na ng bagong gobyerno. Matutuntungan ito para ilantad ang mga kahaliling gobyernong kolonyal at neo-kolonyal, ang pagsulat ng kasaysayan ng bansa, at ang mga naging pangulo. Bukas pa sa talakayan kung makabuluhang ikampanya ang ganyang pagkilala kay Bonifacio ng gobyerno ngayon, pero matagal nang kinikilala ng mga makabayan ang mahalagang papel niya sa pagsilang ng sambayanang Pilipino.

Marami nang aktibistang nagpahayag ng pagkagusto sa pelikula. Kung palalawakin pa, marami nang nagmamahal sa bayan ang nagpahayag ng pagkagusto sa pelikula. Sa tingin ko, may mga taong gustong maging aktibista na magpapasya nang aktwal na maging aktibista pagkatapos makapanood. Para sa mga manonood na tunay na may bukas na isip, sapat na ang paglalantad ng pelikula sa pambubusabos ng mga Espanyol para makitang nagpapatuloy ang mga ito sa kasalukuyan: ang paghahari-harian ng mga awtoridad, ang pagpatay sa mga lumalaban, ang pagkakait ng kita mula sa pinagpaguran. Nakakatulong din na nadudulas ang dila ng mga karakter – ang Katipunan ay “Kilusan,” at ang kapatid ay “kasama.” Hindi pa tapos ang rebolusyon!

Trenta porsyento lang ng sinehan ang may nakaupo noong nanood ako. Pagkatapos ng huling eksena – ni Bonifacio at ng Katipunan na magiting na sumasabak sa labanan, nakakaiyak ang alab ng katapangan – nagkaroon ng impit na palakpakan. Sa labas, nakapila ang gustong mag-selfie sa mga poster ng pelikula. Nanood ako kasama ang isang batang siyam na taong gulang. Tinanong ko siya kung naintindihan niya ang pelikula. Oo raw. Sabi ko, “Sige nga, ano ang natutunan mo?” Biniro ko siya agad: “Na pogi si Daniel Padilla?” Sabi niya, “Hindi ah. Bayani si Bonifacio! Traydor si Aguinaldo!” Tulad ni Bonifacio na pumulot sa tela mula sa Gomburza, sana’y panoorin ng mga bata at kabataan ang pelikula – na isang dagdag sa maraming titis ng pag-aalsa.

31 Disyembre 2014

Galing dito, dito at dito ang mga larawan.

Paboritong pantapos ng taon: gawad natatanging progresibo ng Pinoy Weekly.

Sa Bayan ang 2014

Steve McCurry

Ngayong bisperas ng bagong taon, sigurado, may mga kapit-bahay tayo na gagamit ng mga paputok na sobrang lakas na para bang tuwang-tuwa ang lahat ng tao sa ginagawa nila. Kasing-sigurado, maglalabas ang midya ng malalaking kapitalista ng kanilang year-end specials. At mas malamang, dahil sa kanilang maiksing memorya o pagkampi sa gobyerno ni Noynoy Aquino, o pareho, papalabasin nilang kay Noynoy ang 2014.

Pero ang totoo, hindi kay Noynoy ang 2014. Kung may taon mang lumabas ang tunay na kulay niya, itong 2014 na iyun. Sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa DAP, naidiing siya talaga ang Pork Barrel King. Sa pagpasa niya sa EDCA kahit pa sinabi ni Barack Obama na hindi ipagtatanggol ng US ang Pilipinas laban sa Tsina, at pagkampi sa sundalong Kano na pumatay kay Jennifer Laude, tumampok na tuta siya ng Kano.

Sa pagtimo ng kawalan ng rehabilitasyon sa Silangang Visayas isang taon matapos ang superbagyong Yolanda, napatampok na pabaya siya sa harap ng mga kalamidad. Sa pagdami ng mga paglabag sa karapatang pantao lalo na sa Mindanao, naidiin na marahas at pasista rin siya. At sa pagdami ng mga walang trabaho at kontraktwal, pagtaas ng presyo ng bilihin at singil sa kuryente, malinaw na pahirap siya sa masa.

Siguro, kung may tao na ayaw ng matapat na year-end specials, si Noynoy na iyun. Alam niyang lalong aalingasaw ang baho niya sa ganitong mga balik-tanaw. Alam niyang hindi maganda ang 2014 sa kanya, kaya nga pilit siyang nagpabango gamit ang pagpapakulong kina Pogi, Sexy at Tanda; paglutang kay Palparan; at paninira sa pamilya Binay na larawan ng pagiging duwag o tiwali ng kanilang paksyon ng elite.

Sa bayan ang 2014. Sa taong ito naganap ang maraming malalaking protesta, ang ilan ay mas malaki pa sa mga huling taon ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo. Lalong lumawak ang mga walang tiwala at kritikal sa gobyerno ni Noynoy, maging sa mga nasa panggitnang uri. Kahit ang New People’s Army na gusto niyang durugin at ayaw harapin sa usapang pangkapayapaan, nagpapatuloy kung hindi man lalong lumalakas.

Sa bayan ang 2014. Ipaalala natin iyan sa lahat. At angkinin nating muli ang 2015!

27 Disyembre 2014

Galing ang larawan dito.

Ang pilosopong si Michel Foucault, simpatisador ng neoliberalismo? Sabi ng sosyologong si Daniel Zamora. Mas matinding pinsala ng neoliberalismo, mas maraming NGO, sabi ni Arundhati Roy. Maganda at nakakapagpaisip itong mga pahayag ni Pablo Iglesias, lider ng progresibong organisasyon sa Espanya.

Nakakahilakbot na artikulo tungkol kay Sen. Ping Lacson ng isang Rodel Rodis sa Philippine Daily Inquirer. Artikulong babalik-balikan: mga tagumpay ng sambayanang Cubano sa pamumuno ni Fidel Castro. Magandang artikulo tungkol sa lakas ng Syriza sa Greece, na may silip sa iba pang maka-Kaliwang partido sa Europa. Hindi nag-iisa si Adam Kotsko sa kanyang nararamdaman tungkol sa mga bagong kantang pamasko.

Kilala sa kanyang kontrobersyal na atake sa teoryang post-kolonyal, heto ang hindi kasing-kontrobersyal, pero matalas na tuligsa ni Vivek Chibber sa isang aklat ng sikat na ekonomistang si Amartya Sen. Magandang rebyu ni Arnold Alamon ng pelikulang “Bonifacio: Unang Pangulo.”

Doktrinang Gulantang

Neopandemic1

Nitong Disyembre, naglabas ng ulat ang isang komite ng Senado ng Estados Unidos tungkol sa pagtortyur na isinagawa ng Central Intelligence Agency sa ilalim ng rehimeng W. Bush pagkatapos ng 9-11 ng 2001. Nitong Disyembre rin, lalong nalantad ang pagsamantala ng gobyerno ni Noynoy Aquino sa harap ng bagyong Ruby o Hagupit, at ng superbagyong Yolanda o Haiyan mahigit isang taon na ang nakakaraan, para isulong ang interes ng malalaking kapitalista. Pitong taon pagkatapos nitong unang malathala, napapanahon pa rin para muling basahin at rebyuhin ang librong The Shock Doctrine [2007] ng progresibong mamamahayag na Canadian na si Naomi Klein. Magandang ihabol ang pagbasa sa nauna nang magandang reputasyon ng aklat.

Nasa titulo ng libro ang bukod-tangi rito: ang balangkas na nagbibigay ng organisasyon sa mga pangyayaring pinaksa nito. Inilahad ni Klein ang tuklas niya: ang ugnayan ng tortyur sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal. Aniya, sa mga eksperimento na pinondohan ng CIA noong dekada ’50 at ’60, layunin ng tortyur na bombahin ng sensasyon ang biktima, ang i-shock o gulantangin siya, para mapasunod siya sa gusto ng nangtotortyur. Sa kabilang banda, sa iba’t ibang pagkakataon simula noong dekada ’70, nilikha o sinamantala ng mga naghaharing uri ng US at ng maraming bansa ang pagkagulantang ng mga mamamayan para magpatupad ng mga patakarang neoliberal. At kaakibat ng naturang pagpapatupad ang pagtortyur at iba pang klase ng panunupil.

Matapos isalaysay ang mga karima-rimarim na eksperimento nina Dr. Donald Hebb at Dr. Ewen Cameron sa pagtortyur, sinubaybayan ni Klein ang pagpapatupad sa iba’t ibang bansa ng mga doktrina ng neoliberal na ekonomistang si Milton Friedman at ng kanyang “Chicago School.” Klasiko ang kaso ng Chile: marahas na kinudeta ng US noong 1973 ang gobyerno ng sosyalistang si Salvador Allende na inihalal ng mga mamamayan, ipinatupad ng diktadurang pumalit ang mga patakarang neoliberal, at kasabay nito’y nagsagawa ng malawakang pagtortyur at panunupil. Pagkatapos, tumungo na si Klein sa iba’t ibang bansa mula sa mga nasa Latin America hanggang Poland, mula sa mga nasa Asya hanggang US, at mula Rusya hanggang China.

Neopandemic2

At isinalaysay ang lahat ng ito ni Klein sa estilong siksik, ligalig at kapana-panabik. Sa pormang ito malinaw na nalampasan niya ang nauna niyang librong No Logo: Taking Aim at the Brand Bullies [2000] na medyo antukin. Matalas ang mga mata niya sa magagandang detalye: isang nagbabadyang graffiti sa Chile sa panahon ni Allende matapos bumagsak ang gobyerno ng makabayang si Sukarno sa Indonesia – “Parating na ang Jakarta!,”ang pagiging rebelde sa Chicago School ng progresibong si Andre Gunder Frank. “Ang reyalidad,” minsang paalala ng Marxistang intelektwal na si E. San Juan, Jr., “ay lihim na Marxista,” at sa salaysay ni Klein, nagsasalita ang Marxistang reyalidad, bagamat may pabugsu-bugsong saltik din sa tinatawag niyang “Stalinismo.”

Katulad ng maraming mahalagang libro, tumitindig ang The Shock Doctrine laban sa mga namamayaning pananaw. Tugon ito, sa partikular, sa ilusyong pinapalaganap ng imperyalismong US at mga komentaristang pampulitika nito tulad nina Samuel P. Huntington na ang malayang pamilihan ay kakambal ng demokrasya. Anila, inilatag ng pagpasok ng malayang pamilihan sa mga bansang pinapamunuan ng mga diktadura – tampok ang mga umano’y “sosyalista” – ang pagpasok ng demokrasya. Matibay ang argumento ni Klein: anti-demokratiko at duguang kamay na bakal ang kakambal ng “invisible hand” ng malayang pamilihan. Madalas na dahas ang komadronang nagluwal sa mga patakarang neoliberal at dahas din ang naging kakambal nila sa pagpapatupad.

May magandang seksyon ang libro tungkol sa pulitika, o pag-iwas sa pulitika, ng kilusan para sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao. Ayon kay Klein, sa Latin America ito unang sumulong at sa mga bansa sa naturang kontinente, hindi napanagot ang mga ekonomista ng Chicago School dahil sa makitid na pagpapakahulugan sa karapatang pantao. Aniya, itinali ang karapatang pantao sa literal na karahasan, hindi lumalagpas para saklawin ang mga patakarang pang-ekonomiyang sanhi ng mga paglabag dito. Aniya, mahalaga sa depolitisasyon ng karapatang pantao ang naging pagpondo ng Ford Foundation – na ginustong iligtas ang sariling reputasyon matapos magpagamit ang marami sa mga ekonomistang pinag-aral nito sa mga diktadura.

Neopandemic3

Kahanga-hanga ang pagsubaybay ni Klein sa mga alagad ni Friedman, mga miyembro ng Chicago School – sa kanilang pagkahubog at paglilingkod sa mga diktadura at sa mga epekto ng mga patakarang tulak nila. Sa panahong lantarang pinupuri ni Gerardo Sicat, ekonomista ng diktadurang Marcos, si Cesar Virata, punong ministro ng naturang diktadura, sana’y may ganito ring paglalantad sa mga neoliberal na ekonomista ng bansa na nagkakampo sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas. Hindi kataka-taka marahil na ang argumento ni Solita Monsod laban sa pagsubsidyo ng gobyerno sa sariling pamantasan – na mayayamang estudyante ang makikinabang rito – ay argumento rin ni Friedman laban sa pagsubsidyo sa serbisyong pangkalusugan.

Kwento ni Klein, matapos salantain ng tsunami ang Sri Lanka noong 2004, hindi na pinabalik ng gobyerno ang mga maralita sa mga tabing-dagat para makapagtayo ng mga resort ang malalaking kapitalista – isang halimbawa ng doktrinang gulantang. Aniya, sinasamantala ang kalagayang “blangkong papel” na dulot ng mga disaster para makapagpatupad ng bagong kaayusan. Maaalala ang dramatikong pagdating ng mga tropang Kano matapos ang superbagyong Yolanda – paghahanda sa pagpasa sa Enhanced Defense Cooperation Agreement pagkatapos. Gayundin ang “no-build zones” na kaakibat ng pagtatayo ng mga bunkhouses habang ang mga mall ay nasa parehong sona, ang halos-permanenteng pagposisyon ng mga internasyunal na NGO, at iba pa.

Sa dulo, nakakakumbinsi ang balangkas ni Klein at mainam na paalalang babala ito sa mga progresibo: sinasamantala, kung hindi man nililikha, ng mga naghahari ang iba’t ibang porma ng paggulantang para isulong ang kanilang proyektong maka-kapitalista. Ramdam ang pulitikang New Left ni Klein sa libro, katulad sa pagpuri niya sa umano’y mga desentralisadong organisasyon sa Latin America bilang pagsisikap ng mga mamamayan na biguin ang mga pagtatangkang gulantangin silang muli. Pero kung matutukoy at mailulugar ang ganitong mga pagkakataon, mabibigyang-halaga ang libro ni Klein bilang mahusay na buhay na salaysay ng pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal sa maraming bahagi ng daigdig – na mainam mabasa ng marami.

17 Disyembre 2014

Galing ang mga larawan dito.

Magandang sipi mula kay Bill Fletcher, Jr.: “Real politics… is not about flying the perfect flag, or giving the most radical speech, but instead concerns the process of giving a critical mass of people a sense of hope driven by a vision and strategy that suggests that not only must we win, but that we actually can win.”

Magandang obserbasyon mula kay Chris Rock: “Being a comedian, 80 percent of the job is just you notice shit, which is a trait of schizophrenics too. You notice things people don’t notice.” Magandang depensa ni Alain Badiou sa sarili at sa Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura sa Tsina laban sa isang naninira. Magandang panayam kay Angela Y. Davis.

Yolanda Isang Taon Pagkatapos

Jeremy Geddes

Sa panayam niya kay Jessica Soho, isa sa mga huli bago siya namatay, tinanong si Cory Aquino kung ano ang pinakamababang yugto o lowest point ng kanyang pagkapangulo. Ang sabi niya, ang Mendiola Massacre. May mga namatay raw kasi, bagamat may pahabol siyang may nanggulo doon.

Hindi ko alam kung sinsero ang dating pangulo sa sagot. Hindi ko nasaksihan ang mga pahayag at aksyon niya pagkatapos ng naturang masaker. Ang alam ko, iyung alam ng marami: na nagpakawala siya ng Total War sa mga rebeldeng komunista at nagdulot ng maraming paglabag sa karapatang pantao sa kanayunan.

Pwede rin namang okey sa kanya ang pagpatay, basta hindi sa abot ng kanyang tanaw. Pwede sa malawak na kanayunan, huwag sa kalunsuran.

Naalala ko ang sagot ni Cory sa mga pahayag at aksyon ni Noynoy Aquino isang taon pagkatapos manalasa ang superbagyong Yolanda sa bansa. Sasabihin ko sanang “Yolanda massacre” pero, hindi tao ang direktang may pananagutan sa maraming namatay, bagamat may pananagutan din ang tao, ang gobyerno.

Pero ganoon pa rin, maraming namatay. Maaaring hindi sa Mendiola o Kamaynilaan, pero hindi rin sa kanayunan. Lantad sa buong bayan ang binagsakan ng mga bangkay – Tacloban City, ang buong Eastern Visayas at mga karatig-rehiyon. Hindi malapit sa paningin ng pangulo, pero hindi rin masyadong malayo.

At ano ang mga aksyon at pahayag ni Noynoy? Umiwas pumunta ng Tacloban City, ang pinakanapinsala ng superbagyo. Pagsasabing mahirap ang kanyang tungkulin. Pagsisi sa lokal na pamahalaan sa mabagal na rehabilitasyon.

Hindi pa rin malinaw ang sagot niya sa mga akusasyon ng kriminal na kapabayaan sa harap ng superbagyo. Hindi siya nag-utos ng malawakang paglilikas bago tumama si Yolanda. Walang rescue na naganap. Napakabagal ng relief. At ngayon, isang taon pagkatapos, wala pa ring rehabilitasyon sa Eastern Visayas.

Para siguro sa hinaharap ang tala na ito. Kung may tandang pananong kung sinserong nalungkot si Cory sa Mendiola massacre, malinaw ang tandang pasukdol sa kawalan ng lungkot ni Noynoy sa pagkamatay ng sampu-sampung libo dahil sa pananalasa ni Yolanda isang taon na ang nakakaraan. Kahit pakitang-tao, wala.

May nakapagkwento sa akin na sa protesta noong Nobyembre 8 sa Tacloban, may nagtalumpati tungkol sa paglaban, at armadong paglaban pa nga, sa harap ng mga biktima. Naalala ko tuloy ang isang sinabi ni Ho Chi Minh, lider ng rebolusyong Vietnamese, ayon sa pagkaalala ng isang kaibigan.

Sabi raw ni Ho sa sambayanang Vietnamese, “Dahil sa atake ng imperyalismong US, lahat tayo ay namatayan ng anak, asawa, kapatid, magulang o kaanak. Kaya kahit damo ang kainin natin, lalaban tayo.” Palitan lang ang salarin ng “superbagyo at kapabayaan ng gobyerno,” aplikable ang siping ito.

16 Nobyembre 2014

Galing ang larawan dito.

Kumusta na ang Silangang Germany 25 taon pagkatapos ng pagbagsak ng Berlin Wall? Heto ang pagtingin ni Victor Grossman, maka-Kaliwang manunulat.

Nahuling maligayang ika-10 anibersaryo ng pagba-blog kay Mong Palatino! At nagba-blog na rin pala ang iskolar na si Caroline S. Hau!

May balita si Corey Robin tungkol kay David Greenglass, kapatid ni Ethel Rosenberg na isa sa pares ng Rosenberg na tampulan ng interes. Nakakaaliw na tuklas ni Ian Angus tungkol sa bantog na sipi kay Rosa Luxemburg na “sosyalismo o barbarismo.”

Magandang sipi mula sa ekonomistang si Paul Krugman: “Kapag sumasama ang lagay, ang mga taong natatalo sa argumento ay nag-uumpisang magreklamo tungkol sa civility.” At isa pa: “Ang mga panawagan sa civility ay halos laging galing sa mga taong nawalan na ng karapatan sa respetong kanilang hinihingi.”  Aliw na balik-tanaw sa pilosopong si Jean-Paul Sartre.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 161 other followers