Bentador ng Bayan

apimentel.jpgNagsalita si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa kakatapos na United Nations (UN) Security Council Summit. Sinasabing siya ang unang Asyano at babae na nangulo o nag-preside sa pulong na ito. Tuwang-tuwa ang mga alyado ng pangulo na kasama, gayundin si Arroyo mismo. May dapat nga bang ikatuwa?

Nakilala ang talumpati ni Arroyo sa panawagan niya tungkol sa utang panlabas ng Pilipinas at iba pang mahihirap na bansa. Nanawagan siya sa mga mayayaman at makakapangyarihang bansa para sa iskemang “debt-for-equity”. Sa partikular, panukala niyang bayaran ang 50% o kalahati ng utang panlabas ng bansa sa pamamagitan ng mga programang pagtutulungan ng Pilipinas at mga bansang pinagkakautangan nito. Bawal man, nagpalakpakan ang mga hakot ni Arroyo sa UN.

Hindi na matalikuran ni Arroyo ang panawagan ng iba’t ibang grupo na baguhin ang patakaran sa utang ng bansa. Mangyari, mula 20.7% noong 2000, umabot na sa 33.2% ng pambansang budget ngayong 2005 ang inilalaan sa pagbayad ng utang panlabas. Samantala, mula 31.2% noong 2000, sumadsad na sa 28% ngayong taon ang bahagi ng pambansang budget na inilalaan sa mga serbisyong panlipunan katulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay para sa mga maralita.

Pero hindi nakakatuwa ang panawagan ni Arroyo. Matagal nang sinasabi ng iba’t ibang grupo sa bansa na marami sa ating mga utang panlabas ang kasuklam-suklam (odious) at ibayong pahirap (onerous). Marami ang hindi pinakinabangan ng bayan tulad ng dinambong nina Marcos at Estrada; napunta sa mga proyektong pinagkakitaan ng ilang mayaman pero hindi pinakinabangan ng taumbayan – tampok ang Bataan Nuclear Power Plant – at binayaran na nang sobra-sobra pa.

Sa panawagan ni Arroyo, ipinakita niyang kinikilala ng gobyerno niya ang lahat ng utang panlabas. Walang kasuklam-suklam, walang pahirap – lahat ng utang, babayaran. Nakakapagpakitang-gilas na ang kanyang gobyerno – na kunwari ay may ginagawa ito para ayusin ang problema sa utang panlabas – napasaya pa ang mga dayuhang bangko at gobyerno na kanyang gustong bundatin ng kita dahil para patuloy siyang suportahan sa harap ng mga pagkilos ng taumbayan para patalsikin siya.

Bentador ng bayan si Arroyo. Pinatunayan pa ito ng natuklasang kasunduang pinasok ng gobyerno niya sa kumpanyang Venable LLP ng Estados Unidos. Pumirma si National Security Adviser Norberto Gonzales sa kasunduan na magbibigay sa Venable ng $900,000 o P50.4 milyon sa loob ng isang taon. Sa gabinete ni Arroyo, si Arroyo lang ang nagsabing alam niya ang kontrata. Sa pagtatanong ng mga senador, hindi masagot ni Gonzales kung saan manggagaling ang pambayad dito.

Ang Venable ay kabilang sa 100 na pinakamahusay na kumpanya sa batas sa US. Sa kasunduan, lilikom ng pondo ang Venable mula sa gobyerno ng US para sa pagbago sa Konstitusyon – na proyekto ng gobyernong Arroyo. Walang maisip na mabuting motibo ang marami para gawin ito ng gobyerno. “Pambubugaw” sa bansa ang itinawag dito ni Sen. Aquilino Pimentel, Jr. Paano, pagkilala ito ng gobyernong Arroyo na makikinabang ang gobyernong US sa pagpapalit ng Konstitusyon ng bansa.

At dahil makikinabang ang gobyernong US , humingi rito ng pondo ang gobyerno. May kapalit ito. Hindi lang pampulitikang istruktura ang gustong palitan ng gobyernong Arroyo sa Konstitusyon, kundi mga probisyong hadlang sa todo-todong pagkontrol at pagpapakasasa sa ekonomiya ng bansa ng mga dayuhan. Hindi kataka-takang pina-ingay ni Arroyo ang pagbago sa Konstitusyon noong inaabandona siya ng mga kakampi niya: Bayad iyon sa US para sa pagsaklolo sa kanya.

Gagamitin ang malilikom na pera sa gobyerno ng US para ikampanya ang pagbabago ng Konstitusyon: suhol sa mga mambabatas at mga personalidad at grupo, pambayad sa mga hahakutin sa mga rali pabor sa pagbabago ng Konstitusyon, paglalabas ng mga propaganda at iba pang pakana. Ibig sabihin, mulat itong paghatak sa US para lalong makialam sa pulitika sa bansa, para isalaksak sa bayan ang hakbangin ng gobyernong papakinabangan ng US at hindi ng sambayanang Pilipino.

Panawagan kina Tiglao, Claudio, Defensor at Saludo: Magsalita kayo. Magsalita lang kayo nang magsalita. Ipagtanggol ninyo sina Gonzales at Arroyo. Sa pagbagsak ng pangulo, nakakatuwang makitang makakasama niya kayo.

22 Setyembre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: