Bulok na Pangulo, Bulok na Gobyerno

oustgloria.jpgNitong Agosto 30, nag-walkout ang mga kongresista ng oposisyon sa impeachment hearing ng Committee on Justice ng Kongreso. Brusko at barubal na iginiit ng mga kongresistang maka-administrasyon o maka-Arroyo – na siyang bumubuo sa mayorya ng Kongreso at ng komite – na tanging ang naunang kasong isinampa ni Atty. Oliver Lozano ang diringgin ng komite. Ayon sa oposisyon at mga komentarista, ang kasong ito ang pinakamahina sa lahat ng tatlong kasong isinampa laban kay Pang. Arroyo.

Pagkatapos, nitong Agosto 31, kahit wala ang mga kongresista ng oposisyon na kasapi ng komite, nagbotohan ang mga kasaping maka-Arroyo ng Committee on Justice para ideklarang “insufficient in substance” o hindi sapat sa nilalaman ang pinili nilang kasong isinampa ni Lozano. Sa pagkakataong ito, may mga nagprotesta sa mga nanonood ng hearing, gayundin sa labas ng Kongreso. Habang isinusulat ang artikulong ito, nagpapatuloy at nagbabanta ang mas marami pang protesta para patalsikin si Arroyo.

Noong umaga ng Agosto 30, bago ang walk-out ng mga kongresista ng oposisyon, inilantad ni Corazon “Dinky” Soliman, dating kasapi ng gabinete ni Arroyo, na pakana ni Arroyo ang maagang pagsasampa sa kaso ni Lozano at pagi-endorso rito ng maka-administrasyong kongresistang si Rodante Marcoleta. Alam ng kampo ni Arroyo na mahina ang kaso ni Lozano at hindi nito kayang maparusahan si Arroyo, kaya nagkumahog ito na agad i-endorso ang kaso para maunahan ang iba pang kaso.

Idinaan sa maling teknikalidad ng mayorya sa Kongreso ang pagpili sa mahinang kaso ni Lozano. Ayon sa Konstitusyon ng 1987, isang beses lamang sa isang taon maaaring magsimula ng impeachment proceedings o proseso laban sa isang opisyal na pwedeng ma-impeach, katulad ng pangulo. Ang totoo, ayon sa maraming eksperto sa batas, iba ang proceedings sa kaso. Isang beses lamang pwedeng magkaroon ng proceedings, pero maaaring magsampa ng maraming kaso – na siyang aayusin sa isang proceeding.

Pero iginiit ng mayorya ang lakas ng bilang nila. Pinag-isa nila ang kahulugan ng kaso at proceeding, ibinasura ang mas malakas na kaso, at pinili ang naunang kaso ni Lozano. Pagkatapos, hinusgahan nilang kapos sa nilalaman ang pinili nilang kaso. Ang kinakalabasan: Nasusunod ang kagustuhan ng kampo ni Arroyo na maibasura ang kaso ng impeachment, mapagtakpan ang katotohanan sa pandaraya nito sa nakaraang halalan at iba pa nitong krimen sa taumbayan, at manatili si Arroyo sa pagka-pangulo.

Walang ibang itinuturo ang mga pangyayaring ito kundi ang kabulukan ng kampo ni Arroyo at ng sistema ng gobyerno at pulitika sa bansa. Sunud-sunod ang mga kasinungalingan, panunuhol, at pakana ni Arroyo para manatili sa pwesto. Wasto ang sinabi ni Soliman tungkol kay Arroyo: “Matalino siya para gumawa ng kasamaan.” Pero dahil umuubra ang kabulukan ni Arroyo, napapatunayan lamang na hindi lang siya ang bulok, kundi ang buong gobyerno at pulitika na tumatanggap ng ganitong kabulukan.

Gusto ng kampo ni Arroyo na gamitin ang impeachment para patahimikin ang protesta at paglaban ng taumbayan. Pero sa pagpapakita kung gaano ka-bulok ito at ang pulitika at gobyerno sa bansa sa paglarga ng mismong proseso ng impeachment, lalo lang ginagalit ng kampo ni Arroyo ang taumbayan para mag-protesta at lumaban. Mahusay ito: Nakikita ng taumbayan na hindi sa pagpapatalsik kay Arroyo matatapos ang laban. Dapat baguhin ang bulok na sistema ng gobyerno at pulitika sa ating bayan.

01 Setyembre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: