Diktadura ng Mandaraya

rgonzalez.jpgKasabay ng paglilihim at panlilito sa madla hinggil sa kongkretong plano sa pagbibigay ng “emergency powers” kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, patuloy ang rehimen sa pagbibigay-katwiran sa pakanang ito. Kesyo kailangan daw ito para labanan ang terorismo na nagbabanta sa bansa. Kesyo kailangan daw ito para mapahusay ang ekonomiya sa harap ng walang kaparis na pagtaas ng presyo ng langis sa daigdig. Kesyo kinonsidera naman daw ang karapatang pantao sa pagbubuo ng plano para rito.

Kung anuman, hindi maikakailang sinimulan nang gamitin ni Arroyo ang di-karaniwang kapangyarihan – hindi para labanan ang terorismo o iangkop ang ekonomiya sa pagtaas ng presyo ng langis sa mundo, kundi para supilin at salakayin ang mga kalaban niya sa pulitika, para patahimikin o bilihin ang mga ito. Ayon kay Sec. Raul Gonzales ng Department of Justice, “Kung tinutuligsa ninyo ang pangulo, sino kayo para isiping hindi gaganti sa inyo ang pangulo?” Katarungang “ngipin sa ngipin” ang alam ng baliw na ito.

Sa pamamagitan ng panunuhol sa mga kongresista, nagawa ng rehimen na ibasura ang kasong impeachment laban kay Arroyo. Malinaw na pagbara ito sa konstitusyunal na paraan para malaman ang katotohanan sa pandaraya noong 2004 at sa iba pang isyu katulad ng masaker sa Hacienda Luisita. Sa pamamagitan naman ngayon ng Executive Order 464, ginagawang inutil ng rehimen ang Senado sa iligal na pagharang sa pagdalo ng mga kasapi ng gabinete at militar sa mga imbestigasyong inilulunsad ng Senado.

Sabi nga ng isang pulitiko, inalis na sa taumbayan ang Kongreso at inaalis na rin ang Senado. Pero pinakamahalaga sa lahat, inaalis sa taumbayan ang historikal na larangan ng paglaban nito: ang lansangan. Sa pamamagitan ng patakarang “No Permit, No Rally” at “Calibrated Preemptive Response” na walang iba kundi ang lantaran at brutal na pandarahas sa mga protesta sa Mendiola at iba pang lugar, binibigyang-katwiran ng rehimen ang pag-atake sa karapatan ng taumbayan na magpahayag at mag-protesta.

Hindi pinatawad kahit si dating Bise-Presidente Teofisto Guingona – siya na matapang nang tumutuligsa noong tahimik pa at hindi makatindig si Arroyo sa pagpapatalsik kay dating Pang. Joseph Estrada – ilang obispo, taong-simbahan, pulitiko, at mamamahayag sa pandarahas. Hindi lamang daw itinutulak, pinapalo, sinisipa at sinasampal ang mga sumasama sa kilos-protesta. Nitong huli, may nagreklamong babaeng kasama sa kilos-protesta na hinubaran at hinipuan siya sa dibdib ng pulis habang binubuwag ang rali.

Pangunahing salarin sa panunupil na ito sa mga kilos-protesta sa lansangan si Arroyo. Pero nagaganap ang lahat ng panunupil na ito sa Maynila dahil sa pagpayag at pagpapagamit ng mayor nito na si Lito Atienza. Kahit ang rali noon sa Plaza Miranda para sa pagpapalaya kay Angelo dela Cruz ay ipinabuwag ng mga ito. Balitang tatakbong senador si Atienza sa 2008, kaya todo-sipsip kay Arroyo. Ngayon pa lang, mangampanya na tayo: Ibasura si LA anuman ang takbuhan sa susunod na halalan!

Madaling makilala ang mga oportunista at walang hiyang pulitiko sa panahong ito. Sila ang mga nagsasabing hindi nandaya si Arroyo sa kabila ng pinapatunayan ng usapang “Hello Garci”, gayundin ng reaksyon ng rehimen sa pagkakalantad nito. Nasaan na nga ba si Garcillano? Marahil, itinatago nila si Garcillano para gamitin sa susunod na halalan. Alam nilang sa tindi ng katarantaduhan nila, daya na lamang ang pwede nilang asahan para manalo sa eleksyon at hindi danasin ang malupit na galit ng taumbayan.

Hindi sila mga tanga, mga kababayan. Matatalino sila: Matatalinong bayaran.

16 Oktubre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: