Kabang-Bayan, Pambayad-Utang

vgarcillano.jpgMarami man ang magagandang pangako ng mga nagdaan at kasalukuyang gobyerno ng bansa, marami ring paraan para malaman kung tapat ito sa mga pangako. Isa na rito ang pag-aaral sa paglalaan nito sa kabang-yaman ng bansa o pambansang budget bawat taon. Dito natin makikita ang priyoridad o pagpapahalaga ng gobyerno: sa bayan at dayuhan, nakakarami at iilan, serbisyong panlipunan at pambayad-utang.

Lumabas na ang panukalang pambansang budget ng gobyernong Arroyo para sa 2006. Taun-taon, ganitong panahon nagsisimula ang pagbubuo ng budget: Maglalabas ng mungkahi ang Department of Budget and Management, tatalakayin sa Kongreso at pagkatapos ay sa Senado, pagkakasunduin ang panukala ng dalawang huling nabanggit, at pagkatapos ay pipirmahan ng pangulo ng bansa. Sa gabinete ng pangulo magsisimula ang mungkahi at sa pirma ng pangulo mapipinal ang pambansang budget.

Kaya pananagutan ni Arroyo ang panukalang pambansang budget sa 2006. Muli, pinakamalaking bahagi nito ang ipambabayad sa utang panlabas ng gobyerno. Sa P1.144 trilyon na budget, P313 B ang pambayad sa interes ng utang at P361 B sa prinsipal. Halos 28% ng budget ang nakalaan sa interes. Bukod pa rito ang pambayad sa prinsipal, na tinatawag na off-budget item – ibig sabihin, hindi isinasama sa pagkwenta ng buong budget. Samakatwid, P2 B bawat araw ang pambayad-utang.

Samantala, P293 B lamang ang nakalaan sa mga serbisyong panlipunan katulad ng kalusugan, pabahay, at edukasyon – na pinaglaanan ng P119 B lang. Mapupunta ang kalakhan ng budget sa edukasyon sa sahod ng mga guro, hindi sa pagpaparami ng mga bagong guro at paaralan. Ang pinagsamang budget ng militar at pulisya ay aabot ng kulang-kulang P100 B – hindi pa kasama ang pondo para sa paniktik o intelligence funds na nakatanim sa mga opisina ng gobyerno, pinakamalaki sa Malacañang mismo.

Sa mga nagdaang taon, karaniwan ang ganitong paglalaan ng kabang-bayan. Nilalabag ng gobyerno ang mismong Konstitusyon na nagsasabing dapat pinakamalaking bahagi ng budget ang ilaan sa edukasyon. Palaging pinakamalaki ang para sa pambayad-utang, pangalawa ang militar at pangatlo lamang ang edukasyon. Napakaliit ng budget para sa kalusugan at pabahay, na sa ilang taon ay kinakaltasan pa. Malinaw sa ganitong pagtutuos na may pondo ang gobyerno, pero hindi para sa bayan ito inilalaan.

Tiyak na mas masahol ang partikular na itsura ng budget sa termino ni Arroyo. Hindi lamang literal na utang ang binabayaran ng gobyerno, kundi utang na loob – na may katumbas na literal na bayad – sa mga pwersang pulitikal na tumulong na manatili ito sa pwesto. Sa mga dayuhang bangko at gobyerno, na hindi tuluyang bumitaw kay Arroyo. Sa mga matataas na opisyal ng militar, na hindi bumaligtad katulad noong Edsa 1 at Edsa 2. Sa mga pulitiko, na kumampi sa kanya sa pagbasura sa kasong impeachment.

Kitang-kita ang problema sa sistema ng gobyerno sa bansa: Namamayani ang interes ng mga dayuhang bangko at gobyerno, mga pulitiko – lalo na iyung kakampi ng pangulo – at matataas na tao sa militar. Hindi kailanman inuuna ang interes ng taumbayan para sa libre o abot-kayang edukasyon, serbisyong pangkalusugan at pabahay. May kapal pa ng mukha ang gobyerno na dagdagan ang buwis ng karaniwang tao. Oo nga pala, saan kaya galing ang pondo para buhayin sa ibang bansa si Virgilio “Garci” Garcillano?

15 Setyembre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • turistas  On March 5, 2008 at 11:34 am

    kailangan na ng EDSA 3,4 &5 para mapababa yan c PGMA

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: