Katarungan para kay Ninoy, para sa Lahat

naquino.jpgNitong nakaraang linggo, ginunita ng bansa ang ika-22 taong anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. Pulitika ang napag-usapan, dahil sa pagpunta ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa misang inorganisa at dinaluhan nina dating Pang. Cory Aquino at Senate Pres. Frank Drilon – parehong nananawagan na magbitiw na si Arroyo. Hindi na maitago ang desperasyon ng kampo ni Arroyo sa pagkapit-tuko sa kapangyarihan: Lahat ng pagkakataon para mamulitika ay pinapatos.

Kung anuman, bilang batang lumaki at nagka-muwang noong dekada 1980, marami akong alaala kay Ninoy. Naaalala ko ang pagkamangha ng tatay ko sa dami ng taong nagtipon sa Sto. Domingo Church para ilibing si Ninoy noong 1983. “Grabe ang kapal ng tao,” masayang sabi niya pagkauwing pagkauwi sa bahay namin noon sa Batangas City. 

Pero pinakamalinaw sa alaala ko ang paglalaro namin ng kapatid kong sumunod sa akin. Ginagaya namin ang eksena sa tarmac noong 1983. Naghahalili kami sa pagiging si Ninoy at ang tauhan ng airport. Bababa si “Ninoy” sa amin sa hagdan, naka-senyas ng “L” ang dalawang kamay, habang may kumakanta ng “Magkaisa” ni Virna Lisa. Puputok ang baril at mabubuwal siya. Tatakbo ang isa sa amin para kaladkarin ang namatay. Palitan kami, paulit-ulit, hanggang marumi na kami at malinis na ang sahig.

Sa pagbabalik-tanaw ko ngayon, naiisip kong tapos na ang People Power ng 1986 noong naglaro kami ng ganito ng kapatid ko. Kinakanta na namin ang “Magkaisa” at paulit-ulit na naming napanood sa telebisyon ang mga eksena sa pagpatay kay Ninoy. Tiyak, hindi namin unawa kung gaano ka-halaga sa kasaysayan ng bansa ang kamatayang iyon. Pero napakalakas ng dating at tama ng eksenang iyon na paulit-ulit pinalabas sa telebisyon. Parang napakadakila at napakasarap mamatay para sa bayan.

The Filipino is worth dying for,” sabi nga niya. Kilala siya sa maraming bagay. Ang dapat papalit kay Marcos bilang pangulo. Tradisyunal na pulitiko. Nagpasuko kay Luis Taruc noong dekada 50. Tsismis na siya ang nag-areglo ng pagkikita ni Jose Ma. Sison at Bernabe Buscayno noong 1969 para itayo ang New People’s Army, pero hindi raw totoo.

Pero higit sa anupaman, nasa kamatayan ang buhay ni Ninoy, wika nga. Ang halaga niya ay nasa pagmulat at pag-udyok sa mga Pilipino para kumilos at patalsikin ang kinamuhiang diktador na matagal na nagpahirap sa sambayanan at nagpakasasa sa kapangyarihan. “Katarungan para kay Aquino! Katarungan para sa lahat ng biktima ng pampulitikang panunupil!” (Justice for Aquino! Justice for all victims of political repression!) Ito ang panawagan noon, para rin kina Jopson, Escandor, Dulag at iba pa.

Naiisip ko ito ngayon habang pinapanood ang proseso ng impeachment kay Arroyo sa Kongreso. Nanggagalaiti ang mga maka-administrasyong kongresista sa tinatawag na “Amended Lozano Complaint” dahil sinisisi nito si Arroyo sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa, pati na ang masaker ng mahigit 10 katao sa Hacienda Luisita. Sinasabi nilang walang kasalanan si Arroyo sa pagpaslang sa mahigit 40 lider-aktibista, abogado, taong-simbahan, tanggol ng karapatang pantao ngayong taon.

Ayon sa mga ulat, sa buong bansa nagaganap ang pagpaslang. Sa kaso ng Hacienda Luisita, sinasabing pangulo lang ang may kapangyarihang magpadala ng sundalo sa welga. Mababahala talaga ang mga kongresistang maka-administrasyon. Ito ang aral ng pagpatay kay Ninoy: kikilos ang taumbayan laban sa pangulong mamamatay-tao.

25 Agosto 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • jr  On March 6, 2008 at 4:48 pm

    tama

  • michelle  On December 3, 2008 at 6:10 am

    tama c ninoy ipaglaban natin ang katarungan………………

  • michelle  On December 3, 2008 at 6:12 am

    ipaglaban ang katarungan ayan ang tama wag tayong mag pakatanga at mag bulag bulagan……………………

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: