Masamang Pakana sa Cha-Cha

garroyo3.jpgTumamlay man ang pagtalakay dito, tiyak na igigiit sa hinaharap ng gobyerno ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpapalit sa Konstitusyon ng Pilipinas na umiiral simula noong 1987. Malinaw na itinuturing ito ng gobyerno bilang mayor na paraan upang ilihis ang atensyon ng publiko sa mga sumasambulat na eskandalo sa jueteng at pandaraya sa nakaraang halalan laban kay Arroyo. Kaya nga sa napakahalagang State of the Nation Address niya, dito niya dinala at itinuon ang pansin ng taumbayan.

Masalimuot kasi ang pagpapalit ng Konstitusyon. Maraming debate ang umiinog dito: Papalitan ba ito o hindi? Kung papalitan, ilang bahagi lamang ba o ang kabuuan? Ano’ng paraan ng pagpapalit nito, constitutional convention o constituent assembly? Presidenyal ba o parlamentaryong porma ng gobyerno ang pipiliin natin? Kung parlamentaryo, ano’ng modelo mula sa ibang bansa ang angkop at bagay sa kalagayan ng bansa o sa kulturang pampulitika natin? Pederal o iba pang modelo?

Kaya naman taktika ng administrasyon na palutangin ang usaping ito sa panahong humihigpit ang tutok ng publiko sa isyu ng pagpapaalis kay Arroyo bilang pangulo. At sa isang antas, may tagumpay dito ang administrasyon. Matapos ang SONA ni Arroyo, kabi-kabilang naglutangan sa telebisyon, radyo at dyaryo ang mga “eksperto” sa Konstitusyon, sa mga porma ng gobyerno sa ibang bansa, at sa kulturang pampulitika ng Pilipinas. Hinahatak ang taumbayan na pag-usapan ito, pero hindi nagtagumpay.

Pero hindi lang taktika ng administrasyon ang pagbago sa Konstitusyon. Dikta rin ito ng mga dayuhang mamumuhunan at gobyerno sa gobyernong Arroyo na nagkukumahog naman para humingi at tumanggap ng suporta mula sa kanila. Sila rin ang noon pa man – sa panahon pareho ni Fidel Ramos at Joseph Estrada – ay naggigiit na baguhin ng gobyerno ang Konstitusyon. Higit pa sa pagbabago ng porma ng gobyerno, interes nila ang dahilan ng mga pwersang ito sa pagkakampanya para sa pagbabagong ito.

Sa pangkalahatan, target baguhin ang Konstitusyon para alisin ang mga natitirang hadlang sa todo-todong paghahari ng mga dayuhan – lalo na ng US – sa bansa. Puntirya nila ang probisyon sa Konstitusyon na naglilimita sa pag-aari ng mga dayuhan sa bansa sa 40% lamang. Ibig sabihin, ang gusto talaga nila ay makapag-ari na ng 100% ang mga dayuhang korporasyon at mamumuhunan ng lupa, negosyo o iba pang pag-aari sa bansa. Kung matutuloy ito, lalo tayong magiging sampid sa sariling bayan.

Target din nilang alisin ang hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang tropang militar sa bansa. Sa Konstitusyon, sinasabing para makapasok ang mga ito, kailangan ang pagpaloob sa isang kasunduan ng Senado ng Pilipinas at ng katumbas nito sa kabilang bansa. Kung maalala, nilabag na ito ni Arroyo, sa pagdedeklarang ang Mutual Logistics Support Agreement na nagpapadala ng mga sundalong Amerikano sa bansa ay isa lamang “executive agreement” o kasunduan nila ng gabinete ni George W. Bush.

Ang totoo, hindi naman makabayan at maka-masa ang Konstitusyon ng bansa. Kailangan itong baguhin – pero hindi ng mga kasalukuyang mambabatas, na mas lalo lamang magpapasahol nito. Sa pagtutulak ni Arroyo ng Charter Change at pagsunod sa mga dikta ng mga dayuhang mamumuhunan at pamahalaan, lalo lamang niyang ipinapakitang mas panig siya sa mga ito kaysa sa taumbayan. Ito na nga, una sa lahat, ang batayan ng marami para manawagan at kumilos para patalsikin na siya.

18 Agosto 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Jastine May  On October 8, 2008 at 4:22 am

    pwede magbigay p ng ilang halimbawa ng artikulo tungkol sa chacha?

  • kapirasongkritika  On October 9, 2008 at 1:35 am

    Jastine May, salamat sa pagdaan at pagkomento. Pwede mong gamitin ang search engine ng blog para makita mo pa ang ilan pang artikulo dito tungkol sa Charter Change. I-type mo lang ang “Charter Change,” lalabas na sila. Maligayang pagbabasa!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: