Matapos ang Impeachment

datumanong.jpgMatapos ibasura ng Kongreso ang kasong impeachment, abalang-abala pa rin ang kampo ni Pang. Macapagal-Arroyo sa pagpigil sa pagpapatalsik sa kanya sa pwesto.

Pinipilit nitong sindakin ang taumbayan para umiwas sa mga kilos-protesta. Gumagamit ito ng mga taktika ng Batas Militar ni Marcos kahit hindi tahasang idinedeklara ang Batas Militar at nagpapasaring lamang hinggil dito. Ipinagpatuloy nito ang pagpatay sa mga lider-aktibista, matapos pansamantalang humupa ito noong nagsimula ang kontrobersya sa usapang “Hello Garci”. Huling pinatay si Diosdado “Ka Fort” Fortuna, pinuno ng mga manggagawa sa Nestlé sa Laguna at lider-manggagawa sa buong Timog Katagalugan.

Nagbago ito ng patakaran sa mga kilos-protesta, mula “Maximum Tolerance” tungong “Calibrated Pre-emptive Response”. Mahigpit nitong ipapatupad ang patakarang “No Permit, No Rally”. Ibig sabihin, marahas na bubuwagin ang mga kilos-protesta saanman sa bansa, kahit pa mismong Commission on Human Rights ang nagsabing wala itong ligal na batayan. Tinutuntungan nito ang hinaing ng ilang negosyante hinggil sa “disrupsyon” na dulot ng mga kilos-protesta, kahit pa trapiko lamang ang apektado rito.

Ginigipit nito ang mga kaaway sa pulitika para maitulak na makipag-usap at mag-kompromiso sa kanya. Babalasahin ang mga komite sa Kongreso para tanggalin sa pwesto ang mga alyado ni Arroyo na bumaligtad. Pinapaugong nito ang ganitong hakbang sa Senado. Binabantaang tatanggalan ng lupain ang pamilya ni dating Pang. Cory Aquino kaugnay ng welga ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Sinampahan din ng kaso si Dinky Soliman na dating kasapi ng gabinete ni Arroyo.

Ginagawa nito ang lahat ng paraan para huwag sumingaw ang mga baho nito. Nawawala pa rin si Virgilio “Garci” Garcillano. Sinasamantala nito ang sakit ni Norberto Gonzales para hindi makapagsalita hinggil sa kontrata sa Venable. Naglabas ito ng Executive Order 464 na nagbabawal sa mga opisyal ng gabinete at militar na magsalita sa mga imbestigasyon ng Kongreso at Senado. Sinibak nito sa tungkulin at siniraan ang mga lider-militar na naglantad sa matinding pandaraya sa Mindanao sa halalang 2004.

Nagpapaulan na ito ng mga suhol sa mga kakampi nito. Itinutulak nito ang pagbabago ng Konstitusyong 1987 para matiyak sa gobyernong US ang pagiging sunud-sunuran nito sa mga dikta. Napakalaki ng panukalang budget para bayaran ang utang panlabas. Dumadaloy na ang pondo para sa mga proyektong ipinambili sa mga kongresistang nagbasura sa kasong impeachment. Napakalaki ng panukalang budget sa militar sa 2006, na ang malaking bahagi ay napupunta sa kurakot ng matataas na opisyal.

Ang binuo nitong komisyon para sa pagbabago ng Saligang Batas o Constitutional Commission ay pinagtalagahan ng mga alyado nito, hindi ng mga eksperto sa batas o sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Nagrereklamo si Sen. Richard Gordon sa pagpabor ng Malacañang sa iligal na negosyo ng mga kalaban niya sa pulitika sa Zambales, kapalit ng pagkampi ng isang kongresistang party-list. Patuloy ang pagtanggap ng mga obispo ng pondo mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.

Napakarami pa ng ginagawa nito para manatili sa pwesto. Patunay ang lahat ng ito na sistematiko at ubos-kaya ang pagsisikap ng kampo ni Arroyo na manatili sa kapangyarihan – at labanan ang interes ng bayan para sa katotohanan at pagbabago. Hindi lang patunay ang mga ito na guilty si Arroyo sa mga akusasyon sa kanya. Sa paggawa ng mga ito, lalong nadadagdagan ang kasalanan ni Arroyo sa bayan.

30 Setyembre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: