Para kay Miriam Defensor-Santiago

msantiago.jpgMagandang araw. Kahit alam kong mas komportable kang makipag-usap sa wikang Ingles, hindi ako magpapaumanhin sa paggamit ng Filipino. Isa siguro iyan sa dahilan kung bakit kahit marami kang sinasabi, hindi ka nakakaugnay sa masang Pilipino. Makulay ang wika mo, pero mas angkop iyan sa Texas kaysa sa Batangas. Iba talaga ang dating ng “putang ina mo” sa “son of a bitch”.

Tagahanga mo ako noon. At hindi ako nagsisisi. Na noong eleksyong 1992, kahit hindi miyembro ng People’s Reform Party ay nagparami at namigay ako ng propaganda para manalo kang pangulo. Na kinabisado ko ang mga paborito mong sabihin – halimbawa, na “Para magtagumpay ang masama, sapat nang walang gawin ang mabubuti.” Na pinahalagahan ko ang mga personalidad na nadikit sa iyo noon: Herman Tiu Laurel, Isabel Ongpin, Antonio Leviste, at kahit si Ariel Rivera.

Kung may naniniwala ngayon na ikaw ang nanalo sa eleksyong iyon at dinaya ka ng baril, maton, at ginto ni Fidel Ramos na inindorso ni Cory Aquino, kasama ako sa kanila. Hanggang ngayon, paniwala kong kailangang labanan ang katiwalian sa gobyerno – ang isyu ng kampanya mo noong 1992. Ang pagkatalo mo ay bahagi ng simula ng pagkawala ng tiwala ko sa gobyerno. Dinaya ka. Marumi silang lumaban: pinakawalan pa nila si Manoling Morato para ipagkalat na baliw ka.

Hindi na nawala ang bansag na iyon: Brenda para sa brain damage. Galit ako kay Manoling dahil doon, noon at ngayon. Kung may sira-ulo na hindi kawalan ang paglaho sa pulitika, siya iyon at hindi ikaw. Tama ang sinabi ng isang propesor na sa kulturang Pinoy, madaling idikit sa baliw ang matatalino, lalo na ang sobra ang talino. Napagtitibay ang pagtingin sa iyo na ganito ng marami dahil sa pagpapasambulat mo ng salita at emosyon sa harap ng publiko, lalo na noong “Edsa 3”.

Huwag mong isiping binalikan ko ang mga ito para hiyain o insultuhin ka. Gusto kong patunayan sa iyo na may masusugid kang tagahanga. Bihira ang makulay na personahe katulad mo kahit sa makulay na pulitika ng Pilipino. Sumulat ako sa iyo ngayon dahil sa tingin ko, hindi mo ginagamit nang mahusay ang talino mo. Gusto kong sabihin sa iyo na mula noong unang beses na nahalal kang senador – ikaw lang ang ibinoto ko noon – hindi mo pa napapasaya ako na isang tagahanga mo.

Nitong nakaraang araw, lumabas sa bibig mo ang dahilan kung bakit: kung bakit mo ipinagtanggol si Erap noon at ipinagtatanggol si Gloria ngayon. Sabi mo, dahil abogado ka at propesor ng batas, ibinabatay mo ang tindig na pampulitika mo sa nilalaman ng batas. Hindi natapos ang paglilitis kay Estrada noon at hindi pa nahahatulang maysala si Arroyo ngayon, kaya sabi mo, dapat silang ituring na inosente. Ibig sabihin, dapat silang manatili bilang pangulo at hindi dapat patalsikin.

Nagulat ako sa sinabi mo. Kaya siguro parang lagi kang mapagmataas. Paano nga naman makikialam sa pulitika ang isang mekaniko, waitress, o labandera sa ganyang paniniwala? Kung may batas ka, wala silang anuman sa trabaho nila para makialam sa pulitika sa bansa. Siguro, iyun ay ang hilahod na katawan at hikahos na pamumuhay dahil sa trabahong pinapasukan. Marahil, mababa ang tingin mo kapag ang mga taong ito ay sumasama sa mga kilos-protesta laban kay Arroyo.

Ang totoo, sa maraming eksperto sa batas – at alam kong alam mo ito – nauuna ang pagtindig sa pulitika gamit ang iba’t ibang konsiderasyon bago itinutugma rito ang batas. Alam kong ganito ang nangyayari sa iyo. Pinaglilingkod mo ang galing mo sa batas kay Arroyo, hindi sa batas at lalong hindi sa bayan. Dahil kung hindi, bakit tahimik ka sa ligalidad ng patakarang “No Permit, No Rally”? Ng Executive Order 464? Ng kontrata sa Northrail Transit at iba pang patakaran ni Arroyo?

Nalulungkot akong makita kang ginagawa ang makakabuti para kay Arroyo. Naging tagahanga mo ako dahil ang kinatawan mo noon ay hindi ang batas, kundi ang tama at totoo, ang bago at malinis sa pulitika. Binakante mo ang pwestong iyon sa kaisipan ng madla, kaya nakapasok si Raul Roco. Maysala si Arroyo sa pandaraya. Kung hindi man iyan napatunayan sa korte ng impeachment na pinatay ni Arroyo, ilang ulit nang pinatunayan iyan ng mga hakbang niya sa pulitika.

Matalino ka, alam mo na iyan. O bukod sa matalino’y ubod-sama ka na rin ngayon?

08 Oktubre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: