Sa Interes ng US

jdevenecia.jpgMinsan nitong mga nagdaang buwan, inakusahan ng Malacañang ang oposisyon ng paglapit sa gobyerno ng Estados Unidos para humingi ng suporta sa pagpapatalsik kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Sa tindi ng bangayan ng mga naghaharing uri sa bansa, maging ang gusto nilang ilihim ay ibinubulgar na nila: Na kailangan at mahalaga para makaupo at makatagal ang isang gobyerno sa bansa ang suporta ng gobyerno ng US. Pero hindi ang paggamit ng US sa oposisyon ang kagyat na panganib sa bayan.

Mas kagyat na panganib ang paggamit nito sa gobyernong Arroyo. Dahil desperadong manatili sa kapangyarihan, nagkukumahog ang gobyernong ito na ibigay lahat ng pabor sa gobyernong US, hingiin man o hindi. Nagawa nga nitong gamitin ang pangalan ng Diyos, sa pagsasabing kagustuhan ng Diyos na manalo si Arroyo sa nakaraang halalan. Mainam sana kung ibenta na lamang ni Arroyo at ng kanyang kapaksyon ang kanilang kaluluwa sa demonyo. Pero higit pa rito ang inilulubog nila sa dagat-dagatang apoy.

Noong Hulyo 8, araw ng pagkalas kay Arroyo ng mga dating alyado niya – sina Dinky Soliman at Hyatt 10, dating Pang. Cory Aquino at Senate Pres. Franklin Drilon at Partido Liberal – maagap din ang tugon ng kampo ni Arroyo. Nagpatawag ito ng press conference kasama si dating Pang. Fidel Ramos, nag-anunsyo rito ng pagkakaisa’t pagtutulungan, at nagpahayag ng kahandaang baguhin ang Saligang Batas. Ayon sa mga kakampi ni Arroyo, pangako niya ito noon pang tumakbo siya sa pagkapangulo.

Maraming bagay ito: Panlilito sa taumbayan hinggil sa hinaharap ng bansa at sa sinseridad ng kasalukuyang gobyerno na magpatupad ng mga pagbabago, gayundin ang panlilito sa mga kalaban sa pulitika hinggil sa kahandaan ni Arroyo na bumitaw sa kapangyarihan bago pa man matapos ang kanyang termino sa 2010. Pero higit sa anupaman, pag-apila ito sa US na ang kanyang kampo ang kampihan, hindi iyung sa kalaban. Dahil siya ang magbibigay ng mas malaking pakinabang sa US mula sa bansa.

Nakatagal pa si Arroyo. At noong hindi rumagasa ang kilos-protesta kahit barubal at bruskong ibinasura ang kasong impeachment sa Kongreso, tumaas ang tiwala ng paksyon nito sa sarili. May indikasyong ginusto nitong talikuran ang pangakong baguhin ang Saligang Batas para makatagal hanggang 2010. Nagkaroon ng alingasngas sa Kongreso sa pagkalas ng maliit na partido ni Arroyo sa partido ni Speaker Jose de Venecia – tagapagtaguyod ng pagbabagong ito – at pagsabing hindi sila susuporta rito.

Naging tahimik ang gobyernong Arroyo sa pagbago ng Saligang Batas. Pagkatapos ng isang byahe sa ibang bansa, pagbanat sa mga kalaban sa pulitika ang inatupag nito. Sa ganitong kalagayan mauunawaan ang paglutang ng US sa balitang sangkot si Ramos sa pagplano ng isang kudeta para patalsikin si Arroyo. Pangiggipit at panggugulantang ito ng US sa gobyernong Arroyo para tumalima sa naunang napagkaisahan: na baguhin ang Saligang Batas ng bansa. Ngayon, tumatalima na uli si Arroyo at mga kakampi niya.

Ibayong pakinabang sa US ang ganito: 100% pag-aari ng mga negosyo sa bansa, todo-todong pagmimina, at walang-awat na pagpasok ng mga tropang Amerikano. Bukod sa pagbago ng Saligang Batas, napakarami pang pabor ang nakuha ng US: Pagpasa sa Expanded Value Added Tax (E-VAT) para may pambayad sa utang panlabas ang bansa, pagbigay ng napakalaking bahagi ng pambansang budget sa pagbayad sa utang panlabas, kabi-kabilang pagsasanay-militar ng tropa ng US sa bansa, at iba pa.

Sa pagpipilit ng gobyernong Arroyo na kumapit sa kapangyarihan, sa pagpipilit nitong mabuhay, lalo lamang binubuo at binubuyo nito ang galit ng sambayanan, lalo lamang nitong hinuhukay ang sariling libingan. Lalong nagiging sunud-sunuran ito sa US, pero hindi US ang lalasap ng galit at pagkilos ng taumbayan. Nasusubok pang lalo ang pagkatuta ni Arroyo ng napabalitang panggagahasa ng mga sundalong US sa isang Pilipina. Mula pandaraya, lalong lumalalim ang dahilan ng bayan para patalsikin siya.

10 Nobyembre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: