Bad Boy Media

garroyo-and-imarcos.jpgSa kontrobersyal na huling pagtitipon ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP, muling nangaral si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa mga mamamahayag o journalists ng bansa. Aniya, panahon na para baguhin ng mga mamamahayag ang imaheng “bad boy” ng midya sa Pilipinas. Ito raw, aniya, ay nasasamantala ng mga pakanang pampulitika, kung hindi man ng destabilisasyon, ng mga kalaban ng gobyerno. Dapat daw magpokus ang midya sa magagandang balita sa bansa na nakasentro sa sumusulong na ekonomiya, at hindi sa bangayan sa pulitika.

Unahin natin ang magandang balita sa sulong na ekonomiya. Taliwas sa ipinapalaganap at gustong palabasin ng gobyernong Arroyo, ang pagsulong ng ekonomiya ngayon – na ipinapakita ng paglakas ng piso kontra sa dolyar – ay hindi resulta ng pagkapasa ng batas sa Expanded Value Added Tax o E-VAT. Hindi rin ito resulta ng mga bagong patakarang pang-ekonomiya ng gobyernong Arroyo. Resulta ito ng pagdagsa ng mga padala o remittances ng Overseas Filipino Workers. Taun-taon, ganito ang nangyayari kapag malapit na ang Disyembre at Pasko. Ibig sabihin, panandalian lamang ito.

Hinggil naman sa imaheng “bad boy”: Bad boy para kanino? Hindi para sa taumbayan, natitiyak ko. Kahit konsultahin ang mga huling survey, lalabas na mataas ang tiwala ng mga Pilipino – tama man o mali – sa midya. Kaugnay siguro ito ng galit at takot ng taumbayan sa Martial Law sa ilalim ng rehimeng Marcos na nagsara sa midya. Sa mga nagdaang panahon, napakahalaga rin ng midya sa pagsisiwalat ng mga isyu sa bansa at ng mga tindig at aksyon dito ng iba’t ibang grupo. Midya ang nagbalita ng mga pangyayaring nag-udyok ng pinakamalalaking pagkilos ng taumbayan sa lansangan.

Kaya hindi bad boy ang midya para sa taumbayan. Pero tiyak, bad boy ito para sa gobyernong Arroyo. Mula sa pagkakamali ni Ignacio Bunye sa usapang “Hello Garci” hanggang sa pagsasabi ni Arroyo ng “I am sorry” hanggang sa pagkalas ng mga alyado at paglaki ng mga protestang masa – lahat ito ay isiniwalat at sa ilang pagkakataon ay pinatampok ng midya. Marahil, hindi ito dahil makabayan o progresibo ang midya – bagamat may ganitong seksyon sa kanila. Mas mabigat na dahilan ang hilig ng midya sa kontrobersya at malalaking balita. Pagbasa sa masa pa rin ang sinusunod ng midya.

(Malakas ang kutob kong ang paglipat ng pagiging Number 1 mula sa Kapamilya patungong Kapuso – na naganap sa panahon ng halalang 2004 – ay resulta sa isang banda ng pagpanig nila sa halalang iyon. Malinaw na maka-Arroyo ang Kapamilya. Sinamantala ito ng Kapuso sa pagsabing “Walang pinoprotektahan, walang kinikilingan.” Kaya nagtataka ako sa channel sa cable television na RJTV. Mula noong pumutok ang usapang “Hello Garci”, ito lang ang channel na malinaw na tumindig na maka-Arroyo. May nanonood kaya sa kanila? Sino nga ba si Johnny Midnight? Ramon Jacinto:Laos!)

Kaya kung nagagamit man sa destabilisasyon ang pagbabalita ng midya, ang dapat tingnan ay hindi ang midya kundi ang ibabalita. Ano nga ba ang magandang ibabalita ng midya sa masamang panahong kinaroroonan natin? Hindi resolbado ang mga kaso ng pandaraya sa halalan, pangungurakot, at paglabag sa karapatang pantao laban kay Arroyo. Nahaharap ang nakakaraming Pilipino sa napakahirap na Pasko: mataas ang presyo ng bilihin at kakarampot ang kita. Ang Simbahang Katolikong dating pinagkakatiwalaan ng taumbayan, nangungunsinti ngayon sa napakaraming imoralidad.

Sa mga kasama sa midya: Huwag sundin ang pangulong nanalo sa pandaraya.

20 Nobyembre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: