Joma, o Usapang Kudeta

DAHIL SA SUNUD-SUNOD na pagtakas ng mga sundalong kasapi ng grupong Magdalo at kasama sa pag-aalsang “Oakwood” noong 2002, mainit na usap-usapan ngayon ang kudeta. May mga nagsasabing ang pagtakas nila ay bahagi ng paghahanda sa isang kudetang magpapatalsik kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa pwesto. Pinaka-maingay bago mahuli si Nicanor Faeldon, na malakas ang panawagan sa taumbayan na kumilos para tutulan at patalsikin si Arroyo. Kumpirmadong may mga grupo sa militar na nanghihikayat sa mga nakabababang sundalo na lumahok sa inihahandang kudeta.

Ang anomalya rito, ayon nga sa isang kolumnista, ay hayag na hayag itong napag-uusapan. Hindi lamang dahil mawawala ang elemento ng sorpresa na napakahalaga sa isang kudeta, kundi dahil ipinapakita nito ang pagiging bukas ng isip ng taumbayan sa pagkakaroon ng kudeta. Naiulat na 75% ng tumugon sa survey sa telepono ng isang istasyon sa radyo ang pabor sa pagkakaroon ng kudeta. Taliwas ito sa huling karanasan ng bansa sa kudeta – iyung sa panahon ni dating Pang. Corazon Aquino, kung saan ipinagpapalagay na mas tutol kaysa sang-ayon ang nakakarami sa bansa sa kudeta.

Sa dalawang karanasan ng bansa sa pagpapatalsik ng pangulo, mahalaga ang pagsasanib ng protesta at pagkilos ng taumbayan at ng pagkilos ng militar laban sa nasa pwesto – mamaya natin talakayin ang kudeta. Sa ganitong ugnayan, makikitang kakatwang magkakambal ang mga kudeta sa panahon ni Aquino at ang tinatawag na “Edsa 3” sa ilalim ni Arroyo noong 2001. Walang suporta ng protesta at pagkilos ng taumbayan ang una, habang walang kaakibat na pagkilos ng militar ang ikalawa. Parehong nabigo ang mga pag-aalsang ito, na kapwa nilahukan ni Gringo Honasan.

Simula noong pumutok ang kontrobersyang “Hello Garci,” may mga nag-eeksperimento sa utak patungkol sa Edsa 1 at Edsa 2. Sa nauna raw, nauna ang aksyong militar – ang kudeta nina Fidel Ramos at Juan Ponce Enrile – na sinundan ng pagkilos at protesta ng taumbayan noong 1986. Sa ikalawa raw, bumuntot ang aksyong militar sa pagkilos at protesta ng taumbayan noong 2001. Sa paglutang ng usap-usapan tungkol sa kudeta, muling nasasariwa ang ganitong mga pagtingin. May mga kolumnista na nagtutulak ng kudeta – sa sidhi ng suklam sa rehimen ni Arroyo – na susuportahan ng taumbayan.

Ngunit kailangang iwasto ang pagtingin sa Edsa 1 sa itaas. Mali ito, at sumusuporta sa yabang ni Juan Ponce Enrile na ang pagkilos ng militar sa udyok at pamumuno niya ang pangunahing nagdulot ng pagpapatalsik ni dating Pang. Ferdinand Marcos. Nauna pa rin ang protesta at pagkilos ng taumbayan – na unti-unting ginawa noong dekada 1970, at mabilis na lumakas pagkatapos paslangin si dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. noong 1983. Hindi mahika ni Enrile ang dahilan ng paghungos sa lansangan ng milyun-milyon noong 1986, kundi ang pagsasanay o ehersisyo nila bago pa man ang 1986.

Kaya iisa sa esensya ang aral sa Edsa 1 at Edsa 2: ang pangunahing nagpapatalsik sa pangulo ay ang tuluy-tuloy at malaganap na protesta at pagkilos ng taumbayan. Ito ang dahilan kung bakit kinayang bumuhos ng marami sa lansangan matapos ang kudeta noong 1986 at ng katarantaduhan sa Senado noong 2001. Kaya hindi si Enrile ang bida o bayani sa Edsa 1. Hindi rin si Angelo Reyes ang bida at bayani sa Edsa 2. Taumbayan ang bida at bayani sa mga pagkilos na ito. Sila ang unang nangahas na isabak ang buhay sa paglaban para sa pagbabago, habang nagdadalawang-iisip pa ang iba.

At, kung sasagarin, maaari ring sabihing bayani ng parehong Edsa si Jose Ma. Sison, siya na may walang-maliw na pananampalataya sa “kilusang masa” at direktang nakiisa sa pagpapalakas ng mga protesta at pagkilos ng taumbayan mula pa noon.

30 Enero 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Aklat ng Bayan, Inc.  On December 6, 2007 at 2:52 am

    pwedeng magtanong? interesado ka bang magsalin ng mga akda ni ka joma? salamat!

  • kapirasongkritika  On December 6, 2007 at 6:22 am

    Sa e-mail na lang ako sasagot. Salamat sa alok!

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: