Maling Hinala, Tamang Basa

framos.jpgSa huling labas ng kolum na ito, tinalakay ang mga posibilidad sa pakikipag-usap ni dating Pangulong Fidel Ramos kina Senate President Franklin Drilon at dating Senador Vicente “Tito” Sotto III. Sinabi nating posibleng bumaligtad na si Ramos sa pagsuporta kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ngayon ay dumidikit sa oposisyon. Sinabi rin nating posibleng nagbubukas ng pinto ang kampo ni Arroyo sa mga kalaban sa pulitika. Sa parehong hinala, si Ramos ang nagpatawag ng pulong. Pareho itong mali. Sina Drilon at Sotto ang nagpatawag ng pulong para hikayatin siyang tumalikod kay Arroyo.

Balita na ngayon ang tugon niya rito: Hindi. Hindi siya susuporta sa pagpapatalsik kay Arroyo at sasama sa konseho ng mga dating pangulo na planong ipalit ng oposisyon kay Arroyo. Pero ihinabol niya ang payo at mungkahi kay Arroyo na tapusin ang termino sa gitna ng 2007. Ipinahiwatig din niya ang pagkadismaya sa mabuway na pagtutulak ni Arroyo sa pagbabago ng Konstitusyon ng 1987 ng bansa – bagay na hiningi noon ni Ramos kapalit ng napakahalagang suporta niya kay Arroyo sa panahong binabayo ang huli ng mga kalaban. Hindi nga siya kalaban ni Arroyo. Pero hindi rin siya kakampi nito.

Mali man ang hinala natin sa pag-uusap ng tatlo, tama pa rin ang pagbasa natin sa kalagayan ng kampo ni Arroyo kaugnay ng pag-uusap na ito. Sintomas ang pag-uusap ng tatlo ng kahinaan – hindi ng pagiging malakas – ng kampo ni Arroyo. Malinaw na iba ang kampo at interes na kinakatawan ni Ramos sa kampo at interes ni Arroyo. Sa proseso ng pagsubaybay ng midya at ng madla sa pag-uusap ng tatlo, lumabas ding ginagamit ni Ramos ang kanyang suporta para pwersahin si Arroyo na gawin ang gusto niya: Isa ang pagbabago ng Konstitusyon, pero tiyak na marami pang pabor pampulitika.

Kung matatandaan, sa pagbabago ng Konstitusyon lumitaw ang hidwaan sa pagitan ni Ramos at Arroyo. Nariyan ang hindi desididong pagtutulak dito ni Arroyo sa mga panahong nakakapagmaniobra ito sa pulitika. Nariyan ang banta ng agawan sa pamunuan ng Kongreso sa pagitan ng kampo ng dalawa. Nariyan, nitong huli, ang panukalang “walang eleksyon” (no elections o No-El) sa 2007 ng itinayong Constitutional Commission ni Arroyo. Tinawag ito ni Ramos na “dambuhalang pagkakamali”. Marahil, ang hidwaang ito ang sinunggaban nina Drilon at Sotto para makipag-usap kay Ramos.

At talagang garapal at masama ang No-El na ito. Ayon sa bayarang Constitutional Commission ni Arroyo, kailangang ipagpaliban ang halalan ng 2007 at paupuin muna lahat ng halal na opisyal ng bansa hanggang 2010 para maging maayos ang pagpapalit ng Konstitusyon at sistema ng gobyerno sa bansa. Una, ayon dito, maaaring wala pa ang mga kapani-paniwalang institusyon sa halalan katulad ng Commission on Elections o COMELEC sa 2007. Ikalawa, mapanghati raw ito at magastos para sa gobyerno at taumbayan dahil kakatapos lang ng planong plebisito sa mga amyenda sa Konstitusyon.

Parehong mabuway at mababaw ang mga dahilang ito – patunay na may masamang motibo rito na hindi kayang matapat na ihayag sa publiko. At ang motibo: patatagin ang kasalukuyang gobyerno pabor kay Arroyo. Tiyak na sakit sa ulo ng kampo ni Arroyo ang halalan sa 2007, sa harap ng paglakas ng kilusang anti-Arroyo. Sa lakas ng sentimyentong anti-Arroyo, tiyak na magiging pagkakataon ang eleksyon para birahin si Arroyo ng iba’t ibang kampo. Pwede ring mapalitan ang mga loyalista ni Arroyo sa Kongreso ng mga kalaban niya, na magpapadali sa susunod na kasong impeachment.

Sa pagbinbin sa halalan sa 2007, aaprubahan ng Kongreso ang burador ng panukalang Konstitusyon at ikakampanya ng mga tuta ni Arroyo sa gobyerno ngayon ang nabuong panukalang Konstitusyon. Talagang para manatili sa posisyon, handa ang kampo ni Arroyo na lalong salaulain ang bulok na ngang mga institusyon at pulitika sa bansa.

12 Enero 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: