Nene

ntamayo.jpgBakit si Nene ang nanalo? Ano ang sinasabi ng panalo niya tungkol sa mga Pilipino?

Natapos nitong nagdaang mga araw ang Pinoy Big Brother, ang reality show ng ABS-CBN. Ibinigay nito ang sinasabing pinakamalaking premyo sa kasaysayan ng bansa na P6 Milyon kay Nene. Pangalawa si Jason, pangatlo si Cass, pang-apat si Uma. Interesante ang pagra-ranggo dahil sinasabing batay ito sa botong text ng manonood. Sinasabing mahigit kalahating milyong botong text ang natanggap ni Nene, kulang-kulang kalahati ng lahat ng botong pumasok para sa mga kalahok. Sa lahat ng mga pamilya ng kalahok, tanging kay Nene ang walang kakayahang magpadami ng boto.

Batay sa sagot ng mga kinapanayam sa palabas, maraming dahilan kung bakit si Nene ang nanalo. Isa rito ang pagiging pinakamahirap niya sa mga natirang kalahok. Isa siguro ito sa mga sorpresang hinarap ng mga nasa likod ng palabas noong isinabak nila ito sa Pilipinas: ang elemento ng awa sa mahihirap na kalahok. Ito ang dahilan kung bakit naging partikular na usapin sa palabas si Franzen. Patunay ang dalawang bagay na ito – ang awa sa kalaban at ang pagkakaroon ng mas mahihirap sa mga kalahok – ng pagiging agrikultural ng Pilipinas kumpara sa ibang bansang pinaglabasan nito.

Isa pa ang lumitaw na pagtutulungan nina Cass, Say at Uma sa pamumuno ng huli laban kay Nene. Kung sa mga reality show ng ibang bansa – lalo na sa mauunlad na bansa – ay katanggap-tanggap ang indibidwalismong laban-kung-laban na ipinakita nila at ang pagbubuo ng paksyon na ginawa nila, tila hindi ito nagustuhan ng mga manonood na Pilipino. Laging nasasabing mahilig kumampi ang mga Pilipino sa mga namamaliit o “underdog” sa mga kumpetisyon. Halimbawa nito ang kaso ni Nene. Tila nagtaboy ng botante ang pagboto nila sa kalaban nang sinasabing dahilan ay “banta” ito sa kanya.

Ikatlo, tumingkad ang mabubuting katangian ni Nene sa pagtampok ng hindi magandang ugali ng kanyang mga kalaban. Lumitaw na madaldal, mahilig magbato ng kung anu-anong komentaryo, at mapagpakana sa kanyang paksyon si Uma. Lumitaw namang peke o pakitang-tao at gustung-gustong manalo ni Cass. Gustung-gusto ring manalo at isip-bata si Say. Wala namang masamang ugaling lumutang si Jason, bagamat nadawit siya sa mga pagkakamali ni Franzen. Sa paglitaw na pinagtulungan ng unang tatlo si Nene, nagmukhang labanan ng mabuti at masama, puti at itim ang kompetisyon.

Pero bakit si Nene at hindi si Jason? Dito papasok ang ikaapat na dahilan: Lumutang ang pagiging maabilidad o magaling, mapamaraan, at matatag ni Nene. Sa ilang mga tungkulin o pagsubok, ipinakita niya ang kanyang mga kakayahan. Ipinakita niyang kaya niyang gawin ang hindi kaya ng iba, maging ni Jason. Bukod dito, sa buong panahon, matatag at kalmado siya sa pagharap sa iba’t ibang usapin sa bahay. Kung ikukumpara sa mga tungkulin o pagsubok na ginawa ng ibang kalahok – pagpapagupit ni Say, pagpapapangit ni Cass, pagtigil sa paninigarilyo ni Uma, at iba pa – tampok talaga siya.

Dito papasok ang isang usapin. Tama bang ibatay ni Big Brother ang mga tungkuling ibibigay niya sa aktwal na kakayahan ng mga kalahok? Sa isang banda, ang pagpaksyon at pagtutulung-tulong nina Uma, Cass at Say laban kay Nene ay epekto ng paglutang ng mga kakayahan ni Nene dahil sa mga tungkuling ibinibigay ni Big Brother sa kanya. Sa isang banda, makatwiran ang ganitong pagbibigay ng tungkulin. Sa kabilang banda, lilitaw na paboritismo ang pagbibigay ng tungkulin batay sa kakayahan ng mga kalahok. Ibig bang sabihin, simula pa lang ng kumpetisyon ay may panalo na?

Kung anuman, pulitikal ang pagkapanalo ni Nene. Sa panahong pinag-uusapan ang paggamit sa militar sa pandaraya sa halalan at ang maruming pulitika at korupsyon dito, nanalo ang malinis ang puso na ginustong maging sundalo. Sa panahong pinapatalsik ang isang pangulong nandaya para makamit ang posisyon at gumagawa ng kasamaan para manatili rito, nanalo ang malinis lumaro at hindi hayok sa pagkapanalo. Taliwas sa pangulong mas magaling mandaya at magsinungaling kaysa maglingkod sa taumbayan, lumutang ang isang malakas na babaeng humamak sa mga kakayahan ng kalaban.

Tila para kay Nene, mas malaking premyo sa pagsali sa kumpetisyon ang matapat na pagpapahayag ng pagmamahal sa kanyang mga magulang at pakikipagbati sa kanila. Kabaligtaran niya si Gloria: Para sa yaman at kapangyarihan, ibinenta ang kaluluwa.

17 Disyembre 2005

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: