Prediksyon sa Bagong Taon

framos2.jpgAyon sa pamahiin, ang ginawa sa simula ng taon ay siya ring gagawin sa buong taon. Agad nagsabwatan at naglabanan ang mga pulitiko. Ganito kaya sila sa buong taon?

Mainit na pinag-uusapan ngayon ang pag-uusap ng maiinit na pulitiko sa ngayon, nina dating Pangulong Fidel Ramos, Senate President Franklin Drilon, at dating Senador Vicente “Tito” Sotto. Ang una ay kilalang alyado ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo; ang ikalawa ay kilalang mga kalaban ng huli. Kasama sa kampo ni dating Pang. Corazon Aquino at ng mga dating miyembro ng gabinete ni Arroyo si Drilon, samantalang kasama sa kampo ni dating Pang. Joseph Estrada, Fernando Poe, Jr. at Susan Roces si Sotto. Maraming naglipanang hinala hinggil sa nilalaman at kahulugan ng pag-uusap ng tatlo.

May hinalang bumaligtad na si Ramos sa pagkampi kay Arroyo at nakikipagkaisa sa mga kalaban nito. Maaaring plano sa pagpapatalsik ang laman ng pag-uusap, kasama na ang pag-alis sa Kaliwa sa eksena ng pagpapatalsik. Inilako agad ang ganitong pagtingin ng mga kasapi ng oposisyon. Pinasinungalingan naman ito ang mga alagad at alaga ni Arroyo na sina Ignacio Bunye at Gabriel Claudio. Ang sabi ng kampo ni Arroyo, agad nakipag-usap sa kanila si Ramos para iulat ang laman ng pag-uusap. Patuloy daw na papatunayan ni Ramos ang tapat na suporta kay Arroyo sa mga darating na araw.

May hinala namang nananatiling tapat si Ramos kay Arroyo at dumudulog sa mga kilalang kalaban ng huli para makipagkasundo ng pagpapasuko sa mga ito. Pwedeng nagbubukas ng pinto ang kampo ni Arroyo sa mga kalaban nito sa pulitika at nag-aayos ng mga kasunduan para mapilit o mabili ang mga ito. Maaaring sinasamantala ng kampo ni Arroyo ang paglakas ng piso at pagbaba ng presyo ng langis – kahit pansamantala lamang ang mga ito – para magpakita ng lakas sa mga kalaban ni Arroyo at sindakin o pwersahin ang mga ito na magsabi na lamang ng presyo para mabili sila.

Kung anuman, patunay ang pag-uusap ng nagpapatuloy na kahinaan ng kampo ni Arroyo. Kung bumaligtad man si Ramos, pananda ito ng panibagong antas ng paghina: na ang pinakamalalapit na kakampi nito ay tumatalikod na rito at sa aktwal ay nakikipagtulungan sa mga kalaban nito. Kung hindi man bumaligtad si Ramos, patunay ito na desperado ang kampo ni Arroyo na tapusin sa pinakamabilis na panahon ang pampulitikang krisis sa pamamagitan ng pagpwersa at pagbili sa mga kalaban nito. Kahit ang ganitong posibilidad ay patunay ng kahinaan, hindi lakas, ng kampo ni Arroyo.

Ganito kaya ang magaganap sa buong taon? Posible. Malamang. Pero hindi dahil sa pamahiin, kundi dahil sa mga historikal at istruktural na kalagayan o suliranin ng bansa sa ekonomiya, pulitika, at lipunan. Sa ganitong kalagayan lumulugar at nahuhubog ang kalayaan ng mga tao at pulitiko sa bansa – na naglulugar at humuhubog din sa nasabing kalagayan. Ang kalagayang ito ang nagtutulak sa mga pulitiko na gamitin ang kanilang kalayaan para mandaya sa halalan, mangurakot, lumabag sa karapatang pantao ng taumbayan, at magsinungaling. Lahat ito ay resulta ng kalagayan at kalayaan nila.

Sa ganitong papabulok na kalagayan nagkakaroon ng pwersa ang pamahiin tungkol sa bagong taon. Dito sila nagiging totoo. Sa ganitong kalagayan masasabing magpapatuloy sa buong taon ang kutsabahan, bentahan-bilihan, kampihan at labanan na katangian na ng pulitika sa bansa. Sa pagtindi ng krisis ng ekonomiya ng bansa, kumikitid ang rekursong napaghahatian ng mga paksyon ng naghaharing uri na nasa gobyerno. Dahilan ito para tumindi ang bangayan nila at para lumakas ang paglaban nila sa paksyong may hawak ng kapangyarihan – sa pagkakataong ito, sa kampo ni Arroyo.

Ito rin ang kalagayang nagtutulak sa taumbayan na kumilos at lumaban. Sa paggamit ng taumbayan ng kalayaan para kumilos at lumaban – dito lang tayo makakaasang magkakaroon ng tunay na bagong taong hindi dinidiktahan ng ganitong pamahiin.

06 Enero 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: