Seryosohin si Manoling

alagdameo.jpgDapat bang seryosohin si Manoling? Ito ang unang tanong na sumagi sa isip ko sa pagbasa sa mga huling pahayag sa dyaryo ni Manuel “Manoling” Morato – kilalang dating pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at pinuno ngayon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Tila isang beses lang siyang nagsalita nang may progresibong posisyon – ang pagbibitiw ni Pang. Joseph Estrada noong 2000 – at para pa sa mababaw na dahilan ng moralidad. Lagi’t lagi, konserbatibo ang posisyon niya sa mga isyung pinili niyang labasan ng mga pahayag.  

Pero hindi ang laging pagiging konserbatibo niya ang dahilan ng pagtatanong kung dapat siyang seryosohin. Hindi rin ang kakatwang itsura niya sa kanyang moralistang pagtatanggol ng mga konserbatibong posisyon sa paraang nagpapaalala ng istiryutipo (stereotype) ng mahaderang bakla. Hindi rin ang kontrobersyal na pagsalpok niya sa mga palabang personalidad katulad nina Armida Siguion-Reyna at Miriam Defensor- Santiago . Naitatanong kung dapat siyang seryosohin dahil sa mga argumento niyang inilalahad nang magiit gayung hinugot sa kung saan-saan at mali-mali ang mga batayan. 

Nitong huli, tinuligsa ni Manoling ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pahayag nito noong Enero 29 na kritikal kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Aniya, umuulit ang kasaysayan: Ihinalintulad niya ang CBCP sa mga prayle sa panahon ni Jose Rizal na nagpatakbo hindi lamang sa simbahan kundi maging sa gobyerno. Kaya naman daw nagalit ang taumbayan sa kanila. Nagsasalita raw ang CBCP sa mga bagay na labas na sa kaalaman at tungkulin nito. Mas dapat daw nitong tutukan ang paglilinis sa sariling hanay – sa mga kasong sekswal ng mga kasapi nito, halimbawa.  

Pilit na pilit ang paghahalintulad niya sa huling ginawa ng mga obispo ng CBCP sa pamamalakad ng mga prayle sa bansa noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Hindi ang CBCP ng Enero 29, 2006 ang katulad ng mga prayle kundi ang CBCP ng Hulyo 10, 2005 – na nangaral sa kanilang mga tupa ng kapayapaan at hindi nanawagan ng pagbibitiw ni Arroyo sa harap ng pagsisinungaling, pandaraya, at pagnanakaw ng kampo nito. Sa ikalawa, nasa panig sila ng anti-maralita at maka-dayuhang rehimen. Sa una – tulad sa Edsa 1 at 2 – nasa panig sila ng taumbayang lumalaban sa rehimeng ito.   

Kung papansinin ni Manoling, hindi galit ang inaani ng CBCP sa taumbayan dahil sa huling pahayag nito. Ngayon, mas nakikita silang kasama ng pagkilos ng iba’t ibang seksyon ng lipunan, kasama na ang maralita. Mas dapat alalahanin ang imahe, hindi ng mga prayle noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa, kundi ng mga madre at pari sa harapan ng mga pagkilos noong panahon ng Batas Militar (Martial Law). Marami sa kanila ang kasama noon sa mga mobilisasyon, welga at iba pang aksyong masa. Hindi ang pagkampi kay Arroyo ang katulad ng ganitong karanasan ng bansa.  

Nagsasalita raw ang CBCP sa mga bagay na labas sa kaalaman at tungkulin nito. At sino ang may alam at tungkuling magsalita hinggil sa pagsisinungaling, pandaraya at pagnanakaw? Si Manoling? Siya na himod-tumbong kay dating Pang. Fidel Ramos at ngayon ay kay Arroyo? Paanong magkakaroon ng kaalaman at tungkulin sa ganitong bagay ang taong ang interes ay makinabang sa ganitong kalakaran? Hindi hamak namang mas may kaalaman at tungkulin sa ganitong bagay ang mga obispo. Hindi tulad ni Manoling, may tamang tindig sila sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa.  

Diyan magaling si Manoling: sa moralistang pagbira sa pagkatao at hindi sa pahayag ng kalaban. Ginagaya niya si Kristo Hesus sa pagsasabing ang unang dapat magpukol ng bato sa kapwa ay siyang walang kasalanan. Pero sa hanay ng mamamayan ipinangaral ito ni Kristo Hesus, hindi sa ugnayan ng mamamayan at ng bulok na gobyerno noon. Si Kristo Hesus mismo ay rebelde sa kanyang panahon, kaya nga ipinako sa krus. Matalas siyang nagsalita sa kawalan ng katarungan sa kanyang panahon. Kung bawal magsalita ang minsang “nagkasala” sa iba’t ibang paraan, walang mangyayari sa bansang ito. 

Dapat bang seryosohin si Manoling? Dapat naman. Sa pagseryoso sa kanya, lalong nakikita ang kabulukan ng kung anu-anong pahayag ng kung sinu-sino sa midya.

14 Pebrero 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: