Pangilinan: Protestang Harapan

Balitang-balita ang ginawang harapang protesta kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa Cavite State University sa Indang, Cavite nitong mga nakaraang araw. Lumahok sa protesta ang ilan sa mga nagtapos – sa pangunguna ni Ma. Teresa Pangilinan, tagapangulo ng konseho ng mga mag-aaral na nagtapos ng mass communication sa paaralan – at mga kasapi ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Solidarity of Cavite Workers (SCW). Laman ang kwento ng dyaryo, telebisyon, radyo, at maging ng internet – kung saan paborito ito.

Habang nagtatalumpati si Arroyo, tumindig si Pangilinan, sumigaw ng “Patalsikin si Gloria!” at nagladlad ng banner na nagsasabing ”No to Cha-Cha!”. Pagkatapos, tumindig at sumigaw na rin ang mga kasapi ng BAYAN at SCW na nasa lugar. Agad silang pinuntahan ng Presidential Security Group (PSG) at ipinagtulakan palabas. Noong bigayan na ng diploma, umakyat sa entablado si Pangilinan, hatid ng mga kagawad ng PSG. Si Arroyo mismo ang itinalaga ng paaralan na mag-abot ng diploma sa mga nagtapos. Sa yugtong ito, wala nang protestang ginawa sina Pangilinan at mga kasama. 

Ayon kay Presidential Management Staff Secretary Mike Defensor, bastos ang ginawa ni Pangilinan at mga kasama. Noong panahon daw niya bilang aktibista, mas may paggalang daw sila. Noong una, pinagalitan niya ang PSG dahil sa naganap. Noong nakapag-isip-isip marahil at naalalang nabalita noong may nirerekluta sa PSG para sa pag-aalsa kay Arroyo – at may banta pa ngang papatayin si Arroyo ng kanya mismong PSG – bumawi si Defensor. Ginawa raw ng PSG ang trabaho nitong protektahan si Arroyo at ang administrasyon daw ng CSU ang may kahinaan o problema sa nangyari.  

Ayon naman kay Department of Justice Secretary Raul Gonzalez, may krimeng ginawa sina Pangilinan. Inatasan niya ang National Bureau of Investigation na siyasatin kung sino pa ang mga kasangkot, ano ang pananagutan ng administrasyon ng paaralan, at paano nakapasok ang mga nagprotesta. Inatasan din niya ang NBI na kapanayamin ang mga reporter ng Philippine Daily Inquirer at Philippine Star. Nilabag daw ng mga nagprotesta ang batas na nagbabawal sa paggambala sa mga pampublikong okasyon. Dumistansya ang Malacañang kay Gonzales: hindi raw nito interes ang imbestigasyon.  

Kakatwa kung paanong laging ipinapaalala ni Defensor ang kanyang nakaraan sa aktibismo sa paglilingkod niya sa sagad-sagaring kontra-mamamayan at kontra-maralitang pangulo. Paraan niya ito para pagkaperahan ang kanyang walang perang nakalipas at bumawi rito. Paggalang? Ulol! Kasapakat siya ng pangulong lalong bumastos at bumaboy sa marami sa iginagalang ng mga Pilipino: Diyos, katotohanan, batas, katarungan, kalayaan, demokrasya, at hiya sa maling ginawa. Bukod pa rito ang COMELEC, Militar, Pulisya, Kongreso, Opisina ng Pangulo – ang buong gobyerno.  

Bagamat wastong sagutin, ang mga kahiya-hiyang pahayag nina Gonzalez at Defensor ay inilabas sa layuning ipakitang seryosong haharapin ng rehimen ang mga kalaban nito, na lalabanan nito ang anumang aksyon ng mga katunggali nito. Gusto nilang ipakitang masasaktan ang lalaban sa rehimen at magiging madugo kung igigiit ang pagpapatalsik kay Arroyo. Pero sa kanilang todong pagsisikap na maging seryoso, lalo silang nagmumukhang katawa-tawa – baliw sa isang banda. Krimen? Paborito ng isang kolumnista: ”Ang gustong wasakin ng mga Diyos, ginagawa muna nilang katawa-tawa.”  

Ang totoo, ang ginawa nina Pangilinan ay maliit na protesta sa karaniwang panahon, pero napakalaki ng kahulugan ngayon. Sa pagpapakita rito ng kapraningan – at ang paranoia sa sikolohiya ay kaugnay ng pagsabog ng mga kahulugan – ipinapakita ng rehimen ang sensitibo’t papasabog na sitwasyon ngayon. Alam nitong isang maling hakbang – bagay na mapalampas o kalabisang ipinatupad nang may kakulangan – ay sisingil rito nang matindi. Kaya naman nagpapalaganap ito ng ilusyon ng normalidad – sa pagsasalita sa harap ng mga nagtapos, halimbawa – na hinamon nina Pangilinan.  

Sa ganito mailulugar ang halaga ng protesta nina Pangilinan. Inilantad nila kung gaano ka-rupok ang ilusyon ng normalidad na pinapalaganap ng rehimen – marupok dahil kayang wasakin ng maliit na hamon at marupok dahil kapag hinamon ng maliit ay agad naglalantad ng kapraningan na nasa likod nito. Sa pagpapakita nilang sa hanay ng karaniwang mamamayan ay mayroong hindi kayang sikmurain ang manahimik sa harap ng pangulong sinungaling, mandaraya at magnanakaw, kinumpirma nila ang paniwala ng marami: Na hindi makakalusot ang rehimen sa paniniwalang tatahimik ang bayan.  

At sa paglalantad nila sa takot ng rehimen na bahagi ng kapraningan nito – sa takot na magbayad nang mahal – ipinapakita rin nila ang posibilidad ng katarungan.

27 Abril 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: