Magkano ang Buhay ng Aktibista?

Hindi na maikakailang pambansa, sistematiko at tuluy-tuloy ang pamamaslang sa mga aktibista sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sinasabing kulang-kulang anim na daang (600) aktibista – kasapi at lider ng mga organisasyon, taong simbahan, abogado at iba pa – ang pinaslang simula noong 2001. Kadalasang ang gumagawa ay iilang armado – tinatawag na ngang “death squads” – na may tiyak na impormasyon kung nasaan ang kanilang target. Para sa mga sumusubaybay sa isyu, usap-usapan na kung sino ang huling pinatay kanina, kahapon, noong isang araw o linggo, at saan.

Taliwas sa naunang akusasyon ng gobyerno, partikular ni National Security Adviser Sec. Norberto Gonzales, ang mga layuning mababakas sa mga pagpatay ay nagtuturong ang gobyerno ang nasa likod nito, hindi ang Kaliwa o ang Partido Komunista ng Pilipinas. Sa publiko, naghahasik ng takot ang pamamaslang – para huwag sumali o tumulong sa mga aktibistang organisasyong kinabilangan ng mga pinatay. Sa organisasyon ng mga aktibista, nanggugulo ang pamamaslang, bagamat maaaring panandalian lamang. Sa ganitong mga paraan din tinatamaan ang kilusan para sa pagpapatalsik kay Arroyo.

“Internal na pagpupurga” ang tawag ni Gonzales sa akusasyon niyang ang PKP, sa pasimuno ni Jose Ma. Sison, ang gumagawa ng pamamaslang. Pinagdugtong niya ang bansag na “terorista” kay Sison at ang pagpatay ng PKP sa mga kasapi nito noong unang bahagi ng dekada 1980. Pero hindi PKP, o mga aktibistang organisasyon, ang makikinabang sa mga layuning nasa itaas. Bukod pa rito, sinumang nag-aral ng kasaysayan ng PKP ang makakapagsabing puspusang tinuligsa ng PKP mismo ang pagkakamali nito. Noong rumaragasa ang trahedyang ito, si Sison ay nasa bartolina.

Sa ganitong pagtingin, malaking kasinungalingan at tusong pakana ng rehimen ang pagsasabing ang PKP o mga aktibistang organisasyon ang salarin sa mga pagpatay. Gayundin ang pagsasabing ang mga anti-Arroyong elemento sa militar – na diumano’y nakipag-alyado sa Kaliwa para patalsikin si Arroyo – ang nasa likod ng pamamaslang. Gustong sagarin ng rehimen ang pakinabang sa pamamaslang at pasamain sa opinyong publiko – at sa gayon ay ihiwalay para lalong birahin – ang nangungunang mga kalaban nito. Pero hindi niyayakap ng opinyong publiko ang ganitong mga paningin.

Kaya grabeng kasamaan ang ipinakita ng rehimen sa pagpatay kay Sotero Llamas. May partikular na motibo ang pagpatay sa kanya: Ang palabasing totoo ang kasinungalingan ng rehimen. Paano, kilala si Llamas na dating lider ng PKP na nitong huli ay tumakbong gobernador ng Albay – na, sa mata ng publiko, ay pagdistansya sa PKP. Sa pagpatay kay Llamas, gustong palabasin ng rehimen na pinapatay ng PKP ang mga lumalayo rito, na hindi nito matanggap ang pagsalungat ng opinyon, na wala itong sinasanto, at – sang-ayon sa akusasyon ng rehimen – gusto nitong patayin si Arroyo at iba pang pulitiko.

Grabeng kasamaan ito. Hindi pagtigil sa pamamaslang ang naging tugon ng rehimen sa paglakas ng opinyong publiko laban dito, kundi pagsasamantala at pagsisinungaling: Pagbira sa kalaban, at pagsasabing ang mga biktimang organisasyon ang salarin. Para bigyan ng buhay ng katotohanan ang kasinungalingan, pinag-alayan ito ng bagong dugo. Malaon nang ipinakita ng rehimen na wala itong pagpapahalaga sa katotohanan. Ngayon, ipinapakita rin nitong wala itong anumang pagpapahalaga sa buhay. Tanging interes na magkapit-tuko sa yaman at kapangyarihan ang nananaig dito ngayon.

Sa duwag at patraydor na pagpatay ng rehimen, gayunman, lumulutang ang matapang at prinsipyadong buhay ng mga pinatay. Karaniwang tao silang inilaan ang buhay, lakas at talino para sa hindi karaniwang pagbabagong kailangan ng ating lipunan. Sa pagpatay sa kanila, dapat managot ang mga kriminal. Higit pa rito, gayunman, sa halaga ng buhay nila, dapat baguhin ang sistemang nagluluwal at bumubuhay sa mga kriminal. Ayon nga sa makatang si June Jordan, “Itinutulak ng kasaysayan ang mga dinahas sa karahasan at, isa sa mga araw na ito, ang karahasan ay literal na maghuhudyat ng katapusan ng karahasan bilang paraan”.

Magkano ang buhay ng aktibista? Mahal. Kabulukan ng lipunan ang isinasakdal.

11 Hunyo 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

Trackbacks

  • By Dalawang Taon na! « Kapirasong Kritika on May 21, 2009 at 12:09 pm

    […] siya sa isang mobilisasyon at binasa niya ang isang “tula” na ang totoo’y bahagi ng entring “Magkano ang Buhay ng Aktibista?” na sinipi ko kay June Jordan, maka-Kaliwang manunulat. Sabi ng isang kaibigan, naisama rin ang […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: