Tumataas na Matrikula (2)

Ang pagbebenta sa edukasyon na katulad ng anumang karaniwang kalakal o paninda – ito ang tinatawag na “komersyalisasyon” (commercialization) o “komodipikasyon” (commodification) ng edukasyon. Ang pag-iral ng matrikula at iba pang bayarin ay patunay ng komersyalisasyon ng edukasyon, at ang tuluy-tuloy at taun-taong pagtaas ng mga bayaring ito ay patunay naman ng pagtindi ng komersyalisasyong ito sa bansa.

Inaatake at binabangga ng komersyalisasyon ng edukasyon at ng pagtindi nito ang karapatan sa edukasyon ng taumbayan. Bilang karapatan, ang edukasyon ay dapat tinatamasa ng taumbayan – mayaman man o mahirap, may kakayahan mang magbayad o wala. Pero sa kalagayang may bayad ang mag-aral, hindi natatamasa ng lahat bilang karapatan ang edukasyon. Nagiging pribilehiyo ito ng iilang maykayang magbayad.

Ayon nga sa progresibong ekonomistang si Samir Amin sa kanyang librong Obsolescent Capitalism (2003), “Ang komodipikasyon at pribatisasyon ng edukasyon ay isang tiyak na landas tungong mas matinding kawalan ng pagkakapantay-pantay at isang lipunan ng pangkalahatang apartheid. Bagamat tiyak na kailangan ng sariwang sipat sa edukasyon, ang landas ng pribatisasyon ay hindi magdadala ng lunas sa mga suliranin.”

Apartheid ang patakaran sa South Africa ng gobyerno ng mga puti na mahigpit na naghihiwalay sa mga mamamayang itim at puti ng nasabing bansa, at nagsasadlak sa mga itim sa pagtrato bilang mga segunda-klaseng mamamayan. Wasto ang paggamit dito ni Amin para ilarawan ang epekto ng komersyalisasyon ng edukasyon: Ang mayaman ay lalong yumayaman, habang nananatiling mahirap ang maralita.

Ang kailangan para matamasa ng taumbayan ang edukasyon bilang karapatan ay ang ipagkaloob ito ng estado, subsidyuhan nito ang edukasyon para maging serbisyo. Hindi ang ipasa ang bigat ng pagpondo sa edukasyon sa taumbayan – na siya na ngang komersyalisasyon ng edukasyon. At hindi rin ang ipasa ang tungkuling magbigay ng edukasyon sa mga pribadong entidad, na ang tanging layunin ay kumita, hindi magturo.

Taliwas dito, gayunman, ang ginagawa ng estado ngayon ay patindihin lamang ang komersyalisayon ng edukasyon. Sa halip na taasan nito ang subsidyo sa edukasyon – sa mga paaralang elementarya, hayskul at pang-kolehiyo – ay patuloy pa itong kinakaltasan sa mga huling taon. Katulad ng kalusugan at pabahay, ang edukasyon ay tumatanggap ng mababang subsidyo pabor sa pambayad sa utang panlabas ng bansa.

Sa pamamagitan ng Education Act of 1982, pinapayagan nito ang mga pribadong paaralan na walang-sagkang magtaas ng matrikula. Taun-taon, iba’t ibang pakulo ang ginagawa ng mga ito para ilusot ang pagtaas ng matrikula. Pinakahuli ang Commission on Higher Education Memorandum No. 14, na nagbabalewala sa paglulunsad ng konsultasyon sa mga estudyante kapag ang pagtaas ay mas mababa sa inflation rate.

Sa larangan ng edukasyong pangkalusugan, palaging tanong sa mga argumentong ganito ang pakinabang ng bansa: Ano ang pakinabang ng bansa kung tataasan ang subsidyo sa edukasyong pangkalusugan? Lumalabas lamang ng bansa ang mga nakakapagtapos na doktor at nurse. Sa larangang ito nagiging mas malinaw ang pangangailangan ng isang malaking pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Taliwas sa panukalang pagsasabatas ng pagbabawal ng paglabas ng mga doktor o nurse sa bansa, dapat balikan ang panukala ng makabayang historyador na si Renato Constantino hinggil sa pagbabago ng oryentasyon ng edukasyon sa bansa. Kailangan aniya, na baguhin ang kolonyal na oryentasyon ng edukasyon sa bansa na nagsasanay sa kabataan at taumbayan na maglingkod sa interes ng ibang bansa, hindi ng Pilipinas.

Ang kailangan, aniya, ay isang edukasyong makabayan: Iyung maglilinaw sa interes ng bansa para sa industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, at maghihikayat ng kagustuhang maglingkod sa mga interes na ito. Ibig sabihin, ang kailangan ay edukasyong kukwestyon at tutuligsa sa kasalukuyang sistema ng edukasyon at ekonomiya na siya ngang naghihikayat ng paglabas ng mga doktor at nurse sa bansa.

Malalim ang dapat aralin at malaman mula sa malaganap na pagtaas ng matrikula.

02 Hunyo 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: