Wendy: May Dapat Managot o Mabulabog

Sa ngayon, hindi na kailangang isa-isahin pa ang masasamang ginawa ni Wendy sa bahay ni Kuya, sa palabas na Pinoy Big Brother. Napanood na ito ng marami, at nabalitaan ng maraming iba pa. Sa kasaysayan ng nasabing palabas, masasabing walang katulad ang “pagkasalbahe” ni Wendy – na nagsimula noong narinig niya ang mga sagot nina Beatriz at Gee-an sa survey ni Kuya, na pawang hindi pabor sa kanya. Sa internet, at iba pang lugar ng pag-uusap marahil, tinatawag na siyang “Wendymonyo” – patunay ng matinding reaksiyon ng mga manonood sa nakita nilang mga aksiyon niya.

Bakit nagkaganoon si Wendy? Ano ang ugat ng iginawi niya? Mahirap sisihin ang naging sagot o “pagboto” nina Beatriz at Gee-an. Sa palabas, palaging may mga tanong si Kuya na posibleng magdulot ng pag-aaway ng mga kasambahay. Ang totoo, laging makikitang may nagtatampo sa mga sagot ng ibang kasambahay sa mga tanong. Pero ibang klase at walang katulad ang reaksiyon ni Wendy – hindi lang masama, kundi sagad sa pagiging salbahe. Malinaw na siya ang may problema, hindi sina Beatriz at Gee-an. Batay sa mga reaksiyon ng mga tao, tila ganito ang pagtingin ng karamihan.

Ang problema ay nasa pagtingin ni Wendy sa kumpetisyon o labanan sa Pinoy Big Brother. Lubos ang paniniwala niya sa pinapatampok na islogan o paniniwala ng palabas: ang “pagpapakatotoo”. Ang tingin niya noong panahong todo-todo ang pagkasalbahe niya ay nagpapakatotoo lang siya – para makita ng mga tao at para rin itulak sina Beatriz at Gee-an na magpakatotoo. Sa tingin niya, ang kalmado, pangiti-ngiti at payapang moda ng dalawa ay “pagpapakaplastik” lang, para manalo ng ilang milyon. Ang “patunay” niya, siyempre, ay ang pagboto ng dalawa nang hindi pabor sa kanya.

Kung ibabatay sa aktuwal na kasaysayan at hindi sa paniniwala ng palabas, gayunman, maling-mali si Wendy. Hindi pagpapakatotoo ang hinahanap ng mga manonood sa mga kalahok, at hindi rin ito ang nagpanalo sa mga nagwagi. Ang totoo, pawang hindi nanalo ang mga kalahok na nagpakatotoo sa palabas. Sa pag-atake o pagkawawa nila sa ilang kasambahay – matindi man o hindi – ipinatalo nila ang sarili at ipinanalo ang kalaban. Pagiging masaya-matatag at maabilidad-matapat ang nagpanalo sa mga nagwagi. Puwedeng hindi iyon ang tunay nilang ugali sa “totoong buhay” sa labas ng bahay ni Kuya, pero iyon ang gustong makita ng mga manonood habang nasa palabas sila.

At dahil diyan, marami ang nagagalit ngayon kay Wendy. Pero tumindi ang negatibong reaksiyon sa kanya – at ang galit ay naging gigil, kumbaga – dahil hindi siya napatalsik. Bahagi na siya ngayon ng “Big 4” – sa pagpapalayas kay Nel, at pagkatapos ay kay Bruce, at pagkatapos ay kay Bodie. Ang pagkunot ng noo, pagtaas ng kilay, pag-iling, pagkamangha at sa pangkalahatan ay pagkagalit sa pagpapatalsik sa mga kasambahay na ito – at hindi kay Wendy! – ay rumurok sa puntong marami ang kumukuwestiyon ngayon sa mekanismo ng botohan at pagbilang ng botong text ng nasabing palabas.

Nariyan ang hinalang dinoktor ng mga nasa likod ng palabas ang resulta ng botohan. Nariyan ang pabulong na akusasyong may makapangyarihang mga grupong gustong isabotahe ang palabas kaya nagbuhos ng boto kay Wendy. Nariyan ang simple at makatotohanang paliwanag na may mayayamang tagasuporta si Wendy na nagtataob sa popular na sentimyento sa kanya. Kung anuman, malinaw na ang pagtagal ni Wendy sa bahay ni Kuya ay hindi kagustuhan ng marami, at labag pa nga sa kagustuhan nila. Nasa bahay pa rin si Wendy dahil sa ilang mayaman o makapangyarihang tao o grupo – na nakakapagpanaig ng gusto nila dahil sa sistema, ng palabas at maging ng bansa.

Si Wendy, samakatwid, ay katulad ni Gloria. Sa ibang panahon siguro, maliit na iritasyon lamang siya. Pero nagagalit ang marami sa kanya ngayon dahil sa kanyang pigura naisakongkreto ang ilang kasamaang bumabagabag sa bansa – na nararamdaman pero hindi lubos na nauunawaan. Kung nagpapakatotoo (get real!) lang noon si Wendy, nagpapakatotoo rin si Gloria (sa pakahulugan ng realpolitik). Grabe niyang ginigipit at dinadahas ang mga kalaban niya sa pulitika – lampasan man ang mga panuntunang naitakda ng huling mga pangulo – dahil lumaban ang mga ito sa kanya. Tama si Kuya: ayos lang maging prangka, pero noon pa ma’y bastusan na ang ginagawa ni Gloria.

Sa pagpapakatotoong ito sa pulitika, sa halip na matanggal ay nanatili pa si Gloria sa Malakanyang. Kahit taliwas sa kagustuhan ng nakararami, nananatili siya dahil sa iilang mayaman at makapangyarihan. Ang totoo, ginugusto ng iilang ito ang pagpapakatotoo ni Wendy at Gloria. Mawawalan nga naman ng buhay ang Pinoy Big Brother kung mawawala si Wendy. O mawawalan ng kredibilidad ang palabas kung mananatili siya. Mawawalan nga naman ng istabilidad ang bansa kung mapapatalsik si Gloria at magkakaroon uli ng pag-aalsang Edsa. Sa matagalan, masama ang epekto nito sa kanila: Nawawalan na ng tiwala ang mga tao sa Pinoy Big Brother at sistema ng bansa.

Kailangan nating patalsikin si Gloria. Sa kaso ng Pinoy Big Brother, mainam na huwag nang bumoto. Tingnan natin kung mananalo si Wendy. Kapag marami ang hindi bumoto, at tunay na nanalo si Wendy sa bilangan, dalawa ang puwedeng mangyari: (1) Tuluyang mawawala ang tiwala ng mga tao sa palabas. Marahil, isisisi ng mga nasa likod nito ang nangyari sa mga puwersang nanggulo sa pagboto. Walang problema, gusto nating makilala ang sumalaula sa sentimyento natin. Alam nating naitatago ng mga kompanya ng cellphone ang mga text at natutukoy pa nga kung saan galing ang mga ito. (2) O may kikilos para manaig ang sentimyento ng marami – manalo ang dapat, matalo ang dapat.

Alinman ang mangyari, makakaganti tayo. Tulad kay Gloria: Kung hindi napaalis ang gustong paalisin ng marami, dapat managot o mabulabog silang makapangyarihan at mayaman na bumaligtad sa kagustuhan natin. Nel, Bruce, Bodie – matagal nang dapat napaalis si Wendy sa bahay ni Kuya. Mapagpasensiya lang ang mga Pinoy, hindi tanga.

(Tingnan sa blog na ito ang mga isinulat ko noong nanalo sina Nene Tamayo at Keanna Reeves sa Pinoy Big Brother.)

29 Hunyo 2007

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • karlo mikhail  On June 30, 2007 at 7:35 am

    (Tingnan sa blog na ito ang mga isinulat ko noong nanalo sina Nene Tamayo at Keanna Reeves sa Pinoy Big Brother.)

    Hello!

    It would be nice if a direct link is posted to this post so that readers won’t have to search through the archives. Thanks!

  • kapirasongkritika  On June 30, 2007 at 11:22 am

    Salamat sa komento. Nag-aaral pa lang ako ng WordPress. Susubukan ko, ha. Salamat!

  • karlo mikhail  On June 30, 2007 at 3:11 pm

    You are welcome and again, thank you.🙂

  • kapirasongkritika  On June 30, 2007 at 8:46 pm

    Okey. Kinaya ko pala. Hehe. Nakakatulong pala talaga ang feedback para mapaunlad ang blog. Hehe.

  • gerome  On July 1, 2007 at 7:05 am

    hey! i love your post. swear. kahit hindi ako nanonood ng PBB, palagi akong nakakarinig ng mga ganyang bagay about sa show, specifically kay wendy. and nagustuhan ko rin ‘yung weay ng pagko-compare mo kay wendy at PBB sa current situation ng pilipinas under GMA regime. astig.😀

    mukhang mapapadalas na ako sa page mo pag online na ako. i’ll link you up.😀

  • gerome  On July 1, 2007 at 7:06 am

    hehe. “way” yun, hindi “weay”. typo error.😀

  • Noel Sales Barcelona  On July 1, 2007 at 2:02 pm

    Hindi ko ipinagtatanggol si Wendy. Pero sa tingin ko, sakalimang may naganap na dayaan sa Pinoy Big Brother, mismong si Lauren Dyogi ang dapt managot. Dahil unang-una, sa unang ratsada pa lamang ng palabas, nariyan na ang tsismis na kaya nakapasok ang ilang tao sa loob ng bahay ni Kuya ay dahil sa impluwensiya ni Lauren Dyogi.

    Pangalawa, dapat na analisahing mabuti ang naging asal ni Wendy laban sa dalawang house mates. Lahat ng pag-uugali, may pinagmulang materyal na batayan.

    Panghuli, dapat na isaalang-alang na ang dapat tutulan ay ang mismong palabas dahil kinukunsinti nito ang bosero mentality o ang pagiging voyeuristic.

    Hindi lamang iyon, tuluyang ikokomersiyalisa nito ang buhay at sikreto ng mga taong dapat ay manatiling pribado.

    Padayon sa iyong pagkritika!

  • kapirasongkritika  On July 1, 2007 at 9:10 pm

    Salamat Gerome! Sana nga ay mapadalas ka.

    Salamat din sa komento, Noel.

    Oo, may kasalanan si Wendy. Pero kahit ang sobra nang pag-boo sa kanya ay tinututulan ko. May mali siyang pagtingin, pero mas ang tinurol ko ay ang tila pagpabor sa kanya.

    Sa isang banda, may nagsasabing ang panonood — sa telebisyon o pelikula — sa esensiya ay lagi’t laging pornograpiya. Kaya hindi ko pa mailugar ang pagtingin mo kaugnay ng pagiging “voyeuristic” ng palabas.

    Sa isang banda, todong komersiyalisado at bantay-sarado na ang buhay. Ang itinuturo ng PBB ay kung paano ito ie-enjoy. Kailangan ko pa ring unawain ang sinabi mo kaugnay ng pagtutol sa ganito. Ilantad marahil — hindi ko pa maunawaan ang pagtutol sa kasong ito.

  • kapirasongkritika  On July 3, 2007 at 3:21 am

    Gusto ko lang ihabol na ang pagkukumpara kay Gloria Macapagal-Arroyo ay hindi dahil galit ako kay Wendy at gusto kong lalo siyang idiin.

    Sa pagtingin ko, ang ginawa ng artikulo ay kinilalang maraming nagalit kay Wendy at ipinaliwanag ang mga dahilan sa likod ng galit na ito.

    Sa tingin ko — at dapat naihabol ko ito sa artikulo — labis-labis ang ginagawa ng iba na kalkalin ang buhay niya at palabasing masamang babae siya. Sa tingin ko, hindi na natin dapat pakialaman at problemahin iyon. Naglalaro na sa pagiging kontra-kababaihan ang ganoon.

    Sa tingin ko rin, antas-personal dapat ang pagturing kay Wendy: Nagkamali siya sa bahay ni Kuya at ngayon ay humingi ng paumanhin. Dapat patawarin na siya ng mga tao.

    Wala naman siyang personal na inatake o karapatang tinapakan. Sa isang pagtingin, kalahok siya sa isang laro kung saan inaasahan ang ganoong mga pangyayari. Di hamak na katanggap-tanggap ang “I am sorry” niya kaysa sa pangulong nagnakaw ng boto at yaman ng bansa.

    At ang mas gusto kong idiin ay ang makapangyarihan at mayamang nasa likod ng pananatili niya sa telebisyon. Doon madiin ang artikulo — sa pagtatanggol sa popular na sentimyento ng mga tao. Sa tingin ko, mananatili ang pagtingin kong ito kahit pagkatapos ng palabas.

    Magandang mabasa ng mga tao ang isinulat ko tungkol kina Nene at Keanna para makita nilang hindi ako kontra-Kapamilya. Ang totoo, hindi pa ako nagsusulat ng isang buong sanaysay tungkol sa kahit anong programa ng kabilang istasyon.

    Salamat sa komento.

  • kapirasongkritika  On July 3, 2007 at 3:24 am

    At pana-panahong nag-aambag lang ako ng artikulo sa Pinoy Weekly. Hindi ako taga-roon. Salamat

  • beatriz haw  On July 4, 2007 at 2:16 pm

    masaya ka na ha teo at 3rd lang si wendy!!!!

  • kapirasongkritika  On July 4, 2007 at 3:06 pm

    Magandang tanong, Beatriz. Sa isang banda, tiwala akong ganito ang magiging resulta. Noong inaway pa lang ni Beatriz si Maricris, nabuo na sa isip ng kaibigan ko na siya talaga ang mananalo.

    Ang tanong lang sa akin noong isinulat ko ito ay kung paano mananalo si Beatriz — kung pagsisikapan ba ng mga tagasuporta niya o kung may “mabubulabog”. Sa una kasi, kikita pa rin ang sa tingin ko’y nakinabang sa pananatili ni Wendy sa bahay ni Kuya.

    Hindi ako partikular sa pagkapanalo ninuman o pagkatalo ni Wendy. Ang gusto ko lang ay manalo iyung popular na pagtingin — at hindi lang sa dulo, kahit pa magandang palabas ang resulta ng pag-antala sa pakikinig doon.

    Salamat sa komento!

  • beatriz haw  On July 5, 2007 at 10:44 am

    salamat at may oras ka pa para sagutin ang komento ko.

    talaga namang kinakarir mo pa si wendy at ang PBB.

    defend fatale ka pa at pamagnanimous effect, e sa totoo lang ang gusto mo talaga manalo ay si nel!

  • kapirasongkritika  On July 6, 2007 at 4:55 am

    Siyempre, iyan ang mainam sa blog: ang kakayahang makipag-ugnayan sa mga mambabasa. Mas mainam naman, sa tingin ko, ang naisusulat ko kaysa sa gawin kong “reality blog” ang blog ko — tungkol sa araw-araw kong buhay, kunwari sikat ako. Hehe.

    Hindi naman sa kinakarir si Wendy at PBB. Talagang popular sila at nangangailangan, sa tingin ko, ng progresibong pagsusuri.

    Si Nel ba ang gusto kong manalo? Hindi. Kasi alalay nga ni Wendy ang naging labas niya, sabi nga ni Beatriz. Hehe.

  • loren  On July 9, 2007 at 10:20 am

    ah……………….kapal talaga ng muk’s mo wendy……………….

  • kapirasongkritika  On July 9, 2007 at 10:54 am

    Loren, hindi ko alam kung ang komento mo ay patungkol sa ginawa niya habang nasa loob siya ng bahay ni Kuya o noong nasa labas na siya nito.

    Kung anuman, aminado siyang nagkamali siya at humingi na siya ng paumanhin. Sa personal na antas, mainam kung iyon ang kilalanin natin.

    Mas mainam kung ibaling natin ang galit natin sa isang taong sa isang antas ay katulad ni Wendy at sa isang antas ay ibayong mas masahol sa kanya: si Gloria Macapagal-Arroyo.

    Salamat sa komento!

  • beatriz haw  On July 10, 2007 at 12:09 pm

    sana napanood mo yung deal or no deal episode na si wendy ang naglalaro.

    nageffort pa ang abscbn na pagandahin ang imahe ni wendy sa manonood – maglalaro sya tapos ang pera mapupunta sa isang tao/batang nangangailangan.

    hindi pa rin umubra ang effort nila sa kakabit na yata ni wendy na bad aura. nabuksan nya ang mga briefcases na matataas ang amount!!!

    hay, naku. nagpose na raw si wendy ng sexy sa isang men’s magazine. di talaga titigil ang abscbn hangga’t hindi sila nakakabawi at napagkakakitaan itong si wendy.

  • kapirasongkritika  On July 11, 2007 at 3:59 am

    Matindi ang galit mo sa kanya, Beatriz. Hehe.

    Kontrobersiya naman talaga ang bumubuhay sa PBB at sa showbiz sa pangkalahatan. Ang tanong lang naman eh kung tatanggapin ng mga manonood iyon.

    Tinapos mo pa rin ang Deal or No Deal, hindi ba? Iyun ang masarap sagutin: Bakit? Hehe.

    Baka nga sa dulo, ang kawawa rin ay si Wendy. Gamitan naman talaga iyan. Pero nagagamit siya sa hindi magandang paraan.

  • beatriz haw  On July 11, 2007 at 3:39 pm

    o teo, sa “real world”, kanino sa mga kakilala mo maihahalintulad si wendy?

    true. tinapos ko ang deal or no deal. enjoy ako kay kris aquino! wat if gawan mo rin sya ng artikulo?

  • kapirasongkritika  On July 12, 2007 at 5:12 pm

    Showbiz ang tanong mo, Beatriz, ha. Hehe.

    In a way, parang dahil mas kumplikado ang tunay na buhay, mas masahol kay Wendy ang masahol na kakilala ko, lalo na sa Batangas. Hehe. Hindi mo naman maiintindihan kung papangalanan ko.

    Gawan ng artikulo si Kris Aquino? Ibenta mo pa siguro ang ideya mo: Tungkol saan iyun, kung gagawan siya ng artikulo?

    Salamat ulit sa pagsulat!

Trackbacks

  • By PBB Triviality! « Postcard Headlines on July 2, 2007 at 9:22 pm

    […] Weekly Writer Teo Marasigan raises the notch and even compares her to President Gloria Macapagal-Arroyo and vice […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: