Para kay Conrado de Quiros

Ngayon lang kita sinulatan, pero matagal mo na akong mambabasa at tagahanga. Sa tuwing magbabasa ng Philippine Daily Inquirer, sa diyaryo man o internet, hindi ko nakakalimutang pasadahan ka. Bukod-tangi ang talas, alab at linaw ng panulat mo. Napasulat ako dahil sa inilabas mong “Good and Bad” sa kolum mo nitong Setyembre 12. Tinuligsa at tinutulan mo ang pahayag at plano ng NPA (New People’s Army) na parurusahan nito ng kamatayan si Maj. Gen. Jovito Palparan – siyang tampok na tagapagpatupad ng panunupil, pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista at masa.  

Agad mong tinawag na “larong macho” ang nagaganap sa pagitan ni Palparan at ng NPA. Ayon sa iyo, inilalayo ng NPA ang sarili sa publiko dahil sa mga pamamaslang na ginawa nito. Ayon sa iyo, ang banta ng NPA ay nagpapaalala sa publiko sa pagmasaker nito sa mga miyembrong pinaghinalaang espiya noong dekada 80. Ipinapaalala rin ng bantang ito, ayon sa iyo, ang pagpaslang ng NPA sa mga dating lider nitong kumalas sa organisasyon na “ipinagpalagay” nitong naging mga “kontra-rebolusyunaryo.”  

Totoong ang paggamit ng dahas ay bahagi ng pyudal-patriyarkal na kalakaran sa lipunan. Pero ang banta ng NPA kay Palparan ay hindi usapin ng kasarian. Usapin ito ng uri – na nawala sa kalipunan mo ng konsepto sa pagsusuri sa isyung ito. Ang tinutukoy mong “publiko,” halimbawa, ay walang iba kundi ang panggitnang uri na kinakatawan mo sa isyung ito. Sa pahayag ng NPA, hindi ang pagtarget ng gobyerno sa mga miyembro nito ang nilalayong lapatan ng katarungan, kundi ang paninikil, pagdukot at pagpatay sa mga hindi-armadong aktibista at masa – na pinangunahan nga ni Palparan.  

Ang bantang kamatayan kay Palparan ay nagpapaalala sa publiko ukol sa mga pamamaslang na isinagawa ng NPA? Mainam na pagkakataon ito para maglinaw ang NPA – sa harap ng isang kasong tinitingnan ng marami na karapat-dapat sa ganitong parusa.  

Pinarusahan ng kamatayan ng NPA ang mga dating lider nito dahil sa mga kasong kriminal – kabilang ang pagpatay sa mga kasamang pinaghinalaang espiya, madugong gangsterismo, at pagiging espiya ng militar – at hindi dahil humiwalay sila sa NPA o CPP (Communist Party of the Philippines). Sa isang sulatin, halimbawa, imbes na maipagtanggol, kinumpirma lamang maging ni Nathan Quimpo ang matitinding krimen ni Romulo Kintanar. Sa kabilang banda, may mga umalis sa NPA at CPP nang walang krimen – at hindi sila ginawaran ng parusang kamatayan, ni ginambala.  

Idiniin mong lalakas, hindi hihina, ang rehimeng Arroyo sakaling mapatay ng NPA si Palparan. Itutulak nito, ayon sa iyo, ang lalong pagtindi ng panunupil ng rehimen. Para patunayan, inihalintulad mo ito sa atakeng teroristang 9/11 sa US – na nagpalakas, ayon sa iyo, sa rehimen ni George W. Bush. Maling-mali ang ganitong paghahalintulad. Atake sa mga sibilyan ang nangyari sa US , habang pagpaparusa sa teroristang umaatake sa mga sibilyan ang balak ng NPA. Makatwirang tinutulan ng publiko ang 9/11. Si Palparan, gayunman, ay kinamumuhian maging ng marami sa panggitnang uri sa bansa.  

Inihalintulad mo si Palparan kay Raul Gonzalez. Tama ka: Puntirya ng halakhak si Gonzales – na walang direktang pinapatay. Pero sandakot na sagad-sagaring anti-komunista lang ang napapatawa ni Palparan. Hindi man sa kanya nagmula ang patakaran ng pagsupil, pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista, hindi lahat ng taong-militar, kaantas man niya o hindi, ang naging katulad niya. Sa wikang eksistensiyal, itinulak siya ng kalagayan niya upang pumatay ng tao, pero ginamit niya ang kanyang kalayaan at kapangyarihan para maging brutal at walang-awang berdugo ng napakaraming tao.   

Sa isang bahagi, sa iyo ko natutunan ang paggawa ng ganitong mga pag-iiba. Pero sa usaping ito, hindi mo inilahad ang malinaw na kaibhan dahil sa lahatang pagtutol mo sa paggamit ng karahasan. Sa ilang pagkakataon, ginamit mo ang pagpaslang ng NPA sa mga kasama nitong pinaghinalaang espiya para ipakitang ang paggamit ng karahasan ay nauuwi lamang sa mas malaganap na dahas. Hindi ka siyentipiko sa puntong ito: Na para bang “orihinal na kasalanan” ang paggamit ng dahas, na may direktang linya ang pagbabasa ng Philippine Society and Revolution sa masaker ng libu-libo ni Pol Pot.  

Tama ka: Kailangang tunggaliin ng mga tamang ideya ang mga maling ideya. Pero ang mga wastong ideya sa sarili nila ay hindi materyal na puwersa: Sa mga kolum mo pa lang, durog na durog na ang rehimeng Arroyo. Sa liwanag ng lohika at tindi ng mga argumento mong pumipintig dito, dapat ay matagal na itong bumagsak — at bumagsak nang ilang ulit. Pero hindi mababago ang lipunan dahil lamang sa mga tamang ideya – mo o ninuman. Ang kailangan ay tanganan ng masa ang mga ideyang ito para ipaglaban ang pagbabagong panlipunang ipinapaglaban mo sa iyong mga sulatin.  

At para sa ganoong pagbabago, ang masa ay kailangang gumamit ng dahas. Dahil kung tutuusin, ang isa sa pinakamaganda at pinakawastong ideya ng ating panahon – ang payapang isuko ng mga naghaharing uri sa mga pinagsasamantalahang uri ang kapangyarihang pampulitika – ay siya ring isa sa pinakahangal kung paniniwalaan. Kailangan ang dahas upang lubusin ang demokrasya para sa nakararaming inaapi’t  pinagsasamantalahan sa lipunan, para lubos na matamasa nila ang mga karapatang pantao. Para matamasa nila ang pareho, kailangan nilang ipaglabang agawin ang estado.   

Hindi matatapos ang karahasan sakaling mapatay si Palparan. Tiyak akong alam iyan ng NPA: Hindi ito matatapos hanggang walang tunay na pagbabagong panlipunan. Pero ganoon din, sa isang antas, ang panggagahasa. Hindi dapat gawing dahilan ang kawalan ng pagbabagong panlipunan para hayaan na lang at hindi parusahan ang maysala. Totoong kakambal ng kapayapaan ang katarungan. Ikaw na rin ang nagsabi: Patakaran ng rehimen ang ipinapatupad ni Palparan. Paano makakamit ang katarungan sa kaso niya? Anong korte, komisyon o task force ng rehimeng ito ang magpaparusa sa kanya?   

At nasaan ang katarungan kung hindi mapaparusahan si Palparan? 

20 Setyembre 2006, inilathala sa Pinoy Weekly

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • charles  On January 28, 2009 at 6:57 am

    karampot lang ang buhay ni palparan kung ikukumpara sa kanyang krimen. bakit hindi mapatay ng mga npa?

    ang problema sa ccp ay ang diktum nitong laos na… class war? mabuting pag-isipan… imposibleng mahati sa uri ang mga tao. pwede lang ito sa herd mentality… puwede sa pagtatayo ng partido.

    tama si marx: self interest ang pangunahin sa isip kilos at lohika ng bawat indibidwal, paano makakabuo ng makataong tayo ang kahit anong partido o relihiyon. sa partido kailangang pailalim ang indibidwal sa sentro… kailangan ng panibaong pagsusuri,

    sa class war, lansakang hahatiin mo ang tao sa dalawang panig? naku kahit sa magkabilang panig, maraming mamamatay tao, balasubas at maraming baliw, tanga at sunud-sunuran sa mga nagdudunungdunungan at nagpapakita ng katapangan.

    kailangan ngayon ay isang kulturang naturalista, mapagpalaya sa indibidwal, imposible ang komunismo, laban sa law of nature yan. kailangan ay isang lipunan na empowered ang indibidwal, hindi naman kailangang maging kontra api o kontra tanga ang indibidwal, pero makakatulong ka lang sa kapwa kapag malusog ang katawat utak at kamalayan ng tao, – na imposibleng lumusog sa partido.

    marami sa loob at labas ng kilusan ang katulad ni palparan, at syempre iba rin ang mga katulad ni lagman, tabara o ni joma.

    simple lang bang magkunwari na papailalim ang mga nasa sentro sa gusto ng nakararami?

    konsensus? metapisikal na kaisipan ang pagpapailalim sa sentro, dekadente at patungong lagi sa pagkabulok.

    siyentipiko at makatao ang di paniniwala sa diyos, pero ang mga komunista karamihan ay lumikha ng mga bagong diyos. ang diyos ng partido ay sentro….! paano mo pagtitiwalaan ang kakayahan ng indibidwal kung umiiral ang batas ng diyos?

  • kapirasongkritika  On February 1, 2009 at 2:07 pm

    Hindi naman hahatiin ng Kaliwa ang mga tao. Talagang nahahati na sila ng reyalidad ng uri.

    Makasarili ang tao dahil hinuhubog siya ng lipunang ito na maging makasarili, kaya nga kailangang baguhin ito.

    Totoo, sari-sari ang mga tao sa parehong panig. Pero pwedeng magkaisa sa pampulitikang layunin ang mga inaapi, dahil matagal nang nagkakaisa sa ganyan ang mga nang-aapi.

    Hindi ganyan ang sinasabi ng mga kilala ko sa Partido, at kahit mga kakilala kong umalis na. Hehe.

    Hindi naman Diyos iyun. Hehe.

  • charles  On February 2, 2009 at 4:40 am

    kung hindi self righteous ang partido, romantiko. paanong pagkakaisahin sa pampulitikang layunin ang mga tao. paibabaw lang yan, bolahan lang yan sa loob ng organisasyon. mahirap iquantify ang human values. ang nakakatagal dyan ay nakikikinabang sa diktasyon sa loob at yung amen nang amen sa nakatataas at nakapaghahari.

    kaya nga hindi matapos tapos ang purgahan, ang parametro ng kawastuan ay laging hawak ng mga “abanteng” indibidwal yung artikulado sa bibliyang marx at mao.

    may mas syentipikong konsiderasyon ang kalaliman ng sikolohiya ng bawat indibidwal, hindi reduksyunista pisikal at literal na parametro tungkol sa personal na pag-unlad ng tao.

    hindi mekanikal ang buong katawan ng tao. bukod sa bibig bituka at sex organ, may bunos na kamalayan ang utak, na komokonsensya sa bawat indibidwal, mayaman man siyang tulad ni joma o mangagagawang tulad ni ka bel.

    ang mahirap, hindi mahatak ang imahinasyon at kalusugan ng taong mag-isip dahil sa dogmang serve the people. kontra yan sa human nature. paunlarin muna sa pisikal at ispirito ang isang indibidwal bago siya makatulong sa lipunan. ibuwal ang kaisipang burgis at anti mamamayan – kelan tayo magpepreno para magkonsidera na may ibang dimensiyon ang realidad,

  • kapirasongkritika  On February 6, 2009 at 10:35 am

    Masyado namang negatibo ang pagtingin mo — makaisang-panig sa pinakamabuti at malisyoso sa pinakamasama. Ibang usapin pa kung mula talaga sa karanasan mo ang sinasabi mo. Kung hindi, mahirap iyang ganyan.

    Ano ba iyang purgahang sinasabi mo? Pana-panahong nangyayari iyan, natural. Hindi lang prinsipyo ang mahalaga, pati pagpupunyagi at paglalapat nito sa reyalidad ng lipunan.

    Hindi nga makaunlad ang indibidwal dahil sa kabulukan ng lipunan, ano ba iyang sinasabi mo? Ang mauunlad na indibidwal, iyung mayayaman, iyung mga may-kayang petiburgis, at hindi ang nakakarami.

  • indian  On July 5, 2009 at 5:17 pm

    sir pd ba magbigay ng pananaw hehe,

    medyo matindi ang diskusyon ah, charles ikaw ba yan?
    bakit parang di mo na maintindihan ang mga sinasabi mo, tsaka parang walang batayan, parang nagbasa ka ng maraming libro at mga komiks na may ibat ibang bansa ang pinanggalingan tapos sa sobrang dami pakiramdam mo alam mo na, yun bang tipong maraming alam, pero wala talagang dereksyon… tapos wala na doon sa konteksto na dapat mabago ang ganitong mundo na punong puno ng kawalanghiyaan.

    dapat sayo magising hindi pwede sa katulad nating bansa ang mapayang tunggalian eh, marami na ngang pinapatay na mga nananawagan ng karapang pantao at mabuhay ng matiwasay.

    siguro hindi ka nagugutom ano?hindi rin nalalabag ang karapatang pantao mo? o mayaman ka, kaya hindi mo lang nararamdaman o kaya naman wala ka sa pilipinas?

    sobrang makasarili ka kasi eh diba, para kang walang sikmura kung mahirap ka rin, o kaya mapagpanggap yang ideya mo, mapagpanggap na makatao..ikaw siguro ang diyos, diyos ng mga naghaharing uri hehe…

    tsaka hoy: charles kung gusto mo maintindihan ang purgahan pag-aralan mo uli, pwede naman yun.. maging honest ka haha..

  • mandoy  On July 25, 2009 at 6:09 pm

    sa kasaysayan ng tao naging tema na ang paggamit ng dahas. ang mga emperyo at kaharian ay lumago at bumagsak sa ganitong pamamaraan. sa ilang pagkakataon ang paggamit ng dahas ay naging lohikal na aksyon upang makamit ang pinaglalaban o pinoprotektahan ng isang bansa o lupon ng mga bansa. subalit hindi ang paggamit ng dahas ang solusyon sa marami nating problema. ang pagpaslang kay palparan upang matigil na ang kalupitan nito ay malinaw na hakbangin subalit di makatao. ang halimaw na pinaslang natin ay ang halimaw na naging tayo(nakakatawa ang direktong translasyon ko nito mula sa ingles). ang mga pinagmalupitan ngayon ay ang magmamalupit sa kinabukasan. ito marahil ang maaring konklusyon sa paggamit ng mga pamamaraang marahas na mismong ginagawa ng mga halimaw na nais nating supilin na lubha nating kinasusuklaman.

    parusahan si palparan sa paraan na naaayon sa karamihan; kung dumating ang panahon na bawat pilipino ay umayon sa pagpaslang kay palparan at pgma, kung gayon ay paslangin sila. ngunit natatakot ako na baka pagharap ko sa salamin ay mukha nila ang makita ko.

  • kapirasongkritika  On July 28, 2009 at 7:00 pm

    Salamat sa komento, Mandoy.

    Nakakatuwa ang pagkilala mo sa papel ng dahas sa kasaysayan — bagay na ni hindi maamin ng iba. Totoo, hindi naman dahas ang solusyon sa ating mga suliranin.

    Sang-ayon ako, dapat parusahan si Palparan sa paraang itinatakda ng ating mga batas at hukuman. Pero ang problema, malinaw na hindi nila paparusahan si Palparan.

    Iyun ang tanong: Paano siya paparusahan? Sino ang gagawa noon? Malinaw na hindi ang rehimeng Arroyo. Baka ang susunod na rehimen? Gusto kong maniwala.

    Pero kung walang magpaparusa sa kanya, baka may mga kumilos katulad ng NPA. At malamang na hindi magpapaaresto si Palparan sa NPA — kung kailangan pa nga siyang arestuhin para litisin.

    Hindi ko alam. Madalas nating nasasabing hindi natin pwedeng sabihing “hindi kailanman gagamit ng karahasan.” Dahil alam nating kailangan ito sa ilang panahon.

    Hindi ko lang alam, pero sa tinatakbo ng mga pangyayari, marami na yatang naniniwalang ang kaso ni Palparan ang isa sa makatarungang paggamit ng dahas.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: