Sigaw ng Mayaman, Sigwa ng Mamamayan

(1) Interesante ang pagtutulak ng rehimen ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa pagpalit sa Saligang Batas. Kaiba sa pagkampanya para rito ng rehimen nina dating Pang. Joseph Estrada at Fidel Ramos, kitang-kita ang paghalaw nito sa Kaliwa. Kung susuriin sa midya, malinaw na layunin ng rehimen na ipakitang (1) kumikilos ang taumbayan para baguhin ang Konstitusyon, at (2) malawak at palaban ang pagkilos nila. Para sa mga layuning ito, humahalaw ang rehimen ng mga porma ng organisasyon at aksyon na kilalang bahagi ng pagkilos ng Kaliwa. Nagtatag ito ng alyansa, ang ‘Sigaw ng Bayan’ na ipinapakitang may mga kasaping maralita. Sa mga aktibidad nito, gamit nito ang mga militanteng aksyong kilalang galing sa Kaliwa: pagtataas ng kamao, pagpapatampok at paghiyaw ng islogan, pagkakapit-bisig, propaganda sa lansangan. 

Higit pa sa mga ito, gayunman, malinaw ang paghalaw ng rehimen mula sa Kaliwa sa retorika at ilang argumento nito para sa pagpapalit ng Konstitusyon: Bulok ang pampulitikang sistema o istruktura ng bansa. Ito ang dahilan ng pagsaklaw ng yaman at kapangyarihan ng mga elite o naghaharing uri at ng kahirapan naman ng mayorya sa ating mga kababayan. Kailangang kumilos ang mamamayan para ipaglaban ang pagbago sa Konstitusyon. Ang mga tumututol at lumalaban sa pagpalit ng Konstitusyon – katulad ng mga tao sa likod ng alyansang One Voice – ay ang super-elite ng bansa. 

Kung tutuusin, hindi na ito bago. Ipinagpapatuloy lamang ng rehimeng Arroyo ang sinimulan ng rehimeng Estrada noong sinikap nitong ipagtanggol ang sarili sa pagpapatalsik. Sa isang pahayagang ‘rebolusyunaryo’ na lumaganap noong Edsa 3, halimbawa, hinalaw ang buong pagsusuri ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero kasama na ang tunggalian sa pagitan ng mga naghaharing uri. Ayon dito, lahat ng rehimen ay nangungurakot. Pero ang makitid na tanong nito: Saan ka papanig? Sa nangungurakot para sa bayan (Estrada)? O para sa sarili (mga kalaban ni Estrada)?  

(2) Kung anuman, dapat tugunan ang paghalaw na ito sa Kaliwa ng rehimeng Arroyo para ilarga ang pagpalit sa Konstitusyon. Sa mga kolum ni Carmen N. Pedrosa sa Philippine Star, halimbawa, makikita ang ganitong taktika para sa mga layuning kontra-Kaliwa, maka-mayaman at maka-dayuhan. Noon pang panahon ng rehimeng Ramos at Estrada nakilala si Pedrosa at ang kanyang asawa na nagtataguyod ng pagbabagong ito. Dahilan ito para ipagtanong – parehong pabiro at pabira – kung may kaugnayan siya sa Central Intelligence Agency o iba pang ahensyang nagsusulong ng interes ng US.  

Sa kolum niyang ‘The real showdown’ nitong 06 Agosto, nagsimula siya sa paghalo ng mali sa tama: “Maaaring si Pang. GMA ay hindi si Marcos, pero ang mga pwersang humahadlang sa ating kakayahan na umunlad bilang bayan ay nananatili.” Ginamit niya ang aklat ni Alfred W. McCoy, ang An Anarchy of Families, para sabihing hindi nawasak ni Marcos ang sistemang pampulitika at panlipunan na nagluklok sa mga ‘pamilyang elite’ dahil si Marcos mismo ay may mga paboritong pamilya. Nanatili aniya ang pagkontrol sa yaman ng bansa ng mga korporasyong pinag-aarian ng mga pamilya.  

Ang resulta, sabi niya, tayo ay naging “isang bansang may mga makapangyarihang pamilyang elite na sa kalakhan ay pinapaboran kaysa sa iba pang nagsisikap maging negosyante.” Aniya, “Inaasahang sa pamamagitan ng Charter change, ang pagpasok ng mas maraming pampulitikang pwersa (parlamentaryo pederal) at bagong salapi mula sa parehong lokal at dayuhang mamumuhunan (pang-ekonomiyang liberalisasyon) ay makakatulong na pantayin ang larangan ng labanan.” Sa ganito niya ipinapaliwanag ang pagtutol ng ibang pamilya sa pakana ng rehimeng Arroyo na baguhin ang Konstitusyon.   

Karugtong ang palagay ni Pedrosa ng pantasya ni Rigoberto Tiglao hinggil sa “Matatag na Republika”: Na pwedeng iligtas ang bansa ng isang paksyon ng naghaharing uri na walang makasariling interes at malaya sa interes ng iba pang naghaharing uri. Sa karanasan ni Marcos noon, at ni Arroyo ngayon, ginagamit ng dominanteng paksyon ng naghaharing uri ang ganitong ilusyon kapag ginagawa nito ang pinaka-brutal at pinaka-masahol na pagpanig at pagsusulong sa interes ng sariling uri – kasama na ang pagsupil sa Kaliwa na alam nitong pinakamatinding kalaban ng mga kasama nito sa uri. 

Walang batayang teoretikal o historikal ang hinuha ni Pedrosa na magkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa pulitika at ekonomiya sa abstraktong pagpapasok ng mga bagong pwersa. Sa pulitika, pantabing lang ito sa bagong porma ng paghahari ng mga naghaharing uri sa sistemang parlamentaryo at pederal. Sa ekonomiya, palusot ito sa pagpasok ng malalaking korporasyong dayuhan na lalong kikitil sa mga lokal na industriya at magsasamantala sa mga manggagawa. Hanggang hindi inaagaw ng mamamayan ang kapangyarihang pampulitika, walang pag-unlad sa mga larangang ito.  

Sa paghalaw ng rehimen sa Kaliwa, inaamin nito ang lakas ng huli – bagay na dapat tuntungan ng Kaliwa para malinaw na ihiwalay sa linya ang mga humahalaw dito. Dapat tapatan ang sigaw ng mayayaman at dayuhan ng tunay na sigwa ng mamamayan. 

12 Agosto 2006

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: