Ang Birong Bastos ni Borat

Hindi ko pa napapanood ang pelikulang “Borat”. Pero ayon sa isang kaibigan, tungkol ito kay Borat, isang Kazakh o mamamayan ng Kazakhstan – isang bansa sa Gitnang Asya – na naglilibot at gumagawa ng mga kalokohan sa Amerika. Naikuwento sa akin ang isang eksena rito, na bukod sa nakakatawa, o dahil nga nakakatawa, ay mainam na pag-isipan dahil may sinasabing makabuluhan hinggil sa gera ng US sa Iraq. Sa isang banda, may mahahalaw ring pagsusuri sa todong gera ng rehimeng Arroyo sa Kaliwa.  

Nagpunta si Borat sa Texas, ang estado sa US na pinagmulan ni Pangulong George W. Bush at kilalang balwarte ng konserbatibong patriyotismo ng mga Amerikanong puti. Pumasok siya sa rodeo stadium – kung saan nagpapakitang-gilas sa baril at kabayo ang mga cowboy, na laging puti, na napapanood sa lumang mga pelikula. Sa isip nating mga Pilipino, at marahil ng mga mamamayan ng US at ibang bansa, katumbas ng cowboy sa US ang ninja sa Japan – simbolo ng sinaunang tapang at dangal ng kanilang bansa.  

Doon, pumunta siya sa mikropono kung saan kinakanta ang pambansang awit ng US, at binibigkas ang mga anunsiyo para sa mga naroon. Emosyonal si Borat. Sigaw niya: “Ako ay isang Kazakh, pero mahal ko ang Amerika!” Palakpakan ang mga tao. “Mahal ko si George W. Bush!” Palakpakan ang mga tao. “Sinusuportahan ko ang gera ng US sa Iraq!” Palakpakan ang mga tao. “Nawa’y laklakin ni George W. Bush ang dugo ng lahat ng bata, babae at lalakeng Iraqi!” Katahimikan. Natigilan ang mga tao, natigalgal. 

Marahil, may mga tao sa lugar na binalewala siya. Ngunit tiyak na may ibang sineryoso siya: “Yehey! Kakampi natin siya! Laklakin ang dugo ng mga mamamayang Iraqi? Iyun ba ang layunin ng gera? Ni Bush? Sira-ulo ito, ah. Siguro tutol talaga ito sa gera. Pero hindi karaniwang argumento laban sa gera ang sinasabi niya: hindi langis, hindi pang-ekonomiya o pangmilitar na kapangyarihan. Seryoso ba siyang kakampi ng gera? Bakit ganoon ang gusto niya? May sumusuporta sa gera na ganoon ang gustong mangyari?” 

Nagulantang marahil ang mga naroon, kaya napatahimik – pagkagulantang na tumungo sa damdamin ng pagkabastos, kaya napaisip. Naitulak ang mga naroon para saglit na dumistansiya sa kanilang posisyon sa gera at suriin ito mula sa isang bagong punto. Ipinalaro ni Borat ang posibilidad na ang “karumal-dumal” na layuning ito ay aktwal na pinaglilingkuran ng digma: Na bagamat paglaban sa “terorismo” ang sinasabing layon ng gera, ang suma total ay brutal na terorismo at kamatayan sa milyun-milyong Iraqi. 

Higit pa rito ang kabastusan ni Borat, gayunman. Sa imahe ng paglaklak ni Bush ng dugo ng mga mamamayang Iraqi, nahuli ni Borat ang pagiging irasyunal – mula sa perspektiba ng marami – ng mga layunin ng gera ng US sa Iraq, ang brutalidad ng pagkakalunsad nito, at ang labis-labis na suklam sa mga Iraqi na nagtutulak dito at ipinapakita nito. Dito, ginamit niya laban sa gobyerno ng US ang pantasya nito hinggil sa barbarikong mga mandirigma sa atrasadong mga bansa, sa “Ikatlong Daigdig”.  

Sa ganito, binaligtad ni Borat ang taktika ng mga tagapagtanggol ng pandaigdigang sistemang kapitalista na kinakatawan at pinapamunuan ng US. Nasuri at nalagom ang taktikang ito ni Alain Badiou, isang pilosopong Pranses. Aniya, hindi na masabi ng mga tagapagtanggol ng sistema na ito ay “ideyal o mainam” – dahil lantad na sa marami na bulok ito – kaya sinasabi nilang “ang totoong Kasamaan (Evil) ay nasa ibang lugar.” “Totoo, sasabihin nila, maaaring hindi tayo nabubuhay sa kalagayan ng perpektong Kabutihan. Pero masuwerte tayo na hindi tayo nabubuhay sa kalagayan ng Kasamaan.”  

Ito ang mga halimbawa niya: “Hinahayaan nating mamatay ang milyun-milyong Aprikano dahil sa AIDS, pero hindi tayo gumagawa ng rasistang nasyunalistang mga deklarasyon katulad ni [Slobodan] Milosevic [na dating diktador ng Serbia]. Pumapatay tayo ng mga Iraqi gamit ang ating mga eroplano, pero hindi natin ginigilitan ang kanilang leeg gamit ang machete tulad ng ginagawa nila sa Rwanda… Ang demokrasya natin ay hindi perpekto. Pero mas mainam ito kaysa madugong mga diktadura.” At marami pang iba. 

Ipinalalaro ni Borat sa kaisipan – ng mga kaharap niyang Amerikanong puti at ng mga manonood – ang posibilidad na ang Kasamaan ay hindi nasa ibang lugar, kundi nasa US, nasa kinikilalang simbolo ng tapang at dangal nito. Bastos siya hindi lamang dahil sa mga salita at imaheng ginamit niya. O sa mensaheng binigkas niya sa sitwasyong pinasok niya. Bastos siya dahil ipinatanaw niyang masamang bangungot sa mga mamamayang Iraqi ang maningning na pantasya ng US hinggil sa sarili. Hindi lamang  gera ng US sa Iraq ang isinasakdal niya, kundi ang higit daantaong imperyalismo nito. 

16 Enero 2006, nalathala sa Pinoy Weekly 

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: