Si Manny at ang Masa

ngayon, hindi na kailangang maglahad at magtilad pa ng mga datos para patunayan ang kasikatan sa masa ng boksingerong si Manny Pacquiao. Ang kailangan, gayunman, ay magkaroon ng pagsusuri sa kasikatang ito na matapat sa progresibong pulitika. Hindi nga: Mula sa progresibong pagtingin, bakit nga ba patok sa masa ang boksingerong ito? 

Dahil masa rin siya. Iyan ang mabilis na sagot. Karaniwang Pilipino ang itsura at dating niya: maliit, kayumanggi at pango ang ilong. Katulad ng maraming idolo ng masa sa bansa, hindi siya marunong mag-Ingles. Puntong Bisaya siya, at “Dato Pute” ang bigkas niya sa isang klase ng suka. Higit pa rito, gayunman, nagmula talaga siya sa hanay ng masa. Maralita siya noong nagsimula sa boksing. At maging sa pagyaman niya, ang bagong buhay na binili, isinuot at binahayan niya ay ang siyang pinapangarap ng masa. Hindi kataka-taka, kung gayon, na magustuhan at ituring pa nga siyang idolo ng mga ito. 

Higit sa itsura niya, gayunman, pang-masa ang kalagayan niya. Boksing ang isport niya na, katulad ng basketbol at bilyar, ay paboritong laro ng masa. Madali para sa masa na lumahok sa mga isport na ito – sa kanto ang huling dalawa, sa gym naman ang nauna. Kinakatawan niya ang pisikal na lakas – na napakahalaga sa masang nakalubog sa manwal, hindi intelektwal, na paggawa. O, higit pa nga rito, katulad ng mga Ronato Alcano at Efren “Bata” Reyes, kinakatawan din niya ang pagsasanib ng pisikal na lakas at mabilisang talino sa pagsuri. Ang laban niya, laban nila. Ang panalo niya, panalo nila. 

Sa kaibuturan, kung gayon, may sosyalistang mga mithiin ang masa na tinuturol siya. Sa paglalaro ng isang isport na paborito ng masa, tinatawagan niya ang komunidad ng masasaya at magkakapantay nakapwa-tao. Taliwas ito, halimbawa, sa indibidwalistang fencing at iba pang larong pangmayaman. Sa pagpapakita niya ng pisikal na lakas, at ng pagsanib nito sa mabilisang talino sa pagsuri, nagbibigay siya ng larawan ng hinaharap, ng taong nasa mainam na kalagayan para ibulalas ang kakayahan.

Sa todong paglaban niya, ipinapakita niya ang puspusang pagsisikap para maging mas maalwan ang buhay. Ang mga mithiing ito, gayunman, ay sinasakmal, itinatambal at ikinakanal ng rehimen, mga naghaharing uri sa bansa, at maging ng imperyalismong US para sa sariling kontra-masang pakinabang – sa kusang pagtulong na rin ni Pacquiao. May bahaging mulat ang ganitong aksyon; may bahagi rin naman na bunsod ng kanilang kagawian at ideolohiya.  

Bilang “pambansang kamao”, inilalarawan siyang dangal ng bansa o ng lahat ng Pilipino – sa palagay na ang bansa o mga Pilipino ay nagkakaisa. Pinipilit pawiin, kahit minsa’t pansamantala, ang pagkakaiba at tunggalian ng mga uri at mga pwersang pampulitika. Kaugnay nito, itinatanghal ding aral sa mga Pilipino si Pacquiao hinggil sa pag-unlad ng buhay. Sa patuloy na pagsisikap – ang palagay rito’y sa loob ng kasalukuyang sistema – ay uunlad ang maralita, lalo na kung magpapakahusay sila sa napakakitid na lagusan nila patungong pag-unlad sa kasalukuyang sistema katulad ng isports, o kaya’y sugal. 

Ginagamit siya ng rehimen – sa paggawad ng mga parangal, pagpaparada, at iba pa – para magtanghal ng normalidad sa gitna ng maigting na krisis pampulitika sa bansa. Hindi niya kinakatawan ang pagbabalik sa normalidad, o sa panahon bago bayuhin ng samu’t saring kontrobersya ang rehimen – bagamat ito ang pinapangarap ng rehimen. Bahagi siya ng pagpapakitang normal ang buong kalagayang kinapapalooban ng kanyang pagkapanalo at maging ng masisidhing mga tunggaliang pampulitika sa bansa. “Politics as usual” ang palabas ng rehimen sa lahat ng kasamaang ginagawa nito. 

Bilang tagapag-endorso, sa minimum ay panghatak siya ng pansin patungo sa kalakal na kanyang inilalako. Bahagi siya ng pagpapakita ng kapitalista na patok ang kanyang kalakal, dahil katulad ni Pacquiao ang kaya nitong kuhaning tagapag-endorso. Sa pangkalahatan, gayunman, nakikita ang mga kalakal bilang bahagi ng “magandang buhay” na napasakamay ni Pacquiao dahil sa kanyang kamao. Hindi nagiging “sosyal” ang taong bibili – dahil hindi naman sosyal si Pacquiao – kundi makakalahok siya sa buhay na umunlad mula sa pagiging maralita patungo sa panggitnang uri sa lipunan.  

“Ang pagbasa sa masa,” ayon kay Edel E. Garcellano, isang manunulat, “sa dulo ay pagbasa sa rebolusyon”, dahil nga naman ang una ang nagsusulong sa ikalawa. Sa pagbasa sa mga kaganapang patok sa masa katulad ni Pacquiao, kailangang basahin ang masa nang matapat sa rebolusyon – sa patuloy na paglakas nito at sa pag-asa’t pag-asam sa pagtatagumpay nito. Malinaw: hindi sosyalista ang pagkagusto ng masa kay Pacquiao; mas pabor pa nga ito sa sistemang kontra-masa. Pero hindi rin utu-utong tanga ang masa. May kontradiksyon maging sa kaganapang katulad ni Pacquiao. 

11 Disyembre 2006, nalathala sa Pinoy Weekly 

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Trackbacks

  • By Kapirasong Kritika on March 17, 2008 at 10:44 am

    […] Kritika Mga Kritika ni Teo S. Marasigan « Si Manny at ang Masa Ang Birong Bastos ni Borat […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: