Gloria Propaganda

(1) “Yugto ng pamana” o “legacy phase” – iyan ang tawag ng mga opisyal ng rehimen ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa natitirang tatlong taon niya sa puwesto. Dito raw iikot ang Sona o State of the Nation Address na bibigkasin niya ngayong taon, sa darating na Lunes. Puwedeng tingnan ang pahayag na ito sa dalawang antas: bilang propaganda o kaya ay bilang seryosong pagpapahayag ng direksiyong pampatakaran ng rehimen.

Bilang propaganda, marami itong sinasabi. Na nasa isip ni Arroyo ang pagtatapos ng kanyang termino – taliwas sa diumano’y plano niyang pahabain ang panunungkulan niya, at sa diumano’y pagkagahaman niya sa kapangyarihan. Na bababa siya sa pagkapangulo – at sa gayon ay dapat maghintay na lang at huwag nang kumilos para magpatalsik sa kanya ang ibang paksiyong pampulitika dahil may eleksiyon naman pagkatapos. Na nakatanaw siyang aalis sa Malakanyang nang maayos at marangal – kaya hindi uubra ang anumang muling pagtatangkang patalsikin siya sa puwesto.

Kung anuman, tila ang gustong makamit ng mga propagandista ng rehimen ay pahupain ang pagtutol at paglaban ng iba’t ibang puwersang pampulitika na namumuno sa sambayanan. Sa isang banda, “Tatlong taon na lang naman. Lubayan na ninyo.” Sa isang banda, “Umabot na sa pagtatapos ng termino. Baka masaktan lang kayo kung maghahabol pa kayo.” Nag-aapela ito sa umano’y “pagkamatiisin” ng mga Pinoy, sa diwang palasuko at sa pag-iwas sa panganib laluna ng mga maykaya. Sa madaling salita, pag-iwas pa rin ang taktika ng rehimen sa lehitimong mga isyung ipinupukol rito.

Pero bilang seryosong pahayag na pampatakaran ng rehimen, mapanganib ito. Tila sinasabi nito ang pagpapatuloy sa mga “nasimulan” ng rehimen. O paglubos sa mga ito tungo sa nilalayong kongklusyon. Sa karapatang pantao, halimbawa, makabuluhang balik-aralan ang pahayag ni Fr. Romeo Intengan SJ, tagapayo ng rehimen, bago matapos ang 2006 na mahalaga ang 2007 sa pagkamit sa layuning durugin ang NPA o New People’s Army pagdating ng 2010. Dahil hindi naman lubos na mabanatan ng gobyerno ang NPA, maaaring pag-igting ng pampulitikang pamamaslang ang resulta.

Bukod pa rito ang mga layunin ng rehimen sa ekonomiya (lubos na buksan ang bansa sa pandarambong at pagsasamantala ng mga dayuhan), pambansang seguridad (isangkot nang husto ang mga puwersang militar ng US sa armadong mga labanan sa bansa), at pulitika (gawing tahasang instrumento ng susunod na rehimen ang buong gobyerno habang tinitiyak na alyado o mapagkaibigan ang susunod na pangulo). Mas makapangyarihan ang aktuwal na mga aksiyon ng rehimen kaysa sa propaganda nito ngayon. Patuloy lamang nitong itutulak ang sambayanan na lumaban at mag-alsa.

(2) Pero ang talagang malaganap na propaganda ng rehimen ngayon ay isang kanta, ang “Dampi” ng bandang Mirahel. Ito iyung patalastas ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office na nagpapakita ng iba’t ibang larawan ni Pang. Arroyo habang “kumakalinga” sa mga maralita. Batay sa dalas ng pagpapatugtog nito sa telebisyon at radyo, maipagpapalagay na tinitingnang “matagumpay” na propaganda ito ng rehimen.

Ikaw ang tanggulan ng nangangailangan
Ikaw ang pag-asa at kinabukasan
Haplos mo ay lunas sa bawat pagal
Salamat sa ’yong dampi ng pagmamahal…
PCSO
PCSO

Nagkakaisa ang marami na propaganda ito para kay Arroyo at hindi sa PCSO – bagamat katutuwaan siyempre ng una ang sipsip na gumawa nito sa nasabing opisina. Maraming apela sa kultura ang patalastas na ito: Ang boses at estilo ng musika na kilalang porma ng mga awiting makabayan – maka-Kaliwa at sosyal-demokrata – ay inialay ng Mirahel kay Arroyo. Ang pangulo na oo nga’t sadlak sa mga eskandalong pampulitika ay heto’t tuluy-tuloy sa pagtulong sa mga maralita. Marahas siya sa mga kalaban sa pulitika, pero bilang babae, heto’t ngiti at biyaya ang alay niya sa mahihirap.

Una sa lahat, walang dapat ipagpasalamat kay Arroyo para sa mga tulong na naibibigay ng PCSO. Galing ang pondo nito sa mahihirap, hindi kay Arroyo. Pinagkakaperahan ng PCSO ang pag-aasam ng mahihirap na guminhawa ang buhay sa pamamagitan ng sweepstakes at iba pang sugal na gumagamit ng numero – dahil sa kakapusan ng oportunidad sa lipunan. “Kawanggawa” ang ginagawa ng PCSO, na bagamat tulong sa mahihirap ay sintomas pa rin ng lipunan kung saan pinagsasamantalahan sila ng iilan. Maliit pa nga ang tulong nito kung ikukumpara sa diumano’y kurakot ng mga Arroyo.

Ano kaya ang mangyayari sa bandang Mirahel? Magiging naninigong simoy ito sa musika sa bansa: Habang ang ibang banda ay nakilala at napag-usapan dahil sa walang kuwentang mga kanta ng pag-ibig o kalungkutan, o ilang awiting kritikal sa lipunan, nakilala ang Mirahel sa pag-awit para kay Arroyo ng madamdaming kundiman. Hindi lamang ito inaayawan ng mga tao sa paraang inaayawan, halimbawa, ang Shamrock. Markado na ito ng mga tao bilang maka-Arroyo. Alam natin kung ano ang nangyari sa mga markadong maka-Arroyo noong eleksiyon. Kailangang tubusin ng Mirahel ang sarili.

Kung anuman, baka nasa titik at himig ng “Dampi” ang susi sa pagpapasikat sa tunay na mga pamana ng rehimeng Arroyo. Nananawagan ako sa mga mambabasa at sa lahat: Huwag nating kantahin ang tunay na titik ng awit. Baguhin natin ito para lagumin ang tunay na mga pamana ng rehimeng Arroyo. Bilang panimula, narito ang ambag ko:

Ikaw ang nanggulang ng nangangailangan
Ikaw ang nandaya ng mga halalan
Haplos mo ay Hudas, wala kang dangal
Salamat sa ’yong haplit ng pamamaslang…
Garci, Hello
US, amo

16 Hulyo 2007

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • Mag-isip mabuti  On March 27, 2008 at 11:26 pm

    Pwede bang pag-isipan maigi bago kumontra sa gobyerno ni Pangulong GMA. di porke marami nagsabi ganyan at ganun. Puro raw anomalya. Aba, e kailan ka ba nakakita ng panahon ng panunungkulan ng mga pangulo na walang korupsyon? Oh come on. Kaya lalo naghihirap ang mga Pilipino e. Walang pagkakaisa. Kapag pinaltan ang pangulo natin ngayon, sino ang ipapalit? Sigurado ang kontra kay Pangulong GMA ay hindi nagkakaisa sa nais ipalit na pangulo kung mapabababa sa pwesto si Pangulong GMA. Mamya ang ipalit ay walang alam sa pagpapatakbo ng gobyerno at gawing puppet na lamang ng mga taong nagnanais sa pwesto para sa pansariling dahilan. Yun ang mangurakot hindi ang maglingkod. Isa pa, dapat nagtatrabaho ang mga tao at hindi puro pagkontra sa pamahalaan. Syempre sasabihin walang trabaho. Walang maibigay ang pamahalaan. Bakit lagi na lang naasa sa gobyerno? Ang mahirap kasi sa mga tao e hindi naghahanap talaga at mapili. Kung maghahanap ba naman ng pagkakakitaan talaga, may mahahanap at mahahanap din. Grabe naman o. Halimbawa sariling maliit na business kahit yung simpleng pagtitinda. Ang punto e magbanat ng buto at hindi puro reklamo kaya magulo na talaga ang lipunan. Kailan pa ba nagtagal ang pagkakaisa ng mga Pilipino? Kapag nailuklok sa pwesto ang isang pangulo at hindi nagustuhan, papalitan agad. Ano yun, damit na kapag di nagustuhan isuot e huhubarin na at di na isusuot uli? Pati nawawalan na ng saysay ang People Power kung gagamitin uli. Nasisira ang tunay na kahulugan ng Unang People Power. Gasgas na kung gagamitin pa. Sana lang maging kritikal ang mga tao sa pagtingin sa mga isyu ngayon. Isipin kung ano ba talaga ang mahalaga at kailangan.

  • kapirasongkritika  On March 28, 2008 at 12:22 am

    Salamat sa komento, Mag-isip mabuti. Nakakatuwang naglaan ka ng panahon para sa mahaba-habang komento mo.

    Iyung ibang punto mo, nasagot ko na sa blog na ito — sa abot ng makakaya ko. Sana mabasa mo pa ang ibang entri. Pero puwede na sigurong ihabol na marami nang nagsasabing natapatan na ng gobyernong ito ang pinakamasasahol na rekord ng naunang mga gobyerno. Sa gayon, mas lalong dapat patalsikin.

    Kung iilang tao lang ang walang trabaho, problema nila iyun. Pero kung napakarami sa bansa ang ganoon, at iyung nagtatrabaho naman ay hindi kumikita nang sapat sa pangangailangan nila at katumbas ng paghihirap nila, problema iyon ng bansa. At pangunahing dapat tumugon diyan ay ang gobyerno.

    Kanina lang, iginigiit ni Gloria na ang krisis sa bigas at langis, problema ng buong mundo at hindi puwedeng isisi sa kahit anong gobyerno. Maisisisi pa rin sa gobyerno niya iyun, gayunman, kasi nga ibinukas nito nang husto ang bansa sa takbo ng pandaigdigang ekonomiya — na noon pa naman ay sinasabing makakasama sa mga Pilipino. Iyan ang dahilan bakit wala tayong magawa, hindi man lang makapalag, kahit buhay-at-kamatayang mga produkto na ang kinakapos o tinataasan ang presyo para sa tubo at kapakanan ng iilan.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: