Edukasyon at ‘Pag-unlad’ na Gusto ng Gobyerno

Noong Disyembre, ipinasa ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin ng papasok na mga freshman. Mula P300, magiging P1,000 kada yunit ang matrikula. Sa isang semestre, sa karaniwang 18 yunit na kinukuha ng isang estudyante, lalabas na mahigit P18,000 ang babayaran nito. Sinasabing pambalanse ng administrasyon ang pagpasa ng bagong sistema ng pag-alam ng kita ng pamilya ng mga estudyante – para iangkop dito ang sisingiling bayarin.

Mahalaga ang pangyayaring ito sa bansa. UP ang tinitingalang paaralang pampubliko ng marami nating kababayan, na nangangarap pag-aralin ang matatalino nilang anak dito. Higit pa rito, bilang pangunahing unibersidad, UP ang itinuturing na modelo ng ibang kolehiyo at unibersidad ng estado sa kanilang mga patakaran sa iba’t ibang larangan. Sa kasaysayan, UP rin ang ginagamit ng gobyerno na laboratoryo ng mga patakarang itinutulak nito sa iba pang kolehiyo at unibersidad. Sa ganitong grabeng pagtaas ng matrikula, tila nababago ang sinasabing katangiang “pampubliko” ng UP.

Bago ang pagpapasyang itaas ang matrikula at ibang bayarin, nagtodong opensiba sa UP ang mga argumentong neoliberal hinggil sa edukasyong pangkolehiyo sa bansa. Partikular na porma nito ang paglalabas ng mga papel ng komiteng pinamunuan ni Prop. Emmanuel de Dios ng UP School of Economics. Kung maaalala, kasama si De Dios sa bantog na “Econ 11,” ang 11 ekonomista ng UPSE na naggiit sa gobyernong Arroyo na magdeklara ng krisis pampinansiya noong 2004 – na siya namang naging tuntungan ng gobyerno para magpataw ng bagong mga buwis at gipitin ang serbisyong panlipunan.

Pangunahin sa mga argumento ng Komiteng De Dios at administrasyon ng UP ang pagkuwestiyon kung makatwirang subsidyuhan ng estado ang UP – at maging ang edukasyong pangkolehiyo sa bansa. Ayon dito, karamihan sa mga pakinabang ngayon ng edukasyong pangkolehiyo sa bansa ay napupunta lang sa pribadong mga indibidwal. Ang dapat diumano ay ilaan ng estado ang subsidyo sa mga programang magbibigay ng pakinabang sa estado, bagaman hindi laging gagap ng pribadong indibidwal. Halimbawa nito ang agham at teknolohiya – laluna sa antas-masterado (MA) o doktorado (PhD).

Sa isang banda, totoo ang obserbasyon dito. Halimbawa, marami sa mga Pilipinong nag-aaral ng nursing ngayon, at nag-aral ng computer science noon, ang nangingibang-bansa. Ibig sabihin, hindi napapakinabangan ng bansa ang kakayahan ng mga nagtatapos sa mga kursong ito gayung matindi ang pangangailangan sa kanila rito. Maging ang mga nagtapos sa College of Medicine ng UP na naiwan sa bansa, kayang bilangin umano ang mga kasabayan nilang nanatili. Sa harap ito ng grabeng kakapusan ng doktor sa bansa kung ihahambing sa dami ng kababayan nating nangangailangan.

Sa halip na baguhin, ang gusto ay angkupan – at sa gayon ay panatilihin – ang kalagayang ito ng panukalang lalo pang kaltasan ang subsidyo ng estado sa edukasyon.

Dapat palalimin ang datos na ito, gayunman. Bakit ito ang mga kursong kinukuha ng marami nating kababayan? Higit pa rito, bakit nangingibang-bayan ang marami sa mga nagtatapos sa bansa? Iyan ang mga kursong kinukuha ng marami nating kababayan dahil nariyan ang mga kakayahang kailangan para makapagtrabaho sa ibang bansa. Nangingibang-bansa ang mga kababayan nating nakatapos dahil walang trabahong nakabubuhay para sa kanila dito sa bansa. Dagdag pa rito, opisyal na patakaran ng gobyernong hikayatin ang nakatapos nating mga kababayan na mangibang-bansa.

Ang sisi, kitang-kita, ay sa gobyerno. At maging ang pakinabang. Habang estudyante ang mga Pilipino, pagkakaitan sila ng subsidyo sa edukasyon. Pero kapag nangibang-bansa na sila, tatawagin silang “bagong bayani” – nagpapadala ng mga remittance na bumubuhay sa naghihingalong ekonomiya ng bansa, kapalit ng kapabayaan ng gobyerno. Sa ganyang punto nailalantad ang gobyerno – na binubuo ng naghaharing mga elite sa bansa na ang interes ay panatilihin ang umiiral na sistema na kanilang pinakikinabangan. Hindi niyutral ang gobyerno, gaya ng tila gustong palabasin ng ilan.

Ang solusyon ba ay subsidyuhan ng estado ang mga kurso para sa pangingibang-bansa ng mga nakapagtapos? Hindi rin, pero patunay ang grabeng singil ng paggisa sa mga nag-aaral sa sariling mantika at ng pagsagka sa pagpasok ng iba maging sa makipot na landas na ito ng personal na pag-unlad. Ang kailangan, bukod sa dagdagan ang subsidyo sa edukasyon, ay ang pagbabago sa klase ng “pag-unlad” na tinatanaw ng gobyerno. Ang pag-unlad na kailangan ng bansa ay iyung nakabatay sa pagsapat sa pangangailangan ng mga mamamayan – na tiyak na magbibigay ng trabaho sa marami.

Sa pagbubukas ng pasukan, magsisikap ang iba’t ibang sektor sa UP na pasiglahin ang kampanya para tutulan at paatrasin ang pagtaas ng mga bayaring bumabago sa sinasabing pagiging “pamantasan ng bayan” ng UP. Dahil matalas na taguyod ng klase ng “pag-unlad” na gusto ng gobyerno ang lokal na mga tagapagsalita nito, tiyak na aabot sa usaping ito ang paglalantad. Kapana-panabik ang susunod na kabanata. Abangan.

18 Mayo 2007, nalathala sa Pinoy Weekly

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • regine grace  On December 8, 2007 at 3:47 am

    nais ko po sanang gamitin ang ilang bahagi ng artikulong ito para sa aking research. gusto ko lang po humingi ng permiso mula sa sumulat para sa aking bibliograpiya. salamat po.

  • kapirasongkritika  On December 9, 2007 at 2:04 am

    Regine Grace, talaga? Kailangan ba ang permiso ng may-akda para mailagay sa bibliograpiya? Kung ganoon, sige! Salamat sa pagbasa.

  • aica marie  On March 9, 2008 at 4:03 am

    hiiiiii,,,,,,,,,my project kasi kami tungkol sa isyung agham at teknolohiya pwede nyo po ba akong tulungan???????………salamat po…….GOD bless you all

  • aica marie  On March 9, 2008 at 4:03 am

    salamat po

  • kapirasongkritika  On March 9, 2008 at 4:24 am

    Aica Marie, kung madali lang naman ang tanong, bakit hindi? Sumulat ka na lang sa tsmarasigan_kritika@yahoo.com

  • aica marie  On March 9, 2008 at 4:52 am

    salamat po…………more power po sa inyo………at GOD bless you

  • aica marie  On March 9, 2008 at 4:58 am

    pasinaya po sa pagtatanong ulit………..hindi ko po kasi nakita yong hinahanap ko………..

  • ian  On December 8, 2011 at 5:57 am

    kailangan ko lang po ito kopya dahil my project kami sa bibliographi

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: