Ang Nakakatawa sa Radyo Ngayon

…and a laughter, a laughing style or a style of laughing
that
could stop the most pompous fascist ideologues
dead in their tracks…
– Domingo Castro de Guzman

Masaya tayo, dahil nakalaya na si Prop. Jose Maria Sison…

Wala man akong hawak na pag-aaral o estadistika, masasabi kong sa mga istasyong pang-radyo sa FM, totoong numero uno ang 90.7 Love Radio. Mabigat na patunay ang ipinagmamalaki nitong pangunguna sa loob ng apat na taon ngayon – na hindi naman tinututulan ng ibang istasyong pang-radyo. Sa karanasan ko sa mataong mga lugar na iniikutan ko araw-araw, palaging Love Radio ang pinakikinggan sa mga dyip, bus at FX. (Parang hindi kasama ang mga taksi, na mas sa mga istasyong AM nakatutok palagi.) Limitado ang karanasan ko, pero iyan din ang sinasabi ng iba pang napagtanungan ko.

Pero pinakamabigat na patunay ang hanayan ng mga istasyong pang-radyo ngayon. Tila pinakamarami na – o pinakamaingay lang? – ang may tunog-Love Radio. May iilang nananatiling tumatarget sa mga kabataang nasa panggitnang uri at nag-aambisyong maging panggitnang uri, habang maraming iba pa ang nage-espesyalisa sa partikular na mga klase ng awitin katulad ng acoustic, rock, hiphop-R&B, crossover, at Pilita Corrales. Sa tingin ko, hindi nagkataon lang na nangyari ang ganito – kundi binago ng Love Radio ang buong mundo ng radyong FM sa bansa. Pati ang LSFM, Barangay LS na ngayon!

Sa pangkalahatan, “masaya” at “kuwela” hanggang “makulit” at “kangkarot” ang mga salitang naglalarawan sa Love Radio. Ang katangiang ito ang naghihiwalay dito sa mga kakumpitensiya – bagamat humahabol nga ang mga ito – na nagpapatugtog din ng katulad na haluan ng mga kantang uso at luma. Tampok na halimbawa: Papasa nang station ID sa kasikatan ang “Mga Kuru-Kuro ni Kukurukuku” na nagbibiro sa pormang tanong-sagot. “Kukurukuku, bakit kaya…?” Minsan, corny; minsan, hindi – pero laging pilyo. “It hurts…” Filipino ang wika ng istasyon, na pinakaangkop sa pagiging “kuwela”.

Sikat din ang mga DJ nitong may mga boses at tawang karakter, palatawa at mahilig magpatawa. Tampok dito sina Nicolehyala at Chris Tsuper na hindi lang karaniwang mga DJ, kundi humihirit ng mga patawang batay sa mga sitwasyong pang-araw-araw at nilalahukan ng mga birong berde (green joke) o kaya nama’y masiste (witty). Sikat na rin ang station ID nito: “Isigaw mo pare, Love Radio!/ Ngiti tayo, lakihan mo!” Gayundin ang biruang “Isipin mo na lang…” na nang-aakit maging optimistiko sa paraang mapang-asar. Siyempre pa, ang tag line nito: “Kailangan pa bang i-memorize ’yan? Bisyo na ’to!”

Sapul ng Love Radio ang halaga ng mga tsuper sa promotion ng istasyon. Makikita ito sa isa nitong promo, ang “Love knows no boundaries” kung saan sagot ng istasyon ang boundary ng drayber na mananalo. Sabi ng isang kaibigan, dapat binigyan ng promotion ang henyong nakaisip ng titulong ito. Kakatwa na halatang berde, kundi man bastos, ang titulo ng mga programa nitong halatang ang target ay mga drayber, manggagawa at iba pang nagtatrabaho. Binibigkas ang mga ito ng seksing boses ng babae: “Ibaon mo, Papa” sa umaga, “Tutunawin kita” sa tanghalian at “Hanggang labasan” kapag uwian na.

Abot pa ng imahinasyon natin ang isang panahong nagbubukas ang mga tao ng radyo kung paanong binubuksan ngayon ang telebisyon – para makabalita, makaalam, matuwa, maiyak, magalit, at mapakanta. Nagpapatuloy ang ganitong pakikinig, at iyan ay sa radyong AM. Sa pangkalahatan, gayunman, nakikinig tayo sa radyong FM para marelaks. Maraming puwedeng kahulugan ang pagsikat ng palatawa at mapagpatawang istasyong pang-FM nitong nakaraang mga taon, sa pagharap ng bansa sa kabi-kabilang eskandalong pampulitika, papatinding gutom at tuluy-tuloy na pampulitikang paninikil.

Saan kaya nahigop ng Love Radio ang mga tagapakinig nito? Sa hanay ng dating mga nakikinig sa ibang istasyong FM? O sa radyong AM? Sintomas kaya ito ng patuloy na pag-ikli ng atensiyon ng mga tao? O ng paghahanap sa mas buhay na pagitan ng mga kanta? Patunay kaya ito ng pag-iwas sa pag-alam sa mga isyung panlipunan? O ng pagkabuwisit sa kabi-kabilang kasinungalingan at pagtatakip sa totoo sa midya? Pang-aliw kaya ito sa masa para patuloy na masamantala at mapagharian? O pag-atras ng katinuan para ipreserba ang sarili at harapin pagkalaon ang kabaliwan ng lipunan?

Kung anuman, minsa’y kritikal sa rehimen ang mga biro ng Love Radio. Prangka at pilyo ito sa pagkilala sa malaganap na namang mga paglihis sa tradisyunal na moralidad sa mga usaping personal na kadalasang paksa nito. Para sa akin, gayunman, kadalasang mas kumikiling sa konserbatibo ang pagpapatawa nito sa mga usapin ng uri, kasarian, at wika-rehiyon sa bansa – mas nagpapatatag sa mga hirarkiya rito. Sa kabilang banda, lagusan ito ng likot ng isip, siste at kapilyuhan ng mga Pinoy. Sa mga telenobela, gusto nating umiyak. Sa radyong FM, at iba pang bagay marahil, gusto nating humalakhak.

Ibayong mainam, siyempre, kung maituturol ang puwersa ng katatawanan sa pagtuligsa at pagbago sa lipunan. Para rito, hindi na marahil Love Radio ang may pananagutan.

Kailangan pa bang i-memorize ’yan?

14 Setyembre 2007

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • ilangq  On September 15, 2007 at 10:39 am

    dating MGA nakikinig…bwahaha🙂

  • kapirasongkritika  On September 15, 2007 at 6:19 pm

    Tama naman ah. Basahin mo ulit. Hehe. Salamat sa pagwawasto, Ms. Proofreader!

  • pedrong sisiw  On April 13, 2008 at 6:39 pm

    namayagpag ang love radio sa manila (hindi nga lang sa ibang probinsya) nang baguhin nila ang kanilang istilo na dati ay puro palakihan at pagandahan ng boses at seryosong programa. Hinaluan ng kiliting pinoy at “crazy ideas” na ayaw patulan ng ibang istasyon dahil nakakababa nga raw ng pagtingin sa kanila…Noong araw…nangunguna ang Campus “Forever” at WRR “For Life” — akala nila forever and forlife na ang kanilang pagiging #1. Ayan at bigla ngang may nagbago ng takbo ng labanan. Ngayon puro sila habol sa Love Radio…hehehe. So papano tatlunin ang Love Radio? Pagbabago….at konting “pangga”-gaya ang kailangan. Energy FM dati kulelat pero ngayon yan na malamang ang tatalo sa love radio konti pang panahon, pangga — at ano naman ang tatalo kay pangga? Sigaurado merong susulpot na naman niyan…. Nokia 5110, 5110i, 3210, nagka roon ng polytone, colored, camera, video, hanngang sa pinaka hi tech na mga Nseries…ganun dapat…..Pag hindi rin magbago o mag evolve ang love radio at maniwala silang sila na nga ang may pinakamabagsik na programming, pag gising nila sang araw……pero siyempre kompetisyon ito heheh… sino ang may pinakamagandang ideya sa radyo…siyang panalo!

  • kapirasongkritika  On April 14, 2008 at 6:43 am

    Salamat sa malaman, mapaglaro at nakakatawang komento mo, Pedrong Sisiw! Katatawanang Pinoy talaga ang tinatakbo ng mga bagay — na maganda naman. Hehe.

  • Ryan Montilla  On December 3, 2009 at 5:32 am

    http://elasticweavers.com/90.7loveradio/

Trackbacks

  • By Kapirasong Kritika on February 21, 2008 at 6:34 am

    […] Kritika Mga Kritika ni Teo S. Marasigan « Ang Nakakatawa sa Radyo Ngayon Mga Plakard sa Panahon ng ZTE […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: