Mga Plakard sa Panahon ng ZTE

Dahil inaasahan kong nagkakasa na ng mga protesta ang iba’t ibang grupo para kondenahin ang korupsiyong inaakusa kina First Gentleman Mike Arroyo at Comelec Chairman Benjamin Abalos, mapagkumbaba kong ipinapanukala ang sumusunod na mga islogan – na sana’y gamitin nila kahit sa mga plakard. (Katulad ng alam na ng marami, inakusahan nitong Setyembre 18 ni Jose “Joey” de Venecia III sina Arroyo at Abalos ng pagsuhol at pagkatapos ay pagsindak sa kanya para umatras sa proseso ng pagsubasta o bidding sa plano ng gobyernong magtayo ng national broadband network. Nakopo ng ZTE Corporation ng Tsina ang kontrata ng plano sa halagang $329 Milyon.)

LULI: NANAY AT TATAY MO, ADIK… SA PERA NG BAYAN.
Sagot ito sa pagtatanggol ni Evangeline “Luli” Arroyo sa kanyang ama kung saan sinabi niyang “Hindi ko alam kung may tama sa pag-iisip niya ang paggamit niya dati ng droga” nang pinatutungkulan si Joey de Venecia. “Secret weapon” ang turing kay Luli ng makinarya sa propaganda ng Malakanyang at ng ilang taga-midya mismo, dahil pinagmumukha raw niyang mga taong nasasaktan ang mga magulang niya. Pero hindi siya dapat palusutin sa hirit na itong below the belt – o “below the bra” para hindi seksista. Sabi raw ng tatay niya, “Manipis ako… Mas maliit akong target pero ako pa rin.” Adik, hindi ba? Kumpara sa karaniwang adik, mas baliw at salot ang mga grabeng sugapa sa pondo ng bayan.

IKAW, MIRIAM, SINO’NG NAGPOPONDO SA IYO?
Sagot ito sa nagpupuyos na ispekulasyon ng maka-administrasyong senadora: “Sino ang nagpopondo sa binatang ito?” Sa punto pa lang, aniya, na patok ang publisidad ng pagbubunyag ni De Venecia sa katiwalian sa administrasyong Arroyo, masasabing “maraming pera ang nagastos”. Kung matatandaan, ganito rin ang punto niya sa pagdinig sa kasong impeachment laban kay dating Pang. Estrada. Aniya noon, labag sa lohika ang paglipat ng isang abogado sa pinagtatrabahuang mas mababa magpasuweldo. Binara at ipinahiya siya ni dating Sen. Raul Roco, kaya pinagdiskitahan niya ang mga manonood noon na, aniya, tumitingin sa kanya sa paraang “provocative”. Siya kaya, sino ang nagpopondo sa mga satsat niya?

GARCIA AT VILLAFUERTE: MGA TRAPO, PAMPAPOGI NI SPEAKER.
Lalong nagiging malinaw ngayon kung bakit binuo – siyempre pa ng Malakanyang – ang bloke nina Rep. Pablo Garcia at Rep. Luis Villafuerte sa Kongreso: Para gipitin pana-panahon si Speaker De Venecia na lubusang sumunod sa Malakanyang. Napakabulok na pulitiko ng dalawang ito. Sa panahong pumutok ang isang eskandalong napakahalagang pag-aralan ng bansa, ang interes lang nila ay ipagtanggol si Pang. Arroyo at kuhanin ang liderato ng Kongreso. Bago sumingaw ang dalawa, halos monopolyo ni Speaker ang bansag na “trapo”. Ngayon, salamat sa matapang na paglantad ng anak niya, gayundin sa paglutang ng itsura ng dalawang halimaw na trapong ito, pumopogi siya sa publiko.

MIKE ARROYO: WALA KANG KUPAS. ABALOS: MAGALING BUMILANG NG PERA, HINDI NG BOTO.
Noong nagkasakit si First Gentleman Mike Arroyo at nameligro ang buhay niya sa unang bahagi ng taong ito, pinalabas ng mga propagandista ng Malakanyang na nagbago na siya. (Pag-amin kaya ito na ubod-sama ang nakaraan niya?) Pero lumilitaw na pagkagaling niya sa sakit at agaw-buhay, bumalik siya agad sa masasamang gawing inaakusa sa kanya. Mabuti hindi siya nabinat. Wala siyang kupas. Gaano ka-bobo ang mga Pilipino para kay Pang. Arroyo? Hanggang kailan puwedeng babuyin ang mga Pilipino para sa kanya? Isang malinaw na sukatan niyan kung gaano katagal pa niya papanatilihin si Abalos bilang tagapangulo ng Commission on Elections.

ZOBRA NA, TAMA NA, EXIT NA!
Madali sanang isantabi ang mga akusasyon ni Joey de Venecia kung hindi siya anak ni Speaker na malapit na alyado ng pamilyang Arroyo at walang mapapala kung kakalas sa huli. Higit pa rito, madali sanang balewalain ang mga ito kung wala ang napakarami nang akusasyon ng pandarambong laban sa kanila: Pidal, Macapagal Ave., Bolante… Sa mga akusasyong ito, isa sa pinakamalaking patunay ng kanilang pagkakasala ang tugon nilang pigilan ang paglabas ng katotohanan: banatan ang mga naglalantad at sawatain ang mga proseso. Kahapon lang, inilantad ni Hen. Hermogenes Esperon na may natuklasan siyang bagong plano ng destabilisasyon. Maganda ang timing: nagbabanta ng paninikil. Hindi na sila nagbago.

BACK-OFF, GLORIA!
Matagal nang maysala si Pang. Arroyo sa mata ng sambayanan. Ipinapakita niyang ang taong nagnakaw sa mismong pagkapangulo – at sa gayon ay bumalewala sa bulok-na-ngang mga panuntunan ng pulitika sa bansa – ay mas may kakayahan at pangangailangang magpatupad ng mga patakarang kontra-mamamayan at kontra-maralita. Ngayon, sa paggunita ng sambayanan sa ika-35 anibersaryo ng pagdeklara ni dating Pang. Marcos ng batas militar, ipinapaalala sa atin ng mga pangyayari sa Senado na marami pa ang hindi nagbabago sa bansa natin. Bukod sa pinaghaharian pa rin tayo ng malupit na pasistang may kontrol sa militar, dinarambong pa rin tayo ng mag-asawang maitim ang budhi – na nakipagbeso sa publiko kay Imelda!

Matagal nang maysala si Pang. Arroyo sa mata ng sambayanan. Dagdag na asunto lamang ang ZTE. Pero mahalagang dagdag ito, dahil binubuhay nito ang malupit na karanasan ng anim na taon nang paghahari ng pamilyang Arroyo. Papaabutin pa ba natin ito sa 2010? Para waldasin pa ang mga pangarap at pag-asa para sa bayan natin?

Sana ang sagot natin ay katunog ng FG at ZTE. O kaya ng Garci.

21 Setyembre 2007

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • bea haw  On September 21, 2007 at 11:36 am

    Zobra na! Tama na! Exit na ! Patok yan. Napanood ko sa tv kagabi yung action sa peyups at nakita ko nga ang isang plakard na yan ang nakasulat. go! isip pa tayo ng mga ganyan.

  • venzie  On September 21, 2007 at 1:56 pm

    ayus! pinost ko to. gagawin namin yan.🙂

  • kapirasongkritika  On September 22, 2007 at 1:48 am

    Salamat sa komento ng mga taong inaasahan kong mangungunang matuwa sa ganito!

  • lisa  On September 27, 2007 at 11:03 am

    sobra akong natuwa ako sa post mo. for that, may 200 ka dito. hehe

  • kapirasongkritika  On September 27, 2007 at 11:05 am

    Salamat, Lisa! Salamat at napansin mo na rin ang blog ko. Hehe.

  • 45  On February 10, 2008 at 6:14 pm

    im just browsing the net and so happen i bumped here and read this mess of critic. u shold try to look on the bigger picture.

    ikaw how dou you see yourself?

    bayaran ng oposisyon?

  • kapirasongkritika  On February 10, 2008 at 7:35 pm

    45, ano ang bigger picture? Kung titingin ba ako doon, mabibigyang-katuwiran ang ginawa ng rehimeng Arroyo sa kontrata sa ZTE? Sa tingin ko, hindi.

    Kung babasahin mo ang buong blog na ito, makikita mong hindi ako kampi sa oposisyon, kaya imposibleng bayaran nila ako. Siyempre, lalo naman ni Gloria.

Trackbacks

  • […] Plakard sa Panahon ng Con-Ass By kapirasongkritika Noon, nagpanukala ako ng “Mga Plakard sa Panahon ng ZTE.” Pumatok naman, lalo na ang “Zobra na, Tama na, Exit na!” na nakita kong ginagamit sa mga […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: