Panayam sa Sarili hinggil sa ‘Sakada’ ni Behn Cervantes

Marami nang nagkomento nang paborable sa pelikulang Sakada ni Behn Cervantes, kilalang progresibong manggagawang pangkultura sa bansa. Pero alam nating hindi na ito umiikot sa mga sinehan. Hindi ko lang din alam kung may bersiyong CD o DVD na nito. Paano mo ito napanood? Ano ang alam mo sa background ng pelikulang ito?

Napanood ko ito nitong Setyembre 21, ika-35 anibersaryo ng pagdeklara ni dating Pang. Ferdinand Marcos ng batas militar, sa sinehan ng mall sa likod ng Edsa Shrine. May kamag-anak akong dinalaw sa kalapit na lugar, kaya naisip ko na ring magpagabi para mapanood ito. Parang wala pa rin akong nakitang indikasyong may bersiyong CD o DVD na ito. Kung anuman, nakakatuwang ipinalabas ito – at sa okasyong iyon. Tulad ng alam ng marami, ipinagbawal ito ni Marcos. Natutuwa marahil ang mga nasa likod ng pelikula, gayundin ang mga may simpatya rito, na nahigitan ng buhay nito ang batas militar at maging ang yumaong diktador. Higit pa rito, gayunman, mainam ituring ang pelikula na bahagi ng tuluy-tuloy na paglaban ng sambayanan – ng masang anakpawis at kilusang makabayan, kung totoo mang nanahimik maging ang panggitnang uri – sa diktadura. Sa isang pagtingin, parte ito ng dahilan kung bakit natapos, o tinapos, ang batas militar. Hindi lamang nito nahigitan ng buhay ang diktadura, nag-ambag ito para makamit ng bayan ang isang panahong lilingon sa batas militar bilang isang bangungot – sa perspektiba, gayunman, ng rehimeng Arroyo na isa ring bangungot ng bansa.

Ang dinig ko, kontrobersiyal ang pelikulang ito. Isipin mo nga naman: ginawa ito noong 1975 sa Bacolod, Negros Occidental. Saglit itong ipinalabas sa ilang sinehan noong 1976, bago ipinagbawal ni Marcos. Isipin mo: 1975! Kakadeklara lang ni Marcos ng batas militar noong 1972. Mga sakada ang paksa nito, na hindi pa yata gaanong kilala ng marami noon. At hanggang ngayon, patunay ang mga sakada ng kalupitan ng sistema at iilang tao sa napakaraming tao. Hindi mo malaman kung baliw o matapang si Cervantes – binaliw ng tapang o pinatapang ng kabaliwan. Batay sa narinig ko, marami ngang paborableng komento ang inani ng Sakada. Pero ang nakakalungkot, sa ilang librong nabasa ko, nababanggit lang ito at nabibigyan ng maikling pakilala. Parang wala gaanong seryosong komentaryo katulad, halimbawa, sa Himala o ibang pelikulang makabayan. Kahit sa internet, sa Google, ganoon – na mahalaga sana kung itatawid ang alaala ng pelikula sa mga kabataan. Wala ring mga still shot o promotional material nito sa internet. Mauugat siguro ito sa pagiging kritikal sa sistema at lipunan ng laman nito – kaya may dapat talagang magkusang magpalaganap ng kaalaman hinggil dito.


Bago ang mga komento mo, puwede ka bang magbigay ng maikling
synopsissynopsis na nga, maikli pa – ng pelikula? Ano ba ang kuwento nito?

Nagsimula ang pelikula sa pagpatay sa lider ng mga manggagawang bukid at sakada, na ginampanan ni Artemio Marquez, ng goon ni Pancho Magallona, may-ari ng asyenda. Namuno si Marquez sa sama-samang pagkilos ng mga nagtatrabaho sa asyenda. Sinubaybayan ng pelikula ang magkadugtong na buhay at pakikibaka ng pamilya ni Marquez at ni Magallona. Opisyal na asawa ng babaerong si Magallona si Gloria Romero, na abala sa pagpapaganda sa mga aktibidad ng pamilya. May dalawa silang anak: sang-ayon ang isa at tutol ang isa sa palakad ng pamilya sa asyenda. Naging aktibista ang tutol at inaswang ng sang-ayon ang babaeng anak ni Marquez. Asawa naman ni Marquez si Rosa Rosal, na nangasiwa sa pamilyang naiwan ng nauna. Tatlo ang anak nila, sina Robert Arevalo, Bembol Roco at Hilda Koronel. Matapos mabigo sa pagsisikap na paunlarin ang kabuhayan ng pamilya, ibinuhos ni Arevalo ang lakas sa pagtatayo ng unyon sa asyenda. Asawa niya ang emosyonal na si Alicia Alonso. Nag-aral sa Maynila at naging aktibista si Roco, kasama ng isang anak ni Magallona. Matapos aswangin ng isang anak ni Magallona, naging prostitute sa Maynila si Koronel. Natipon ang lahat sa dulo, noong nagputok muli ng welga sa asyenda.


Mahigit tatlong dekada na mula noong ginawa ang pelikula. Natural na may distansiya sa pagitan nito at natin ngayon. Paano natin dapat panoorin ang pelikulang ito?

Nang tapat sa progresibong pulitika – o sa masang anakpawis na pinaglilingkuran nito – una sa lahat. Sa ganito natin mailulugar ang kakaibang papel ng Sakada sa kasaysayan ng pakikibakang kontra-diktadura. Idadagdag ko lang na 1976 din naiputok nina Edgar Jopson ang unang welga ng mga manggagawa sa Kamaynilaan noong batas militar – patunay ng tapang ng pelikula. Dito rin natin sisikaping gagapin ang kontemporaryong pagtunghay rito ng dalawang klase ng manonood: iyung karaniwang mga manonood, na sa tingin ko ay pangunahin, at mga nakapag-aral o eksperto sa larangan ng pelikula. Sa dalawa, mas mahalaga sa akin ang karaniwang mga manonood dahil sentral na panata ng progresibong pulitika ang pagsusulong ng sama-samang pagkilos ng masang anakpawis. Para maging mabisa, kung gayon, ang progresibong sining, kailangan nitong makaugnay sa masang anakpawis nang nag-aambag sa progresibong pulitika. “Kilalanin ang mga tao at kilalanin sila nang mahusay,” panawagan ni Mao Zedong sa mga artista. Mahalaga rin ang pagtingin ng mga nakapag-aral o eksperto sa pelikula dahil makakapagturo sila sa praktika ng paggawa ng progresibong pelikula at pagtunghay rito.

hkoronel.jpg

Sinabi rin ni Mao na gaano man katalas ang linyang pampulitika ng isang likhang-sining, hindi ito magiging epektibo kung kapos sa isang antas ng kasiningan. Puwede ba tayong pumasok sa usaping ito? Ano ang masasabi mo sa pagiging likhang-sining ng Sakada? May kakayahan ka bang sumuri sa pagiging likhang-sining nito? Sa porma nito?

Sang-ayon ako sa sipi mo kay Mao. Duda ako kung may kakayahan akong magsuri sa pagiging likhang-sining ng Sakada, pero susubukan ko. Tingin ko, hindi mababawasan ang kadakilaan ng pelikula at mga gumawa nito kung sasabihin kong sa pangkalahatan, marahil, sumasapat ito sa pamantayan ng kasiningan ng isang panahon, ng panahong iyon. May pag-iingat ng “marahil” dahil pagtaya pa rin ito sa pamantayan ng kasiningan ng panahong iyon. Walang dudang umiiral at malaganap pa rin ngayon ang piyudal na pagsasamantala at pagkabusabos na ininugan ng pelikula – at magpapalalim ako rito mamaya. Pero duda ako, halimbawa, sa hypothetical na proyektong palaganapin ito bilang CD sa mga komunidad ng maralitang tagalungsod, mga pabrika, o maging sa mga sakahan. Hindi ako sigurado kung magkakaroon ito ng “dating” o “kagat” na katulad ng ibang pelikula o bidyo-dokumentaryo ngayon. Ang dahilan, sa tingin ko, ay ang klase ng kasiningan na nagamit nito. Huwag ipagkamaling pagmaliit ito sa pelikula, kumpara halimbawa sa “unibersal” na mga likhang-sining – wala namang ganoon. Pagtaya ko lang ito sa kontemporaryong pagtunghay ng sinasabi kong karaniwang mga manonood.


Ano ang ibig mong sabihin? Puwede ka bang magpartikularisa sa mga aspekto ng pelikula?

Ikukumpara ko ang pelikula sa pagtaya ko sa namamayaning mga kulturang biswal – hindi lamang pampelikula – ngayon sa panahon ng MTV, YouTube, DVD, at todong Hollywood. Una, bihira na ngayon ang porma at dalas ng pagpapakita ng sidhi ng damdamin na nakita sa pelikula. Hindi ko alam kung sa porma ng pag-arte ito, pagdirehe o kung ano. Pero para sa mga kabataan ngayon, halimbawa, kinutya na ang ganoong klase ng pag-arte ng seksiyong “Bahaw” ng comedy show na Tropang Trumpo. Ikalawa, bihira na rin ang porma at dalas ng ganoong klase ng dumadagundong, tila historikal, na tugtog. Lumang mga pelikula, lalo na ng mga Tsino, ang naaalala. “Musical score” ba ang tawag dito? Ikatlo, may mga eksenang parang teatro na kinuhanan ng kamera – mga artista ang gumagalaw sa harap ng nakatutok na kamera. Ikaapat, bukod sa ganoong lalim ng wika – na maipagpapalagay na – bihira na ang ganoong klase ng mga palitan ng salita, na parang nagpipilosopohan sa klase. Ikalima, bagamat maliit na punto lamang, nakakaapekto sa inisyal na panonood ang pag-apuhap sa maiuugnay na artista ngayon sa mga artista sa pelikula: Anak ni Rosal si Toni Rose Gayda, ni Magallona si Francis M., ang rapper, at ni Marquez ang mga komedyanteng sina Joey at Melanie.


Ibig mong sabihin, wala nang kuwenta ang pelikula? Wala ba itong kabuluhan ngayon?

Hindi sa walang kuwenta. Ang ibig ko lang sabihin, baka hindi na maging kasing-epektibo ang pelikula – kumpara noong unang inilabas ito, at kumpara sa ibang pelikula – kung papanoorin ng kontemporaryong mga manonood. At narito, sa tingin ko, ang isang kabuluhan ng Sakada kung porma nito ang pag-uusapan. Dito ko rin tinatawag ang pansin ng mga nakapag-aral at eksperto sa larangan ng pelikula. Produktibo, sa tingin ko, na itanong: Bakit hindi na magiging kasing-epektibo ang Sakada kung ipapalabas ngayon? Ano ang sinasabi nito tungkol sa namamayaning mga kulturang biswal sa bansa? Tungkol sa mga manonood? Anu-ano ang mga pagbabago mula noong 1976 sa mga larangang ito? Mahalagang maging malay sa nararamdaman nating pagiging “luma” ng pelikula para makapag-ambag ito sa paggawa ng progresibong mga pelikula at sining ngayon. Halimbawa, kumpara sa “bagal” ng Sakada, ano ang sinasabi patungkol sa mga kulturang biswal o pang-araw-araw na buhay ng mga tao ng madalas-sabihing “bilis” ng mga imahen at ikli ng atensiyon ngayon? Kumpara sa grandiyosong musical score nito, ano ang sinasabi ng pagiging uso ng mga kanta ngayong parang bugtungan ng mga batang naglalaro ang tunog? “My umbrella, ella, ella, eh, eh.”

Okey. Ano ang pagtingin mo sa nilalaman ng pelikula, partikular sa naratibo nito? Puwede kang magsimula sa tinitingnan mong mga kahinaan?

Sa isang eksena, iniiyakan ni Alonso ang asawa niyang si Arevalo sa mesa ng bahay, dumadaing na puro unyon na lang ang inaasikaso ng huli. Nagalit lamang si Arevalo, sininghalan ang asawa at pagkatapos ay pasagasang lumabas ng bahay. Naiwang umiiyak si Alonso. Pagkatapos, walang kaabug-abog, kasama na si Alonso sa pag-aalsang pinamunuan ng asawa niyang mainitin ang ulo. Paanong nangyari ito? Ganoon ba ang mainam na paraan ng pagkabig ng isang lider-unyonista sa pamilya? O napuwersa lamang si Alonso? Sa isa pang eksena, matatag si Magallona sa pagtutol sa paggigiit ni Arevalo at ng mga kasamahan nito ng mga kahilingan at panawagan ng unyon. Pero sa harap ng mga stockholder ng asyenda, lalabas na nahila si Magallona nina Arevalo pabor sa daing ng mga manggagawang bukid at sakada. Na para bang petiburgis ang panginoong maylupa – pabagu-bago ng isip at pabaling-baling pabor sa interes ng mga nagsasamantala at ng mga pinagsasamantalahan. Bagamat inilantad nito ang demokrasya sa hanay ng mga panginoong maylupa na diktadura laban sa masang anakpawis, nabago rito ang konsistent na pagbuo sa tauhan ni Magallona.

Sa isang banda, kahanga-hangang tinugaygayan ng pelikula sa iba’t ibang tensiyon at kontradiksiyon sa pagitan ng mga uri, ng babae at lalake, ng mga henerasyon… Pero maraming binuksang usapin ang pelikula na hindi nito naibuhol sa pag-usad at pagtatapos ng naratibo. Ano ang nangyari sa anak ni Magallona matapos mabigo itong akiting makipagbalikan si Koronel? Ano ang nangyari kay Padre na nasobrahan sa radikalismo ni Roco? Bakit tumigil sa prostitusyon si Koronel at umuwi tiyempo sa pag-aaklas? Ano ang nangyari sa pambababae ni Magallona – na inilatag sa kuwento? Mas malaking palaisipan, gayunman, kung bakit lumabas na ang pagsupil sa pag-aaklas ay barumbado at adelentadong aksiyon ng armadong mga tauhan lamang ng mga asendero na nawala sa kontrol ng huli. Pansawata pa nga ang mga pulis na puwersa ng estado sa gayong pagwawala ng mga tauhan. Hindi ba’t kakampi ng mga pulis ang pribadong goons ng mga asendero? Mahalagang pansining sa kabila nito, sinupil pa rin ni Marcos ang pagpapalabas ng pelikula – mas dahil marahil sa pagpaksa sa pag-aalsa, higit sa anumang dahilan. Iyon pa lang marahil, hindi na matagalan ng diktador.

Maaaring bahagi ng mulat na pagsisikap na “lumaro” sa sensura ang posisyon ni Magallona sa harap ng mga stockholder ng asyenda, laluna ang pagpapakita sa mga tauhan ng estado bilang tagapayapa sa brutal na pandarahas ng mga matong upahan ng mga asendero. Kapansin-pansin din ang ganitong pagsisikap sa wika ng mga aktibistang ipinakita – abstrakto at masyadong pilosopikal. Noong sinabihan, halimbawa, ni Gloria Romero ang anak niyang naging aktibista na may pananagutan ito sa pamilya, sinagot siya nito ng pagsasabing may pananagutan din siya sa “katotohanan.” Hindi mo tuloy mawari kung rebolusyunaryong Kabataang Makabayan ang sinalihan ng pobreng binata o Black and White Movement lamang. At si Padre! Hindi siya marunong sumagot nang matino! Sinusunggaban niya ang bawat pagkakataon, ang bawat usapan para magsalsal sa harap ng kamera – intelektuwal na pagsasalsal. Dahil Heswita siya, sabi sa pelikula ni Romero; dahil nasobrahan ng gumawa ng script, sa tingin ko, ang pagkakahon sa kanya. Hindi natin masisi ang pelikula – dahil nga 1975 ito ginawa. Kung anuman, tagumpay na sana kahit naipalabas sa mga sinehan ang pinal na bersiyon nito.

broco.jpg

Ano naman ang mga kalakasan ng pelikula?

Walang dudang rurok ng pelikula ang pulong ng mga manggagawang bukid at sakada sa bisperas ng pag-aalsa – kakumpitensiya sa halaga ng pagmasaker sa kanila sa dulo ng pelikula. Nagsasalita si Arevalo, hihihimok ang mga dumalo na mag-alsa. Sa tanaw o paningin ni Rosal, sumapaw ang napatay niyang asawa kay Arevalo. Iisa ang pagsusuri ng lider ng nauna at ng kasalukuyang pag-aalsa. Parang solidong alingawngaw si Arevalo ng mga sinabi ni Marquez, na luma pero nananatiling totoo. Mula sa pagpapakita ng pelikula sa pagbubuo at paghahapag ng mga panawagang pang-ekonomiya ng mga manggagawang bukid at sakada, iba ang naging diin ng talumpati ni Arevalo/Marquez. Sinabi niyang kaya libre ang gamot sa klinika ng asyenda ay para patuloy silang makapagtrabaho. Na kaya may sinehan na nagpapalabas ng mga pelikulang walang kuwenta ang nilalaman ay para aliwin sila nang panandalian at patuloy silang makapagtrabaho. Mula sa pagkamalay ng mga manggagawang bukid at sakada sa pagsasamantala nila, inilantad ni Arevalo/Marquez ang “aliwan” at mga “alwan”, mga “biyaya,” ng pagtatrabahong alipin bilang bahagi ng pagsasamantala.

Noong dumako na ang pulong-paghahanda sa isyu ng pagpapalahok sa kababaihan at mga bata, at sinabi ng isang ayaw niyang mapasali ang asawa at mga anak niya, tumayo si Rosal at nagtalumpati. Puno ng damdamin ang sinabi niya, at kung hinggil sa pagsasamantala sa produksiyon at pagtatakip dito ang mga sinabi ni Arevalo/Marquez, nagsalita si Rosal bilang inang sumubaybay sa pamilya, sa mga paghihirap at pasakit na dinanas ng kanyang asawa at mga anak. Bago pa man ang pulong, lumuluhang kinuha niya ang itak, lumakad patungo sa tubuhan kung saan walang makakakita, at ibinuhos ang sama ng loob sa pagtaga sa mga tubo at lalong pag-iyak. Ipinakita ang mga eksena ng sakit na kanyang dinarama: pagpatay sa kanyang asawa, paggantso at paninikil kay Arevalo, pananakit sa welga kay Roco, pagpuputa kay Koronel. Pagkatapos magsalita, mapanghamong tinanong niya ang mga kapwa-babae kung katulad niyang mabigat ang kanilang nararamdaman. Sumang-ayon ang mga ito at palabang nagsabing lalahok sa pag-aalsa. Signipikante ito: nilaman ng pelikula ang nauna nang historikal na paggigiit ng kababaihan na lumahok sa mga pag-aaklas at sa pagrerebolusyon pa nga.

Sa puntong ito makikita ang mainam sa mga sinabi nina Arevalo/Marquez at Rosal bilang mga tauhan – bilang lider-unyonista at bilang asawa’t ina – at sa Sakada bilang pelikula o likhang-sining. Mapagbuong kamalayan o totalizing consciousness ang ipinakita rito kapwa nina Arevalo/Marquez at Rosal, gayundin ng pelikula. Hinggil sa produksiyon at lipunan ang sinabi ni Arevalo/Marquez, kung paanong ang ibang aspekto ng lipunan na tinitingnang hindi bahagi ng pang-aalipin, o na masarap na kapalit ng pagpapahirap, ay mahalagang bahagi ng pagsasamantala – na pinapakinabangan ng iilan. Hinggil sa pamilya at mga mahal sa buhay ang sinabi ni Rosal, kung paanong ang mga paghihirap ng kalooban na dinaranas nila ay nag-uugat sa kahirapan ng buhay, kung paanong ang kahirapan ay may epektong tumatarak sa laman at tumatagos sa puso. Kaiba ang ahitasyong ibinigay ni Rosal, ngunit kasing-halaga. Paglalantad o demistipikasyon (demystification) ang pamamaraan ni Arevalo/Marquez, na humalaw sa praktikal na kaalaman at nagdulot ng pagbaligtad ng unawa. Pagsasama-sama ng mga imahen (montage) ang pamamaraan ni Rosal, na nagdulot ng pagkakabuo ng loob.


Hindi ba palasuko ang katapusan ng pelikula? Matapos ang madugong pag-aalsa, pumila na lang si Roco sa hanay ng bagong mga sakadang papasok sa asyenda?

Hindi naman. Tala ng tatlong yugto ng isang nagpapatuloy na pag-aalsa ang ipinakita ng pelikula. Rurok-katapusan ng una ang pagpatay kay Marquez. Paghahanda para sa ikalawang rurok-katapusan ang kalakhan ng pelikula. Nagtapos ito sa simula ng panibagong yugto, kung saan pumila si Roco sa paglakad ng bagong mga sakada. Agad masasabing palasuko ang katapusan ng pelikula kung hindi ito titingnan sa konteksto ng buong naratibo. Hindi agad maunawaan ng manonood kung paano pinatay si Marquez dahil walang kaparis ang eksena sa anumang protestang nakatatak sa utak ng marami: Nasa gitna sila ng natabas na damuhan, nagbubugbugan. Naipakita kung gayon kung paanong umunlad ang ikalawang yugto mula sa nauna: nagtayo ng unyon, nagbuo ng mga panawagan, nagpaunlad ng mga taktika, at lumahok ang kababaihan. Hindi dapat maliiting si Roco ang pumila sa paglakad ng bagong mga sakadang papasok sa trabaho sa katapusan ng pelikula at simula ng ikatlo o bagong yugto. Alalahaning naging estudyanteng aktibista siya, beterano ng welga sa Maynila, at ng ikalawang yugto ng pag-aalsa sa asyenda. Tiyak iyon: mas mataas na ang antas ng susunod na pakikibaka!

Mahalagang pansining ipinakita ng pelikula maging ang pag-unlad ng mga taktika ng naghaharing mga uri sa pagsamantala at pagbuwag sa paglaban ng mga sakada at manggagawang bukid: pagpapapasok ng mga tauhan sa hanay ng mga nag-aalsa, paggahasa sa asawa ng mga unyonista, ibayong pandarahas at terorismo, simpleng pagpapalit ng bago sa lumang mga sakada. Kung anuman, nakakaakit sipiin ang sinabi ni Salud Algabre, isang lider ng pag-aalsang Sakdal noong dekada ’30: “Walang pag-aalsang nabibigo. Lahat ay hakbang patungo sa tamang direksiyon.” Hindi lamang ito ang ipinakita ng pelikula, gayunman. Ipinakita ng Sakada kung paanong ang bawat pag-aalsa ay “hakbang patungo sa tamang direksiyon” – dahil natututo ang mga pinagsasamantalahan, at sa bawat taktikal na pagkatalo ay lalong namumulat, lalong tumatapang ang diwa at kamalayan para ipagtagumpay ang estratehikong digma.

03 Oktubre 2007

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • sarah  On October 9, 2007 at 3:01 am

    this review/dialogue demonstrates the logic at work in zizek’s wager: that “knowledge has a retroactive dimension.” in two senses: first, the retroactive struggle pursued by arevalo (“luma pero nananatiling totoo”), the same logic that structures your reading of roco’s disposition towards the end of the film. second, your own critical apoteosis of the film 30 years later.

    and the point to be grasped about knowledge’s retroactive dimension is precisely salud algabre’s indispensable insight: that no uprising fails, each is a step towards the right direction. the same argument that luxemberg launched against bernstein: to paraphrase, “how do we know the conditions are not yet ripe for a revolution? only by making a revolution!”

    where the logic of error is at work, there shall i be. for only in such logic can creativity, love and human dignity flourish. and the retroactive dimension of knowledge brings us closer to the horizon of repetition.
    what does the film allow us to think about right now? what does your review allow us to imagine?–a lot actually. at this point let me mention that it has called attention to the tactics and strategies of our people’s war;- its earlier stages depicted in the film-and what these can probably mean for us in relation to our current struggle, which is in fact a repetition of that struggle. and repeating the ‘act’ signifies a kind of fidelity to the cause–an absolute rendered fragile by contemporary ideological and physical attacks launched by the ‘enemy.’

    and then we decide that the struggle has to go on but it does so long as the revolution is a “here” for us, its subjects. and “here is where we meet, teo.”

    the wager of arevalo/marquez, roco and rosal is probably as great as cervantes’ wager when he made this film in 76. incidentally, that was the year of the dragon. well, in case anybody cares. because i do. was born in that year.

  • kapirasongkritika  On October 9, 2007 at 12:08 pm

    Salamat sa komento, Sarah!

    Karamihan ng pinabasa ko, nagsabi na natawa sila. Pero natutuwa ako at ang madamdaming nilalaman ang natutukan mo at binigyan mo ng madamdaming tugon.

    Sa esensiya, sang-ayon ako sa sinabi ni Algabre. Pero sa isang banda, may tungkuling iniaatang sa atin ang yumayakap sa kanyang pag-asa — at iyun nga ang sinabi ko sa sanaysay: ang matuto sa nakaraang mga pag-aalsa.

    Dahil bagamat makabuluhan ang sinabi ni Algabre, gayundin ni Luxemburg — at ang sinabi pa niyang inihahanda ang pagtatagumpay ng rebolusyon ng maraming kabiguan — sa pagbibigay ng optimismo sa mga rebeldeng yumayakap sa mahabang kasaysayan ng maraming pag-aalsa, iba pa sa tingin ko ang nagawa talaga nina Marx, Lenin at Mao — ala Slavoj Zizek. Sinabi ko ang huli dahil nababasa ko sa mga sinulat mo ang pagiging tapat sa kanilang “event”.

    Sa tingin ko, bagamat natuto sila sa mahabang karanasan ng pag-aalsa, kongkretong nagsuri sila ng kanilang kalagayan at mula rito ay nagbuo ng angkop na mga taktika at praktika.

    Walang kaparis sa ilang libong taong kasaysayan ng mundo ang ipinaglaban nina Marx, Lenin at Mao, kaya sa isang banda’y kinailangan nilang isulong nang ilang hakbang sa kanilang partikular na yugto ang gayong pakikibaka — hindi lamang ang matuto sa nakaraang mga pag-aalsa.

    Sa madaling sabi, sa tingin ko, kailangang balansehin ang pagbibigay-katuwiran nina Algabre at Luxemburg sa nakaraan ng pangangailangang sumulong sa partikular na mga kalagayan.

    May pagwawasto pala: 1975 ang La Tondena Strike na ipinutok nina Edjop. Pero sa pagkakaalam ko, tama pa ring 1976 ang paglabas ng pelikula. Hehe.

  • sarah  On October 9, 2007 at 9:48 pm

    I agree! We need to articulate the difference between the logic of error at work in thinking through revolution and and the repetition involved therein. Mao’s wager, for instance, was not shaped by a pure revolutionary gamble but partly of indispensable lessons learned from errors of soviet socialism (and isn’t this precisely the aim of repetition? to identify what an ‘event’ pursued and what it wasn’t completely able to?) .

    On the other hand, the logic of error is not necessarily equivalent to “pure revolutionary gamble as i might have indicated. Crucial in this particular logic is its compulsion to “correct,” “improved upon,” or “build on” the consequences of previous “act(s)”- practices that target the coordinates of the system and not merely those that use the current constellation as their condition of possibility. Thus, learning from previous struggles, I venture, does not necessarily stand in direct opposition with the logic of error. Rather, the latter, in order to pursue its logic to its logical conclusion, must take the former into consideration. But this is the tricky part. And what about Stalin who posed himself as the ‘sujet suppose savoir’ (subject supposed to know, the Big Other in person). It has become commonplace to argue that this figure, whom Jameson refers to as “the supreme embodiment of the modernist artist, the seer whose relationship to the Absolute is peremptory and dictatorial” (Archaeologies of the Future, 2005:190), is now dubbed as the best example of why the project of socialism must be abandoned. Meanwhile, I think it is significant to point out that when the communist of party of china under mao criticized the soviet union, its object of reproach was state socialism and not socialism per se. But really, did Stalin have the benefit of individual experience and the experience of his generation to learn from in the course of directing socialism in the soviet union? He did not. And precisely why he is a significant figure to reckon with in the era of so-called post-politics. At this point we are called upon to prove that post-politics is a sham, a petty-b antidote to the anxieties of survival under monopoly capitalism. And we do so by remaining faithful to the ‘event.’ And doesn’t the “gamble of Stalinist aesthetic of socialist realism, namely the hope that a narrative of collective production could not only be possible as such, but also exciting and aesthetically satisfying”(Jameson, p. 189) teach us a good lesson on that type of fidelity? (and those who love to reproach Stalin to insidiously justify their anti-communism may now begin to salivate like a mad dog). And that is not to say that that is the only lesson to be learned. In fact, it is only a provocative suggestion to be considered. My point is that in the course of the revolution, its subjects do not act upon situations with a balance sheet on their heads. Well not all the time. Rational-Choice Marxism is not worth the candle after all. The dimension of error highlights the assumption of full responsibility towards the ‘act’ in order to combat the sheer innocuousness of post-politics.

    Having said that, I still agree that for this particular analysis of Sakada, it is, indeed, important to emphasize the nuanced distantiation of the ‘systematic learning from past struggles’ from the logic of error. But these two, do not in principle, clash as opposite tendencies.

    [An interesting story: My aunt with whom I lived for 8 years was a factory worker in La Tondena before she married an engineer who would make her cinderllaesque dreams come true. She also became one of its filipiniana models in one of La Tondena’s less obscene calendars (but nontheless obscene! why have women carry liquor bottles kahit hindi pa sila hubad?). She had left La Tondena when the strike took place. When her brother-in-law (my dad) told her about his cousin’s penchant for orgnizing strikes (as they were currently organizing one in their very own supermarket bussiness) she opined: “Ay ang galing naman niya (Edjop). Mabuti nga sa La Tondena, mga yun, di man lang ako binigyan ng kalendaryo, ginamit nila ko dun noh.”]

  • kapirasongkritika  On October 10, 2007 at 4:17 am

    Oo nga. Mas lumilinaw talagang nagkakaisa tayo. Nagkakaisa tayong:

    (1) Hindi hinahadlangan ng katotohanan at posibilidad ng pagkakamali ang pag-aaral at pagkatuto sa mga pagkakamali ng nakaraan. Itinutulak ng huli ang nauna.

    (2) Kaya dapat tanggapin ang mga pagkakamali o kahinaan ng nakaraan, matuto mula sa mga ito at sumulong — agresibong sumulong — mula sa mga ito.

    (3) Historikal dapat ang pagtingin at hindi idealista sa mga pagkakamali at kahinaan. Magandang halimbawa mo si Stalin. Magandang halimbawa rin ang paupak na pagtuligsa sa “seksismo” o “patriyarkal na pagtingin” sa Kaliwa — sa nakaraan o kasalukuyan. Dahil nasa Kaliwa pa rin ang pinakamatibay na pag-asa ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa paglaya — kaakibat ang kanilang pagtunggali.

    Ang iniisip ko lang kung sapat ang pormulasyon ni Algabre. Ang inisyal kong tingin, kung wala ang bahagi ng pagkatuto sa nakaraan, kulang ito. Pero moot and academic na ang pagtatanong na ito. Dahil bagamat abstrakto ito, lalapat sa kongkretong kalagayan ang makikinig sa sinabi niya — kalagayan kung saan malalim na ang pagkatuto sa nakaraan.

    Pero sa tingin ko, kailangan natin iyung balance sheet na iyon. Pero sang-ayon akong hindi iyun sasapat. Hehe.

    Sang-ayon ako: “The dimension of error highlights the assumption of full responsibility towards the ‘act’ in order to combat the sheer innocuousness of post-politics.” Kailangan talaga nating yakapin nang buo — sa pakahulugang aralin — ang mga pagkakamali, at hindi magmalinis at itapon lamang sa iba.

    Nabasa ko na rin ang ilang isinulat mo tungkol sa Post-politics. Puwede bang huling hirit na sa iyong sumagot? Can you please educate us? Anu-ano ang manipestasyon ng Post-politics sa bansa?

    Nakakatawa ang kuwento mo. Hehe. Personal sa kanya ang pananamantala ng La Tondena. Hehe.

  • sarah  On October 10, 2007 at 5:53 pm

    Maraming salamat sa malinaw na lagom na binigay mo sa mga napag-usapan natin dito. Maganda at mapanghamon din ang tanong mo hinggil sa manipestasyon ng post-politics dito mismo sa bansa dahil sa nakaraan ay limitado lang ang aking pokus sa Kanluran, partikular sa pagbabak ng akademikong diskurso ng post-politics at ang lugar ng posibilidad nito. Ang gusto kong banggitin sa essay na iyon, pero hindi ko sigurado kung naipaabot ko ng malinaw na isang kahibangan na maging popular ang post-politics sa akademyang Pilipino gayong lantad na lantad naman ang antagonismo rito. Ebidensya rito ang pulitikal na pamamaslang, patuloy na paglago ng mga unyong may sosyalistang perspektiba at ang militansya ng mga magsasaka.

    Sa makatuwid, sa tingin ko ang post-politics ay dinadala ng mga hegemonikong institusyon kagaya ng gobyerno, polisiyang pang-ekonomiya, media, akademya at ng “civil society.” Kung sa kanluran ay malaganap ito bilang bagong ideolohiya ng mga mamamayan–kitang-kita sa kahibangan sa lifestyles, konsumerismo at ang obsesyon sa partiuclarist politics kagaya ng environmentalism bilang tugon sa ‘napipintong ecological disaster’ at sa pagkakahati ng pulitika sa pagitan ng republican versus democrat sa imperyalistang amerika, gayong wala naman talagang pagpipilian sa dalawa–babad pa rin ang mga batayang sektor dito sa mga makauring tunggalian na hindi naikukubli sa iba’tibang culturalist forms nito. Ibig sabihin, maging sa kanluran ay nagaganap pa rin ang antagonismo sa uri pero pinapalabnaw ito ng mga kulturalistang diskurso. Ang ganitong pagkakaiba ay dulot na rin ng ugnayang geopolitikal ng isang bansang mala-kolonyal at mala-piyudal sa sentrong imperyalista. Mahirap ikubli ang tunggalian ng mga uri lalo na’t nasa pinakamahinang kawing ng imperyalismo ang bansa. Sagad-sagaran lang ang kaapihan at pananamantala rito sa dakong laylayan ng monopolyo kapital.

    Ngunit ramdam na rin naman natin nag bigwas ng anti-rebolusyonaryong diskurso ng post-politics.

    Unang-una na rito ang liberal democratic parliamentarism na na sa puso ng diskurong democratic space. Lumutang ito sa panahon ni Cory Aquino .Sa kasalukuyan, matutunghayan ito sa kondukta ng mga NGOs at posturang progresibong kaliwa na sumasampalataya sa parliamentary road. Wala naman daw pundamental na problema, kailangan ay paluwangin na lamang ang mga espasyo ng demokrasya.
    Ngunit paano kung ang gobyerno mismo ay nanatiling pugad ng mga panginoong maylupa at burgesya kumprador kagaya ng kalagayan sa kasalukuyan? Nanatiling nasa kamay ng mga naghaharing uri ang mga susing institusyon o ang Estado sa pangkalahatan. Kung paniniwalaan ang mga liberal parliamentarians sa dogmatikong pagsamba sa democratic space, para na ring sumangayon tayo na kailanman ay hindi maaaring mapasakamay ng mamamayan ang kapangyarihan ng estado. Na kailanman ay hindi na kayang mabago ang Estado. Na mula noon hanggang sa huli ay may iisang esensya ang estado at ito ang kaniyang pagiging natural na mapang-api at nasa kamay ng elitista. Kaya huwag nating agawin ito. Hindi na ito magbabago ng anyo kailanman.

    Malinaw na malinaw ang idealismo, palasukong pananaw at makakanang oportunismo sa pusisyong ito. Bukod pa sa malaking kabobohan ito. Pero may pakinabang ang mga pumupusturang progresibo sa pagtatanggol nito dahil bukod sa nakakadistanya sila sa elitistang estado sa pamamagitan ng “working within the State but from a distance with its ruling elite” nakapagpupustura silang radikal at kumakamal din ng limpak limpak na pondo mula sa buwis ng mamamayan at funding agencies sa iba’t-ibang lupalop. Sino ang niloko nila? Kapag nilamon mo na ang pandesal, hindi mo na ito mahahawakan at maipagyayabang sa iba. Sa makatuwid, ilusyonado na, wala pang dangal. Kailangang linawin na bahagi ng pagwawasto ng kilusan ang pagsusulong ng mga progresibong reporma sa pamamagitan ng parliamentaryong pakikibaka. Sa katunayan, ubos-kaya ang pagkilos ng kilusan sa pagsusulong ng mga kapakipakinabang na reporma para sa mamamayan. Tunghayan ang mutual support sa pagitan ng kilusan at sa mga kaalyadong makabayan at anti-imperyalistang pulitko; ang patuloy na pagdami ng mga tinaguriang people’s lawyers na abala sa pagtatanngol sa mga mamayan sa legal na larangan; ang mga pagkilos sa Edsa na pinamugaran ng mga batayang sector na bahagi ng kilusan; ang pagdami ng mga matatalas na mag-aaral at guro na sumasapi sa kilusan. Sa makatuwid, bukas ang kilusan sa reporma. Ngunit ang mga nahuhumaling sa reporma ang hindi bukas sa panukalang rebolusyonaryong pagbabago ng kilusan. Nasasagkaan ng pagiging idealista, palasuko at pagkiling sa maka-kanang oportunismo ang mga repormista. Tila yata’t nakakalimutan nila na ang mga reporma ay inaabsorb lamang ng gobyerno dahil may kilusang rebolusyonaryong nagututulak nito. Kung wala, bakit naman gugustuhin pa ng elitistang estado ang mga progresibong pagbabago na makakabawas lang sa ganansya ng mga naghaharing uri? Idagdag pa na huwad ang tunggalian sa pagitan ng reporma o rebolusyon. Reporma at rebolusyon ang panawagan ng kilusan. Sino ngayon ang mapanghati at makitid?
    Ikalawa ang signipikanteng pagsulpot ng Gawad Kalinga sa mainstream. Para bang nalingat lang tayo at meron nang mga pilantropo’t relihiyoso na may “pinakamabuting” solusyon sa kahirapan. Ano ang masama sa pagtulong ng mga may-kaya sa mga kapos palad? Wala naman. At lalong hindi rin masama kung ginagawa lang ito ng mga mayayaman to assuage their guilt or to store riches in heaven. Wala naming kontrol ang kilusan sa mga disposisyon at gawi ng mga hindi nito kasapi. Sa katunayan ay bukas ang kilusan sa anumang tulong pinansyal na maaaring magmula maging sa mga mayayaman. Wala ring problema sa pagawad ng kalinga sa kapwa. Hindi ba’t ito rin naman ang isa sa mga panuntunan ng buhay aktibista? Ang kumalinga sa kapwa at ‘di lamang sa kapwa aktibista? Ang tanong ay sino-sino at anu-ano ang pakay ng mga nasa likod ng GK? Bukas ang kilusan sa pagkalinga. Sila kaya, bukas sa lipunang pagbabago sa pamamagitan ng pagpapairal ng panlipunang hustisya? May kaisahan sa isang lebel, pero malinaw ang tunggalian where it matters the most. Bukas tayo sa kanilang mga reporma. Sila ang sarado sa atin.
    Ikatlong sintomas ang pagkahumaling ng mga malalaking mamumuhunan sa game shows, charity drives na sa unang tingin ay nagbibigay dignidad sa mahihirap:”huwag ikahiya ang kahirapan” “marangal ang maging basurero basta huwag magnakaw, ” may pag-asa ang mahihirap sa bansa.” Totoo naman. Pero ang mga nabanggit ay nagiging totoo lang sa isang kundisyon: kung ang mamamayang naghihirap ay makikibaka. Pero iba ang kundisyon ng mga paalbas na ito: “…kung tutulungan sila ng mga mayayaman.” Malisyoso ang ganitong pagtataya for adding insult to the injury of poverty.
    Ang mga magkakaugnay na sintomas ang nakikita kong dominanteng manipestasyon ng diskursong post-politics.
    Habang nanatiling marginalisado ang mga kampanyang lifestyle na isa pang hibo ng post-politics.
    Pero kamakailan ay naglunsad ng kampanya ang mga animal rights activist na pinangunahan ng mga kilalang modelo at iba pang personalidad na astang middle-class. Walang masamang ipagtanggol ang mag hayop. Kakatuwa lang, mula sa perspektibang sosyolohikal, na may mga tao palang ito ang napiling pananagutan o commitment gayong mahigit sa kalahati ng populasyon ng bansa sa aktwal ay wala naming kapasidad makakain ng karne o ng kahit na anong desenteng pagkain. Ako man, gusto kong maging vegetarian. Nakikita ko ang kapanibangan nito sa kalusugan at sa kalikasan at sa pangkalahatang ekolohiya. Ang mga vegans kaya ng PETA intresadong ipagtanggol ang karapatan ng mga mamamayang biktima ng paglabag sa karapatang pantao? Malamang. Kung ang mga hayop ay kanilang naipagtatanggol, mga tao pa kaya?
    Makikita rin natin ang lifestyle strand ng diskursong post-politics sa mga academic options. Pansinin na ang mga disiplinang nasa ilalim ng social science ay nakabalangkas sa mga diskurso ng: nation-building, policy-making at citizenship. Mga konseptong lantaran ang pagtatanggol sa pundamental na istruktura ng umiiral na sistema. “Hindi naman kailangan ng radikal na pagbabago bagkus maiiwasan nga ito sa pamamagitan ng pagtutok nation-builidng, policy-making at citizenship.
    Kapansin-pansin din ang liberal na backlash sa pakikibaka ng mga kababaihan. Hindi ba’t talamak, lalo na sa mga pangitnang-uring kababaihan ang pseudo-penisimong claim na “Pinili ko naman ito kaya malaya ako, babae ako.” Ibig sabihin, pinili nilang maging ina at magpakabuti at hanapin ang pansariling kalayaan sa pagiging ina, lesbiana, dalaga, karerista, etc. Malaya raw ang babae kung siya ay pinapalaya ng napili niyang identidad bilang babae. Ninakaw na naman ng indibidwalismo ang mga napagwagian na ng peminsimo. At ang produkto? Indibidwalistang Penismo: Pakealam ko sa kapwa ko babae, basta ko, I’m happy as a wife, as a mother and as a career woman. I’ve found my niche therefore I am free!” Swak dito ang nabanggit ng isang pilosopo na ipaparaphrase ko: Mare, you think you are free because you lack the language in which you can articulate your unfreedom. Hi na lang kay mister, cute siya these days ah.”
    Bagamat nabanggit ko ang ilang halimbawa, kailangan lang idiin muli hindi ang mga manipestasyon ng diskursong post-politics ang namamayani. Mas litaw ang uri sa uring tunggalian sa pagitan ng nakararaming mamamayang Pilipino at ng naghaharing uri na nakapang-hostage ng estado. Manipestasyon nito ang kamay na bakal ni Arroyo, ang pangungurakot sa gobyerno, ang pulitikang pamamaslang at enforced disappearance, ang malaganap na demoslisyon sa urban areas sa kasalukyan, ang militarisasyon sa kanayunan at maging sa kalunsuran, pambabarat sa sahod ng mga manggagwa at paglabag sa kanilang mga karapatan, ang pyudal na pananamantala, prostitusyon, pagkamatay sa mga simpleng sakit, pagkamatay sa gutom, walang tigil na krimen at ang paglakas ng piso laban sa dolyar habang nagaganap ang lahat ng naua nang nabanggit.
    Mas maraming dahilan para maging aktibista. At sabi pa nga ng bagong ad ng Nike na tila mas angkop sa mga aktibista ng kilusan kaysa sa tanyag na korporasyon: “We don’t stop when we are tired. We stop when we’re done. “

  • kapirasongkritika  On October 10, 2007 at 11:28 pm

    Ang galing talaga ng Nike! Hehe.

    Salamat muli sa iyong blog entry sa blog ko! Hehe. Magiliw mong pinaunlakan ang tanong ko — at sa wikang Filipino! Hehe.

    Totoo nga, hindi pansinin lalo na ng karamihan ang sinabi mong mga manipestasyon ng Post-politics dito sa ating bansa.

    Malusog din sa progresibong kritika ang sinabi mo tungkol sa “citizenship, nation-building, etc.” Mas madalas kasing ang pagtingin ko, bilang kumikilala sa sarili na progresibo, ay paano tutunggali sa mga larangang ito, hindi ang katulad ng ginawa mong pagkuwestiyon sa mismong larangan. Pamilyar? Hehe.

    Kaya naman sang-ayon ako sa proyektong tunggaliin ang Post-politics na ito. Hehe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: