Mga Espasyo ng Buhay

Noong Oktubre 4-5, itinanghal ang isang kakaibang eksibit sa Faculty Center ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May malamyang titulong “Hayaang Mangusap ang Sining,” ipinakita nito ang magiting pero hindi paladigmang sining-biswal na pumapaksa sa buhay ng mga gerilya ng NPA (New People’s Army). Ang lumikha: si Parts Bagani (hindi tunay na pangalan), ipinakilalang manggagawang pangkulturang taga-Mindanaw. Tinawag siya ni Prop. Alice G. Guillermo, progresibong kritikong pansining, batay sa mga likhang natipon, na “artista ng pakikibaka ng sambayanan” na nagtatanghal sa “natural na kalikasan, lalo na bilang larangan ng tunggalian”. 

Walang gana sa paglikha ng kanyang sining si Bagani. Sa eksibit na ito, ipinamalas ang sampu niyang miyural (may karaniwang laking 3×5 talampakan, ginamitan ng acrylic), ilang pirasong painting sa tila recycled paper na sinlaki ng diyaryong tabloid kapag ibinuka (acrylic) at pitong bungkos ng ilampung drowing at painting sa bond paper (acrylic o sign pen). Pinangunahan ng First Quarter Storm Movement, Tag-ani Performance Arts Society at UP Contend o Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy, mapupunta ang kinita ng eksibit sa pagpapagamot kay Prop. Monico M. Atienza, makabayang propesor, na nananatiling nasa comatose. 

parts-02.jpg

Buhay-NPA sa librong pambata 

Sa isang pakahulugan, napagliwanag ni Bagani ang lugar ng eksibit sa loob ng dalawang araw. Katangian ng lahat ng kanyang miyural at painting na nasa bond paper ang paggamit ng maraming buhay at tawag-pansing kulay – na napatampok pa ng paggamit niya ng solidong mga shadow. Aakalaing galing sa primera klaseng librong pambata ang mga imahen at ang pagkakaguhit niya – kahit ang black and white na mga drowing na ginamitan ng sign pen – dahil may lambing at init sa mata. Parang nahulaan niya ang pamimilosopo ng ilan na magsasabing “Seryoso na nga ang paksa mo, seryoso pa ang pagkakaguhit mo,” at nagpakalayu-layo sa ganito.  

Isang bungkos ng mga likha sa bond paper ang pumaksa sa mga kampo ng NPA sa gubat at iba’t ibang aspekto nito: pagpapahinga o pagtulog, duyan, sampayan ng damit, lagayan ng baril at gamit, kaldero, pangangahoy at pagluluto. Isang bungkos ang nagpapakita sa NPA sa iba’t ibang pormasyon: naka-“takda na,” nagmamartsa o naglalakad at nakaambang manambang. Isa pang bungkos ang mga larawan ng pag-aaral kasama ang di-armadong mga masa. Huling bungkos ang iilang likha na kakaiba ang paksa: pag-alaga sa sugatan, pagsasanay-militar sa mga monkey bar, pangkulturang pagtatanghal ng mga bata, bukana ng tunnel sa kuweba, at musang. 

parts-03.jpg

Miyural na masasaya

Hindi maikakaila, gayunman, na ang mga miyural ang tumampok sa eksibit. Sa “Kampong Gerilya”, malapitang ipinakita ang samu’t saring aktibidad sa kampo ng NPA: pagkanta, pagbabasa, pagkukuwentuhan, panonood ng pelikula, gawaing kusina. Nagsasalungatan ang patayong linya ng mga puno at ang mabilog na mga hubog ng mga NPA, gamit ang iba’t ibang tindi ng bughaw, luntian at ube. Sa “Gawaing Masa”, nakabilog sa isang pag-aaral ang pawang nakangiting mga estudyanteng maralita, kahit may hawak ng baril ang nakangiti ring nagtuturo sa harapan. Ilang estudyante ang may hawak na babasahin, ibig sabihi’y nakakabasa. 

Sa “Militarisasyon”, lumilikas ang mga magsasaka palayo sa napasabog nang mga sasakyan ng militar, habang walang magawa sa langit ang ilang helikopter. Sa itaas ng “United Front”, nakapila ang imahen ng mukha nina Marx, Lenin at Mao – taas-noo, paling sa kaliwa ng nakatunghay. Sa baba, nakatipon ang nakatawang mga Pinoy mula sa iba’t ibang sektor, may dalang mga panawagan. Sa “Pulang Bagani”, masinsin at malapitang ipinakita ang isang lumad na kalmadong umaasinta sa pana. Buhay-NPA ang paksa ng “Long March”, “Baseng Gerilya”, “Banag-Banag” at “Bawat Hakbang, Tagumpay”. Maralitang mag-ina ang paksa sa “Ina at Anak, Ata-Manobo”.  

parts-04.jpg

Espasyo at panahon 

Sa kanyang mga likha, ipinakita ni Bagani ang buhay ng mga taong dahil lumalaban sa imperyalismo at naghaharing mga uri, na mga kampon ng kamatayan, para sa higit pang buhay ay kinailangang tumungo sa kanayunan at kagubatan para iligtas ang sariling buhay. Hindi malupit ang nayon at gubat sa mga likha niya: malawak at maganda ang mga ito, kumakanlong sa mga NPA. Ipinakita niya kung paanong higit sa pagtatawid-buhay, buhay na makabuluhan – at masaya! – ang napaunlad nila sa pagsisikap. Tunay na mga espasyo ng buhay ang nabuo nila kung saan lumalaya ang pagkatao, kamalayan at kakayahan sa piling ng kapwa – ng masa at kasama. 

Hindi man literal na nangungusap, mahalagang ambag ang mga likha ni Bagani sa pagkuwestiyon, kung hindi man pagkontra, sa propaganda ng US at gobyerno na naglalarawang demonyo – walang puso, nanlilinlang gamit ang baluktot na ideohiya at nananakot gamit ang dahas – ang NPA. Tungkol man sa espasyo ang sining niya, tungkol din ito sa panahon: Hindi sloganeering ang mga imahen dito ng tagumpay, kundi target at inspirasyon ng mga pagsisikap ngayon – nagpapagaan sa mabigat na dalahin, nagpapaikli sa mahabang lakbayin. Nagawa mang nakakabuhay ang nayon at gubat, hindi sila tahanan – kundi atrasan lamang para sa opensiba ng tagumpay. 

Sa sining ni Bagani, matingkad ang “makatao” sa “makataong digma” – salalayan ng hindi nagdadalawang-isip na optimismong humahawi sa paninindak ng mga kaaway.  

08 Oktubre 2007, nalathala sa Pinoy Weekly

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: