Online Dossier at iba pang Pag-aalalang Neo-Luddite hinggil sa Internet

Bilang taong ang tingin sa sarili ay progresibo, sang-ayon akong kailangang ituring ang Internet – partikular ang tinatawag na blogosphere – na larangan ng tunggalian ng mga ideyang konserbatibo at progresibo, mapagpalaya at mapanupil sa lipunan natin. Hindi na maikakailang marami-raming tao na ang naaabot sa pamamagitan nito – nagbabasa, nakakakita, nakakarinig, namumulat at sa ilang panahon at isang antas ay kumikilos.

Isang usapin sa pagiging larangan nito ng tunggalian ang bilang ng taong naaabot nito. Dahil sa atrasado at maralitang lagay ng bansa natin, mas naaabot nito ang mga nasa panggitnang uri at nasa naghaharing mga uri na nakakonsentra sa mga lungsod sa bansa. Mas naaabot pa nga ng mga website at blog sa Pilipinas ang mga Pilipino sa ibang bansa, gayundin ang mga dayuhang interesado sa mga nagaganap dito sa atin.

Napakaliit na porsiyento ng populasyon ang naaabot ng Internet, wala pa yatang 15%. May nabasa akong nagsasabing humigit-kumulang isang milyon lang ang regular na gumagamit nito sa bansa. Lumalabas ding ang nangunguna sa pagpaparami sa regular na mga gumagamit nito ay ang mga internet shop. At karamihan ng nagpupunta sa mga internet shop, naglalaro lang ng internet games, hindi nagbabasa ng mga sulatin dito.


Ilantad ang kabilang panig

Hanggang sa puntong ito, sa tingin ko, wala pa akong nasasabing bago. Ang totoo, sinasabi na ang mga puntong ito ng mga progresibo sa bansa sa kanilang mga blog at website. Ang nakakabahala, gayunman, hanggang sa puntong ito lamang ang nasasabi nila: Na kakaunti lang ang naaabot ng Internet sa bansa. Pero sinasabi rin iyan ng mga kapitalista at maka-kapitalista. Ang totoo, problema ito ng mga tumutubo sa Internet – hindi ng mga progresibo. Kaya kailangang magpalalim sa progresibong pagtanaw rito.

Hindi tampok ni tumitining sa mga blog at website ng mga progresibo ang paglalantad sa dominanteng katangian ng Internet: na bulok ito, nag-uumapaw sa reaksiyunaryo, konserbatibo at dekadenteng mga ideya, pagnanasa at ligaya. Na sa malaganap na paggamit dito ngayon sa Pilipinas – tampok ang internet games, pornograpiya, at paghahanap ng makakatalik para magparaos o magpayaman – pagsakmal ito sa atensiyon, oras, lakas at talino ng marami palayo sa kalagayan at pakikibaka ng bayan.

Hindi rin tampok ni tumitining ang tubo ng mga kapitalista: mula pagbili ng kompiyuter o laptop hanggang pagpapakabit ng Internet – gayung tulad ng text, libre noon ang huli. Hindi rin nababanggit ang kagustuhan ng mga kapitalistang palaganapin ang paggamit ng kompiyuter at Internet sa bansa. Sa sanaysay niya tungkol sa “ekonomiya ng atensiyon,” inuulat ni Jonathan Beller, progresibong intelektuwal, na pinondohan ng mga kapitalista ang paggawa ng Friendster at mga katulad nito para sa kanilang patalastas.

Oo, larangan ng tunggalian ang Internet – pero dehado ang mga progresibo rito. Oo, mahalaga ang mga petiburgis sa pulitika ng pagbabago dahil madali nilang magagap at maibahagi ang progresibong mga ideya. Oo, nag-iisip na seksiyon nito ang nasa blogosphere. Pero papaling-paling ang mga petiburgis, at dominante sa Internet ang mga puwersang hahatak sa kanila palayo sa pagbabago. Oo, pag-usapan natin ang pagba-blog, pagwe-website – pero maging kritikal tayo. Mangahas tayong maglantad.


LABANAN ANG MGA IDEOLOHIYA NG INTERNET

Sa isang banda, hindi ko hinihinging lumabas sa blog ng mga progresibo ang nasabi ko. Pero sintomas ang hindi paglabas ng mga ito ng sa tingin ko ay kahinaan sa kritikal na pagsuri sa Internet at mga aspekto nito. Dahil sa kahinaang ito, hindi natutunggali ang ilang matutukoy nang mapanlinlang na ideolohiya sa blogosphere – huwag munang isama ang mga ideolohiyang halatang konserbatibo o reaksiyunaryo. O ang abstraktong satsat ni Prop. Randy David tungkol halimbawa sa umano’y “pagpili ng identidad” dito.

Hinggil sa makabagong teknolohiya. Sa kabuuan, kalakaran ng mga blog ang yumakap sa bago. Sa mga blog, mayaman ang talastasan, lalo na ng mga “techie”, hinggil sa bagong teknolohiya: mula paggamit ng mga programa sa kompiyuter at mga pauso sa Internet, hanggang pagnanasa sa modelo ng mga gaheto. Puwedeng paghahanap ng may pakinabang sa pulitika ng pagbabago. Puwede ring resulta ng likot ng mga utak. Pero may pagpaling din ito sa pagiging materyalistiko at sa pakikiuso ng mga petiburgis.

Hinggil sa pagiging voyeur at exhibitionist. Ayon sa isang sikat na blogger sa diumano’y mga blogger na hayskul, puwede kang maging alinman sa dalawa sa Internet. May palagay ito tungkol sa uri ng mga tao sa blogosphere: Dahil ang maralita, kapag namboso, bastos; kapag naghubad, cheap o ambisyoso. Kagyat na pagba-blog lang ang udyok nito. Sa pinakamabuti, liberal itong pagtulak sa lahat na magpahayag. Sa pinakamasama, tugma ito sa pagtinging panira sa seksuwal na kaligayahan ang pulitika.

Masagwa sa mga progresibo ang tumalima rito – sa blog, Friendster, Multiply, Twitter at iba pa – o banidosong ilahad ang mga detalye at larawan ng buhay-petibugoy na dapat ay hindi makasarili at walang mukha para sa Estado. Mapanganib din. Pinapadali nito ang paniniktik ng militar sa mga aktibista at kanilang personal na network. Sa mata ng militar, online na ang dossier mo, Bok! Oo, mayroong kill-joy at party pooper sa Internet. Sila pa rin naman: may armas, nanliligalig at sumusupil sa mga kritiko ng gobyerno.


Tayo ang gumamit sa teknolohiya

Kailangang mulat tayong tayo ang gumagamit sa Internet, o sa teknolohiya sa pangkalahatan. Dahil kung hindi, tayo ang magagamit nito. May progresibong gamit ang Internet; pero nangingibabaw ang konserbatibo, reaksiyunaryo, o tahasang dekadenteng gamit nito. Hindi ako sang-ayon na palaganapin ng mga progresibo ang pagba-blog. Maglako tayo ng progresibong mensahe, hindi ng midyum lamang na bagamat tila walang pulitika ay dominado sa aktuwal ng mga kalaban ng pulitika ng pagbabago.

20 Oktubre 2007

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • sarah  On October 20, 2007 at 5:28 am

    at last! a tough and thoughtful critique of the internet and the practice of blogging. that celabratory disposition towards blogging that borders on triumphalism (this is it! we’ve found our medium! let’s spread the good news!) forgets the panoptic mechanism at work in the blogosphere. grabe kaya dito. and i’m not only talking about military surveillance. i know some people, progressives and activists who get all sorts of threats, including job security-related threats on account of their blogs.

    and whoever thinks that one can actually assume various forms of identities in the internet, making it a subversive highway for ‘soft subversions’ is utterly mistaken. He/she assumes that in the symbolic order – the ‘non-world wide web order’ is a realm where s/he take of his/her mask and becomes his/her true self. Whether in real life or in the blogosphere, we do wear a ‘mask.’ We assume a symbolic identity on account of our precipituous identification with a particular discourse. And whether in the net or in real life, the question of identification is the crux of the problem of ideological battles launched in all fronts.

    And based on my online networks (some friends i have made tisod along the way, and those that i usally stalk but don’t make friends with kasi i’m such a snob, hehe), i have to agree with you teo, so true, mas marami pa ring nagsasubscribe sa cheap version ng liberal humanism, meron ding mga clerico-fascist, merong mga gustong umarrive pero di lang talaga kasya kaya kung ano-ano na lang kahangalan at cheap attachments ang itinatanghal–minsan nga naiisip ko, kung buhay lang si erving goffman, maglulupasay yun at maiisipan niyang i-overhaul ang kanyang konsepto ng impression mangagement at self presentation! haha!

    totoo, huwag nating tawaran ang powers ng blogging at ng world wide web in general–pero di na nga natin kelangang sabihin ito dahil ito na mismo ang mensaheng gustong iparating ng mga IT think-tanks. walang pinagkaiba sa akademya, totoo, terrain of contention pero dun sa may oblation, may umaafro. ang problemahin natin ay yung kabilang mukha ng internet, yung pagiging ideolohikal na kasangkapan ng estado nito. dahil yun talaga ang problema natin. at batay doon, bilang progresibo o aktibista, ano ang lalamanin ng ating mga blog? ano ang mga impormasyon na kailangan o di kailangan na nandon? sino ang gagawing nating ka-network? at higit sa lahat, ano pang ibang klase ng pagkilos o gawain ang maaari nating gawin bukod sa pagboblog upang makamit ang ating mga ninanais?

    dahil kung ang tanong natin ay kung paano natin imamaksimisa para sa ating bentahe ang blogging, para namang di natin alam na bago pa man natin naitanong yun ay namaksimasa na ng malalaking mamumuhunan ang ating attachment sa teknolohiyang ito.

  • kapirasongkritika  On October 20, 2007 at 4:51 pm

    Ayan ka na naman: Salamat muli sa blog entry sa blog ko! Hehe.

    Salamat sa pag-appreciate, at sa paglahad ng mga ideya nang mas malinaw at mas matalas sa kakayanin ko — at mas pasulong! Hehe.

    Dagdag ko sa mga tanong mo: Lahat ba talaga tayo, dapat mag-blog? Ilan lang sa atin? Gaano karaming oras?

    Personal ba ang karanasan mo sa mga banta hinggil sa trabaho? Hehe.

    Ano naman ang masasabi mo sa picture ni Fredric Jameson? Mailagay lang? Hehe.

  • Professor Jing Gilan  On November 19, 2007 at 1:14 am

    E ano ngayon ito sa mga taong walang Computer ?

    Nasa taong gumagamit ang desisyon kung paano nila ito gagamitin.

    Walang dapat labanan.ang dapat ay turuan ang mga Pinoy maging mulat at hayaang sila ang tumuklas ng paraan tulad ng gingagawa mo.

    Pero mas marami pa rin ang drug addict, walang makain at nakakalat sa kalye para tulungan.

  • kapirasongkritika  On November 19, 2007 at 9:14 am

    Salamat sa komento, Professor Jing Gilan.

    Totoo, wala gaanong kabuluhan ito sa mga taong walang computer. Pero sa pangkalahatan, masasabi kong para talaga sa mga taong may computer ang lahat ng laman ng Internet. Ibig sabihin, ang palagay ko, ang nakakabasa nito, sangkot sa mga usaping ito.

    Tama, nasa tao talaga ang desisyon kung paano gagamitin ang teknolohiya. Sang-ayon din ako na “turuan” ang mga Pinoy sa maka-Pinoy na paggamit ng Internet — pero agad kong ihahabol na sa pangkalahatan ay maraming mas bukas na entry point para rito.

    Sang-ayon din akong kung anuman ang ginagawa natin sa Internet ay dapat nating ilaan sa paglilingkod sa mga walang makain at nakakalat sa kalye, at para rin malunasan ang iba’t ibang klase ng adiksiyon — petisismo! — sa bansa natin.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: