Kasamang Gloria

Sa “GMA at age 15”, kolum ni Domini M. Torrevillas sa Philippine Star nitong Oktubre 27, inilathala niya ang “Teener Talks on Palace Life” – artikulo niyang lumabas noong Mayo 1962 sa Manila Bulletin. Batay ang artikulo sa panayam niya sa isang Bb. Gloria Macapagal, na noo’y 15 taong gulang pa lamang at bagong residente ng Malakanyang. Tungkol ito sa paninirahang noo’y maikli pa lamang ni Bb. Macapagal sa Palasyo. Ano kaya ang implikasyon ng muling paglilimbag ng artikulo sa pag-alis sa piitan sa Tanay at pagbabalik sa Greenhills ni dating Pangulong Joseph Estrada? Sa harap ng grabeng pagkapit-tuko ni Gloria Macapagal-Arroyo, presidente diumano ngayon, sa Palasyo?

Kung anuman, makabuluhan ang artikulo sa pagkilala kay Gng. Arroyo, sa edad na ito kahit paano. Lalabas na bilib na bilib ang batang Gloria sa kanyang amang si Diosdado: “Napakarunong ng ama ko,” sabi niya. “Hindi ko ipinagmamalaking sabihing anak na babae ako ng Presidente. Sapat na sa aking maging anak niya.” Tungkol sa pananatili sa Malakanyang, aniya, “Gustung-gusto ko rito. Puwede akong manatili sa palasyo nang buong buhay ko at gugustuhin ko ang bawat sandali nito.” Tungkol naman sa pulitika: “Madalas sabihin ng mga tao na marumi ang pulitika, pero hindi ako sang-ayon dito. Maraming bayani ang nasa pulitika. Ang totoo, esensiyal ang pulitika sa demokrasya.”

Sa isyu naman ng Philippine Daily Inquirer noong Setyembre 23, lumabas ang artikulong “GMA supported communist movement, but hated Joma” na isinulat ni Philip Tubeza. Tungkol ito sa pagkakasangkot o “aktibong pagsuporta” ni Gng. Arroyo sa kilusang komunista sa bansa “noong mga taon ng batas militar hanggang sa maagang bahagi ng dekada 80.” Batay ito sa salaysay ng mag-asawang Edna at Alex Aquino, mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas o PKP noong panahong iyon at ngayo’y taguyod ng karapatan ng mga migranteng Pilipino. Tungkol sa pag-iibigan at pagsasama ng dalawa ang artikulong nagluwal sa maikling artikulo tungkol sa pakikisangkot ni Gng. Arroyo.

Lilitaw na hanggang sa panahong iyon, sinasamba ni Gng. Arroyo ang ama niya. Ayon kay Edna, naging kontra-Marcos na personalidad siya dahil sa tatay niya: “Labis-labis ang pagmamahal (devotion) niya sa ama.” Matatandaang tinalo ni Ferdinand Marcos si Diosdado Macapagal sa halalang 1965. Ayon sa mag-asawa, mulat na tumulong si Gng. Arroyo sa Kaliwa. Nagsulat siya ng mga position paper hinggil sa lagay ng ekonomiya noon at sa dapat sunding modelong pang-ekonomiya kapag napatalsik si Marcos. Sabi ni Edna, “Isa siya sa mga taong sumuong sa mga panganib. Nagkaroon kami ng mga talakayang bukas at malalim.” Sa proseso, naging magkaibigan sina Gng. Arroyo at Edna.

Dahil sa tuluy-tuloy niyang pagtulong, inimbitahan si Gng. Arroyo na sumapi sa National Democratic Front o NDF. Hindi siya sumapi, gayunman, dahil binansagan ni Prop. Jose Ma. Sison, tagapangulo sa pagkakatatag ng PKP, na tuta ng imperyalismong US si Diosdado Macapagal. Laman ang “bansag” na ito ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, batayang dokumento ng Kaliwa na isinulat ni Sison sa pangalang Amado Guerrero at nalimbag noong 1971. “Galit na galit si Gloria sa ganoong pagbansag sa tatay niya pero galit na galit din siya kay Joma.” Dahil, ayon sa artikulo, “hindi rerebisahin ng partido ang impluwensiyal noong sulatin” ni Prop. Sison, hindi naging kasapi ng NDF si Gng. Arroyo.

“Ano siya, sinusuwerte?” ang sagot marahil ng mga rebolusyunaryo noon – at kahit ngayon. Sa isang banda, napakalaki ng kanyang hinihingi: Parang paggigiit ng isang marerekluta sa isang sektang Kristiyano na burahin sa Bibliya ang lahat ng pagbanggit sa muling pagkabuhay ni Hesukristo. Usapin ito ng prinsipyo, na hindi isinusuko para makapagpalawak. Sa kabilang banda, napakaliit ng kanyang hinihingi: Kung unawa niyang papet ang lahat ng naging pangulo ng Pilipinas, bakit niya ipaghihimutok at hihilinging burahin ang gayong pagbansag sa kanyang ama? Lilitaw na hindi buo sa kanyang loob ang pagsapi – at gusto lang niyang maglusot ng personal na pakinabang.

Ngayon, bagamat kritikal si Edna sa rehimen ng kanyang naging kaibigan – sa rekord nito sa karapatang pantao, partikular sa ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista, sa usapang “Hello Garci” at pakikipagkasundo sa mga Marcos – iginigiit niyang dapat kilalanin ang naging rekord ni Gng. Arroyo sa paglaban sa diktadura. Kinukuwestiyon o binabalewala diumano ito partikular ng mga dikit kay dating Pangulong Corazon Aquino. “Bakit pagkakaitan siya ng gayong pagkilala sa ambag niya bilang indibidwal?” Dagdag pa niya, nakaugat ang ganitong aktitud kay Gng. Arroyo ng mayayamang naging aktibistang kontra-Marcos noon sa pagiging kadikit niya ng Kaliwa.

Tama nga naman. Nangyari na ang nangyari. Datos nang hindi mapapasubalian ang mga ginawa ni Gng. Arroyo noon. Mas mauunawaan, gayunman, ang kontra-Marcos na rekord niya kung ilulugar ito sa tinakbo ng buong buhay niya. Magagawa sana ito nang masinop kung nakalatag ang mas kumpletong datos sa buhay niya. Pero kung bubuo na ngayon ng makatuwirang hinala o palagay, tatampok ang mga ginawa ni Gng. Arroyo bilang pangulo na kabaligtaran ng, at taliwas sa, pangkalahatang diwa ng paglaban noon sa diktadura. Bakit? Dalawa ang puwedeng pagsimulan. Posibleng may nangyari sa kanyang radikal sa pagitan ng 1983 at 2001: Narekluta siya Satanismo, halimbawa.

O – at ito ang mas posible – sa ilalim ng magkakasalungat niyang mga aksiyon, may nanatili at nagpatuloy na pananaw sa daigdig o personal na interes o praktikal na disposisyon na pinagmulan at nag-organisa sa magkakasalungat na mga aksiyong ito. Nilabanan niya ang diktadurang Marcos pero pagpapanggap lamang ang ipinagkaiba ng rehimen niya sa pagyukod sa dayuhang mga interes sa ekonomiya, pulitika at militar; marahas na pagsupil sa mga kritikal at lumalaban; maruming pulitika; pagdambong sa kabang-bayan at grabeng panloloko sa madla. Nagyakap at nagbeso na sila sa publiko ni Imelda Marcos. Binabatikos ang rehimen niya sa pakikipagkasundo sa pamilya nito.

Sang-ayon sa lohika ni Edel E. Garcellano, progresibong intelektuwal, sa kanyang “A Conjectural Letter to the Children of the Third Generation”, kung walang Gloria Macapagal-Arroyo, ang ekonomiyang agrikultural at dinodomina ng dayuhan, ang estadong neo-kolonyal, ang bulok at kontra-mamamayang pulitika, ang militarismong takot sa paglakas ng Kaliwa at ang giyera “kontra-terorismo” ng US, ang pagkatuto at pagkatuso ng isang paksiyon ng naghaharing mga uri – gagawa ng paraan ang lahat ng ito para mag-imbento ng isang Gloria Macapagal-Arroyo. May mga personal na salik kay Gloria, gayunman, na sumalubong sa ganitong pangangailangan ng sistema ng lipunan.

Mula noon hanggang ngayon, nagpatuloy ang sumusunod na personal na katangian ni Gng. Arroyo: (1) Gaya ng malinaw sa itaas, grabe ang kanyang bilib at katapatan sa kanyang ama. Sa kanyang pagkapangulo, naglabas siya ng unang modelo ng P200 kung saan ama niya ang nakalagay. Sa kanyang ama rin niya ipinangalan ang pinakamahal na lansangan sa buong mundo. Tila napapatindi ang pagpapahalaga niya sa sarili ng pagpapahalaga niya sa kanyang ama. (2) Nakadireksiyon ang buhay niya sa gobyerno, na siyang humubog sa buhay niya. Noong hindi siya bahagi ng gobyerno, noong panahon ng diktadura, tinuligsa niya ito. Hindi niya ito iniwan o tinantanan.

(3) Handa siyang makipag-ugnayan at pumabor kahit kanino, basta’t makakatuwang o magagamit niya, sa kagyat o sa hinaharap, sa pagsusulong ng kanyang interes. Sa artikulo sa itaas, tampok ang pakikipag-ugnayan niya sa mga komunista. Nabanggit din ang pakikipagkaibigan niya noon sa mga opisyal ng gobyerno ng Tsina. Pero malalim rin ang tiwala niya sa nangungunang mga anti-komunistang sina Norberto Gonzales at Romeo Intengan. Lumaro siya sa mga aktibistang NGO at sa mga teknokrata. Naging kaibigan niya ang diumano’y mga jueteng lord sa Pampanga, ang diumano’y ekspertong mandaraya sa eleksiyon mula sa Bukidnon, ang butangero mula sa Iloilo, at iba pa…

Sa ganitong pagsusuri, hindi ikinakaila ang rekord ng paglaban sa diktadurang Marcos ni Gng. Arroyo. Kinilala rito ang mga datos na inilahad pangunahin ni Edna Aquino – pero inilulugar ang mga ito sa konteksto ng buhay ni Gng. Arroyo. Sa ganitong kabuuan nagiging mas malinaw ang yugto ng paglaban niya sa diktadura. Bagamat palaging may mga sorpresa para sa Kaliwa sa mga taong mula sa naghaharing mga uri, hindi palaging kabutihang loob ang nasa likod ng pakikipag-ugnayan nila sa Kaliwa. Ganyan ka-ordinaryo ang katotohanang nasa likod nitong tila nakakagulat na pagsisiwalat o balita.


28 Oktubre 2007

Sa sanaysay niyang “Blogismo”, sinagot ng matalik kong kaibigang si Mong Palatino ang isinulat kong “Online Dossier at iba pang Pag-aalalang Neo-Luddite hinggil sa Internet”. Ngayon, kung hindi siya manlilibre ng tanghalian isang linggo mula sa paglabas ng sanaysay na ito, sasagutin ko ang isinulat niya. Hehe. Biro lang. Kilala ko si Mong, na bilang tagahanga ng historyador na si Teodoro Agoncillo ay nagpakita ng kakayahang makipag-debate nang hindi nakikipag-personalan. Karapat-dapat ang mga punto niya sa isang sagot. Sasagot ako sa susunod kong sanaysay sa blog na ito. Hanggang sa muli.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • droidz  On October 30, 2007 at 7:12 am

    Sa panahon ng Martial Law, sa tingin ko kahit sino’y naging anti-Marcos, at ayon nga sa mag-asawang Alex at Edna Aquino, pati na si GMA. Ang tanong ngayon, e weno naman ngayon? Nagmarka ba ang pagiging anti-Marcos nya, o ang sinasabing pagiging “progresibo” nya (na naging dahilan ng pagkaka-imbita nya sa NDF)? Malinaw na hindi. At kung mayroon mang anumang marka (o mantsa) na naiwan, malinaw ding nabura na ito ng mas matindi nyang rekord sa kasalukuyan. At iyon siguro ang mas mahalaga.

  • kapirasongkritika  On October 30, 2007 at 7:18 am

    Salamat sa komento, Droidz.

    Hindi naman yata lahat naging anti-Marcos. At hindi rin lahat ay aktibong nag-ambag sa pagpapatalsik, kaya dapat kilalanin din.

    Sang-ayon ako, na hindi nga nagmarka ang pagiging progresibo niya sa kasalukuyan niyang pamumuno.

    Tama rin na nabura ang anumang naitulong niya ng mas masasama niyang ginawa.

    Sa tingin ko lang, may mapipiga pa tayo sa tinakbo ng buhay niya na magtuturo sa atin ng esensiyal sa kanya bilang tao na ngayon ay presidente.

    Salamat!

  • stuart-santiago  On November 5, 2007 at 5:28 am

    interesante ang kuwento mo tungkol sa pagiging dikit ni gma sa kaliwa nuong diktaduryang marcos. pero bakit di siya umeksena nuong edsa uno? bakit di siya kasama ng mga anak ng mga dating pangulo — nini quezon, vicky quirino, rosie osmena, linda garcia — na ayon kay nick joaquin (quartet of the tiger moon 1986) “made the rounds of the embassies urging foreign diplomats not to recognize Marcos as President-elect.”

    boykot din kaya siya sa snap election, tulad ng kaliwa? pero nagpunta pa rin ang kaliwa sa edsa, di ba.

    maiba ako. ang sarap mag-tagalog. salamat kay karlo mikhail (postcardheadlines) natisod ko ang kapirasong kritika.

  • kapirasongkritika  On November 5, 2007 at 8:00 am

    Gng. Stuart-Santiago,

    Maraming salamat at napansin ninyo ang abang blog ko.

    Nagulat po ako nang makita ang pangalan ninyo, dahil nakikita at napasadahan ko na rin po ang libro ninyong “Himagsikan sa Edsa”.

    Sinipi ko lamang po ang isang istoryang lumabas sa Inquirer.

    Nakakatuwa po ang datos na inilahad ninyo. Mainam nga pong mapalalim pa. At tingin ko po, mas kayo ang nasa katayuang magpalalim dito. Sana makasulat kayo hinggil dito — at least ang mga lacunae ng mga account tungkol sa Edsa 1 hinggil sa pakikisangkot ni Gloria.

    Masarap po talaga ang mag-Filipino. Natutuwa po akong isiping sana ay nababasa at naiintindihan ng karaniwang estudyante sa pampublikong hayskul ang isinusulat ko.

    Salamat din kay Karlo Mikhail. Ili-link ko po ang blog ninyo pareho.

    Salamat po ulit!

  • stuart-santiago  On November 5, 2007 at 4:56 pm

    ay, ang saya naman! salamat din sa ‘yo. bihira ang nababalitaan kong nakabasa ng “himagsikan…” nasabihan pa nga ako minsan ni amando doronila ng inquirer na sana ay sa inggles ko isinulat para nabasa niya (bisaya daw kasi ang alam niya). sabi naman ng iba, hindi nagbabasa ng tagalog/filipino ang naghaharing-uri, sayang lang ang pagod ko. actually okey lang sa akin na hindi nabasa ng powers-that-be, hindi naman sila ang target ng “himagsikan”, pero nanlata ako kay doronila dahil ang dating niya, sorry na lang ako. excuse me. sorry na lang siya. sorry na lang ang readers niya.

    tungkol kay gloria at kung bakit di siya umeksena sa original edsa, matagal ko nang itinatanong kung kani-kaninong sources pero tila nobody knows, it’s a closely guarded secret? what she was up to at the time. in all my research never naungkat ang pangalan niya. hayaan mo, pag sinipag ako, susulat ako ng letter to the editor sa star at sa inquirer, sa kanila natin ipa-research.😉

  • kapirasongkritika  On November 6, 2007 at 8:34 am

    Nakatulong po na tawag-pansin ang magandang cover ng libro ninyo, kaya nakita ko agad.

    Sana po, sipagin kayo. Interesante lang. Hehe.

    Ingat po.

  • Secret  On February 26, 2008 at 8:50 am

    Sana bumaba ka na sa pwesto mo..,.,.,..,.,.,. Di bagay sa iyo.,.,.,.,.,.,.,.,. jokeeeeeeeeeeeeeeeeeeeee

  • Glued-Domino  On February 12, 2009 at 10:33 am

    Ang nangyaring paghihimagsik ng mga mamamayan laban sa dating Pangulo Ferdinad Marcos ay hindi nangyari na parang magic. Ang apat na araw na yon ay sukdulan lamang ng isang mahabang panahong pakikibaka ng mga mamamayang Filipino. Katuparan at bunga ng mga buhay at dugong ibinuwis ng mga tapat na mamamayan upang makamit ang kalayaan. Kung kasama si GMA sa mga nag-ambag para sa katuparan nito salamat naman. Febrero na naman, mag paplastikan na naman ba tayo sa EDSA celebrations. Maryosep ka GMA. Show your love to your country. Umpisahan mo ng paglulungin ang ulo ng mga pasaway sa gobyerno at ng mga nasa paligid mo. Oyy, oyyy hindi ko sinabing unahin mo si FG ha. Sabagay pwede na rin, next mo siRAULo please

  • leonora  On December 4, 2009 at 9:26 am

    paki blog nalng rin po kong ano-anu ang nagawa ni Pangulong Gloria Arroyo sa Bansang Pilipinas. Kasi po project namin sa Monday.

  • kapirasongkritika  On December 5, 2009 at 3:50 pm

    Naku, sorry po. Hindi po ako makakapagsulat ngayon ng ganyan, ng kritikal na ebalwasyon sa nagawa ni Gloria. Marami kasi akong ginagawa ngayon.

    May isang blogger na magaling lumikom at maglahad ng datos, tingnan mo:

    http://arnoldpadilla.wordpress.com/

  • maimai  On June 30, 2010 at 1:10 pm

    ano ang mga ebalwasyon ni presidente Gloria Macapagal Arroyo sa mga edukasyon, kalusugan, katahimikan, at trabaho.. INEED IT FOR MY ASSIGNMENT:>

  • kapirasongkritika  On July 2, 2010 at 10:06 am

    Dito sa blog na ito ka maghanap ng sagot:

    http://arnoldpadilla.wordpress.com/

    Di ka mabibigo diyan.

Trackbacks

  • […] na taon niyang panunungkulan. Tulad ng mga namumuno sa Tsina ngayon, at sa Japan sa isang panahon, dating aktibista si Gng. Arroyo – masakit mang aminin. Marahil, hindi lingid sa kaalaman niya ang suri ng Kaliwa sa Estado: na […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: