Blog na Blog Mong Sasabihin*

Hindi ko inasahan, pero marami-rami na ang naisulat – maalab o pakutya – na tugon sa sanaysay kong “Online Dossier at iba pang Pag-aalalang Neo-Luddite hinggil sa Internet”. Sa pagkakaalam ko, pinakamatalino sa mga ito ang sanaysay na “Blogismo” ng kaibigan kong si Mong Palatino. Sa pagkakataong ito, tutugon ako sa mga kritiko ng nasabing entri ng blog ko. Dahil itinuturing kong pinakamainam na tugon ang isinulat ni Mong, mas ituturol ko sa mga punto niya ang tugon ko, habang tinutugunan ang iba pa.

Una, ilang paglilinaw na taliwas sa ilang naging pagbasa sa isinulat ko: Hindi ako tutol sa pagba-blog per se. Hindi rin ako tutol sa pagba-blog ng mga progresibo. Gaya ng nasabi ko, makatuwirang ituring ang Internet, lalo na ang sinasabing blogosphere, na larangan ng tunggalian kung saan dapat lumahok ang mga progresibo. Nasabi ko pang may mga namumulat dito, napapakilos sa isang antas, at posible ring naoorganisa. Ibig sabihin, walang batayan ang akusasyong “palasuko” ako sa larangang ito ng labanan.

Pero malinaw ang batayan ko kung bakit nasasabi kong kailangang mag-blog ang mga progresibo at lumahok sa Internet at blogosphere at doon ay makitunggali. Bagamat naidiin ko ang limitadong saklaw ng naaabot ng Internet sa Pilipinas, nasabi ko rin namang marami-rami na rin itong naaabot sa bansa – partikular marahil ang mga petiburgis sa mga kalunsuran sa buong kapuluan. Ito ang batayan ko sa pagtingin ko.


SALA

Sa tingin ko, gayunman, kalabisan ang ilang batayang nasabi ng mga kritiko ng naunang sanaysay ko na mga dahilan nila sa pagba-blog at paghikayat sa ibang tao na mag-blog. Hindi man magandang sa debate lumalabas ang mga batayang ito, mainam na ring naglabasan ang mga batayang ito ng mga progresibo – para mapakinis o maiwasto.

(1) Ayon kay Mong, hindi hinahatak ng mga aktibistang blogger ang mga kabataan “na mag-blog para lamang mag-blog (to blog just for the sake of blogging)”. Pero sinabi rin niyang “Pampulitikang pahayag ang pagba-blog. Pinagtitibay nitong may karapatan ang lahat na ilathala ang… opinyon sa Internet. Binibigyan nito ng kapangyarihan ang karaniwang mga mamamayan na ilahad ang sa pakiramdam nila’y makabuluhan sa kanilang buhay”. Sa tingin ko, “blog for blog’s sake” ang tunguhin ng sinasabi dito ni Mong. Hindi na mahalaga ang nilalaman; pampulitikang pahayag na ang mag-blog.

Kung ang mga magsasaka at manggagawa – at ang marami pang maralitang hindi marunong magbasa at magsulat – sa lipunan natin ang nagba-blog na, tiyak akong dakilang pampulitikang pahayag na nga iyon, rebolusyunaryo pa nga. Sa isang banda, nakakangiti ring isiping pantay ang karapatang mag-blog ng isang estudyanteng hayskul at ni Kris Aquino o Gretchen Barretto – bagamat kahit dito’y humahabol agad ang magkaibang lagay ng pagba-blog sa maalwang hardin ng asyenda at sa internet shop. Sa kabilang banda, hikayat din naman sa konsumerismo ng iba ang daldal ng dalawa.

Dagdag pa ni Mong, “Puwedeng magsimulang mag-blog ang isang tao tungkol sa kanyang pusa o crush pero sa malaon at madali ay mapupuwersa siyang magsulat ng pulitikal kung hindi man subersibong mga komentaryo. Bakit nabura ang artikulo ko? Bakit mabagal ang koneksiyon ng Internet?…” Puwede, pero nangyayari naman ito sa karaniwang buhay kahit hindi mag-blog ang isang tao – sa dami ng nakakasuklam sa ating bansa. Kung gusto mong masuklam pa ang mga petiburgis sa mga nangyayari, maraming paraan, na mas mabilis pa nga: Pagbasahin mo sila ng balita, halimbawa.

Ang punto ko: Kung, bilang mga progresibo, manghihikayat tayo sa mga tao na gumawa ng kung ano, tiyakin natin ang pampulitikang direksiyon at nilalaman. Hindi iyung pinupuri nating pampulitikang pahayag na ang mag-blog at iniaasa natin sa kapalpakan ng internet service providers ang pagkamulat nila. Napaka-abstrakto – oo, akademiko rin – na ilako at papurihan natin ang isang lagusan o midyum na puwedeng gamitin ng isang estudyanteng hayskul at ni Raul Gonzalez. Trans-class: Hindi nararamdaman ang pagkiling natin pabor sa mga uring pinagsasamantalahan at inaapi sa ating bansa.

(2) Ayon pa kay Mong, hinggil sa pag-aalala ko patungkol sa seguridad sa Internet, “Ang magagawa na lang natin ay patatagin ang ating seguridad sa pagpapatibay ng ating ugnayan sa mga kapwa-mamamayan at kapwa-netizen. Nakikipagkaisa kami nang online at offline sa mga indibidwal, grupo at institusyon. Sa pamamagitan ng mga profile na pampubliko namin [sa Internet], kahit paano’y nababawasan namin ang mga banta dahil mayroon kaming anyo ng proteksiyon na mga kasapi kami ng isang komunidad.”

Narito ang palagay ni Mong na batayan ng pahayag niyang ito: “Halos lahat na ng aktibidad ng mga tao ay target ng paniniktik ng Estado. Kaunti lamang ang magagawa natin para hadlangan si Big Brother na mag-espiya sa ating mga aktibidad na online. Maging ang anonymous na mga account ay hindi na ligtas.” Totoo. Pero dahil ba tinitiktikan ang mga progresibo, ibuyangyang na lang nila nang todo ang lahat ng umbok ng kanilang gilagid, anggulo ng mata at kuwento sa buhay? Usapin kung makuha ng mga paniktik ang impormasyon; pero ibang usapin pa ang ibigay na lang ito sa kanila.

Katulad ni Mong, inaaasam kong magwawala ang blogosphere kapag may kapwa-blogger, o sinuman, na daranas ng panunupil ng Estado. Pero kailangang kinisin ang sinabi niya. Dapat bang mag-blog – o mag-Friendster, Multiply, o Twitter – ang lahat ng kabataan para maging ligtas? Ang lahat ng aktibista? Paano kung tinatanaw nilang mag-organisa ng mga magsasaka at manggagawa – sa mga larangang matinding sinusupil ng Estado? Mas makakatulong ba sa kanila ang magkaroon ng account? Paano naman ang mga walang kakayahang gumawa? Dapat ba silang matuto? O pasensiya na lang? Mahirap ituring na aplikable sa lahat ng progresibo ang sinabi ni Mong. Dapat partikular.

(3) Pinaka-absurdong pagbibigay-katuwiran sa pagba-blog at paggamit ng Internet bilang larangan ng tunggalian – Naks! – ang ganito: Maging ang Partido Komunista ng Pilipinas ay may Philippine Revolution Web Central o PRWC at ginagamit nito sa iba’t ibang paraan ang Internet kaya maipagpapalagay nang ang patakaran nito ay gamitin ang bagong teknolohiya sa pagsusulong ng rebolusyon. Dapat nga namang gamitin. Pero pagbastos sa PRWC ang gamitin ito para bigyang-katuwiran ang pag-iral ng lahat ng blog ng mga aktibista: mayroon din namang konsumerista, petibugoy at banidoso.

wbenjamin.jpg

Si Walter Benjamin

LAHAT

Walang kritikal na salita si Mong para sa Friendster, Multiply, Twitter, Web 2.0 at pagba-blog. Pinuri at ipinagtanggol pa nga niya ang huling tatlo. Mayroong nagkomento sa isinulat niya ng “Lahat ng panahon at pagkakataon ay larangan ng tunggalian at lahat ng midyum ay lunsaran ng walang humpay na pakikibaka.” Mayroon pang nanawagan: “Hinihikayat ko ang lahat ng… progresibo sa mga lungsod at bayan, at sa ibayong dagat, na samantalahin ang lahat ng puwang sa Internet. Gamitin natin ito para sa progresibo at rebolusyunaryong adhika. Ibudyong natin sa Internet ang pananaw para sa pagbabago hanggang [sa] lahat ng bayan at bansa.” Sugod, mga kapatid! Sugoood!

Hindi mo maintindihan kung may komisyon ang dalawang sumunod kay Mong galing sa mga internet service provider. Ang alaala ko, kahit para sa PKP, may ranggo ang mga porma ng pakikibaka. Pangunahin diyan ang pagba-blog… este ang armadong pakikibaka ng New People’s Army. Sekundaryo ang “parlamentaryong pakikibaka,” halimbawa. Ibig sabihin, may mga larangan ng tunggaliang dapat pagtuunan ng higit na lakas, oras at talino ng mga progresibo. May mga “larangan” namang hindi kailangang “lunsaran ng walang humpay na pakikibaka.” Hindi rin kailangang “samantalahin ang lahat ng puwang sa Internet”. Baka hindi na tayo makatayo sa upuan niyan at makapagrebolusyon sa labas, kasama ng masa. “Makibaka sa Twitter at Multiply!” Nyek.

Naaalala ko tuloy ang pa-kontrobersiyal na sinabi noon ni Roseanne Arnold, o Barr, na kaya niyang makipagtalik sa kahit anong bagay. Kasama na siguro diyan ang calculator, stapler, o maging ang kulumpon ng buhok na naiiwan sa kubeta matapos maligo. Kung iisipin mo, puwede naman talaga. Pero kung gagawin niya talaga ang makipagtalik sa mga ito, dalawa lang ang puwedeng ibig sabihin: “materyalistiko” talaga siya (gusto lang niya talagang makipagtalik sa mga gamit) o malungkot ang buhay niya (walang ibang taong gustong makipagtalik sa kanya). Ganyan din sa mga progresibong ipinagpipilitang gamitin ang lahat sa Internet: gusto lang talaga nilang gamitin lahat o malungkot sila.

Dahil kung gusto talaga ni Roseanne na makipagtalik sa kapwa-tao, gagawa siya ng paraan – kasama na ang talikuran ang kagustuhang makipagtalik sa lahat ng bagay. Ganoon din sa mga progresibo: kung gusto talaga nilang mag-rebolusyon, hindi puwedeng lahat na lang sa Internet ay papatusin nila. Kung ipagpipilitan nila ang gawin iyon, tiyak na may hindi magandang dahilan. Kailangan nilang mangilatis at pumili.

Dapat ding iwasto ang pagtingin ng ilang progresibo na nangangahulugan ang pagiging progresibo ng buung-buong pagyakap sa makabagong teknolohiya. Sa Pilipinas, dahil mala-kolonyal at mala-piyudal ang atrasadong sistema ng bansa, makatuwiran lamang na ipagdiinang ang sosyalismo ay dakilang hakbang pasulong, pagpapalaya sa mga puwersa ng produksiyon na dantaong hinahadlangan ng mga kaaway ng bayan. May hibo marahil nito ang maluha-luha at tigib sa pag-asang pagtingala ng ilang progresibo sa bagong teknolohiya – na katawa-tawa marahil para sa mga nasa ibayong dagat.

Pero kaugnay ng mga pauso ng kapitalismo sa Internet, mahalagang pakinggan ang paalala ni Terry Eagleton, marxistang intelektuwal. “Minsang sinabi ni Bertolt Brecht na ang kapitalismo, hindi komunismo, ang siyang radikal, at matalinong idinagdag ng kaibigan niyang si Walter Benjamin na ang rebolusyon ay hindi humahagibis na tren, kundi ang paggamit ng prenong pang-emergency. Kapitalismo ang siyang hindi makontrol, at sosyalismo ang siyang naglalayong hadlangan ito. Kapitalismo, gaya ng kinilala ni Marx, ang siyang rebolusyunaryo hanggang sa ugat nito… at sosyalismo ang tumatawag sa atin pabalik sa ating abang katayuan bilang mga nilikhang gumagawa (labouring), nakikipamuhay (socializing), at may materyal na limitasyon (materially limited).” Ibig sabihin, pagpapatangay pa rin sa kapitalismo ang todo-todong pagyakap sa makabagong teknolohiya – kahit pa ituring itong radikal at progresibo ng iba.


ANTI-BLOG

Taliwas sa lumutang na impresyon, hindi ako tutol sa pagba-blog per se. Tutol ako sa partikular na (1) pag-iisip kaugnay ng mga blog, (2) praktika ng pagba-blog, at (3) pagpapalaganap ng pagba-blog. Natugunan ko na ang unang punto sa itaas. Hindi puwedeng todo-todo at makaisang-panig ang pagkakampanya na mag-blog o gumamit ng Internet ang mga tao, kahit ang mga progresibo. Dapat balansehin ito ng paghabol ng mga panuntunan, o etika, lalo na sa hanay ng mga progresibo. Pag-aaral ng ugnayan ng mga bagay-bagay ang diyalektika, kaya dapat ay matanaw natin ang posibleng mga implikasyon ng ating mga panawagan at pagkilos – lalo na kung nariyan at nakikita na. Gaya ng karanasan sa cellphone, kailangang iwasan ang pag-abuso sa paggamit.

Ano, sa tingin ko, ang dapat iwasan o iwasto sa pagba-blog o paggamit ng Internet ng mga progresibo? (1) Ang paggamit na naglalagay sa panganib sa seguridad. Naipaliwanag ko na ito sa itaas. (2) Ang paggamit nang hindi malinaw ang pampulitikang pakinabang. Maraming halimbawang puwedeng mabanggit dito: ilan sa mga tampok ang labis-labis na pagsisiwalat ng personal na buhay at ang tahas o hindi tahas na paghikayat sa kung anong konsumerismo. Bilang surfer, puwede akong sabihang huwag kong tingnan kung ayaw kong makita ang mga ito. Pero bilang progresibo, nag-aalala ako sa hatak sa oras, lakas at talino ng mga progresibo na kinakain ng ganitong mga entri – bukod pa sa pampulitikang direksiyon ng ganitong “hindi pulitikal” na mga entri.

(3) Naniniwala rin akong bagamat dapat makisangkot ang mga progresibo sa Internet at blogosphere, dapat ay tukoy kung ilan o sinu-sino ang dapat gumawa nito – hindi lahat. Dapat ding tukoy kung ano ang lugar nito sa ibang gawain – hindi todo-todo. Dapat ding malay sa usapin ng representasyon ng sarili ang mga progresibo: Sapat na bang may mga larawan ng pagrarali, na pagkatapos ay nilulunod ng mga larawan ng “normal” na buhay na pagpapatianod sa uso sa mga kabataan o mga petiburgis sa pangkalahatan? Natatakot ba tayong matawag na “grim and determined”? Eh akala ko ba, propaganda? Para sa masa ba kung tila pakiwaring Paris Hilton tayo – pina-paparazzi ang sarili?

Anti-Blog ang itinataguyod ko at gusto kong palaganapin sa ilan. Sa tingin ko, may ilang mahalagang bagay na dapat matutunan ng mga progresibo sa kalakaran ng blog bilang porma ng paglalahad: Maikli, direkta sa punto, at magaang basahin at sa gayon ay madaling maunawaan, magagandang larawan, personal na paglahad ng mga opinyong pampulitika na minsan ay nakakapagbigay ng ahitasyon dahil tumatagos sa puso. Pero hindi dapat mahatak ang mga progresibo sa dominanteng kalakaran ng pagba-blog. Dapat ay magamit ang ganitong kalakasan ng porma ng blog para dalhin ito sa pampulitikang direksiyon na iba sa dominante. Blog na hindi blog: Anti-Blog. Progresibo.

Hindi ko pa rin mailugar sa ganitong balangkas ang pagpapalaganap o paghikayat ng mga progresibo sa mga estudyanteng hayskul na mag-blog. Pero tatahimik na lang siguro ako kung nakikita kong natutukoy at nahaharap ang mga usaping inihahapag ko sa hanay ng mga progresibo. Ang totoo, at bilang pagpupuna-sa-sarili, hindi pa rin nakakasapat ang blog na ito sa pamantayang nailahad ko sa itaas para sa isang Anti-Blog. Pero kailangang magtakda ng mga pamantayan, mga panuntunan, ng etika. Dahil kung hindi, hindi magiging malinaw ang pampulitikang direksiyon ng mga pagsisikap. O, sa masahol, mahahatak tayo sa malakas at dominanteng kalakaran sa Internet.


PERSONAL

Nakakalungkot na naaalala ni Mong sa isinulat ko ang hindi magandang pagtingin ng mga mamamahayag at akademiko sa mga blogger. Para bagang bigla siyang tumindig sa hanay ng huli. Kung anuman, gusto kong linawing nagsusulat ako hindi bilang mamamahayag o akademiko. O intelektuwal, dahil sinabi niyang intelektuwal daw ako. Hindi ko kailanman itinuring ang sarili ko na ganyan. Ang totoo, nagsusulat lamang ako bilang aktibista. O bilang tibak – kung masyadong pormal ang “aktibista”. Kasama na ang pakahulugan nito na minsan ay grabeng kritikal at krudo. Tiwala rin akong kung mababasa ng mga tibak ang isinulat ko ay mauunawaan nilang kaisa talaga nila ako.

Natatawa si Mong na sa isang banda’y nilalait ng konserbatibong mga manunulat ang mga progresibong blogger, at sa kabilang banda nama’y tinuligsa ko – na, oo, nagpapakilalang progresibo – ang kanilang mga pagsisikap na magpalaganap ng tinatawag niyang “responsableng pagba-blog”. Makabuluhang pakinggan uli si Eagleton: “Kumakapit ang mga liberal, pragmatiko, at modernisador sa ilusyong Utopyano na walang pundamental na problema (nothing fundamentally wrong). Nakikita ng mga konserbatibo na mayroong pundamental na problema; iyun nga lamang, madalas silang magkamali kung ano iyon.” Hindi dapat magtaka sa ilang pagkakatulad ng mga progresibo at konserbatibo. Ang mahalaga, masapul natin ang malalim na pagkakaiba.

*Pasintabi kay Kitchie Nadal

07 Nobyembre 2007

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • paolopraxis  On November 9, 2007 at 3:14 pm

    mahusay ka talaga teo. matagal ko na sanang gustong mag komento sa mga naisulat mo na, hindi lang kasi makahanap ng panahon na mag-internet. Bukod kasi sa limitadong oras ng pag-upo sa harap ng kompyuter, medyo hirap din sa pambayad sa mga internet rentals. Hindi ba ito din ang karaniwang dinaranas ng mga tibak; ang kawalan na ng pera pambayad at/o oras para pumunta sa mga internetan? kaya para sa akin, kahit sa mga tibak, medyo limitado pa din ang pag blog. naisip ko pa, gnd na kung gnd, pero mas mainam yata na mag propaganda at mag-organisa sa hanay ng mga maralitang walang kakayanang mag-blog. Dito sa tingin ko mas magiging epektibo ang mga tibak, dahil mas malawak ang hanay ng pwedeng ma-organisa at mas kongkreto ang kanilang kaapihan na dinaranas.

    May mga lugar naman ng tunggalian na pwede pa kasing ma-maksimisa. Minsan kasi mas epektibo pa din ang aktwal na pakikisalamuha sa mga inoorganisa mo.

    Maganda din naman ang mga ilang blog at website na tulad ng PRWC para maka kuha ng mga balita at bagong kaalaman ang mga tao. ito ay mga dagdag na kaalaman na dapat gamitin pa din sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa; at ito pa din ang dapat na kumakain ng pinakamalaking oras ng mga tibak.

    sabi ko nga sau dati pa, im more of a talk person, kaya medyo hirap sa pagsulat. sana napaabot ang gustong sabihin.

  • kapirasongkritika  On November 10, 2007 at 3:20 am

    Salamat naman at nakahanap ka ng oras, Paolo. Hehe. Salamat din sa komento.

    Sabi mo, “mas mainam yata na mag propaganda at mag-organisa sa hanay ng mga maralitang walang kakayanang mag-blog. Dito sa tingin ko mas magiging epektibo ang mga tibak, dahil mas malawak ang hanay ng pwedeng ma-organisa at mas kongkreto ang kanilang kaapihan na dinaranas. May mga lugar naman ng tunggalian na pwede pa kasing ma-maksimisa. Minsan kasi mas epektibo pa din ang aktwal na pakikisalamuha sa mga inoorganisa mo.”

    Sa tingin ko, walang pagtatalo diyan, kahit sa panig ng mga kritikal sa naisulat ko. Pero mahalaga rin ngang maidiin para mabalanse ang paglulugar sa pagba-blog.

    Hindi ka naman hirap sa pagsusulat. Ako, I am more of a talk person. May mga kaibigan nga akong nagsasabing naririnig nila ang boses ko kapag nagbabasa sila nito. Hehe. Mayroon din namang “more of a writing people,” at mainam nga kung maisulat nila ang progresibong nasa isip nila at mabasa ng madla.

    Ingat lagi!

  • Jason  On November 13, 2007 at 11:31 am

    Ano kaya itsura kung me internet at blogging na noong panahon nila Mao o Marx? Maiba kaya ang porma nila ng pakikibaka? Hmm…sarap maging susunod na blog topic.

    Napadaan lang.

    Wihihihi.

  • kapirasongkritika  On November 19, 2007 at 4:41 am

    Hi Jason! Salamat sa pagdaan.

    Ang hirap ng sagot mo. Unimaginative naman kung sasabihin kong “Walang ‘Ano kaya’ sa kasaysayan”. Hehe.

    Pero tiyak na maiiba ang porma ng pakikibaka nila kung mayroon nang Internet at blogging noon. Hehe.

    Kung paano, nakaatang na siguro sa mga inapo nila na pangarapin at isipin. Hehe. Isang pagsisikap na kapaki-pakinabang siguro. Hehe.

  • marocharim  On November 24, 2007 at 11:19 am

    Teo:

    I apologize that I do not have a good grasp of Filipino, so allow me to reply in English. As such, I would like to respectfully ask permission to differ.

    I do agree with your thesis of “Anti-Blog,” that blogs can go beyond what they are today: exercises in psychological striptease. Blogging, like any form of writing and reading, is subjective. That a subject writes means that the writing is subjective, and that a subject reads means that the reading is subjective. As such, we inquire with recognition and respect to the subject.

    The medium is the message, says Marshall McLuhan. “Anti-Blog” is very interesting to me because in effect, it is “Anti-Technology” to some degree (I read it that way). Cyberspace has become a very important arena of struggle because it hits at the very heart of what you consider to be at the opposite side of the ideological spectrum. It becomes all the more important for progressives like you to maximize this medium because it reaches a whole new different audience, not to mention the petit-bourgeoisie. It is important not to overestimate the power of blogging, but it is also important not to underestimate its power.

    Blogging is part and parcel of dialectical materialism, to a certain degree: it is a relationship of interaction between people in a constrained space. It is practice – a material one (I’m not inclined to believe that it is limited to and constrained through computers per se). It is a political interaction: a struggle, if you will. It is a struggle of different ideas that will one day commit to a synthesis. As such, it should be a venue of struggle: we should not outrightly condemn the practice, but to challenge it through using the medium. If the world does change, so must our struggles change. Pardon my interpretation of the Feuerbach theses, if it is wrong in your view.

    Thank you for your time.

  • kapirasongkritika  On November 25, 2007 at 1:24 am

    Marocharim,

    Salamat sa komento! At sa pagpansin na rin. Hehe.

    Binisita ko ang blog mo, at nagpapakilala ka palang “antichrist of new media”. Well, you’re too polite to be an antichrist of anything. You should learn to be a bit nastier. Hehe.

    Hindi ko kuha ang punto mo tungkol sa pagiging suhetibo ng pagsusulat at pagbabasa ng blog. Baka puwede mong palawigin? Kasi sa basa ko, lahat na lang suhetibo. Hindi ako lubos na sang-ayon kapag ganoon.

    Nagugulat ako na sinisipi ng mga progresibo sa Internet si Marshal McLuhan, gayung marami na ang naglantad sa kanya bilang konserbatibo.

    Tutal, antikristo ka, sa ganoon ko ipapaliwanag ang pagtingin mong anti-teknolohiya ako. Hehe. Anti-teknolohiya ako sa parehong paraan na anti-kristo si Marx. Una, hindi siya anti-kristo. Anti-relihiyon siya. Tutol siya sa masamang paggamit ng relihiyon kay Kristo. Tutol ako sa tinitingnan kong hindi kritikal na paggamit sa teknolohiya. Pero hindi pokus ni Marx ang tutulan ang relihiyon. Tinutuligsa niya ito para sa ibang layuning pampulitika. Ganoon din ako: Hindi ko pokus na tuligsain ang isang paggamit sa teknolohiya. Ginagawa ko lang ito para sa isang pampulitikang layunin.

    Sang-ayon naman akong gamitin ang Internet bilang larangan ng tunggalian, gaya ng nasabi ko. Salamat pala at nabasa mo ang reply ko. Marami yata ang nakabasa sa unang sanaysay, pero hindi sa pangalawa.

    Sang-ayon akong magagamit ang diyalektikal na materyalismo sa pagsusuri sa Internet at pagba-blog. Pampulitikang praktika nga ito. Pero ang habol ko lang naman ay mailugar ito sa iba pang pampulitikang praktika. Synthesis? Baka hindi. Kasi dominante talaga rito ang mga konserbatibo. Ibig sabihin, tuluy-tuloy ang tunggalian dito. Kaya nga mahalagang mailugar ang sekundaryong halaga nito kumpara sa ibang porma ng tunggalian — dahil ang huli, magluluwal ng tunay na resolusyon.

    Tama naman, kailangan nating hamunin ang praktika ng pagba-blog. Sa pangkalahatan, sang-ayon akong nagbabago ang mundo kaya dapat magbago ang ating pakikitunggali. Masyadong pangkalahatan iyan para pagdebatehan. Nananatili, sa tingin ko, ang pangkalahatang katangian ng lipunang Pilipino at minor na pagbabago lamang ang pagpasok ng Internet. Hindi pa rin nababago sa pangkalahatan ang pangangailangan ng rebolusyon, bagamat puwedeng dumami ang larangan ng tunggalian.

    Hindi ako pamilyar kung anong akda ni Feuerbach ang tinutukoy mo. Ang alam ko lang, sabi ni Gwen Stefani sa isang kanta, “I ain’t no Feuerbach girl”. Hehe. Tumawa ka, ha? Hehe.

    Salamat!

  • kapirasongkritika  On November 25, 2007 at 1:33 am
  • marocharim  On November 25, 2007 at 9:38 am

    Teo:

    I hope I answered some of your queries in this entry:

    http://marocharim.blogdrive.com/archive/1305.html

    Anyway, it’s the “Theses on Feuerbach.”

    On McLuhan, yung style ko ng pagiging “progresibo” ay matatawag mo na sigurong “reaksyunaryo,” dahil naniniwala akong dapat bukas ang pag-iisip ng isang progresibo sa mga iba’t-ibang ideya.

  • kapirasongkritika  On November 25, 2007 at 2:35 pm

    Marocharim,

    Una sa lahat, walang pagbibiro sa komento ko tungkol sa pagiging “anti-christ” mo. It is just to underscore na napakabait ng tono mo. Pasensiya na kung maraming posibleng implikasyon.

    Hindi naman reaksiyunaryo ang paggamit ng mga progresibo sa pagtingin ng iba, basta’t nananatiling kritikal. Sa tingin ko lang, hindi si McLuhan ang pinakamainam na paghalawan ng ideya sa usapin ng pagba-blog ng mga progresibo.

    Maraming lapit sa mga tinatawag mong “binary oppositions”. Pero sa usapin ng pulitika, taliwas sa mga post-istrukturalista at feministang humalaw sa kanila, naniniwala akong pinakamainam na maging malinaw ang dalawang panig ng tunggalian.

    Hindi simpleng thesis-antithesis-synthesis ang diyalektika. At hindi ako naniniwalang ang subject ang ngayo’y “the element of social struggle” (may diin sa “the”). Kolektibo pa rin ang dapat na interbensiyon, kaya nga dapat mailugar ang halaga ng pagba-blog.

    Salamat!

  • zaldy  On September 24, 2008 at 11:26 pm

    nakakatuwang isipin kung papano ang larawan ni marx o ni mao na nakaupo at nakaharap sa kompyuter, pero dahila nanatili pa din namang mala kolonyal at malapyudal ang lipunan ngayon at nuong panahon ni mao sa tsina marahil di naman maiiba ang mga porma ng pakikibaka, tulad ni ka roger naka harap sya sa lap top nya pero nasa ilalim sya ng kalapaw nya, sa dampa nga magsasaka sa kaingin, patuloy sa peoples protracted war. marahil kung tutukuyin ang pag iiba sa partikularidad nito , ng internet, mapapabilis lamang nito ang daloy ng komunikasyon, palitan ng pananaw, pero kailangan din nating tukuyin na ginagamit din ito ng mga kaaway sa uri para pigilan ang anumang inisyatiba ng mga rebolusyunaryo, sa propaganda , sa lahat din ng larangan.

  • jay  On March 31, 2009 at 9:04 am

    habang nakikita natin ang potensyal ng blog site bilang isang makinaryang magdudulot ng ideyal na sitwasyon ng tunggalian at talastasan (ideal speech situtation) isang kabalintunaang pinupulot tayo sa isang ilusyong birtwal,at institusyunalisadong tunggalian na mas madaling gapiin. wala sa birtwal na realidad ang tunggalian, hindi ito ang mundong nais nating palayain mula sa pagsasamantala kundi nasa aktwalidad.
    Hindi na usapin kung kaya ba nating magsalita, at ilabas ang ating opinion, ang tanong ay — naririnig ba tayo?
    ang lakas na nasasayang sa pagpindot sa mga tiklado ay hindi maaring itumbas sa lakas ng pagkalabit sa gatilyo. pagkat wala tayong ilusyon na ang mga nakahawak ngayon sa tiklado ang magpapanalo ng mahabang tunggalian ng uri.

  • kapirasongkritika  On April 3, 2009 at 12:02 pm

    Salamat sa komento! Hindi naman siguro sayang, pero hindi rin naman pangunahin. At kahit sa blogosphere ay hindi umiiral ang ideal speech situation. Sa hinaharap pa magkakaroon ng ganoon, hindi ba? Ingat!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: