Pagkakataon para sa Pelikulang Pinoy

Nabubuwisit ang marami sa pelikulang Pilipino. Parang de-kahon ang mga istorya. Parang alam mo na kung ano ang makikita. Pero lintek. Minsan, tumatama pa rin sila.

Simple lang naman ang kuwento ng One More Chance na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina. Tungkol ito sa magkarelasyong sina Popoy (John Lloyd Cruz) at Basha o Bash (Bea Alonzo) na nagkasundo nang magpakasal pero humarap sa mga suliranin, naghiwalay at – siyempre pa – nagbalikan din. Tungkol din ito sa kanilang makulay at masayang barkada, at matulunging mga pamilya, na umagapay sa kanilang dalawa.

Nagsimula ang lahat nang makaramdam ng “pagkasakal” si Bea sa relasyon nila ni John Lloyd, sa panahong isang taon na lang ay ikakasal na sila. Seryoso si John Lloyd sa trabaho para makapag-ipon para sa pagpapamilya. Unti-unti, nabuo sa isip ni Bea na hindi na siya masaya sa kanyang trabaho – bilang arkitekto kasama ng inhinyerong si John Lloyd – at sa mga imposisyon at kagawian nito. Matatag na nakipaghiwalay si Bea, lumipat ng trabaho. Nawindang si John Lloyd – at para ipakita ito, nagkaroon siya ng bigoteng gubat – pero nakaabante rin sa bagong karelasyon. Tapos, naisip ni Bea na mahal pa rin niya si John Lloyd. Ganoon din ang naisip ni John Lloyd. Nakipaghiwalay siya sa bagong karelasyon, nangibang-bansa, at nakipagbalikan pagkatapos kay Bea.

Pero nailahad ang kuwento sa pangkalahatang paraang mahirit, kuwela at nakakaaliw. Madamdamin din kapag kailangan. Parang pinagsama-sama at pinagdugtung-dugtong na mga kuwentong sasabihin mo sa kaibigan. Parang kabarkadang makulit ang nagdirehe. Patok ang pasok ng kantang “Nanghihinayang” ng Jeremiah sa isang eksena. Sa madamdaming mga linya, klasiko ang kay John Lloyd: “She loved me at my worst while you had me at my best.” Pati na rin ang “You chose to break my heart”.

Katulad ng maraming produkto sa midya na tumatarget sa kababaihan, gayunman, may mga elemento ng One More Chance na kontra-kababaihan. Sa pakikipaghiwalay kay John Lloyd, puwedeng tingnang malakas na babae si Bea, iginiit ang kalayaan at pagbabago ng sarili laban sa planong pagpapakasal. Naipakita ang mga batayan ng ganitong giit niya. Pero sa kabilang banda, dahil hindi gaanong ipinakita ang mga batayan sa pakikipagbalikan, tumutugma si Bea sa istiryutipo ng lipunan natin laban sa babae: pabagu-bago ang isip, mahirap ispelengin. Kaya pambabae ang pangalan ng bagyo noon, hindi ba? Kapag gusto mo, ayaw niya; kapag ayaw mo, gusto niya.

Saka bakit hindi nagkaroon ng karelasyon si Bea noong panahong nagkahiwalay sila ni John Lloyd, at nagkaroon naman ng karelasyon ang huli? At bakit naging hudyat kay John Lloyd na muling magustuhan si Bea nang malamang walang naging karelasyon ito noong magkahiwalay pa sila? Mahirap bang balikan ang babaeng naghanap ng sariling kaligayahan at nagkaroon ng karelasyon? Bakit, nagiging marumi ba siya? Marahil, tugma ito sa petisismo sa pagiging dalisay ng babae sa kultura natin at ng ibang bansa. Lumalabas tuloy na panlilinlang ang pagpili kay Derek Ramsey para sa papel niya – puwede palang naipasa sa kung sinong aktor lang. Tipong Rainier Castillo, halimbawa.

Sa kabilang banda, marami rin ang mapapahalagahan sa One More Chance. Kontra sa ideyalismo sa pag-ibig ang ipinakitang sitwasyon ng relasyon nina John Lloyd at Bea: Dumaraan sa maraming pagsubok at hindi puwedeng – madyik! – wagas na nagsimula at banayad lamang na nagmamahalan hanggang huli. Sa pagkakasundo nilang magpakasal, tumatag ang ilang disposisyon ni John Lloyd. Patuloy, gayunman, ang pagbabago at paghahanap ng sarili ni Bea – na hindi lamang takot sa pagpapakasal o paggigiit ng kalayaang pansarili, kundi paghahanap sa mga esensiyal ng pagkatao niya.

Nakakatuwa ang masayang pagtulong ng barkada ng dalawa. Sensitibo rin ang mga tauhang lalake rito, na mahalaga sa magandang katapusan ng pelikula. Kahanga-hanga ang naging disposisyon ng karakter na ginampanan ni Maja Salvador – ang naging karelasyon ni John Lloyd – noong naramdaman na nitong gusto pa rin ni John Lloyd si Bea. Marangal: Hindi siya humadlang. Mahinahon at maayos niyang pinalabas ang katotohanan sa nararamdaman ni John Lloyd – at tinanggap ito. Dapat i-mass produce ang eksena nila ng paghihiwalay at puwersahang ipapanood sa mga ayaw pang makipaghiwalay dahil lamang bitter o kaya naman ay talagang malupit sa nanlamig.

Nakakatuwa rin ang pagbabalikan sa huli, dahil masayang wakas ito sa masalimuot na pinagdaanan. Dahil romantiko ito sa pag-asang magsasalubong pa rin ang mga dating nagmamahalan kahit nagbago sila. Dahil pagbalik ito sa napakasayang pagmamahalan noong kolehiyo. Malinaw ang sagot ni John Lloyd sa tanong ng Eagles na “Are you gonna stay with the one who loves you? Or are you coming back to the one you love?

Pero hindi naipakita ang mga batayan ng pagbabalikan. Ano’ng nangyari sa pagpipinta ni Bea ng mga t-shirt? Nagsimula ang pelikula sa makatotohanang karanasan ng mga nagmamahalan, pero nagtapos sa ideyalismong “kung sila, sila; kung hindi, hindi”. Parang nagkataon lang lahat. Iyun ba ang ibig sabihin ng “One more chance”? Siguro, batang dekada ’80 lang ako, pero mas nagustuhan ko siguro ang eksena ng balikan kung ang pinatugtog ay “Hang On” ni Gary Valenciano. Nakakabanas ang pagbanggit sa isang eksena sa “Biogesic” – produktong iniindorso ni John Lloyd sa totoong buhay.

May dalawang gamit ang uring kinapalooban ng mga karakter sa pelikulang ito. Sa isang banda, dahil uring petiburgis ang kayang asamin ng mga maralita nating kababayan, pangganyak ito sa ganoong pamumuhay. Sa kabilang banda, nasasapatan sa isang antas ang materyal na mga pangangailangan sa uring ito. Kaya puwedeng palutangin dito ang mga isyu ng puso at pagmamahalan. Puwedeng pumasok-lumabas sa relasyon habang nasa trabahong mas maluwag kaysa sa todong pagkayod ng mga maralita.

Mahusay ang pag-arte nina John Lloyd at Bea. Parang masarap umibig at mangarap kasabay nila. May isa pang Bea na tumining: si Beatriz Saw ng Pinoy Big Brother. Sa barkada nila, parang siya si Lisa Kudrow sa Friends: ang matalas at prangkang kaisipang jologs. Para sa mga marxista, siya ang tinatawag ni Bertolt Brecht na plumpes Denken: matalas, bagamat minsan ay masakit, na pambalanse sa magugulong isip.

Katulad ng maraming produkto ng kulturang popular, haluan ng mga salik na progresibo at konserbatibo ang One More Chance. Kung gagamit tayo ng mapanuring lente – at magiging mapagbantay sa konserbatibo pero kaakit-akit na mga bitag nito – hindi masamang itulak nitong bigyan pa natin ng one more chance ang pelikulang Pilipino. Maaaring mapaluha o maiyak tayo, pero sana’y kritikal tayo sa mga ideolohiya nito.


17 Nobyembre 2007

Maraming punto na ang naisulat ko para sa isang sanaysay hinggil sa pagpapakamatay ng 12-taong gulang na bata sa Lungsod ng Davao, nang biglang nanawagan si Mayor Rodrigo Duterte ng imbestigasyon. At may paunang resulta na nga kahapon. Dahil sa sumunod na mga pangyayari, kailangan kong baguhin ang mga puntong nabuo ko. Sa lahat ng may pakialam, paumanhin sa paglalabas ko ng sanaysay tungkol sa isang pelikula, sa halip na sanaysay tungkol sa kanya. Sa isang banda, iresponsable ito.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • mayk mayk  On November 18, 2007 at 2:03 am

    di ako maka relate hehe…beatriz saw? hang on ni gary v? mga kanta ng eagles?

    ngunit isa itong dilemma sa aming magkarelasyon, kung manonod ba kame o hindi, ako ayaw, siya gusto (you probably would’ve guessed). ngunit dahil nabasa ko ito, posibleng bgyan ko ng konsiderasyon hehe. at mapnood din ako ng 2nd pinoy film sa sinehan. ang una, nagkataon siguro pero isang jphn lloyd din na pelikula:DUBAI hehe. nagtitiwala naman ako sa pagtingin mo kung kaya’t maari ngang may mas malalim na disenyo ang pagkakagawa sa pelikula.

  • kapirasongkritika  On November 18, 2007 at 2:15 pm

    Salamat sa komento, Mayk Mayk! Hehe. Napapadalaw ka rin pala rito. Hehe.

    Kung hindi ka maka-relate sa mga sinabi ko, hindi lang iyan indikasyon ng pagiging bata mo — gaya ng gusto mong palabasin. Hehe. Indikasyon iyan na hindi ka lubog sa kulturang popular, na isang kultura ng pagre-recycle.

    Manood kayo. May mga bagay na mas nateteorya ng mga gumagawa ng pelikula — at maikling kuwento, nobela, tula, kanta at iba pa — na hindi natin nakukuha lamang sa sanaysay o dokumentaryo. Hehe.

    Dubai? Aminin mo na, fan ka ni John Lloyd. Ako, dahil sa pelikulang ito — at sa Tabing Ilog, huwag kalimutan! — inaamin ko. Hehe.

    Hindi naman siguro usapin ng lalim. Ipaliwanag ko sa ibang pagkakataon. Ingatz.

  • guillerluna  On November 18, 2007 at 2:51 pm

    sa lahat ng ingay na nagawa ni teo sa mga nakaraang araw, ito ang hindi ko kinaya. hehehehehe. ako rin solid john lloyd fan. panoorin mo yung isa pa nilang movie ni bea kung saan may “absentee” mother ni bea si rio locsin., bwehehehehe. mapanood nga itong one more chance. bwehehehehe

  • kapirasongkritika  On November 18, 2007 at 3:00 pm

    Salamat, Guiller Luna! Ang blog mo, i-update mo! Sayang ang mga thoughts mo habang nakikinig ng Fast Car!

    What do you mean by “ingay” as in “political noise”? As in iyung nasa mga statement ni Gloria Macapagal-Arroyo? Hehe. Parang wala gaanong relevance sa ganoon ang nagagawa ko lately, ah. Hehe.

    Sige, panawagan sa lahat ng nagbabasa nito: LAHAT NG FAN NI JOHN LLOYD, MAGKOMENTO! ITATAK ANG PANATA NINYO NG PAGIGING FAN NIYA! Hehe.

    Pero magaling din si Bea Alonzo. Hehe. Actually, maganda sila magkasama.

  • mara  On November 25, 2007 at 7:07 am

    waw! sabi ni maykmayk may comment ka nga daw tungkol sa one more chance! kaya binasa ko!hahaha.. at dahil sa mga sinabi mo, mukhang manonood talaga kami ng kr ko! hahaha..(pero bago ko pa to mabasa handa nakong mag-assert na manood kami. hahaha)

  • kapirasongkritika  On November 25, 2007 at 2:43 pm

    Mara,

    Salamat sa pagdalaw.

    Nagtanung-tanong ako sa mga kaibigan kong lubog talaga sa ganitong klase ng pelikula. May isang pagtingin na okey siyang panoorin pero hindi sa sinehan na gagastos ka ng P110.

    Kinukulit ko ang nagkomento na magbigay ng komento rito, pero wala pa. Hindi ko alam kung bakit.

    Ang problema ko kasi, hindi ako lubog sa ganitong mga pelikula, kaya hindi ko maikumpara sa iba. Okey po? Ingat lagi.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: