Ilang Pariwarang Punto Tungkol kay Sir Nic

(1)

Natuwa ako sa entri sa blog ng isang Jen Rosello Buenaventura. Sabi niya, sa ilalim ng isang larawan ni Sir Nic na nagtatalumpati: “Ganito ko gustong maalala si Sir Monico – maganda ang pangangatawan, pa-speechspeech at tumatakbo-takbo kasama ang sangkatibakan.” Naipapahaging kasi nito kung paanong, kapag malamig ang ulo niya, puwedeng biruin si Sir Nic sa mga ginagawa niya. Matatag siya sa paninindigan, at handang makipaglaban para rito. Pero may paraan siya ng pagdadala sa sarili niyang pag-aambag at pagpapayaman sa gawain na masaya, palabiro at mapagkumbaba.

(2)

Sabi ni L, na nagpapakilalang “abang recruit” sa Kabataang Makabayan ni Sir Nic, noon pa man ay mainitin na ang ulo at palataas na ang boses ni Sir. Bilang anak ng isang Batangueña, naisip ko: Hindi ba’t natural iyon, dahil galing siyang Cuenca? Sabi naman ni B, maaari. Pero tiyak siyang lalong napatindi ito ng tortyur na dinanas ni Sir sa kamay ng militar noong panahon ni Marcos. Pero nagtataka si M. “Sabi nga nila, may ganyan siya,” aniya. “Pero ako, kahit kailan, hindi ko narinig o nakitang magtaas ng boses si Nic. Never.” Marahil, sabi nga niya sa ibang pagkakataon, “Maybe you have to be beautiful.”

Tuwing napag-uusapan siya, tumatampok ang mga katangiang ito ni Sir Nic. Siguro, may mga taong para makakilala ng tao ay kailangang makakita ng kahinaan, gaano man kaliit. Siguro, may mga taong naghahanap ng kakaiba sa pagkatao ni Sir Nic, at ito na lamang ang kinakayang masumpungan. O, siguro, kailangan lang ipaliwanag ang alam na naman ng marami. Isang beses ko lang nakitang hindi maganda ang timpla niya. Minsan, kumatok ako sa pinto niya. Pagbukas, parang may kinakatakutan siyang kung anong halimaw sa loob na hindi niya makontrol. Galit niya akong itinaboy papalayo.

(3)

Pero sa pangkalahatan, para siyang karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain – basta’t hindi bumabanat sa Kaliwa. Alam na ito ng marami: nagpapahiram ng kanyang mga libro, nagbebenta ng mga librong progresibo sa presyong kasama, nagpapaunlak ng mga interbyu, sumasagot sa kung anu-anong pagtatanong basta’t alam niya ang sagot – nakikinig, nagpapayo, nakikipaghuntahan. May kakilala akong nagsabing nagsimula niyang “mahalin” si Sir Nic noong kinausap siya nito noong nakita siyang umiiyak sa Faculty Center. Hiniwalayan siya ng boyfriend niya – mababaw na problema.

Sa ibang tao, laging sinusundan ang “Tutulungan kita sa kahit anong problema” ng “basta huwag lang pera”. Pero si Sir, nagsilbing guarantor ng maraming estudyanteng hindi makabayad ng matrikula. Marami rito ang aktibista. Ayon kay K, na nakakita sa listahan, may isang naroon na napatay ng militar sa isang engkuwentro sa New People’s Army. Hindi natin alam kung saan napunta ang iba. Totoong laging nagtatanung-tanong si Sir Nic kung nasaan ang kung sinong estudyante. Kapag tinanong kung bakit, idinadaing niyang mahihirapan siyang makuha ang mga benepisyo niya sa retirement.

(4)

Minsan na ring nasabi ni Sir Nic sa isang panayam ang nangyari sa relasyon nila ng dati niyang asawa. Hindi naman daw siya hiniwalayan nito habang nakakulong siya. Naghintay naman daw ang dati niyang asawa ng ilang minuto pagkalaya niya bago siya hiniwalayan. Mahinahon at masiste, hindi histerikal, ang pait sa pagkakakuwento niya. Kahit masakit ang pinagdaanan niya sa pag-ibig, hindi nahadlangan si Sir Nic na makisalo sa ligaya ng ibang nagmamahalan. Nakikitukso siya, nakikibiro, nakikibalita. Ang alam ko, madali siyang pumayag kapag naimbitahang maging ninong sa kasal.

“Alam ba niya ang hangganan ng kanyang pagnanasa?” tanong ni Edel E. Garcellano, kaibigan ni Sir Nic, sa tula. Paminsan-minsan, nagkakaroon ng bulung-bulungan na may kung sinong marikit ang nagugustuhan ni Sir. Kung sina MLM ang guro niya sa pulitika, walang dudang si Pablo Neruda ang tinig ng puso niya. Hindi ko alam ang kanyang buhay-pag-ibig, pero mahihinuhang romantiko siya. Siya iyung tipong magbibida, kinikilig-kilig pa, ng mga diga, sulyap at haplos niya sa minamahal. Pakiramdam niya, pasimple at suwabe lang ang ginawa niya, gayung style mong bulok naman talaga.

gulong.jpg

(5)

Nabasa ko sa kung saan na gusto ni Bertolt Brecht, marxistang makata at mandudula, na maalala bilang lumikha ng magagandang panukala. Ganoon si Sir Nic. Anong magandang gawin sa kampanyang masa, anong magandang anggulo ng propaganda, anong magandang moda ng paggawa – lagi siyang may panukala. Sariwa lagi ang mga pandama niya sa bago. Laging kongkreto ang suri niya sa kongkretong sirkumstansiya. Masaya at mapang-akit niyang inilalahad ang mungkahi niya, hindi kailanman pasumbat at mapagmataas – wala siyang kaisipang beterano. Hindi siya bastos kahit palatawa.

Mahigpit ang gagap niya kina Marx, Lenin at Mao, habang kami noo’y nagpapanggap na ganoon din bagamat mas sumeryoso kina Althusser, Foucault at mga alagad ni Derrida. Kongkreto kaya’t malinaw ang pagbasa niya sa mga sitwasyon, habang kami noo’y kung anu-ano pa ang iniisip at konsiderasyon. Simple lamang kung gayon ang naiisip niyang mga tungkulin, habang pinapakumplika pa naming lagi noon ang mga bagay-bagay. Pang-araw-araw na huntahan ang laging tono ng pagsasalita niya, habang mahilig kami sa mga sound byte sa pananalita at sa kung anu-anong borloloy at buladas sa binabasa.

(6)

Bukod pa rito, sa isang banda’y iba ang hinahanap namin noon. Siya, gustong kabigin at organisahin ang marami. Kami, nawiwili sa paglalantad sa kabulukan at reaksiyunaryong katangian kahit ng kinikilalang progresibo ng marami. Interesado siyang magbuo ng mga tulay; gusto naming pagsusunugin ang mga ito. Siya, gustong maunawaan ng marami. Kami, naghahanap ng malalim at misteryoso, sa akalang naroon lang ang hinahanap na talas at talino. Nakinig kami, at tumalima rin. Pero hindi namin siya nabigyan ng angkop na halaga. Hindi namin lubusang ninamnam at ginagap ang panahong kasama siya.

Pero ngayon, sa kung anong misteryo, tinatahak namin ang buhay na katulad at hinawan ng buhay niya – hindi ang buhay ng mga natagpuan namin noong iba ang hinahanap namin. Ngayong handa na kaming makinig – at alam namin noong darating ang panahong ito – bitin na. Ito siguro ang dahilan kung bakit naiyak ako noong marinig ko ang isang kantang baduy, pero sa ilang bahagi’y angkop. “Leader of the Band”:

The leader of the band is tired
And his eyes are growing old
But his blood runs through my instrument
And his song is in my soul
My life has been a poor attempt
To imitate the man
I’m just a living legacy
To the leader of the band

I thank you for the music
And your stories of the road
I thank you for the freedom
When it came my time to go
I thank you for the kindness
And the times when you go tough
And Papa, I don’t think I said
“I love you” near enough

Hindi ko tatay si Sir Nic. Nakakapanliit sabihing magkawangis ang buhay naming dalawa. Hindi rin naman katapatan sa isang tao ang nagtutulak sa ating itaguyod ang progresibong pulitika. (Sabi sa ibang bahagi ng kanta, “For they heard another call…”) Pero ginagawang mas buhay ng buhay ni Sir Nic ang pagsusulong ng progresibong pakikibaka. Dahil sa kabutihan at kadakilaan niya, napakasarap isiping naglilingkod ang ating paglaban hindi lamang sa sambayanan at mga layuning pampulitika, kundi sa pagbibigay-pugay at pagpapatuloy sa buhay at pakikibaka ng mga taong katulad niya.

Tunay na inspirasyon kung paanong pinanday siya para maging mabuti at makatao ng pakikibakang pinanday niya. Nahihikayat tayong magpunyagi, dahil nahubog siya, sa kalakhan, ng pakikibaka para sa pagbabago. Halina! Tayo nang lahat at magpahulma.

Nagpapasalamat, nagpupugay at namamanata kami, hindi man niya marinig ngayon.

12 Disyembre 2007

Basahin ang “Pagpupugay kay Ka Togs, Monico M. Atienza,” komprehensibong parangal na isinulat ni Prop. Jose Ma. Sison.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • pattie  On January 25, 2008 at 2:34 pm

    Matalas ang memorya ni sir monico. Bilib ako sa kanya. Sa tuwing makikita niya ang kaibigan ko, maaalala pa niya ang kulay ng damit na suot nito nang nagsalita siya sa anibersaryo ng Diliman Commune sa Hardin ng mga Diwata sa FC.

    “Kulay dilaw pa nga ang suot mo nung magsalita ka..” lagi niya itong salubong sa aming dalawa kapag nakakasalubong at humihinto para sa sandaling kumustahan.

    Minsan, may meeting kami sa likod ng FC. Papalapit si Sir Monico, kasama ang isa niyang kaibigan. Lumapit ang kaibigan ko sa kanya para bumati. Ipinakilalang pamangkin sa kaibigan niya at sabay abot ng “alawans”. Pledge niya iyon sa kaibigan kong full time organizer.

    Hindi kami nakapunta sa burol niya. Tulad nga ng huling linya ni Teo, salamat, nagpupugay at namamanata kami Sir Monico.

  • kapirasongkritika  On January 25, 2008 at 6:07 pm

    Salamat sa komento, Pattie. Napaka-personal sa akin ng sanaysay na ito — at bihira akong magsulat ng sanaysay na personal ang moda. Kaya natutuwa akong may nagkomento o nagdagdag ng personal na paggunita kay Sir Nic.

  • kwentongwalangkwenta  On February 26, 2008 at 10:28 am

    sabi ni pattie matalas daw ang memorya, sa kabilang banda, noong siya ay adviser ng org namin, pabalik-balik ako sa faculty room niya para magpapirma ng kung anu-ano tuwing meron kaming org activity . laging hindi niya ako natatandaan at opening line ko lagi pagkatok sa pinto “sir, ako po yung taga-ab, may papapirmahan lang po sir.” hehe

  • kapirasongkritika  On February 26, 2008 at 11:41 am

    Kwentongwalangkwenta, ginanahan kang magkomento ah. Hehe. Baka mukha kang karaniwang mabait na bata, kaya ka hindi matandaan. Hehe.

  • Lyds78  On June 2, 2009 at 4:32 am

    hindi ako nakapunta sa burol ni Sir Monico (gani2 talaga tawag namin sa kanya dati) at nagui-guilty ako kasi isa ako sa mga ginarantor niya na hindi na nakatapos ng pag-aaral kaya di na rin nakapagbayad…bad…

    pero alam ko naman na saan man naroroon si Sir, mauunawaan niya ang kalagayan ko kung paanong nauunawaan niya ang kalagayan ng lipunan…

    We lab yu, Sir…ikumusta mo na lang kami sa ilang prends jan, lalo na kay Erika…

  • kapirasongkritika  On June 2, 2009 at 4:35 am

    Ang alam ko naman, hindi naman ipinaghimutok ni Sir Nick iyun. Hindi naman niya inisip na huwag nang mag-guarantor dahil hindi nakakabayad ang mga estudyante. Kung para sa kanya lang, hindi iyun usapin. Alam naman nating mas ang iisipin niya ay ang kabulukan ng sistema ng compensation sa UP.

    Nakakaiyak. Kailangan ko sigurong magsulat tungkol kay Erika.

  • Lyds78  On June 2, 2009 at 4:46 am

    hay naku, naluluha na naman ako…lab na lab ko talaga iyung batang iyun

    matagal ko na gusto magsulat para kay Erika pero nabablangko ako, siguro kasi sobrang sakit pa rin nung nangyari

    in due time…

    pero nagui-guilty pa rin ako kasi baka hindi nakuha ng pamilya niya mga benefits niya, waaaaah!

  • kapirasongkritika  On June 2, 2009 at 5:01 pm

    Benefits? Ng pamilya ni Erika? Ahh, naintindihan ko — ni Sir Nic.

    Ibang klase talaga si Erika. Humbling ang buhay at pagkatao niya.

Trackbacks

  • By Dalawang Taon na! « Kapirasong Kritika on May 21, 2009 at 12:09 pm

    […] sa akin at nagsasabing, “Huy, naiyak ako sa isang isinulat mo” – ang isa, halimbawa, sa “Ilang Pariwarang Punto Tungkol kay Sir Nic.” Biro ko naman, “Your tears are good, but I need comment.” Sana magkomento sila. May nagsabi pa […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: