Pagpanig sa Kartel ng Langis

PAG-UULAT NG MIDYA

Isa sa huling mga kolum ni Prop. Luis V. Teodoro – iginagalang na propesor, manunulat, mamamahayag at intelektuwal – ang tumutuligsa sa midya sa bansa. Hinahanap at iginigiit niya sa midya ang imbestigatibong mga ulat (investigative reports) hinggil sa iba’t ibang eskandalong kinakasadlakan ng kasalukuyang rehimen. Binalikan niya ang halaga ng gayong mga ulat sa pagmumulat sa mga mamamayan hinggil sa katiwalian ni dating Pang. Joseph Estrada – na naging mahalaga naman sa pagpapatalsik sa huli. Sa isa pa niyang kolum nitong huli, may pahaging siyang isa ang kasalukuyang lagay ng midya sa mga dahilan kung bakit nakakapanatili pa sa poder si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa ganitong punto ko idudugtong at idadagdag ang kapansin-pansing kadahupan – sa kantidad at kalidad – ng pag-uulat ng midya hinggil sa naganap na pambansang kilos-protesta at welgang pang-transportasyon (transport strike) ng iba’t ibang grupo nitong Disyembre 13, hinggil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Isang halimbawa ang pag-uulat ng TV Patrol World ng ABS-CBN noong mismong araw. Bagamat pambansang protestang nakakuha ng atensiyon ng publiko ang naganap, pumangalawa lamang ang ulat sa pagkadiskaril ng isang ride sa Star City. Nairatsada agad ang linya ng gobyerno, na (1) sa anim na rehiyon lamang naganap ang welga at hindi umabot sa walo pa, at (2) mga sasakyang kolorum o walang prangkisa ang dahilan ng pagliit ng kita ng lehitimong mga drayber. Agad nailitanya ang mga kuwentong pang-tabloid: pagharang sa bumibiyaheng mga drayber, pagkagalit ng mga commuter, paggamit diumano ng mga pako para butasin ang mga gulong ng mga pumapasada.

Ang unang reporter na naiere, nagawa pang sumama sa mga tauhan ng gobyerno at isang namamanas – o nagpadoktor ng mukha? – na lider-drayber o lider-opereytor sa panghuhuli sa mga drayber na kolorum. Samantalang sa buong pag-uulat, ni hindi malinaw na nailahad ang mga pagsusuri, posisyon at panawagan ng mga nagprotesta.

Ang naiulat, siyempre pa, ay ang pagsasabi ng mga organisasyong nagprotesta ng sa tingin nila’y antas ng “paralisasyon” na inabot ng aksiyon – na mataas, sa tingin nila. Sa konteksto ng buong pagkakaulat, lumalabas tuloy na sinungaling o nag-iilusyon, o kaya naman ay arogante’t walang puso ang mga nagprotesta – “adik” na, “pasaway” pa. Ang suma total ng pag-uulat ng TV Patrol World: Napasama ang imahen ng protesta at mga nagprotesta. Naisantabi ang mga panawagan nilang lehitimo at makamasa. Maligaya ang rehimen at ang kartel ng langis. May hinala ako, gayundin ang ilang kaibigan, na hindi nalalayo sa pag-uulat ng nasabing programa ang pag-uulat ng buong midya.

Sa pag-uulat sa nangyari, lumabas ang pagkiling ng TV Patrol World: pabor sa isyu ng panggitnang uri kaysa isyu ng mga maralita, sa gobyerno kaysa mga nagpoprotesta, sa kontrobersiyal na mga kuwento kaysa malalim na pagsuri sa usapin. Malayo sa patas na pag-uulat sa protesta ang ginawa ng palabas. Mulat kaya ang pagkiling na ito? O hindi?

transport-strike.jpg

Welgang pang-transportasyon: May matibay na batayan.

PAGSUSURI NG MGA PROGRESIBO

Sa website ng League of Filipino Students, makabayan at makamasang organisasyon ng mga estudyante, may makabuluhang praymer hinggil sa pagtaas ng presyo ng langis. Doon, nailatag ang mga datos na pinagbatayan ng mga nagprotesta noong Disyembre 13. Mainam pa rin, sa tingin ko, na maglahad ng maikling lagom ng pagsusuri nila.

Nitong nakaraang mga buwan, sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. Maanomalya ito dahil sa malalim na pagsusuri, taliwas sa palusot ng lokal na mga kompanya ng langis, hindi totoong may kakapusan sa suplay ng langis sa mundo. Mismong ang OPEC o Organization of Petroleum Exporting Countries na ang nagsabing nananatiling sapat ang suplay ng langis, at dadami pa nga ito sa susunod na mga taon. Sa puntong ito kailangang maunawaang kontrolado ng iilang – limang? – dambuhalang kompanya ng langis ang suplay nito sa buong mundo. Sa kanilang kamay lumalaki ang presyo ng langis, hindi sa kamay ng mga bansang nagluluwas ng produktong ito.

May tatlong malaking lokal na galamay ang dambuhalang mga kompanya ng langis sa mundo: ang Shell, Caltex at Petron. Taliwas sa ilusyon ng ekonomiks, hindi sila nagkokompetisyon. Nagtutulungan sila, bilang kartel, na itakda halimbawa ang presyo ng langis. Taliwas sa propaganda nila, hindi sila nalulugi. Limpak-limpak ang tubo nila.

Pagpapalaki ng tubo ang tunay na dahilan ng mga kompanya ng langis sa pagpapasirit sa presyo. At inutil ang gobyerno sa harap ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo. Sa pamamagitan kasi ng Oil Deregulation Law ng 1996, inalis kahit ang pakitang-taong kontrol ng gobyerno sa pagtaas ng presyo. Kaya naman 535% na ang itinaas ng presyo ng langis simula noong ipinatupad ang nasabing batas. Bukod pa riyan, nakikinabang kasi ang gobyerno. Sa pamamagitan ng tanyag na E-VAT o Expanded Value-Added Tax, hinuhuthot ng gobyerno ang 12% sa presyo ng mga produktong petrolyo. Ayon sa isang senador, P30 Bilyon ang kinikita ng gobyerno kada taon sa buwis sa langis.

Sa kabilang banda, patuloy na naghihirap ang mga Pilipino. Nitong huli, sa pagtaas ng presyo ng harina, tumaas na rin ang presyo ng tinapay at instant noodles – na bantog nang mga panawid-gutom ng mga maralita sa bansa. Hindi tumataas ang suweldo, at sinasabing nasa pinakamataas ang bilang ng walang trabaho o naghahanap ng trabaho.

Sa ganitong kalagayan nagiging makatuwiran ang panawagan ng mga nagprotesta na labanan o pigilan ang pagtaas ng presyo ng langis. Kagyat na paraan ang tanggalin ang E-VAT ng gobyerno sa mga produktong petrolyo. Gayundin ang ibasura ang Oil Deregulation Law, at magpataw ng kung anong mekanismo para mabusising mapag-aralan ng gobyerno ang mga panukalang taas-presyo ng mga kompanya ng langis. Bagamat totoong ginhawa para sa mga mamamayan ang pagro-rolbak ng presyo ng mga produktong petrolyo, kailangang maunawaang pansamantala lamang ito – bibihira at nababawi ring agad ng mga pagtaas. Nagiging propaganda pa ng kartel at gobyerno.

Sa halaga ng mga produktong petrolyo sa ekonomiya ng bansa, kailangang agawin ang kontrol dito mula sa mga kompanya ng langis na, natural, pagkamal ng malaking tubo ang pangunahing interes. Sa matagalan, pinakamainam pa ring maisabansa ang industriya ng langis – hawakan ito ng gobyerno pabor sa interes ng mga mamamayan.

alex-magno.jpg

Si Alex Magno, tagapagsalita ng kartel ng langis
(Galing ang larawan sa pbase.com.)

PAGSUSURI NG ISANG NEO-KONSERBATIBO

Sa kabuuan ng analisis na ito nailulugar ang mga patutsada – hindi mga argumento – ni Alex Magno sa kolum niyang “Perverse” sa Philippine Star nitong 15 Disyembre. Alam ko: Hindi na ako dapat nagbabasa ng diyaryong ito, lalo na ng kolum ni Magno. Pero naintriga ako. Akala ko kasi, tungkol sa baboy niyang pagsuporta sa baboy na pangulo.

Kinailangan ni Magno na magsinungaling, sa halip na magsabi ng totoo. Disbentahe niyang kamukha niya si Sammy Lagmay sa pagbebenta ng mga kasinungalingan. Na “ideolohikal” lang ang mga batayan ng welga, kaya ito nabigo. Na hindi mapupuwersa ng protesta na muling pag-aralan ang “wais” na batas-deregulasyon, dahil walang wisyo ang “muling pagsasabansa” ng industriya ng langis. Na mapanira lamang ang welga, na ang layunin ay “sirain lamang ang ekonomiya”. Na, sa mga lokalidad, nakabatay ang tagumpay ng welga sa “kakayahang manupil” ng mga nagprotesta. Na “atake sa mga mahihirap” ang nangyari, dahil hindi sila nakapagtrabaho at sa gayon ay di sumuweldo.

Dalawang pahina pagkatapos ng kolum ni Magno, may balita: “Senators seek suspension of 12% EVAT on petroleum products”. Sina Sen. Mar Roxas at Migz Zubiri ang tinutukoy. Makatuwiran at maka-maralita ang panawagan ng kilos-protesta noong Disyembre 13, kaya kinaya nitong kumabig maging sa mga senador na bukas ang isip.

Pinapalabas ni Magno na panatiko lamang ang mga nagprotesta ng kanilang ideolohiya. Pero mas panatiko si Magno sa mga dogma ng ideolohiya ng neo-liberalismo. Sampung taon matapos ipangako ng Oil Deregulation Law na bibigyang-laya ang “malayang pamilihan” na magtakda ng presyo ng mga produktong petrolyo, nalantad nang ilusyon ang gayong pamilihan at ang kartel sa langis lamang ang napalaya ng batas. Walang nangyaring kumulatibong pagbaba ng presyo, walang napalang ginhawa ang mga kumokonsumo. Sa loob ng napakaikling panahon – 10 taon! – ay napatunayang mali ang ideolohiya ng neo-liberalismo sa isyu ng langis, bukod pa sa ibang usapin.

Walang tiwala sa gobyerno si Magno, kahit sa gobyerno ng mga kauri at pinapayuhan niya. Kaya pari siya ng relihiyong sumasamba sa mga korporasyong diumano’y taguyod ng demokrasya, gayung kumokontrol sa yaman ng daigdig nang hindi naihahalal at hindi nananagot sa publiko – mga korporasyong may pinakamalaking burukrasya sa mundo.

Lalong walang tiwala si Magno sa alternatiba sa kasalukuyang sistema, at sa mga naghahain nito. Kinukutya niya ang mga nagprotesta – pinangalanan niya ang Piston o Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide, Kilusang Mayo Uno, at LFS. Nasanay na tayo sa pahaging niya sa kolum niya na prente ng mga komunista ang mga organisasyong ito. Pero ngayon ko lang nabasang nagpahayag siya ng galak sa aniya’y “paghina” ng mga ito. Alam ng lahat na target ang mga ito ng pasistang panunupil – kasama ang pamamaslang – ng rehimeng sinusuportahan ni Magno. Sa kolum niya, damang-dama ang pagsuporta ni Magno sa pasistang panunupil na ito.

Nagdrama pa siya: “Sa loob ng ilang dekada, sinisi natin ang imperyalismo sa ating mga paghihirap… Pero hindi natin tiningnan ang mga hamong topograpikal… sa ating pag-unlad.” Nakakagulat, pero ang kongklusyon: kailangan natin ang “matipid at episyenteng mga sasakyang roll-on at roll-off”. Payo siguro niya ito kay Gloria, kaya niya ibinibida.

RORO, sagot sa imperyalismo! Padayon, Oil Deregulation Law! Alex Magno, henyo!


17 Disyembre 2007

Basahin din ang “Propesor Pasista” sa blog na ito.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • r.a sugar  On December 17, 2007 at 2:45 pm

    ang ganda naman ng huling linya.

  • LFS  On December 17, 2007 at 3:27 pm

    salamat sa paglink sa LFS website!

  • kapirasongkritika  On December 18, 2007 at 5:32 am

    Salamat sa mga komento! Aayusin ko pa nga ang link ko para tamang link ang mailagay. Salamat!

  • kwentongwalangkwenta  On February 26, 2008 at 10:17 am

    ung boksingerong taga-nicaragua ang naiisip ko pag nakikita ang picture ni magno, si ricardo mayorga. sarap suntukin hehe

  • angela  On March 6, 2009 at 10:15 am

    kung kayo ang pinuno,, paano nyo bibigyan ng solusyon ang problema???

  • kapirasongkritika  On March 8, 2009 at 12:37 pm

    Ang kailangan, sa tingin ko at ng maraming iba pa, ay isabansa ang industriya ng langis, kontrolin ito ng mga mamamayan sa pamamagitan ng gobyerno natin.

Trackbacks

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: