Hey, Lani / You, Lani*

Noong kamakailan, napanood ko ang isang bahagi ng gabi ng parangal ng Metro Manila Film Festival, iyung konsiyerto ng magaling na mang-aawit na si Lani Misalucha. Sa isang yugto ng konsiyerto, itinanghal niya ang ayon sa kanya’y tanyag nang bahagi ng mga palabas niya sa ibang bansa: ang nakakatawang panggagaya niya sa pagkanta ng mga mang-aawit na sikat sa buong mundo – Natalie Cole (“Starting Over Again”), Anita Baker (“No One in the World”), Angela Boffil (“Angel of the Night”) at Dionne Warwick (“I’ll Never Love This Way Again”). Maraming beses pinalakpakan ang pagtatanghal. Maraming beses ding tumawa ang mga tao – hindi ko nga lamang alam kung saan.

Hindi ko maintindihan, pero nalungkot ako. Habang nanonood, naramdaman kong parang bahagi at sintomas ang pagtatanghal ng hindi maganda sa lagay ng bansa natin. Naalala ko ang nalulungkot na pagbasa ng Aprikano-Amerikanong manunulat na si Alice Walker, sa isang sanaysay sa libro niyang In Search of Our Mother’s Gardens [1984]: “Pinaslang ang ating mga pinunong moral. Sinasamba ng ating mga anak ang kapangyarihan at droga, madalas na kalokohan ang ating opisyal na pamunuan, na kadalasang mapaniil. Ang ating pinili at pinaka-iginagalang na mang-aawit ng soul – na may di-hayag na tungkuling ipaalala sa atin kung sino tayo – ay naging isang blonde.”

Kung sabagay, matatawa talaga ang marami sa mga manonood, na galing marahil sa mga uring panggitna at nakakataas, at nakatira sa mga lungsod. Bukod sa araw-araw maririnig sa mga estasyon ng radyo ang mga kanta ng mga mang-aawit na nabanggit, marami na rin ang nakakita sa kanilang magtanghal – sa telebisyon, CD o DVD, o sa YouTube. Alam ng mga marami ang tinis ng boses ni Natalie Cole at ang kalmadong pagkanta niya, ang malaki pero parang lumilipad na boses ni Anita Baker at ang maalab na pag-awit niya, ang boses ni Angela Boffil na minsa’y tila galing sa ilong at sinasabing ginagaya ni Sharon Cuneta, at ang malamig na boses at itsura ni Dionne Warwick.

Higit pa diyan, masasabing mayroon na ring kultura ng panggagaya ang mga Pinoy sa pag-awit ng mga kantang masasabing bahagi ng “kulturang popular”. May ilan nang manunulat – kasama ang isang Pico Iyer ng Time – ang pumansin kung paanong nagkalat sa mga videoke bar ang karaniwang mga Pinoy na bumibirit nang katulad ng mga idolo nilang dayuhang mang-aawit. Itinuturing ding papuri sa mga bar na ito ang “plakado”. Halimbawa: “Plakado mo si James Ingram, ah.” Lagi ring idinidikit ang mga Pinoy na mang-aawit sa mga dayuhan: mula sa Claire dela Fuente = Karen Carpenter at Gary Valenciano = Michael Jackson (?!) hanggang sa Sarah Geronimo = Celine Dion.

Karugtong din nito ang “fickle cycle of recycle,” sa mga salita ng kritikong si Patrick D. Flores, o ang walang kamatayang pagre-revive sa mga kanta, sa industriya ng musika sa bansa. Haluan ito: May bahagi ng panggagaya at may bahagi naman ng pagbago sa orihinal na pagkanta. Halimbawa ng huli ang bersiyon ng “Upside Down” ng 6cyclemind at mga kanta ni Sitti. Pero kapansin-pansing hindi pumatok ang album ni Nina ng mga revival ng mga kanta ni Barry Manilow, pero sumikat siya sa naunang pagbirit niya ng mga revival. Trahedya na inilaan ni Jaya ang boses niya sa walang kalatuy-latoy na “Is It Over?” Kung anuman, pagkilala ito sa orihinal na mga kanta – kapwa Pinoy at dayuhan.

Hindi ko lang alam kung sasapat ang paliwanag ng “kaisipang kolonyal” o colonial mentality sa usaping ito. Kahit paano, ipinapahaging kasi ng paliwanag na ito na may pagpipilian ang ordinaryong mga Pinoy at mga musikerong Pinoy. Pero ang nakikita natin, napakalakas ng tulak sa kanila na gawin ang ginagawa nila. Binabaha halimbawa ang karaniwang mga Pinoy ng musikang dayuhan – sa porma ng pop at iba pa, at awit din ng mga dayuhan. Sa isang banda, nagre-revive ang mga musikerong Pinoy para mabilils na makilala, o kaya’y manatili sa ere kahit sa ilang panahon lang – bagamat totoo rin namang tumatangkilik ang mga tagapakinig sa mahuhusay na orihinal na awit.

Hindi lingid sa marami ang kakayahan sa pagkanta ni Lani: Noon, pinipilahan pa nina Dulce, Dessa at iba pa ang “I Will Always Love You” ni Whitney Houston para maabot ang nota. Iyun pala, isang Lani lamang, kaya nang simulan at tapusin ang kanta nang mahusay. Pero trahedyang wala pa rin siyang sikat na kanta. Sa puntong ito, maraming usapin: mga nagsusulat para sa kanya ng kanta, pagbibigay ng proyekto ng mga kompanya sa telebisyon at recording, at iba pa. Kaya nga ginawa rin niya dating itanghal ang panggagaya niya sa sikat na mga mang-aawit na Pinoy – Sharon Cuneta, Zsa-Zsa Padilla, Jaya. Mapagkumbabang pag-amin ito sa dating trabaho niya sa mga minus one.

Pero ang panggagaya niya sa sikat na mga dayuhang mang-aawit, sa ilang panahong pagsho-show niya sa Las Vegas, ay pagsisikap hindi lamang para kumita, kundi para mapansin ng mga nasa industriya ng musika sa US. Kakatwang para magawa ito, kailangan muna niyang magtanghal ng ganito – ipakitang kaantas niya sa talento ang mga dayuhang mang-aawit pero hindi niya kaantas sa katayuan; na katulad siya ng mga ito pero hindi; na alam niya ang lugar niya kahit nag-aasam siya ng mas mataas. Pamilyar na tayo sa ganito: mga Pinoy na nagsikap pumasok sa international music scene pero umuwing bahagya lang nagtagumpay: Martin Nieverra, Leah Salonga…

esanjuan.jpg
Si E. San Juan, Jr., progresibong Pilipinong intelektuwal
na nakabase sa US (Galing ang larawan sa gmanews.tv.)

Sa kanyang mga sulatin, palaging inililinaw ni E. San Juan, Jr., Pilipinong intelektuwal na nakabase sa US, na nakaugat ang pagiging mardyinal – nasa laylayan – sa US ng mga Pilipino sa pagiging neo-kolonya ng Pilipinas sa US. Aniya, nakaugnay sa paggigiit ng pambansang kalayaan ng mga Pilipino sa Pilipinas ang pagkilala at kapalaran ng mga Pilipino-Amerikano sa “sinapupunan ng halimaw”. Mahalaga ang punto niya hindi dahil itinuturo nito sa mga Pinoy kung paano magkakaroon ng natatanging puwang sa US, kundi para kilalanin ang ugat ng kawalan ng gayon, at para manawagang sana’y makilahok sa pagbago sa mga sanhing ito – na bukas kay Lani at iba pang mang-aawit.

Napabalitang ooperahan sa obaryo si Lani. Hangad ko ang tagumpay ng operasyon. Sana, pagkatapos, may mailuwal nang magagandang awitin para sa kanya – bukod pa ang pag-asam na may mailuwal nang bagong pulitika para sa bukod-tanging tinig niya.


10 Enero 2007

*Pasintabi kay Charlene Duncan, mang-aawit ng “I’ve Never Been to Me”

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • stuart-santiago  On January 12, 2008 at 5:49 pm

    tama ka, receptive naman ang pinoy audience to originals, kaya nakakapagpatanong talaga kung bakit wala kahit isang original ang isang napakagaling umawit at napakahusay na entertainer tulad ni lani misalucha. siguro dahil mas madali, at mas masaya, talagang manggaya, na isa sa mga unique talents ng pinoy. mas mahirap makipagsapalaran sa bago, lalo na’t mahirap tapatan, much less lampasan, ang kano pagdating sa pop music at performing arts. at, oo, lalo na’t buhay na buhay ang colonial mentality, lalo na sa mga pinoy na nasa “sinapupunan ng halimaw.” i’m sure exception si e. san juan jr. bakit nga ba siya nasa amerika.

  • kapirasongkritika  On January 13, 2008 at 5:21 am

    Hehe. Somehow, somewhere, ewan ko ba, pero isa ka talaga sa naisip kong magsusulat ng komento. Hehe. Salamat!

    Mahirap nga talaga. Pero magandang pag-isipan ng mga makabayan at progresibo. May isang bahaging nagsasabing may subersiyon sa panggagaya ng mga Pinoy, siguro paraan din para pagkatuwaan ang mga sarili natin at ang iba.

    Masarap din kasing isiping hindi buung-buong lulong ang mga damdamin natin sa musikang pop — lumalagos-lagos siguro, pero hindi buong nakakahon. Mainam pang pag-isipan.

    May pakiramdam akong mababasa ni E. San Juan, Jr. itong entri at mga komento, kaya hahayaan ko na siyang sumagot sa iyo.

    Nakakatuwa ang mga soundbytes mo sa huling mga entri mo, ha. Hehe. Partikular sa akin ang “bread trip”. Hehe.

  • kapirasongkritika  On January 14, 2008 at 9:58 am

    Isinulat ko kay E. San Juan, Jr. ang tanong mo, Angela. Heto ang sagot niya.

    Maikling tugon kay Angela Stuart-Santiago:

    Noong 1967, nang ako’y nasa-UP, nakagalit ko si President Romulo, pangulo ng UP noon. Kaya napilitan akong maghanap ng trabaho rito. Nagkataong maluwag pa noon at maraming offers sa akin. Wala namang nag-alok sa akin ng trabaho sa ating bayan sa panahong 1967 at 1972, o noong 1986 hanggang ngayon. Parang may blacklist pa rin sa mga maka-kaliwang intelektwal. Sa pagitan ng 1972 at 1986, nasa black-llist ako ng Marcos regime, kaya hindi ako makapaglakbay–non-renewable ang passport. Kaya naging permanenteng OFW …

    Retirado na ako, pero hanggang ngayon wala namang nag-aanyaya sa aking magturo riyan nang may konting kabuluhan. Kaya kung may pondo, pwedeng makauwi, kung wala himpil na muna sa “sikmura ng halimaw” upang makatulong sa pakikibaka sa iba’t ibang larangan. Kung saan itinakda ng kapalaran–kung tutuusin, maliit lamang ang bisa ng indibidwal na pagpapasiya sa mundo–doon dapat harapin ang (ayon kay Brecht) “hamon ng ating panahon.”

    Sige, ingat lang,
    Sonny

  • stuart-santiago  On January 14, 2008 at 4:49 pm

    tugon kay e. san juan, jr:

    tama ang kutob ko, matindi ang dahilan. nakakalungkot, pero tama ka, sonny, kung saan itinakda ng kapalaran, doon dapat harapin ang ‘hamon ng panahon’. tama rin ito para sa marami dito na natutuksong mag-ofw dahil bulag sa pagkahalimaw ng halimaw.

    naalala ko tuloy ang tula mo para kay patricia evangelista, tungkol sa winning speech niya sa u.k. na pinagbunyi ang globalization. sana sumulat ka pa ng mga ganoon pang pagpuna sa mga nagaganap dito. kung di man palaring maipalathala sa diyaryo o magasin, promise, ipo-post namin sa mga blog namin at ikakalat sa mga e-group.

    puwede bang itanong kung anong pinagkagalitan ninyo ni president romulo? nakakaintriga dahil napaka-critical turning point in your life.

    ingat ka rin. mabuhay!
    angela

  • fjordz  On January 16, 2008 at 10:01 am

    “Kakatwang para magawa ito, kailangan muna niyang magtanghal ng ganito – ipakitang kaantas niya sa talento ang mga dayuhang mang-aawit pero hindi niya kaantas sa katayuan; na katulad siya ng mga ito pero hindi; na alam niya ang lugar niya kahit nag-aasam siya ng mas mataas. Pamilyar na tayo sa ganito: mga Pinoy na nagsikap pumasok sa international music scene pero umuwing bahagya lang nagtagumpay: Martin Nieverra, Leah Salonga… ”

    Gusto ko ang linya mong ito. Parang kailangan mong maging desperado at gumawa ng pinakakakaiba para lang magpapansin saka palang masasabing may ibubuga ka nga pero hindi rin naman ganun papansinin ng mga banyaga pagkatapos dahil may sarili silang mga idolong sinusuportahan.

    Wala rin naman akong masabing paraan para mabago ang ganitong senaryo para sa mga Pilipinong umaasam ng bago sa dayuhang bansa gayong ang lahat ay magiging depserado (to the point na maaring maging ‘Americanized’ ang personalidad) kung masisilaw sa kaanyuan ng Amerika at manlulumo sa pagkukumpara ng halos lahat ng aspeto ng bansang banyaga at bansang Pilipinas.

  • kapirasongkritika  On January 24, 2008 at 1:28 pm

    Fjordz, hindi ko napansing nagkomento ka. Napasama ang komento mo sa spam comments. Salamat at nagustuhan mo. Totoo, hindi rin naman pinapansin ng mga banyaga ang mga Pilipino kahit magpaka-TH (trying hard) tayo. Ang lamang lang talaga, may dolyar na kita. Totoo, diyan din ako nahirapan. Hindi ko alam kung ano ang ipapanukala ko para makapangibabaw sila sa kalagayang ganyan.

    Angela, sabi ni Ka Sonny, masyado daw personal ang tanong mo. Sasagutin na lang daw niya sa autobiography niya. Basahin na lang nating pareho doon. Ingat.

  • fjordz  On January 25, 2008 at 2:50 am

    kaya pala parang hindi ko maconfirm kung napost ko ba talaga yung comment ko o hindi hehehe.. buti na lang narecover mo pa sa spam..

    http://hiraya.co.nr

  • stuart-santiago  On January 25, 2008 at 7:00 am

    teo, pakisabi kay ka sonny, sorry, i didn’t mean to pry. naisip ko nga (better late than never), baka naman personal at hindi pulitikal, so okey lang. salamat😉

  • kapirasongkritika  On January 25, 2008 at 6:04 pm

    Okey. Ipapaabot ko. Narito pala siya sa bansa ngayon, magtuturo pansamantala ng ilang kurso sa UP. Ingat.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: