Gloria Macarpenter-Arroyo

Kahapon, Pebrero 14, ginawa na naman ng mga taga-Malakanyang ang laos nang taktika nila tuwing nahaharap si Gng. Arroyo sa kontrobersiya: kumanta sila. 

Ayon sa balita, dumating sa Malakanyang sina Richard Carpenter at Claire dela Fuente. Si Richard ang musikerong kapatid ng yumaong si Karen Carpenter, magaling na Amerikanong mang-aawit na nagpasikat ng “Close to You” at “Top of the World” noong 1970s. Si Claire naman ang tinaguriang “Karen Carpenter ng Pilipinas,” nagpasikat ng “Sayad” este “Sayang,” at presidente ng Imboa, organisasyon ng mga opereytor ng bus. Matagal nang bali-balitang mayroon silang bagong proyektong pinagsasamahan. 

Kumanta si Richard, na nakasuot ng Barong Tagalog, ng “Yesterday Once More”. Pagkatapos, sinimulan nina Richard at Claire ang pagkanta ng “You”: You are the one who makes me happy… Tapos, mula sa pagkanta-kanta sa gilid, at kunwari ay hindi scripted, tumayo si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo – presidente ng matatag na republika – at sumabay sa pagkanta. Noong matapos, kumanta si Claire ng “Something in Your Eyes” – na pinasikat ni Dusty Springfield at ni-revive ngayon nina Claire at Richard. 

Hindi ito katanggap-tanggap sa akin, na lumaking nakikinig sa radyo kay Karen Carpenter – at kay Barry Manilow – at may paborito sa “Song for You,” “Superstar,” “Masquerade” at “Solitaire”. Nagamit ang musika ni Karen – na laging nasa tono, at namatay sa mga kumplikasyong dulot ng anorexia nervosa – ng pangulong sintunado at nagdudulot ng grabeng gutom sa mga Pilipino. Narito ang ilang eksenang napanood at hirit na narinig ng ating bubwit sa Malakanyang kaugnay ng nangyaring kantahan.  

*** 

Sabi ng isa, “Ang sipsip naman nito ni Claire! Mahirap na ba talaga ang buhay kahit ng mga opereytor ng bus?” Sagot ng isa, “Oo, ano. Sobrang mahal ng presyo ng langis.” Pahabol ng isa, “Eh pampa-derma (dermatologist) pa.” 

Bago ang pag-awit, lumapit ang isang PSG (Presidential Security Guard), dala-dala ang cellular phone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Sir. Huwag na daw po ninyong ituloy. Iyang pagkanta daw po ninyo ang dahilan kung bakit niya kayo ipinagpalit kay Vivian Yuchengco.” 

Bago ang pag-awit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Mr. Nani Perez. Sorry daw po, hindi siya makakapunta. Sayang daw po, ngayon n’yo lang sana siya mahaharana.”  

Bago ang pag-awit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Sec. Raul Gonzalez. Kung gusto daw po ninyo, uulitin muna nila iyung babala sa mga taga-midya. Baka daw po kasi may mang-alaska.” 

Habang umaawit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Mr. Mike Defensor. Papunta na daw po siya. Balita daw po niya, may sore throat kayo. Huwag daw po kayong mangsermon muna.” 

Habang umaawit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, tumawag po si Sec. Norberto Gonzales. Ano daw po iyung natanggap niyang intelligence report na may crying cow na pumutok dito? Balita raw po niya, pakana ng CPP-NPA-NDF.” 

Pagkatapos ng pag-awit, lumapit ang isang PSG, dala-dala ang cellphone ni Ma’am. “Ma’am, manedyer daw po ni William Hung ng American Idol. Ginanahan daw pong mag-konsiyerto ang alaga niya dito sa Pilipinas.” 

Pagkatapos ng pagkanta, nagpatawag ng press conference si Richard Carpenter noong alas-dos ng madaling araw. Pagkatapos daw niyang sunduin ng PSG sa airport, at pagkatapos siyang takutin ng pangulo, handa na raw siyang tumestigo sa Senado. 

Pagkatapos ng pagkanta, nakakabinging katahimikan, walang nagpalakpakan noong sinimulang tugtugin sa piyano ni Richard Carpenter ang “If We Hold On Together”. Lalabas na sana sa kuwarto para kumanta si Emilia Boncodin. Dinky! 

“Parang MYMP: Kasing-tangkad ni Juris, kaboses ni Chin.” 

“Parang Spongecola: Kasing-tangkad ni Yael Yuzon, parang sinok niya.” 

Sabi ng isa, “Kawawa naman si Richard Carpenter, ginamit nang walang kamuwang-muwang.” Sagot ng isa, “Para siyang pumayag magtanghal sa barkong Titanic.”   

“Kung nandito si Karen Carpenter, masusuka siya – at hindi dahil sa anorexia nervosa. 

Sabi ng isa, “Kawawa naman ang mga Pinoy na mang-aawit at musikerong sikat sa buong mundo. Nakakahiya ang presidente nila.” Sagot ng isa, “Puwede iyang isama sa reklamong impeachment – atake sa mga OFW, pananabotahe ng ekonomiya.” Hirit ng isa, “Kapag hindi sumikat si Charice Pempengco, alam n’yo na kung sino ang sisisihin.” 

“Akala ko ba, regalo ng pangulo dahil Valentines? Eh bakit parang pasyon, Mahal na Araw?” 

“Diyos ko po. Ang classic ni Karen Carpenter – naging ponebre.” 

“Maganda ma-remix iyan sa ringtone na ‘Hello Garci’. Maganda kaya sa tunog ng ‘In the Club’ ni 50 Cent?” 

Sabi ng isa, “Trademark ni Karen Carpenter iyung boses na malamig pero parang galing sa hukay.” Sagot ng isa, “Wala siyang panama rito – parang patay talaga ang kumakanta.” 

“Parang galing sa urno ng balota ang boses ni Ma’am.” 

Versatile talaga si Ma’am. Ganyang-ganyan din ang tunog niya noong ‘I… am… sorry’.” 

“Sana si Sir na lang ang pinakanta. Mas matinis pa ang boses.” 

Sabi ng isa, “Ang halay pakinggan! Mga matronang umuungol!” Sagot ng isa, “Umuungot kamo.” 

Kararating lang: “Ay! Akala ko si FPJ!” 

“Iyan ba ang huling kanta ni Karen Carpenter?”  


15 Pebrero 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • gingmaganda  On February 15, 2008 at 2:29 pm

    “Kawawa naman si Richard Carpenter, ginamit nang walang kamuwang-muwang.”

    ahahahaha. suske! tawa ako ng tawa sa post na ito. binabasa ko yung ibang post dito at pilit iniintindi pero sumasakit ang IQ ko. pero tawang-tawa ako dito, ahahaha.

    nasira ang mga childhood memories ko. akala ko kung ano yung umaatungal sa balita, sa presidente pala. dapat nagmagic sing muna bago bumira. erlack. baka naman dineath threat nga iyang si mr. carpenter para pumayag magkipagduet. kawawa nga. good lord.

  • JP  On February 20, 2008 at 4:19 am

    What if Family Affair

  • kapirasongkritika  On February 20, 2008 at 5:03 am

    Salamat sa komento, Gingmaganda. Baka kako walang natatawa sa humor ko. At least pumatok naman pala sa iyo ang isa.

    Salamat sa suggestion, JP. Alam ko ang tinutukoy mo: Iyung mga kantang nire-remix sa kantang “Family Affair” ni Mary J. Blige na paborito ng mga dyip na biyaheng Cubao-Antipolo. Use in a sentence? “Finamily Affair nila iyung kanta ng Air Supply”. Hehe.

  • gingmaganda  On February 20, 2008 at 11:48 am

    ahahaha, walang anuman. videoke tayo minsan, mas magaling pa tayo kumanta kay gloria!

    “dont you remember you told me you lab me baybehhhh….”

    saka

    “long agow, and oh-so-far-away, i fell in lab wit u, before da sekend showww…”

    nangungulit lang. haha!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: