Kung Anu-ano Hinggil sa Krisis ni Arroyo

(1)

Kahit mula sa perspektiba niya, dapat kilalanin ni Sen. Joker Arroyo na mali siya – at tama si G. Jun Lozada – sa pagtatalo nila sa pagdinig ng Senado noong Lunes, 11 Pebrero. Mali ang atake niyang usapin ang pagkakaroon ng “good faith” o “bad faith” – maisasalin kaya itong mabuti o masamang saloobin? – ni G. Lozada sa pagkausap sa oposisyon lamang ng Senado at sa isang grupo sa midya. Maling atake ito dahil may bala si G. Lozada – nakipag-usap pala siya noon sa misis ni Sen. Arroyo at pinayuhan siya nitong huwag isiwalat ang alam.

Na mainam na rin. Sa sandaling eksenang iyon, nailantad ang senador na oo nga’t may progresibong rekord noong panahon ng Batas Militar ni dating Pang. Marcos ay mas kumakampi ngayon kay Pang. Arroyo na nagpapatupad ng sariling bersiyon ng Batas Militar. “Ang mga sumasatsat ng karapatang pantao rito, hindi nagdusa para sa karapatang pantao!” malakas niyang sigaw. Sintomas ito ng problema kay Sen. Arroyo: Sa halip na tingnang panatang dapat ituluy-tuloy ang pagtatanggol sa karapatang pantao, ginawa na niya itong monumento.

(2)

“Huwag mong idamay ang misis ko rito!” pikon na bulyaw ni Sen. Arroyo kay G. Lozada – na nagpapaalalang kahenerasyon ng senador si dating Sen. Rene Saguisag, na kilala ring wagas ang pagmamahal sa asawa. Nitong Martes, 12 Pebrero, umiyak sa telebisyon ang – maganda palang – misis ni Mike Defensor, ex-future senator at kasalukuyang alalay ng Pangulo. Ipinaghihimutok niya ang ihinirit ni Bb. Leah Navarro ng Black & White Movement na “Mapapaisip ka tuloy kung ano ang itinuturo nila sa mga anak nila” nang tinutukoy ang mga Defensor.

Pinag-iba noon ng kritikong si Prop. Patrick D. Flores ang “personal” at “pribado”. Umamin siya na – sa kanyang mga rebyu noon ng iba’t ibang aspekto ng kulturang popular – bumanat siya sa una. Pero itinanggi niyang pumasok siya sa ikalawa. Hindi pribadong usaping puwedeng ikapikon at bakuran ni Sen. Arroyo ang pagkausap ng misis niya kay G. Lozada, kung totoo ito. “Family man” naman ang minsang paglalarawan-sa-sariling ginawa ni G. Defensor sa publiko. Totoo, mapapaisip ka nga naman talaga kung ano ang itinuturo niya sa mga anak niya.

Kakatwa kung paanong ayaw na ayaw ng mga tauhang ito ng rehimeng Arroyo na nadadamay o natutuligsa rin sa kanilang ginagawa – katarantaduhan? – ang mga miyembro ng pamilya nila. Mahalagang banggitin sa puntong ito na nagtatanggol sila ng rehimeng sa maraming pagkakataon ay hindi pinag-iiba ang aktibista o rebolusyunaryo sa kapamilya ng mga ito – nang hindi lamang pasaring o pagdadawit ang ginagawa. Ilang pampulitikang pagpaslang na ba ang bumiktima hindi lamang sa mga aktibista, kundi maging sa mga kapamilya nila?

(3)

Maghintay ng 2010. Ito ang mensahe ng Palasyo sa mga kalaban sa pulitika ni Gng. Arroyo na diumano’y gustong patalsikin ang Pangulo para makaupo sa puwesto. Alam nitong may malakas na pagnanasa ang mga mamamayan na tanggalin na si Arroyo at may pagnanasa ang iba’t ibang grupo na maluklok o mapalapit sa puwesto – kaya pagkakanal sa hinaharap ang taktika nito. Sa ganito, nakakabanat pa ang rehimen sa mga kalaban sa pulitika – mga mainiping hayok sa kapangyarihan! – at napapasama ang kilusang Patalsikin si Gloria.

Sa tingin ko, kung mayroon mang kasunduan sa pagitan ni Gng. Arroyo at ni dating Pang. Joseph Estrada kapalit ng paglaya ng huli, sang-ayon at ambag iyon sa ganitong atake. Puwedeng ang kapalit ng paglaya ni G. Estrada ay ang pagpapaalab niya ng damdamin ng mga mamamayan at ng Oposisyon para sa halalan sa 2010 – para nga naman mailihis mula sa pagpapatalsik kay Gng. Arroyo. Ito ang ginawa ni G. Estrada mula noong itinulak niyang pagdebatehan kung makakatakbo siyang muli at nagsimula siyang maglibut-libot sa bansa.

Hindi katulad ng mga katoto sa Black & White Movement, hindi ako galit kay G. Estrada sa kapareho o halos-kaparehong antas ng galit ko kay Gng. Arroyo. Sinasabi ko lang ito para mailantad sa publiko para naman mailugar nito ang ganoong mga aksiyon ni G. Estrada. May maitutulong siya sa kilusang Patalsikin si Gloria, pero patunay ng bulok na pulitika ng sabuwatan ang pakikipagkasundo niya, kung totoo man. At kung hindi man totoo, mahalagang makitang mas pumapabor kay Gloria ang maagang pamumulitika niya para sa halalang 2010.

(4)

Walang alternatibo kay Gng. Arroyo. Ito ang koro nina dating Pang. Fidel Ramos at Sen. Miriam Defensor-Santiago – magkalaban sa halalang 1992 – sa mga pahayag nila. Sabi pa ng senadora, kahit ipagpalagay nang may kasalanan si Gng. Arroyo sa mga akusasyon sa kanya, wala pa ring matinong papalit sa huli. Estilong Mike Defensor ang ganitong argumento – tanggapin ang sinasabi ng kalaban, at igiit ang masaklap na katotohanan. “Kahit ibigay mo na ang lamang ni Pang. Arroyo sa Mindanao kay FPJ, panalo pa rin sa bansa si presidente.”

Marahil, may kagat sa maraming tao ang ganitong argumento noong unang putok ng eskandalong “Hello Garci”. Unang malaking kasalanan pa lang kasi iyon ni Gng. Arroyo sa mga mamamayan. Tapos pandaraya pa sa eleksiyon – na tinitingnan ng marami na normal na sa pulitika ng bansa. Noon, puwede pang magyabang ang rehimen ng posibilidad ng paglago ng ekonomiya. “Puwede pa” dahil sa isang banda’y nagsisimula pa lang ito. Ano nga naman ang mangyayari kung mapalitan si Gng. Arroyo ng walang kakayahang mamuno hanggang 2010?

Pero iba na ang kalagayan ngayong Enero 2008 sa Hunyo 2005. Mas malapit na ito sa Nobyembre 2000 ni dating Pang. Estrada. Napakarami na ng kasalanan ni Gng. Arroyo sa mga mamamayan, na sunud-sunod pang ginawa. Ang ibang kasalanan – tulad ng ekstrahudisyal na pagpaslang – naging tuluy-tuloy, parang patakaran sa trapiko. Sa karanasan ng bansa, mas nagngangalit ang mga mamamayan sa pandarambong sa kabang-bayan kaysa sa pandaraya sa halalan. Nariyan ang lahat ng indikasyon para sabihing wala talagang pag-unlad.

(5)

Sa ganitong lagay, dalawang taon na lang bago ang halalang 2010, nagiging mabango ang pagtulak kay Bise-Presidente Noli de Castro na lumaban kay Gng. Arroyo at pumalit sa huli. Panis, laos, taob at walang binatbat ang kumita nang mga pakana ng rehimen – Cha-Cha para lituhin ang publiko at pagpapakita ng suporta ng buwayang mga opisyal ng lokal na mga pamahalaan – sa pagkalas ni Bise-Pres. De Castro kay Gng. Arroyo. Pero maging ang pagtindig niya laban kay Gng. Arroyo ay iluluwal lamang ng paglawak ng mga protestang masa.

Sa tingin ko, dapat ay alam na ni Bise-Pres. De Castro na ngayon na ang panahon niya. Ngayon pa lang, hindi niya magawang matatag na ipagtanggol si Gng. Arroyo, na hindi naman talaga maipagtatanggol. Kung hindi siya kakalas sa rehimen bago ang halalang 2010 – at ngayon na ang pinakamainam na panahon – magiging napakabaho niya para iboto ng tao. Sa ganyang kalagayan, mas malamang na hindi siya manalo. Lalo lang siyang malalantad na taong midyang dating may konsensiya pero naduwag at nagpagamit sa mabahong mga krimen.

Pero kung hindi siya lalaban kay Arroyo, maraming puwedeng pumalit: Si Sen. Manny Villar, dahil presidente siya ng Senado. O isang konseho ng makabayang mga lider. Hindi ang pagtindig ng lehitimong papalit ang makakapagpakilos sa masa, bagamat makakapagpadali ito sa huli. Ang pagkilos ng masa laban sa mga krimen ng rehimeng ito ang magtutulak sa mga posibleng pumalit para lumaban. Hindi si Gng. Arroyo ang nagpakilos sa mga mamamayan noon, kundi ang mga krimen ni G. Estrada. Si Gng Arroyo ang bumuntot sa taumbayan.

(6)

Anu’t anuman, hindi kaunlaran ang pangunahing batayan kung bakit dapat patalsikin na si Gng. Arroyo – bagamat maaari ring batayan ito dahil talagang inilugmok niya ang mga mamamayan sa mas grabeng kahirapan at gutom. Pitong taon matapos niyang maluklok, ano ang pag-asang ibinibigay niya sa mga kabataan? Kawalan ng trabaho, pangingibang-bansa, kontraktuwal na paggawa, trabahong call center – ito ba ang kaunlaran? Hanggang di tunay na nababago ang bulok na sistema sa bansa, panloloko lang ang mga pangako ng kaunlaran.

Sa tingin ko, pansamantalang ginhawa ang gusto ngayon ng mga mamamayan – mula sa pandarambong at mga patakarang lalong nagpapahirap at gumugutom. Pero higit pa rito, hindi man maihahain sa hapag-kainan, katarungan ang gusto at minimithi ng sambayanan – ang patalsikin at parusahan ang malinaw at paulit-ulit na nagkasala pero gumagawa ng lahat para makapagtakip, makalusot, at makatakas. Napakasayang premyo ng bayan ang makitang tumatalilis si Gng. Arroyo – kasama ng kanyang pamilya at kriminal na Gabinete – sa Malakanyang.


14 Pebrero 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • kagawad  On June 19, 2008 at 11:43 pm

    G.Rodulfo Lozada nasaan ka na?? Mag paramdam ka…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: