Target: Panggitnang Uri

(1)

Susi, ayon sa ilang manunuring pampulitika, ang papel ng mga nasa middle class o panggitnang uri sa panahong ito para mapatalsik ang rehimeng Arroyo. Sang-ayon ako, bagamat dapat balansehin ito ng pagdidiing matagal nang namumuhi sa rehimeng ito at kumikilos, sa iba’t ibang paraan, ang masang anakpawis – ang mga manggagawa, magsasaka, at maralita sa pangkalahatan. Magiging mas matatag at malakas ang paglaban ng mga nasa panggitnang uri kung kasanib ng pagkilos ng mga anakpawis. Sama-samang pagkilos ang tinutukoy ko, kasama ang pagmamartsa sa mga lansangan.

Sa tingin ko, alam na rin ng rehimen ang susing papel na ito. Laman ng balita ang mga propaganda at hakbangin – “taktika” ang mas walang moralidad na tawag kaya mas angkop – ng rehimen na masasabing nakaturol sa mga nasa panggitnang uri, o sa mga propesyunal, at mga estudyante at guro na siyang pinaka-konsentradong seksiyon ng uring ito. Narinig ko na rin ang mga ito dati, noong nasa krisis ang rehimen. Dati iniisip ko, sinusulit lang ng rehimen ang pinag-aralan sa mga agham panlipunan ng bayarang mga utak nito. Ngayon, masasabi ko, “Now I understand what you tried to say to me”.

(2)

Mahalaga ang tampok na kaso ni Atty. Fely Arroyo, asawa ni Sen. Joker Arroyo, para maunawaan sa antas na personal – eksistensiyal? – ang epekto ng mga propaganda at taktikang ito sa mga nasa panggitnang uri. Ipinapakita ng mga aksiyon niya at ng tugon niya sa testimonya ni G. Jun Lozada ang pag-iwas sa pakikisangkot sa mahalagang isyung pambansa kahit kumatok na ito – at pinatuloy na nga niya sa isang antas – sa kanyang pintuan. Gamit ang teknikalidad ng kanyang propesyon, iniwasan niyang makialam kahit bilang mamamayan sa isyung napakahalaga ngayon para sa bansa.

Walang duda, maipagtatanggol ang ginawa niya sa kahit saang hukuman, hindi siya bumaklas sa rehimen sa harap ng pagdulog ni G. Lozada, at hindi siya dapat puntiryahin ngayon ng atake ng rehimen. Sa isang banda, kauna-unawa ang ginawa niya. Pero iyun ang isa sa dapat nating gawin ngayon: ang tumangging ituring na katanggap-tanggap ang ginawa at sinabi niya at idiing ang mga ito ay mali, mali, mali. Wastong sagot ang ginawa niya sa maling mga tanong. Nakatuon ang mga aksiyon niya sa paglusot sa mga hukuman, pagtakas sa impresyong kumalas sa rehimen, at pag-iwas sa mga atake nito.

(3)

Mainam talakayin ang kaso ni Atty. Arroyo dahil, kung ibabatay sa pagpanig ng kanyang asawa, kontra-Marcos siya noong 1986 at kontra-Estrada rin noong 2001. Sinang-ayunan pa siya ni Prop. Solita Collas-Monsod. Ano’ng klaseng “kultura” sa panahon ng rehimeng Arroyo – maraming talakayan ngayon tungkol sa “kultura ng korupsiyon,” “kultura ng panunupil,” at iba pa – ang konteksto ng ganitong mga aksiyon? Masyadong pasibo ang dating ng salitang “konteksto”; ang tinutukoy ko ay ang kulturang humubog at nagpatatag sa ganitong tugon, pero hinuhubog at pinapatatag din ng ganitong tugon.

Sa kanyang mahalagang sanaysay na “Death-By-Death,” sinuri ni Prop. Neferti Xina M. Tadiar, progresibong intelektuwal, ang kulturang konteksto – sa pag-unawang binanggit sa itaas – ng malaganap na pampulitikang pamamaslang sa bansa. Aniya, “Ang paggamit ng salitang pasismo para ilarawan ang kasalukuyang sitwasyon ay dapat… na magpaalala sa atin na laging mayroong dimensiyong pangkultura sa praktika at organisasyong ito ng kapangyarihan ng estado.” Maaaring humalaw sa sanaysay niya para unawain kung paanong hinahadlangan ng rehimen ang isa pang People Power.

Tutal, binanggit niyang “proyekto ng isang pandaigdigang kampanyang kontra-terorismo na kumpiskahin” ang tinatawag niyang “transnasyunal na damdaming pantao” sa pamamagitan ng “paglikha ng lahat ng klase ng pang-emosyon at pang-ideolohiyang hadlang laban sa posibilidad ng pagbuhos ng kolektibong pagluluksa at pagkamuhi sa pinsalang pantaong siningil ng mga hukbo ng mga naghahari sa mundo.” Ang mga hadlang na ito, ayon sa kanya, “ay ang pangkaisipan at panlipunang katapat ng mga taktikang pre-emptive na ginagamit ng mga kalagayan/estado (states) ng emergency.”

Hindi ba’t, muli, nasa estado ngayon ng emergency ang rehimen? Inilarawan niya kung paanong ihinihiwalay at pinapamanhid ang mga miyembro ng uring “metropolitan,” o panggitna at nakatataas, sa malaganap na karahasan sa bansa. Aniya, nagagawa ito sa pamamagitan ng pagpapatimo ng “pangkaisipan at panlipunang depensa ng inaatakeng civil society” sa mga uring ito, gayundin ng paglulong sa kanila sa “nakakagumong pang-araw-araw na aktibidad na pambuhay ng ‘pagtatagumpay’ (‘making it’).” Ang huli, aniya, ang “laya” na “binabantayan” ng sikat na programang kontra-insurhensiya ng gobyerno.

(4)

Sa paghadlang ng rehimeng Arroyo sa panibagong People Power, partikular ang paglahok ng mga nasa panggitnang uri, nariyan ang (1) banta ng pandarahas at kaguluhan, gayundin ang (2) pagpapakitang-tao ng kahit minimal na pag-unlad. Sa una, nariyan pa rin ang mapanupil na mga patakarang sumasawata sa mga protestang masa, gayundin ang pag-iimbento ng kung anu-anong kuwento – pambobomba, pagpaslang kay Gng. Arroyo, panggugulo ng NPA, at iba pa. Sa ikalawa, ang pagpapakita ng suporta ng mga negosyante, propaganda ng paglago ng ekonomiya, mga call center.

Dahil pakana ang mga ito ng naghaharing mga uri, hindi ito mapapatigil ng mga mamamayan, maging ng Kilusan para Patalsikin si Gloria. Kailangang ilantad at labanan ang mga ito. Pero mas mapaminsala sa kamalayan ng mga nasa panggitnang uri, sa tingin ko, ang iba’t ibang pahayag at pagsusuri na pinapawalan ng mga tauhan ng rehimen, at ni Gng. Arroyo mismo. Tinutukoy ko ang mga pahayag na sa pangkalahatan ay may layuning maliitin, o pagmukhaing maliit, ang mga makakamit ng sambayanan, kasama ang panggitnang uri, kung muling maglulunsad ng pag-aalsang People Power.

Tampok na punto sa mga propagandang ito ang sumusunod: (1) “People Power Fatigue,” o ang diumano’y pagkapagod ng mga tao na sumali at sumuporta sa isa pang pag-aalsang People Power; (2) “Walang alternatiba, o si Noli lang”; (3) “Bulok ang kulturang pampulitika ng bansa,” bagay na minsang nasabi ni Gng. Arroyo mismo; (4) “Imperial Manila” lamang ang kumikilos at nagpapasya sa mga pag-aalsang People Power. Ang (1) at (2), nagpapahiwatig na maiiwan sa ere ang mga nasa panggitnang uri kung kikilos sila. Ang (1), (2) at (3), nagdidiing sistema ang tunay na problema ng bansa.

Sa pangkalahatan, idinidiin ng propaganda ng rehimen na: Nakaugat ang mga isyung pampulitika, maging ng rehimeng Arroyo, sa kabulukan ng sistema ng bansa – bagay na sinasang-ayunan ng maraming mulat na mamamayan, lalo na ng Kaliwa. Dahil dito, walang magaganap na malaking pagbabago sa bansa mapalitan man ang rehimen. Sa pinakamasahol pa nga, gulo at gambala lamang ang idudulot ng pagpapalit ng rehimen sa sumusulong na ekonomiya ng bansa. Sa pangkalahatan, nagpapalaganap ng sinisismo ang rehimen – sinisismo sa iluluwal ng sama-samang pagkilos ng taumbayan.

unrealtwinhead.jpg
Mainam na larawan ito ng uring petiburgis —
larangan ng maraming pagtatalo sa kalooban.

(Galing ang larawan sa beaglesramsay.co.uk.)

(5)

Wasto, sa tingin ko, na idiing sistema ang ugat ng mga suliranin ng bansa. Sa sobrang bulok ng rehimeng Arroyo, malinaw na inilalantad nito na bulok ang sistema. Mainam na pagkakataon ito para manawagan ng pag-igting ng partisipasyon ng mga mamamayan, kasama ang mga nasa panggitnang uri, sa mga usaping pambansa – sa pamamagitan, halimbawa, ng pagsali sa makabayang mga organisasyon. Pagkakataon din ito para maitaas ang antas ng pagmamatyag at pakikisangkot ng mga mamamayan sa gobyernong papalit sa kasalukuyang rehimen, kung tuluyan nga itong mapapatalsik.

May epekto ang pagdidiin sa kabulukan ng sistema, gayunman, na ilihis ang atensiyon ng mamamayan palayo sa grabeng antas na inabot ng rehimeng ito sa pagpapasidhi sa kabulukan ng sistema – sa pananagutan nito, sa madaling salita. Mas marami pa rin, sa tingin ko, ang mas madaling makakasapul sa kabulukan ng rehimen kaysa ng sistema. Dahil dito, mahalaga pa ring balikan at buuin ang pinakamasasahol na krimen ng rehimen: pandarambong at katiwalian, ekstrahudisyal na pamamaslang at pampulitikang panunupil, pandaraya sa halalan at pagsalaula sa mga institusyon ng bansa, at iba pa.

Mahalagang patampukin at gawing katakam-takam sa mga nasa panggitnang uri at sa mamamayan ang taktikal na mga tagumpay sa pagpapatalsik sa rehimen: ang ginhawa, kahit pansamantala, na idudulot ng pagtigil ng mga patakarang nabanggit na itinulak ng rehimen at ipinahintulot ng sistema – at ang katarungan sa pagpaparusa sa maysala. Sinikap ng mga mamamayan sa iba’t ibang paraan na makamit ang mga tagumpay na ito sa balangkas ng rehimen. Pero pinagtakpan lamang ng rehimen ang mga kasalanan nito. Ang masama pa, gumawa pa ito ng mas matitinding krimen laban sa sambayanan.

Sa ganito, titining na hindi “People Power Fatigue” ang nararamdaman ngayon ng mga mamamayan kundi “Gloria Fatigue” – na tila sinasabi ng islogang “Sobra na! Tama na! Kilos na!” Titining na kahit aso, sabi nga ng kolumnistang si Conrado de Quiros, ay puwedeng ipalit sa pangulong ito – at pagtigil sa kahibangan at pagkakaroon ng katarungan ang kapalit ng rehimeng ito. Titining na mahusay na hakbang ang pagpapatalsik sa rehimeng ito para baguhin ang bulok na sistema. Mababalik-aralan ang Edsa 1 at 2 na malinaw na naganap sa buong bansa, hindi lamang sa Kamaynilaan.

Makakatulong ito sa pagbubuo ng tapang ng sambayanan para kumilos kahit sa harap ng panunupil – banta man o aktuwal. Mas mailalantad ang kahungkagan ng “pag-unlad” na sinasabi ng gobyerno, bukod pa sa paglalantad sa datos ng “pag-unlad” na ginagamit nito. Sa ganito, mas matatag na kikilos ang mga mamamayan nang hindi naghihintay sa paglitaw ng ipapalit kay Gng. Arroyo. Dahil, ang totoo, mapapalitaw ang karapat-dapat na papalit sa kanya – konseho man ng iginagalang na mga lider na anti-Gloria, o konstitusyunal na kahalili – kung tuluy-tuloy at papalawak ang mga protestang masa.

(6)

Sa tingin ko, sa ganitong pagpapaliwanag sa isyu, mas makakapag-abot-kaya – dalumat ito ni Prop. Ramon “Bomen” Guillermo – ang mga anti-Gloria at progresibo sa marami sa mga nasa panggitnang uri at mamamayan. Mas makakapagbukas ito ng pinto para sa kanilang pag-unawa, paglahok at pagkilos. Mas maaabot at mababago nito ang pagkatao (subjectivity) ng mga Atty. Fely Arroyo sa hanay ng panggitnang uri. Sa tingin ko, gayunman, kailangang direktang tugunan ng mga progresibo ang usapin ng pagkatao – sa harap ng ilang taong paghubog ng rehimen sa pagkataong gusto nito.

Magandang halimbawa ang ginagawa ngayon ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP o STAND-UP sa halalang pangkonseho. Laman ng tema nito ang mga salitang “iskolar ng bayan”. Sa mga pahayag nitong nabasa ko, malinaw na panawagan ito para sa pagkataong kaiba sa dominanteng hulma o kanal na pinagpapasukan sa mga estudyante ng UP. Pagpapatampok ito sa estudyanteng nag-aaral at nakikisangkot sa mga isyung panlipunan, at sa gayon ay humuhulagpos sa napakaraming limitasyong ipinapataw ng rehimen at sistema – taliwas kay Atty. Arroyo.

(7)

Mabuti na lang, nakadalaw ako sa isang kaibigan. Naregaluhan ko ang sarili, sakto sa anibersaryo ng Edsa 1, ng pagbabalik-aral sa librong Walang Himala! Himagsikan sa Edsa ni Gng. Angela Stuart-Santiago. Panawagan ko sa lahat na basahin ang napapanahong librong ito, na masinsin sa interesanteng mga kuwento ng Edsa 1, balansiyado ang paglalahad maging sa papel ng Kaliwa, at huwaran ng magaang na estilo ng pagsusulat sa wikang Filipino. Kung ano sa kanyang blog si Gng. Stuart-Santiago, ganoon din siya sa librong ito – makabayan at intelihenteng “chikadora”.

May sinabi dito si dating Pres. Cory Aquino na mahalaga sa pagkataong kailangan natin ngayon: “Sa tingin ko, tamang-tama lahat ng nangyari noon. Lahat ay biglaan, kusang-loob. Walang direktor. Ang mga tao lamang, na sa matinding pagnanasang magkaroon ng pagbabago, ay nagawang makamit ang pagbabago. Ang mga tao mismo ang siyang kumilos, at sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pagkakaisa nila ay nagkakilanlan ang magkakapwa-Pilipino… Ang totoo, sana ay magkaroon pa ng maraming Edsa, kahit parang imposible, o matutunan man lamang natin ang mga leksiyon ng Edsa.”


25 Pebrero 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • stuart-santiago  On February 27, 2008 at 3:34 pm

    salamat, teo, nakakataba ng puso😉

  • kapirasongkritika  On February 28, 2008 at 11:52 am

    Hehe. Natakot akong hindi mo magugustuhan ang “chikadora,” pero inilinaw mo sa libro ang tindig mo sa ganyang mga salita at baybay. Hehe.

  • stuart-santiago  On March 3, 2008 at 8:40 am

    haha. oo nga, better chikadora than tsikadora. besides, makes me seem young😉

  • maryjoy cose  On September 30, 2009 at 9:14 am

    uwo nga bakit kasi nag ganito

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: