Mura Kayo Diyan!

(1)

Nagmumura na si Benjie. Nagsumbong sa akin ang lola niya. Magtatatlong taon pa lang siya pero, sabi ng lola, “He’s saying U-L-O-L, G-A-G-O and P-U-T-A.” Karay-karay niya si Benjie kaya hindi niya masabi nang diretso. Bigla na lang daw ihihirit ng apo ang mga mura, na uulit-ulitin nito nang tumatawa, aliw na aliw sa reaksiyon ng naeeskandalong pamilya.

Ang suspetsa ng matanda, may nagturo sa bata noong alaga ng yaya. Imposible nga namang bigla na lang gustuhin nitong magmura – parang bigla nitong ginustong manigarilyo, halimbawa. “Mabuti kung sa iskuwater kami nakatira. Eh hindi,” dagdag ng taga-condominium. Nababahala siya. “Ano na lang ang iisipin ng mga kapit-bahay?”

(2)

Hindi na malinaw ang ibig sabihin ng “ulol,” “gago” at kahit “tarantado” sa maraming kabataan. Mabuti pa ang “ulol,” may “asong ulol” – di gaya ng dalawa na walang laging kapartner. Maluwag ang pakahulugan sa mga ito kaya siguro naging palasak. O masyadong naging palasak kaya nalimutan ang orihinal na kahulugan? Ang “tanga” naman, sa maliliit na bagay ginagamit.

Nasasabi ang mga murang ito kapag bumubugso ang damdamin. Hindi laging negatibo ang minumura. Namumura ang kabarkada kapag may biro siyang nakakaloko pero nakakatawa. Nasa ganitong pilyong unawaan ang titulong Tanging Ina ng isang pelikula.

Dahil islogan sila ng pag-igting sa isang antas ng damdamin, dikit ang mura sa mga kabataan. Sikat ang “Pare Ko” ng Eraserheads: Ang “’lang-hiya,” ginagawang “’tang-ina”. Sa sikat na kuwentong “Utos ng Hari” ni Jun Cruz Reyes, bahagi ang mura ng pagrerebelde ng bida.

Kabataan ang nagsasalita sa dalawang itong bumabasag sa lumang pagbabawal sa pagmumura. Bahagi rin ang mura ng rebelyon ng mga may katha.

(3)

Ang mura, pananda rin ng uri at kaugnay nitong impluwensiyang pangkultura. Kapag may pelikulang tumatalakay daw sa buhay-maralita – nitong huli’y hubaran kadalasan – asahan mong uulan ng mura. Marami sa mga kuwentong tinatawag na “sosyal-reyalistiko” ang binudburan nito. Siguro, lumilitaw ang pagtingin ng mga may-akda sa mahihirap, bagamat may butil ng katotohanan.

Kapag nakarinig ka naman ng “sinverguenza,” o “hijo de puta,” mahuhulaan mong maraming antigong muwebles sa paligid, ang nagsabi’y nakasuot ng roba, naninigarilyo sa pipa, at mukhang Kastilaloy – may bigote pa siguro ni Paquito Diaz. “Hudas, Barrabas, Hestas” naman ang paborito ni Doña Dellilah ng John & Marsha.

Ngayon, sa panahon ng MTV, HBO, DVD, romance novels, at marami pang produkto ng kulturang popular ng Amerika, lalo sigurong dumadami ang nagsasabi ng “Fuck you” at “Bitch”. Iyung una, tagos hanggang sa mga maralita – “Pakyu!” – habang mas nasa panggitnang uri ang ikalawa.

eraserheads.jpg
Ang Eraserheads: “Di ba?…”

(4)

Sa mga pelikulang bakbakan, hindi palamura si Fernando Poe Jr. – na sabi’y laging “Delfin” ang pangalan. Madalas, kalaban niya ang palamura, hindi siyang kinatawan ng lumang tipo ng maginoong Pilipino. Sa dekada ’90, lalabas ang bidang “maginoo pero medyo bastos” ang bibig sa mga karakter ni Robin “Bad Boy” Padilla.

Wala yatang pelikula ang sikat na mga bidang artistang babae – mula kay Gloria Romero hanggang kina Nora at Vilma, mula kay Sharon hanggang kay Judy Ann – kung saa’y palamura sila. Kung mayroon man, kaunti lang siguro. Madalas na marumi, pariwara o kakaiba ang babaing nagmumura. Kaya nga inilagay pa sa YouTube ang video ni Claudine Barretto noong natapilok siya sa hagdan ng isang palabas. Sabi niya, “Ay putang-ina!”

Iyan ang murang malutong at malinaw ang kahulugan, na hindi laging gustong ihatid kapag sinasabi. Marami, ang turing dito’y pinakamasamang mura. Bukod sa idinadamay nito ang hindi kasama sa usapan, nakatuntong ito sa mababang pagtingin ng lipunan sa mga tinatawag na “puta,” at sa babae sa kalakhan.

Hindi maganda sa dalaga ang pagmumura, pero may istiryutipo ng inang bungangera.

(5)

Bagamat laging inaakalang emosyunal ang mga aktibista, hinihikayat sila sa “Kilusan” na huwag magmura. Marami pa rin kasing naaadwa sa pagmumura. Napakaraming dapat pagkaisahan, huwag nang magtaboy dahil lang sa maliliit na bagay. Sa alituntunin ng NPA, nakasulat: “Bawal mag-alimura.”

Alamat si Felimon “Popoy” Lagman, dating lider-komunista, sa “makulay na pananalita”. Sabi ng dating nakatrabaho, “Sinasabi niya ang mga bagay na hindi mo dapat sabihin sa kasama… mga bagay na hindi mo dapat sabihin sa kahit kanino.” Minumura niya ang nakakadebate, na hindi daw dapat sa talakayang ang dapat manaig ay paghikayat.

Sina Marx, Lenin at Mao, kilala sa pagiging mainitin ang ulo sa mga usaping mahalaga sa rebolusyon, lalo na ng prinsipyo. Pero ang sabi, hindi sila malakas magmura.

(6)

Hindi palamura ang mga relihiyoso at lider-relihiyon. Ano namang ipagmumura pa ng huli, eh masarap ang buhay nila? Itanong mo kay Padre Damaso, kung mayroon siyang tagapagmana.

Kakaibang lider-relihiyon si Bro. Eli Soriano. Hindi lang dahil kabisado o tila kabisado niya ang Bibliya, kundi dahil maraming napapamura kasabay niya kapag inuupakan niya ang pagpepera at panloloko ng mga lider-relihiyon.

Siguro, banas na banas siya sa malaganap na kasamaan, kahit sa hanay ng mga dapat manguna sa pagsunod sa Diyos at paglilingkod sa bayan. Tinutuligsa niya ang mga maykayang walang pakialam sa maralita. Ang paniwala nga niya, narito na ang “666” – at iyan ay ang pera.

Iyun nga lang, hindi niya ginagamit ang talas ng isip at dila niya ngayon para tuligsain ang rehimen ng cabalen niyang tampulan ng maraming mura.


31 Marso 2008, nalathala sa Pinoy Weekly, 02-08 Abril 2008. Salamat kay Soliman A. Santos, patnugot ng seksiyong Kultura, at kay Patrick Bilog sa kakaibang layout.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • guiller  On April 8, 2008 at 9:33 am

    tawa ako nang tawa habang binabasa ito. nung huli kong nakita si benjie’n taga-condo, gumagapang pa lang siya hahahaha. ngayuon pala nagmumura na.

  • kapirasongkritika  On April 9, 2008 at 6:09 am

    Guiller, aba. Bago na pala ang bahay mo. Ka-Wordpress ka na rin pala! Hehe. True, nagmumura na. Pero nabawasan na ulit noong naghigpit ang lola niya.

  • thomasianprogressives  On April 18, 2008 at 6:27 pm

    Hindi dapat nagmumura ang mga kasama.🙂

  • Lyds78  On June 2, 2009 at 4:22 am

    sino ba naman ang hindi mapapamura sa ganitong sistema?
    kung tutuusin kahit ang mga sosyal na WTF ay mura rin kaya lang stereotyped na pansosyal, pati ba naman sa pagmumura may pulitika, hehe…

    madami naman euphemisms jan, hehe

    ampowtek!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: