Krimeng Wi-Fi, Kuwentong Sci-Fi

(1)

Dahil sa kaka-Google ko, nakatisod ako ng mga kuwento tungkol sa mga tinatawag na “krimeng Wi-Fi” sa mga bansang abanteng kapitalista – US, Inglatera, Canada, at iba pa. Interesante sila, na parang mga kuwentong sci-fi para sa mga mangmang sa teknolohiya na tulad ko sa mga bansang katulad ng sa atin.

Pamilyar na rin naman ang marami sa bansa sa Wi-Fi. Teknolohiya itong nagpapahintulot sa mga gumagamit na maka-akses sa Internet nang walang kurdon, gamit lang ang signal – kaya nga “wireless network” ang isa pang tawag dito. Marami na ring establisimyento sa bansa ang gumagamit ng libreng Wi-Fi para manghatak at manghikayat ng mga parokyano.

Sa mga bansang nabanggit, marami-raming kabahayan at opisina na ang nagpakabit ng Wi-Fi. Nag-uugat ang sinasabi kong usapin – o krimen – sa katangian ng teknolohiya: Umaapaw ang signal nito lampas sa mismong mga bahay at opisina hanggang sa kalapit na mga lugar o kalsada. Kapag walang sagkang panseguridad na inilagay ang may-ari, katulad ng maraming kaso sa mga bansang nabanggit, madaling magamit ang Wi-Fi ng ibang tao.

Nangyayari na rin naman ito sa Kamaynilaan: Didikit lang ang isang may laptop na bukas sa signal ng Wi-Fi at makakapag-Internet na siya. Hindi tulad sa ekonomiya ng “jumper” sa kuryente sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan at sa bansa, kadalasang hindi napapansin ng may-ari ang “pakiki-Wi-Fi.” Wala rin itong dagdag na gastos para sa kanya.

Ganito rin naman sa ibang bansa. Pero sa mga bansang ito – hindi ko lang alam sa Pilipinas – krimen ang ganitong praktika, labag sa batas. Tinitingnan itong paglabag sa pag-aari ng isang tao sa Wi-Fi – kahit pa, gaya nga ng nabanggit, wala itong dagdag na gastos sa kanya at hindi naman niya kadalasang mapapansin. Tinatawag itong “pagnakakaw” (theft) ng Wi-Fi.

Humatak na ng pagkilos ng mga tao ang ganitong katangian ng teknolohiya. Mayroon nang tinatawag na “war-driving” sa mga bansang ito – ang praktika ng pagmamaneho o paglalakad-lakad nang may dalang kung anong gaheto para sumagap ng signal ng Wi-Fi ng mga bahay-bahay o opisina. Kapag nakakita ng signal, siyempre, gagamit na ng Internet. Mayroon pa ngang nagsusulat ng “X” – gamit ang pinturang pula, katulad ng ilang graffiti dito sa atin – sa mga istrukturang natuklasang may bukas na Wi-Fi.

May ilang pinagkaperahan ang ganito, sa mabuting paraan: Nilalapitan nila ang may-ari ng bahay o opisina na bukas ang Wi-Fi at inaalok sila ng tulong para isara ito.

Ang kakatwa, at nakakadagdag sa pagiging interesante ng mga kuwento, ginagamit ang ganitong pakiki-Wi-Fi para gumawa ng iba pang krimen. Kapag nakiki-Wi-Fi ka kasi, hindi ka makikilala – maliban na lang kung ia-akses mo ang personal mong mga address tulad ng e-mail, blog, Friendster at iba pang social networking sites na kinabibilangan mo. Anonymous ka, parang walang pagkatao. Ang nakasalang, iyung may-ari ng Wi-Fi na ginagamit mo.

Pagkatapos, madalas, nasasagap ng nakiki-Wi-Fi ang bank account at iba pang personal na impormasyon ng may-ari ng Wi-Fi. Kaya iyung mahilig sa pornograpiya ng mga bata (child pornography), tumitingin ng website tungkol dito, o bumibili ng mga materyales kaugnay nito, o naga-upload ng mga imahen at video na naglalaman ng ganito. Siyempre pa, bawal ang ganitong pornograpiya sa nasabing mga bansa.

Iyung mahilig naman sa karaniwang pornograpiya, pero mas gugustuhing maging malinis ang Internet sa bahay at sariling account, sa Wi-Fi ng iba nagbubukas. Ang iba, bumibili pa ng mga laruang pang-seks (sex toys) dito. Ang iba naman, droga. At ang iba pa, kahit anong kalakal na ibinebenta sa Internet. Iyung may kriminal na adiksiyon sa “teorya,” pinapakyaw ang mga koleksiyon ng Verso at mga university press. Biro ko lang ang huli – pero bakit hindi?

May mangilan-ngilan nang nahuli sa ganitong mga “krimeng Wi-Fi” na, madalas, katambal ng paggawa ng iba pang krimeng nabanggit.

Si Samir Amin, progresibong ekonomista
(Galing ang larawan sa galizacig.com.)

(2)

Makikita rito kung paanong kahit sa abanteng kapitalistang mga bansa, mayroon pa ring hindi kalahok o excluded sa Internet bilang larangan. Siyempre, mayroon talagang naghahanap ng libreng Wi-Fi ng iba para doon nila ilabas ang mga pagnanasang ayaw nilang matumbok sa kanila. Mayroon din talagang gustong makalibre at makalamang. Pero mayroon din talagang walang Wi-Fi sa bahay.

Siguro, maihahalintulad ang Wi-Fi sa karanasan ng iba pang kalakal sa ilalim ng kapitalismo. Ayon sa isang Marxistang ekonomista, marami sa mga kalakal na iniluwal ng kapitalismo – at maging sa mga produktong inabutan ng kapitalismo mula sa panahon ng piyudalismo – ang nagsimula sa pagiging pribilehiyo ng iilan sa lipunan. Halimbawa niya ang asukal, na makikita lamang noon sa hapag-kainan ng mga hari at reyna ng piyudalismo. Unti-unti, umabot at nanuot ang asukal sa karaniwang mga tahanan, pero hanggang sa isang antas lamang.

Dahil sa tuluy-tuloy na pagkakonsentra ng yaman sa iilan sa bansa at mundo, kasabay ng tuluy-tuloy na paghihirap ng malaking mayorya, gayundin ng pagtubo at pag-aari sa produksiyon ng mga kalakal, hanggang isang antas lamang ang inaabot ng “demokratisasyon” o paglaganap ng mga kalakal ng kapitalismo. Hindi lamang asukal at Wi-Fi ang puwedeng gawing halimbawa rito, kundi samu’t saring kalakal na – na lumaganap pero hanggang sa isang antas lamang.

Halos kasabayan, halimbawa, ng akademiko at intelektuwal na talakayan hinggil sa Internet at makabagong mga teknolohiya – gayundin sa urbanisasyon na sinasabing balangkas ng mga teknolohiyang ito – ang pagkatawag ng pansin sa mabilis na paglago ng populasyon ng mga tinatawag na “slum” sa buong mundo. Magiging “planeta ng mga slum” ang mundo, ayon sa isang awtor.

Ipinapaalala ng paglago ng populasyong ito – puwede kayang tawagin itong “iskuwaterisasyon ng mundo”? – kung paanong hindi maiwasan ng kapitalismo, o ng imperyalismo, na lumikha ng malaking saray ng reserbang paggawa. Sa kaso ng mga iskuwater ng planeta, karagatan sila ng mga latak na hindi maipaloob o mapaunlad ng sistema. Mas “latak” nga marahil, dahil may dala pang pangako ang “reserbang paggawa” na maipapaloob sila sa ekonomiya.

Giit ni Samir Amin, progresibong ekonomista: “Lahat ng patakaran ng G-7,” ang alyansa ng mayayamang bansa sa mundo, “at ang lahat ng armas na ginagamit nito para ipatupad ang nauna, ay nagpapakita ng prospek ng kahirapan at kamatayan ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo. Alam ito ng naghaharing mga uri ng kolektibong imperyalismo; hindi katanggap-tanggap ang anumang hinuha na sobrang bobo nila para hindi ito mapagtanto.”

Dagdag pa niya, “Hindi na kaya ng kapitalismo ngayon na magpaunlad ng mga programa para pakainin ang lumalaking populasyon ng mundo; kailangan nitong ilaan ang lahat ng puwersa nito para isustine ang artipisyal na pagkonsumo ng ng mga maykaya. Dahil wala itong maialok sa malawak na mayorya ng sangkatauhan… sinasabi ng kapitalismo sa bilyun-bilyong tao na wala kayong kuwenta.”

Kaya ng teknolohiya ng Wi-Fi na sumaklaw sa maraming tao. Pero pinipigilan ito ng kapitalismo. Pasensiya na sa matayog na hugot, pero wala nang ibang makakapagpaliwanag nito. Marami ang paraan ng kapitalismo para gawin ito, pero tampok ang pagrereprodyus ng mismong kawalan ng pagkakapantay-pantay na esensiyal sa kapitalismo, o imperyalismo na kasalukuyang yugto nito.

(3)

Sa harap ng ganitong mga kuwentong sci-fi tungkol sa mga krimeng Wi-Fi, magandang balikan ang minsang nasabi ni Randolf “Randy” David, propesor ng Sosyolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas: “Sa panahon ng pandaigdigang kosmopolitanismo, nalalantad ang mga indibidwal sa nakakalulang dami ng pipiliing buhay at moda ng pagkatao. Nakakasalubong nila ito sa kanilang paglalakbay, sa telebisyon at mga pelikula, mga libro at magasin, at sa cyberspace.” [“The Filipino Diaspora: Identity in the Global Age,” 1997 sa Reflections on Sociology and Philippine Society, 2001.]

Nasabi niya ito sa konteksto ng pagsasabing hindi na awtomatiko ang identidad ng pagiging Pilipino sa mga kabataan ngayon. Maaaring sabihing masyadong makaisang-panig ang paggamit sa nabanggit na mga krimeng Wi-Fi para ibangga sa ganitong pangkalahatang pagsusuri. Pero iyon ang punto: Magagamit ang mga krimeng Wi-Fi para matingnan sa ibang perspektiba ang mga pahayag ni Prop. David.

Sa mga krimeng Wi-Fi, hindi ang paghubog sa mga tao ng mga identidad na iniaalok ng cyberspace o Internet ang tumatampok. Dito, ang makikita ay ang paggigiit ng totoong identidad – bagamat totoong minanupakturang identidad din – ng mga tao. Sa mga krimeng Wi-Fi, hindi “pandaigdigang kosmopolitanismo” ang makikita – na maipagpapalagay nang itinuturing na mabuti ni Prop. David. Dito, ang makikita ay ang madidilim na aspekto na patuloy na iniluluwal ng sistemang pang-ekonomiyang inaakalang nabihisan na ng “pandaigdigang kosmopolitanismo” – kahirapan at madidilim na pagnanasa ng mga tao.

07 Abril 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • droidz  On April 12, 2008 at 7:43 am

    kahit dito sa Saudi, tinitingnan na nila ang WiFi-theft bilang isyung kailangang harapin. malalim nga ang hugot, pero nasapul naman (at kailangan talaga maisingit ang birada sa mga umaalagwang “kontra-agos” h? hehehehe).

    sa kasalukuyan, tila nagiging abot-kamay ang teknolohiya sa pagbagsak ng presyo ng produktong elektroniko tulad ng laptop. magkano na lang ba ang WiFi-ready laptop with cam, 160GB HDD, 2GHz, CD-ROM combo, blah-blah-blah, dito sa KSA? isang buwang sahod ng karaniwang empleyado kumpara noong 2004, halimbawa. hindi ito dulot ng “benevolence” ng market forces. resulta ito ng krisis ng sobrang produksyon.

    tingin ko, ang aabutin lang ng saturation ng teknolohiya (usapin man ng electronic gadgets o makinaryang pambukid) ay hanggang gitnang-panggitnang saray ng lipunan. titiyakin ito ng imperyalismo upang magkakaroon pa rin sila ng isang antas ng tubo habang pinananatiling katakam-takam ang demand para sa “mas mahusay” na teknolohiya. hindi nagiging “benevolent” (o magiging benevolent, ever) ang imperyalismo bagkus magiging “ferocious” pa nga ito.

    sa kabilang banda, hindi uunahin ng nasa mababang saray ang makinarya at teknolohiya sa harap ng kalam ng sikmura.

    kung gayon, anumang pangangalandakan na kamtin ang vision ng “information for all” (katulad na lang ng programang USD100 laptop), ay pakitang tao lamang.

  • kapirasongkritika  On April 12, 2008 at 11:12 pm

    Salamat sa komento, Droidz! Kinarir mo ang pagsagot, ah. Hehe. Salamat sa mga punto mo.

    May binasa akong libro noong isinusulat ko ito, iyung Capitalism and the Information Age, na inilathala ng Monthly Review Press. Kung babasahin mo ngayon, masyadong naging pesimistiko iyung mga nagsulat sa posibilidad ng paglaganap — sa isang antas — ng teknolohiya at ng naaabot nito.

    Puwede bang umabot ang laptop at Internet katulad sa mga maralitang kahit walang makain ay may DVD player sa bahay? Nakasalalay din siguro sa usapin ng paglaganap ng edukasyon — na isang kongkretong patunay na may mga kalagayang naglalagay ng tunay na mga hadlang sa pinapantasyang “impormasyon para sa lahat.”

    Bagamat nakasandig ang imperyalismo sa maraming sopistikadong paraan ng panlilinlang at pagpapasunod sa mga tao, nakasandig pa rin ito sa armas ng naghaharing mga uri sa loob ng napakahabang panahon — ang kamangmangan.

  • reyna elena  On April 14, 2008 at 11:18 pm

    thank you for visiting – sobra lalim nang tagalog – hehehe – sori kung halong ingles ako.

    first, thanks for visiting my site. second, wag masyadong maniwala sa mga istorya ko, karamihan dun are puro patawa i just put some twist in them.

    philadelphia happens to be a wireless city. i believe we were the 1st in the country. when they were starting, of course you can access the internet at several location dahil halos walang mga passwords and everything, but as time passed, natuto din and everything now eh subscription or one time payment.

    there are still areas here where you can get connection, but i don’t think it’s an automatic crime to get access and surf the internet unless of course you have some malicious intent na magnakaw nang something – not sure but then again i could be wrong.

  • kapirasongkritika  On April 15, 2008 at 7:25 am

    Salamat sa impormasyon, Reyna Elena. Nakita ko na nga ang blog mo, at mukhang masayang makibasa. Nakabatay lang naman ang mga isinulat ko sa mga nabasa ko sa Google. Baka luma na ring mga impormasyon. Ingat.

  • barikulkol  On September 9, 2010 at 12:22 pm

    wow, ang lalalim po ah

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: