Krisis the Moment

Sa harap ng hindi na maitangging krisis sa bigas, lagi kong naaalala ngayon ang isang kuwento ni Terry Eagleton, Marxistang teoristang Ingles, sa kanyang memoir na The Gatekeeper (2001). Minsan daw, tinanong siya ng isang estudyante: “Bakit ako kailangang mag-rebolusyon?” Sa halip na malawig na magpaliwanag ng mga pagtingin sa rebolusyon nina Hegel at Marx, naisip niyang mas magandang sumagot nang maiksi: “Nagbabasa ka ba ng diyaryo?”

Nag-uudyok ang mga balita ngayon ng matinding galit sa bulok na rehimen at sistema ng bansa. Sa isang banda, masasagap mo sa midya at mga huntahan ang mga kuwento ng kagipitan, desperasyon at galit ng mga kapwa-Pilipinong nahihirapang bumili ng bigas. Sa kabilang banda, sangkot ka rin: Bilang manonood, tagapakinig o mambabasa, alam mo rin ang krisis. Bumibili ka rin ng bigas, namamahalan dito, nakakausap ang mga taong nahihirapang bumili.

Mas madali nang maiugnay ang Philippine Daily Inquirer sa Philippine Society and Revolution, kumbaga, at hindi dahil maka-Kaliwa ang PDI tulad ng PSR. Masasama ang balita, nagbubukas sa isip ng marami sa pangangailangang baguhin ang bulok na sistema at patalsikin ang rehimen. Pinapatatag nila ang paniniwala ng mga kumbinsido nang kailangang gawin ang mga ito.

(1)

Sa gitna ng napakainit na panahon ngayon, pinapapila at pumipila ang mga tao nang pagkahaba-haba para lang makabili ng murang segunda-klaseng bigas, ang bigas-NFA – na tataasan pa raw ang presyo. Siyempre, mga maralita ang nasa pila. Wala pa namang nakitang Cojuangco, Lopez o Gokongwei sa mga ito.

Marami nang kuwento at eksena sa mga pilahan: mga pumila nang sobrang aga, nag-away-away, nabuwisit, umiyak, hindi nakakuha, humabol sa mga trak. Kaya hindi lang “tumutulong” ang mga militar na nagbebenta ng bigas. Siguradong “kapayapaan at kaayusan” sa gitna ng ligalig ang layon ng presensiya nila.

Sa ilang bahagi ng bansa, nilalagyan ng indelible ink ang daliri ng mga nakabili ng bigas. Para daw mamarkahan kung naibili na ng isang tao ang pamilya niya ng ikokonsumo nito sa isang araw. Nakatakda ang dami ng bigas na puwedeng bilhin ng isang tao o pamilya sa isang araw – may tatlong kilo, may lima.

Sabi mismo sa balita, naghahanda ang pulisya sa pagdami ng krimen dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hindi na lang mga komentaristang kritikal mag-isip ang nakakakita sa ugnayan. Alam kahit ng pulisya na nakakaawa sa sarili, nakakasira ng bait, at nakakadilim ng paningin ang pagkalam ng sikmura, lalo na ng mga anak.

Samantala, ilang raid din ang ginawa ng gobyerno sa malalaking bodega ng mga diumano’y nagho-hoard ng bigas. Ang kataka-taka, parang laging bakante ang mga bodegang ito sa pagpunta ni Bise-Pres. Noli de Castro. Wala pang napapahiya, nahuhuli, at nakakalaboso nang dahil sa matinding krimeng ito. Mabuti pa ang mga holdaper, nasasapak ng mga biktima sa harap ng midya!

Sa pagtindi ng krisis, lalong natatapakan ang interes ng mga maralita na tamasahin ang batayang pangangailangan. Lalo rin silang tinatanggalan ng dangal: Hindi na sila itinuturing na tao, kundi mga sikmura lang na kumakalam. “Kailangan mo ng bigas, kaya pumila ka sa arawan!” Sa kanilang desperasyon, nagiging maligalig sila, at nagiging puntirya ng pagmamatyag at pagkontrol ng gobyerno – na lumalahok pang lalo sa pagtanggal sa kanila ng dangal.

Ipinapaalala sa atin ng krisis na kapag binabanggit natin ang “disenteng buhay” para sa mga maralita, hindi lamang pagsapat sa materyal na pangangailangan ang tinutukoy natin. Mahalaga rin ang disposisyon sa sarili at kapwa, batay sa inabot ng lipunan sa pagtataguyod sa dangal ng tao. Kahit mga maralita sila, nagagalit din sila sa pang-aagrabyado. Mainam kung ibaling nila sa gobyerno ito.


Nagkalat ang ganitong mga pilahan para sa bigas
sa buong Kamaynilaan at bansa.
(Galing ang larawan sa chinapost.com.tw.)

(2)

Ginagawa pang tanga ng rehimen ang mga tao. Noong una, sinasabi nitong walang krisis sa bigas, gayung alam na ng marami ang totoo. Ngayon, pinag-iisipan na nitong magpataw ng state of emergency. Kabi-kabila rin ang mga hakbangin ni Pres. Gloria Macapagal-Arroyo sa harap ng midya – pero wala, ni isa, ang tunay na lumulutas sa krisis. Sinasamantala ng rehimen ang krisis para magpaganda sa mata ng publiko ang presidenteng mababa ang popularidad.

Tulad sa krisis sa langis, isinisisi ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan. Sabi mismo ni Gng. Arroyo, wala ito sa kontrol ng alinmang gobyerno. Gustong tumakas ng rehimen sa pananagutan at puntirya ng galit ng mga mamamayan. Kung hindi mailalantad na bulok ang argumentong ito, masasamantala ng rehimen ang sitwasyon para kabigin ang publiko.

Napasadahan kong bigla ang isang panayam kay Claus Offe, progresibong siyentistang panlipunan na isang Aleman, sa libro niyang Contradictions of the Welfare State (1984). May bahagi sa panayam na inilalahad niya ang atake ng Bagong Kanan (New Right) noong panahong iyon sa welfare state – mga Estadong kapitalista na nagbibigay, sa isang antas na mas mataas sa karaniwan, ng serbisyong panlipunan sa kanilang mga mamamayan. Kinatawan ng Bagong Kanang ito si Samuel Huntington, kilala pa ring maka-Kanan ngayon.

Ani Offe, “Nagsusulong… si Huntington ng malakas na Estado sa pagsasabing napahina ang awtoridad ng welfare state ng tuluy-tuloy na paglawak ng mga responsabilidad nito. Ibig sabihin, maibabalik lamang ang awtoridad ng Estado sa pamamagitan ng pagbabawas sa mga tungkuling puwedeng maging batayan para papanagutin ang Estado.” Parang ganito ang kalagayan ng Estado ng Pilipinas – walang malaking papel sa iba’t ibang bahagi ng ekonomiya.

Madiin ang Ibon Foundation, progresibong think-tank, sa pagsasabing internal, hindi eksternal, sa bansa ang mga salik na pinakamahalagang paliwanag sa krisis. At kung nakakaapekto man ang pandaigdig na mga salik, iyan ay dahil din sa internal na dahilan – ang pagpayag ng gobyernong manalasa ang mga ito.

Pangunahing sanhi ng krisis ang atrasadong sistema ng agrikultura sa bansa. Dahil dito, mababa ang produktibidad ng mga pagkaing batayang pangangailangan ng mga mamamayan, at inuuna pa nga ang mga produktong idinidikta ng pandaigdigang pamilihan. Sa halip na solusyunan, pinapanatili ng gobyerno, sa pangunguna ng nagdaang mga rehimen, ang sistemang ito.

Noong dekada ’90, sa paglarga ng imperyalistang “globalisasyon,” naging adelentadong sunud-sunuran ang rehimeng Ramos sa pagpapatupad ng mga patakarang neo-liberal sa agrikultura. Sa esensiya, pag-aalay ito ng iba’t ibang aspekto ng agrikultura sa kontrol at pakinabang ng pribadong mga interes – mula sa produksiyon, distribusyon at pag-aangkat, hanggang sa pagpepresyo. Sa ganitong kalagayan naging madali ang pag-usbong ng kartel sa bigas, na siya ngayong sinasabing pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng bilihing ito.

(3)

Paano nangyaring hindi pinapahalagahan ng gobyerno ang pangangailangan sa bigas o kanin ng mga mamamayan nang higit sa mga pangangailangan ng pandaigdigang pamilihan – para sa mga produktong itinatanim sa mga sakahan kapalit ng palay sa balangkas ng palit-gamit sa lupa (land-use conversion)? Paano ito binibigyang-katuwiran ng gobyerno at ng internasyunal na mga ahensiyang pampinansiya at pangkalakalan na nagdidikta sa gobyerno?

Kakatwang tahimik ngayon ang neo-liberal na mga ekonomista sa harap ng krisis. Noong huling bahagi ng dekada ’90, kasagsagan ng mga talakayan hinggil sa globalisasyon at epekto nito sa agrikultura ng bansa, pinakamaingay ang mga ekonomista ng School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas (UPSE) sa pagtatanggol sa mga patakarang neo-liberal. Kasama rito ang pagpapaliwanag sa isang partikular na prinsipyo – na paglalapat ng neo-klasikal na doktrina ng pamilihan, ang “competitive advantage” sa agrikultura.

Anila, sa pandaigdigang pamilihan, may “niche” ang bawat bansa. Halimbawa: Kung, kumpara sa ibang bansa, mas makakatipid ang Vietnam sa rekurso at pagsisikap na magprodyus ng bigas, produksiyon ng bigas ang niche ng nito. Sabi ng neo-liberal na mga ekonomista, mas uunlad ang isang bansa kung magpopokus ito sa sariling niche, at mas makakatipid naman ang ibang bansa kung mag-angkat na lamang sa bansang ito. Sabi nila, mas bentahe sa Pilipinas na mag-angkat na lamang ng bigas sa mga bansang produksiyon ng bigas ang niche, habang nagpopokus ang bansa sa niche nito – na hindi umano bigas.

Nasa ganitong balangkas pa rin ang panukala ni Prop. Felipe Medalla ng UPSE, dating direktor-heneral ng National Economic Development Authority o NEDA, sa harap ng krisis sa bigas. Ang problema, para sa kanya: Nasa National Food Authority o NFA at ibang ahensiya ng gobyerno lamang ang kakayahang mag-angkat ng bigas, na ipinapasa nito sa pribadong mga nagbebenta. Ito ang sinisisi niya sa pag-usbong ng tinatawag niyang “rice hoarder” o “rice cartel.” Kaya ang solusyon, aniya: Payagang mag-angkat ng bigas ang kahit na sinong pribadong indibidwal. Papatayin ng pribatisasyon ang kartel sa bigas, sabi niya.

Pag-aangkat pa rin ang balangkas ni Prop. Medalla, hindi ang pagsapat sa pangangailangan sa bigas ng produksiyon sa bansa. Pribadong mga importer pa rin ang iginigiit niya, hindi ang malalim na paglahok ng gobyerno. Gayung, una sa lahat, labag na sa rasyunalidad ng pamilihan (market rationality) – batay sa pagtatakda ng neo-liberal na mga ekonomista – ang pagbibigay-priyoridad ng iba’t ibang bansa sa pangangailangan ng sariling mga mamamayan sa bigas.

Para ring hindi pamilyar si Prop. Medalla sa nangyayari ngayon sa industriya ng langis, na hawak ng dayuhang kartel ang suplay at presyo. Ngayon, higit kailanman, totoo ang pag-iral ng mga monopolyo sa iba’t ibang industriya. Pupusta akong kahit siyang malaki marahil ang kita, hindi magtatagumpay kung papasok sa negosyo ng pag-aangkat ng bigas. Mananaig pa rin ang kartel.

Kung masusunod ang panukala niya, kartel pa rin ang mananaig. At ganito ang mangyayari sa iba’t ibang industriya hanggang hindi nailuluklok sa gobyerno ang makabayang prinsipyo sa bigas, langis gamot at iba pang produktong esensiyal sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan: Na dahil esensiyal nga ang mga ito, pinakamainam na gumitna rito ang gobyerno – sa paghikayat sa produksiyon, pagtulong sa distribusyon, at pagtatakda ng presyong abot-kaya sa marami.


Tinuligsa noon ni Renato Constantino,
makabayang kritikong panlipunan,
ang mga painting ni Fernando Amorsolo, bahagi diumano
ng ideolohiya ng pagpapanatiling agrikultural ang Pilipinas.

(4)

Sa mga lektura sa UPSE, itinuturo ng mga propesor na sa ilalim ng “pamilihan” – code word nila para sa kapitalismo – naisusulong ang interes ng komunidad sa pagsusulong ng indibidwal ng kanyang makasariling interes. Hindi nariyan ang panadero, anila, dahil gusto niyang maglingkod. Nariyan siya dahil makasarili siya, gustong kumita. Ubra siguro ang ganitong pagsusuri kung panadero ang pag-uusapan, hindi mga kartel na pumipinsala sa interes ng nakakarami.

Ihinahabol ng mga propesor na mayroong mga “imperfection” ang pamilihan. Kapansin-pansin na agad ang salita, para bang perpekto talaga ang pamilihan. Sa kabila ng mga “imperfection,” sinasabi pa rin nila – sa kanilang pagtuturo, pero lalo na sa mga patakarang itinutulak nila sa gobyerno – na dapat pa ring paganahin ang mga puwersa ng merkado. Sa kaso ng kartel sa bigas, at mga monopolyong nananaig sa kapitalismo, malinaw na napakalalim at napakatindi na ng mga “imperfection” para igiit pa ang paggana ng malayang pamilihan.

Panakot nila ang pakikialam ng gobyerno. Sabi nila, nakakagulo ito sa merkado at nagdudulot ng katiwalian. Pero pinakakapani-paniwala nilang dahilan ang napatunayan nang kapalpakan ng mga gobyerno – lalo na ng Pilipinas – sa paghahatid ng mahahalagang produkto at serbisyo. Pero kaiba sa mga gobyerno, hindi nananagot ang mga korporasyon sa mga mamamayan. Mas puwedeng itulak ang gobyerno ng sama-samang pagkilos na gumawa ng kongkretong mga repormang pabor sa bayan. Kung hindi nito maibibigay ang batayang mga pangangailangan, nagiging malinaw na kailangan itong palitan.

Maganda ang tawag ni Prop. Margarita “Maita” Gomez ng Action for Economic Reforms sa neo-liberal na ekonomiks na itinuturo sa UPSE: autistic. Sa isang banda, insulto ito sa mga may autism, dahil hindi naman sila nakakapinsala sa isang buong sambayanan. Pero tinutukoy nito kung paanong may sariling mundo ang ekonomiks na ito, na kaiba sa mundo ng nakakaraming tao. May sarili itong mga pamantayan ng kaunlaran at pagbuti ng ekonomiya. May sarili itong pag-unawa sa mga suliranin ng bansa, gayundin sa mga solusyon sa mga ito.

Kapag nakikita nila ang mga pilahan sa bigas, naiisip kaya ng neo-liberal na mga ekonomista na may pananagutan sila? Malamang naman, hindi nila intensiyong mangyari ito. Hindi rin naman sila buung-buong pinapakinggan ng gobyerno: Kritikal noon si Prop. Winnie Monsod, halimbawa, sa nagmamadaling pagliliberalisa ng rehimeng Ramos sa ekonomiya. Pero binibigyang-katuwiran sa publiko ng matatayog nilang prinsipyo at paliwanag ang mga patakarang naglilingkod sa maruruming interes ng naghaharing mga uri sa mundo at bansa.

Ang dapat nilang mamalayan: Lumalahok ang intelektuwal nilang produksiyon sa tunay na tunggalian ng makapangyarihan at di-makapangyarihang mga puwersa sa lipunan. Na may mga nakikinabang at nabibiktima rin sa mga ito, gustuhin man nila o hindi. Na, sa kongkretong kaso ng krisis sa bigas, nakinabang ang kartel ng bigas at nabiktima na naman ang nakakaraming mga mamamayan.

(5)

Ang masaklap, sa isang pagtingin, hindi kailangan ang krisis na ito – na tiyak na magdudulot ng maraming nakakarimarim na karamdaman sa ating lipunan. Hindi kailangan dahil kaya naman nating sapatan ang pangangailangan natin sa bigas. Hindi naman disyerto ang ating kalupaan. Nariyan ang napakatabang lupa, mainam na kapaligiran at masigasig na mga magsasaka.

Taliwas sa lumalabas sa midya – na nagpapalabnaw sa isyu sa pamamagitan ng pangkalahatang mga hugot sa paglobo ng populasyon at pagkasira ng kalikasan sa bansa at sa mundo – kongkreto, hindi abstrakto, at partikular, hindi pangkalahatan, ang pananagutan sa nagaganap na krisis sa bigas. Gawa ito ng gobyernong nagpapanatili sa bulok na sistema ng lipunan, may kontra-mamamayang mga patakaran, at nag-aalaga sa kartel na sakim sa kita.

Napakasimple at napaka-batayang pangangailangan ng bigas. Hindi naman matayog ang kagustuhang magkaroon ng kanin ang bawat hapag-kainan – kumpara, halimbawa, sa makatuwiran ding kagustuhang magkaroon ng kompiyuter ang bawat estudyante sa mga paaralang pampubliko. O magkaroon ng tunay na sense of humor si Willie Revillame, o ng magandang anggulo sa mga larawan si Gng. Arroyo. Sobrang sama na ang inabot ng sistema ng bansa: Para makamit ang simpleng mga karaingan, kailangang lumaban at magrebolusyon.

Kaya naman, sa isang mas mataas na antas, maigigiit na kailangan ang krisis. Oportunidad ito: Para sa mga mamamayan, na mamulat na walang hangganan ang paghirap ng buhay sa sistemang ito. Para sa mga nasa panggitnang uri, na makita ang mas malaking suliranin ng lipunan, sa pagpasok nito sa kanilang mismong tahanan – para magnakaw sa dapat ay nakahain sa kanilang mesa. Pagkakataon ito para sa ating lahat na mamulat, magsama-sama at kumilos.

Makabuluhan ang isang tula ni Audre Lorde, feministang makata at teoristang Aprikano-Amerikano: “Magsalita man tayo o hindi, dudurugin at pupulbusin tayo ng makina – at matatakot din tayo. Hindi ka poprotektahan ng pananahimik mo.” Pagkakataon din ito samakatuwid para sa Kaliwa, na pinakamalinaw sa pagsasabing kailangang unahin ang daing ng mga mamamayan, hindi ang dikta ng pamilihan, ng mga uring naghahari at mga dayuhan.

Kakatwa ito: Ang rehimeng pumaslang at dumukot sa napakaraming miyembro at tagasuporta ng Kaliwa, magwawakas sa pag-aambag sa pagpapabilis sa pagpapasulpot sa mas maraming papalit sa mga pinaslang at dinukot.

BIGAS: Bayan, Ibagsak ang Gobyernong Arroyong Salot!

22 Abril 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • angela  On April 25, 2008 at 4:16 pm

    krisis the moment indeed! galing, teo. sana nagsusulat ka rin sa ingles. sana magka-oras ako para isalin.

    hindi lang ako sigurado dito: “Hindi naman disyerto ang ating kalupaan. Nariyan ang napakatabang lupa, mainam na kapaligiran at masigasig na mga magsasaka.”

    kung totoo ang sinsasabi ng environmentalists, hindi na ganoong kataba ang ating lupa sa kagagamit ng synthetic (as opposed to organic) fertilizers. laspag na rin ang ating kapaligiran, 10 percent na lang ang natitirang hardwood forests, marumi’t barado na ang ating mga ilog… parang kahit anong sigasig ng mga magsasaka, talo na. unless totoong magpakasigasig ang gobyerno, lalo na sa produksyon ng organic fertilizer – baka ito ang solusyon sa garbage problem – at suportahan sila ng todo.

  • kapirasongkritika  On April 25, 2008 at 4:59 pm

    Salamat nang marami, Angela! Akala ko, walang papansin dahil medyo akademiko ang paksa, at malamang ang pagkakasulat.

    Sabi nga ng ibang kaibigan ko, mag-Ingles na lang daw ako dahil nahuhuli nilang madalas na ang hulma ng pangungusap ko ay Ingles. Hehe.

    Tama at maganda ang habol mo. Talaga nga namang napakasama na ng lagay ng bansa natin, kahit ang dating ipinagpapalagay na katotohanan — na mainam ang kalagayan ng bansa para sa agrikultura — ay nakukuwestiyon, at nang may malinaw na batayan. Ang iniisip ko rito ay kumpara sa ibang bansa, sa Aprika halimbawa. Ubra pa nga bang sabihin iyon?

    Bahagi na nga dapat ng pakikibaka natin iyan, ano? Ang mapigilan ang pagdausdos ng kalikasan natin para sa kapakinabangan ng mga Pinoy.

    BTW, sa isa sa huling mga entri mo natutunan ko kung bakit unnatural ang “natural method” ng Simbahan. Lagi kong naikukuwento ang argumento mo. Hehe.

  • aprielle  On June 15, 2008 at 1:26 pm

    ang haba nman nyan😡 ………..

    pero maganda at totoo ^_^

  • polili  On June 28, 2008 at 9:13 am

    galing tLaga ng nag suLat…

  • shy  On July 28, 2008 at 2:27 pm

    grabe ah… haba, pero inferness totoo lahat.

  • AlexM  On August 15, 2008 at 8:39 am

    Your blog is interesting!

    Keep up the good work!

  • kowei  On August 25, 2008 at 9:09 am

    pede shrtcut m nlang…

    masyado mahaba eh!

    nakakatamad basahin.

    hehehe…ok ka ha!

  • kapirasongkritika  On August 26, 2008 at 6:07 am

    Kowei, Pasensya na. Talagang ginanahan magsulat. Sana mabasa mo pa rin dahil mahalaga talaga para sa akin ang sinasabi ko rito. Salamat sa pagbisita! Ingat.

  • mama  On August 13, 2010 at 4:09 am

    uber!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: