Tanung-Tanong sa mga Taksi Drayber


Bihira akong sumakay ng taksi, mahal kasi. Pero tuwing sumasakay ako, nakagawian kong magtanung-tanong sa drayber. Hindi ko plinanong magsaliksik sa kanila, pero parang naging pare-pareho ang mga tanong ko. Mas nagustuhan ko sigurong magtanong ng mga bagay na may kaunting alam na rin ako. Siguro, katulad ng aliw na nakukuha ng marami sa panonood ng Kung Ako Ikaw ng Kapuso, halimbawa, interesado ako sa mga detalye ng trabaho ng mga drayber.

 

 

“BOUNDARY”

 

Tulad ng alam na ng marami, “boundary” ang tawag sa arawang bayad ng mga drayber sa may-ari ng sasakyang ipinapasada nila. Sa pagtatanong ko, kadalasang P1,400 ang boundary ng mga taksi drayber. Mura na ang P1,100. Kilala ang mga kompanya sa paghingi ng matataas na boundary. Sa mga ito, pinaka-kilabot ang R&E – bagamat nalimutan ko na kung magkano ang hinihingi nito.

 

Awas na sa boundary ang gastos para sa maghapong gasolina ng taksi. Sa mahal ng gasolina ngayon – papalo na sa P50 – kadalasang P200 hanggang P300 ang naiuuwi ng mga taksi drayber. Napakasuwerte na raw ng P500.

 

Paghahabol sa boundary ang pinag-uugatan ng hirap at kumahog ng buhay-taksi drayber. Ito ang dahilan kung bakit kinakapos sila sa tulog at pahinga. Sabi sa paborito nilang estasyon sa radyo, “Jingle lang ang pahinga,” pero kahit pag-ihi, nahihirapan sila.

 

Pinakamainam kung pagbaba ng pasahero ay may sasakay na agad, at kung malalapit lang ang distansiya ng mga ihahatid. Talo daw ang drayber kapag malayo ang paghahatiran, lalo na kung may trapik, dahil malakas sa krudo. Sa obserbasyon nila, mas marami ang nagtataksi kapag tag-ulan kaysa tuwing tag-araw. Pero kapag tag-ulan, kalaban ang trapik.

 

 

KATAWAN

 

Sa kawalan ng tulog isinisisi ng mga drayber ang pagiging bulnerable nila sa aksidente. Tanggap nilang bulnerable sila. Ipinagpapalagay nilang marami sa kanila ang nakakatulog habang nagmamaneho – at ang isang nakausap ko, nagising na lang sa ilalim ng likod ng isang trak.

 

Ito ang kakaiba: Mas hindi sila inaantok kapag walang sakay; mas inaantok sila kapag may sakay. Bakit? Dahil kapag walang sakay, naghahanap sila ng isasakay, kaya gising ang diwa nila. Kapag may sakay na, napapahinga na uli ang diwa, kaya mas madaling makatulog. Madiing payo ng isang nakausap ko: Kapag lagpas alas-12:00 ng hatinggabi, kausapin nang kausapin ang drayber para hindi antukin at makatulog – at maaksidente.

 

Sa tuluy-tuloy na pagmamaneho – idagdag pa ang kawalan ng pasilidad – isinisisi ng mga drayber ang pagiging bulnerable nila sa UTI (urinary tract infection) na kinikilala nilang karaniwang sakit nila. Hirap silang humanap ng iihian. Sa bahaging ito, mas masuwerte pa ang mga piloto: Kahit sa kalangitan sila nagmamaneho, nakakaihi kahit anong oras.

 

 

ABUSADO

 

Sa ganitong kalagayan umuusbong ang tugong “lumpen” – o lumpenproletariat, sa salita ni Karl Marx – ng mga taksi drayber. Bulnerable sila sa ganitong pagtugon, dahil mala-manggagawa sila. Tulad ng lumpen, diskarte sa araw-araw ang ikinakabuhay nila at ng kanilang pamilya.

 

Isa sa mga tugong ito ang pagdodroga. Parang ipinagpapalagay ng mga drayber na may malaki-laking seksiyon ng populasyon nila ang gumagawa nito para hindi makatulog. Bagamat may mga magaling magtago, sabi nila, madalas, madaling makilala ang mga drayber na nagdodroga para makapagtrabaho.

 

Dito rin mailulugar ang sinasabing pagiging “abusado” – Ted Failon ng Hoy Gising tayo diyan! – ng mga taksi drayber. Ito iyung mga nangongontrata, nagkukunwaring hindi narinig ang sinabing lugar at nagkukunwaring nagulat sa tunay na pupuntahan para humingi ng dagdag, nagpapadagdag ng bayad kapag masama ang trapik o kapag bihira daw ang sasakay sa lugar na bababaan, at may metrong mabilis ang patak.

 

Sa karanasan ko, madramang buwisit ang abusadong mga drayber: Parang maraming problema. Panay ang saltik, buntong-hininga o reklamo kapag trapik o napapatigil sa stop light. Panay ang tanong kung saan nga ba ang paghahatiran. Siguro, gumagawa sila ng atmospera para hindi makapalag ang pasahero kapag humingi na sila ng dagdag.

 


(Galing ang larawan sa motoringartist.com.)

 

DANGAL

 

Nabubuo ng mga drayber ang dangal nila kontra sa ganitong mga kasamaan. Marami-rami rin ang ipinagmamalaki ang pagiging maprinsipyo: Iyung ayaw sa pangongontrata at iba pang kalokohan ng mga drayber, at hindi ginagawa ang mga ito. May mangilan-ngilang matalas: Balanseng nasasabing bagamat kailangang kumita, kailangan din namang mag-serbisyo sa mga pasahero.

 

Lagi ka ring makakarinig ng “Ako, kapag antok na, igigilid ko talaga ito” – nang tinutukoy ang sasakyan, hindi lang ang direksiyon ng aircon. “Ako, kapag naiihi, kahit sa gulong, puwede na.” Parang iginigiit nila ang kalusugan nila laban sa alam nilang nakakamatay na paghahanap-buhay, na mahalaga ang buhay nila kumpara sa kikitain nila.

 

“Ako, kapag dumadaan na iyang buwisit na mga pulitikong naka-convoy, akala mo pera nila ang ipinambayad ng sasakyan, kuntodo-pulis pa, sinasagasaan ko talaga” – iyan ang hindi ko narinig na sana’y sinasabi ng mga taksi drayber.   

 

 

OPOSISYON

 

Sa Kamaynilaan, balwarte ng Oposisyon, kung hindi man ng Kilusang Kontra-Gloria, ang hanay ng mga taksi drayber. Marami sa kanila, nakakasubaybay ng balita sa radyong AM, bukod pa sa telebisyon sa mga karinderyang kinakainan nila ng altanghap. Natutuwa sila sa magagandang banat sa balasubas na gobyernong ito.

 

Ang ilan sa kanila, personal na ang galit kay Gloria. Nakakatakot – o nakakaaliw? – isipin kung anong mangyayari sa pangulo kapag nagkamali siyang sumakay ng taksi. “Hindi bababa iyan, makapal ang mukha eh.” Na dudugtungan nila ng dapat gawin kay Gloria mismo – kadalasan, marahas at malupit. Parang seryoso sila, at hindi lang sinasabi ang gusto kong marinig.

 

Pulitikal silang mga tao. Kung 10 ang nakausap ko, isa ang maka-FPJ, dalawa ang walang kinakampihan, at pito ang maka-Ping Lacson. Iyung dalawa, ayaw pumanig dahil bulok ang sistema, pare-parehong mayayaman ang mga pulitiko, o iba pa. Pulitikal pa rin ang dahilan nila, hindi katulad siguro ng dahilan nina Ethel Booba o Mark Herras kung bakit wala silang pakialam sa pulitika.

 

 

PING

 

Totoo, marami sa kanila ang mga maka-Ping Lacson. Natutuwa at nagmamalaki sila na nangunguna si Ping sa pagtuligsa kay Gloria. Kung sino si Ador Mawanay, nakalimutan na nila.

 

Marami silang maka-Ping kaya nagtanong na ako kung ano’ng organisasyon nila ang nag-endorso sa senador. Iyun pala, nakabig sila ni Ping dahil noong direktor-heneral daw ito ng PNP, nawala talaga ang mga pulis-kotong sa lansangan, bagay na mahalaga sa kanilang kakarampot ang kita. 

 

“Totoo bang wala kang kalaban dahil ipinapapatay mo silang lahat?” tanong noon ni Mareng Winnie kay Senatoriable Ping. Ganito na lang ang sagot ng pobre: “Mareng Winnie naman, wala na akong kawala sa inyo.”

 


(Galing ang larawan sa movieposter.com.)

 

INC

 

Natutuwa ako kapag miyembro ng Iglesia ni Cristo ang drayber ng taksing nasasakyan ko. Pagkakataon ko na! Lagi kong sinasabi: “Alam po ninyo, bilib ako sa pag-aaral at pangangaral ninyo ng Bibliya,” kahit ang totoo’y mas bilib talaga ako kay Bro. Eli Soriano na bumabanat sa kanila. “Pero ang hindi ko lang po maintindihan, bakit ninyo sinuportahan si Gloria noong 2004?”

 

Siyempre, kandapilipit-dila ang drayber sa pagsagot. “Nagmukha pa po tuloy kapani-paniwala ang pandaraya niya dahil sumuporta kayo.” Pinakadisenteng sagot na nakuha ko: “Kasi, noong hindi nagsama sina FPJ at Ping, may pagkakahati na sa simula pa lang.” Ah, ganoon…

 

Halos lahat ng taksi drayber na miyembro ng INC na ginanito ko, hindi na ipinipilit ipagtanggol ang pag-endorso nila kay Gloria. Maniwala na lang daw ako sa mga doktrina nila. Ang pag-asa ko, umaabot sa kanilang mga pastor ang ganitong pagtatanong, para madala sila sa maling pagpapastol sa kanilang mga tupa.

 

 

LPG

 

Tinatawagan ang mga eksperto sa kemistri o imbestigatibong pamamahayag! Usap-usapan sa mga taksi drayber ang epekto ng gasolinang LPG sa katawan ng mga kapwa-drayber nila. Sana masaliksik kung totoo ngang nakakasama.

 

Kasi, ang sabi nila, mabilis makatuyo daw ng lalamunan ang palaging paglanghap sa LPG. May nagsasabi ring nakakapagpahina ito sa katawan. May mga kompanya nga raw na iniwan na ng marami-raming drayber dahil hindi kinaya ng mga ito ang LPG.

 

“Ang magandang alamin,” sabi ng isang drayber na nakausap ko, “eh kung bakit pinayagan ng mga ahensiya ng gobyerno na lumusot ang paggamit niyang LPG sa mga taksi.”

 

 

AHENTE

 

May tsismis ang isang kaibigang mamamahayag: May mga ahente ng militar o intelligence agents sa hanay ng mga taksi drayber. May mga ahente raw na bahagi ng pagsasanay ang pagmamaneho ng taksi – para maging pamilyar sa mga lansangan sa Kamaynilaan. Totoo kaya? Bonus pa siguro kapag may madaldal na pasaherong tinitiktikan.

 

 

30 Abril 2008

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Comments

  • red  On April 30, 2008 at 10:20 am

    baka isa na po kayo dun sa natiktikan nung “intelligent” na taxi driver! hehehehe! kaya ingat pa din po lagi.

  • kapirasongkritika  On April 30, 2008 at 6:14 pm

    Hehe. Hindi naman siguro. Wala naman silang mahihitang makabuluhan sa akin eh. Puro tanong lang. Ingat.

  • maila  On May 6, 2008 at 8:08 am

    1. actually, may mga taksi driver talagang “police tracker.” parang community-based approach sa crime suppression, sila iyong mga para-agents ng pulis na nagrereport ng krimen. maliban na lang kung may iba pa silang trabaho.

    2. nakikisimpatya ako sa lahat ng isyu ng mga drive, siyempre naman, sa tindi ng krisis na dinaranas natin ngayon. pero sa isang bagay lang talaga ako hindi makapagtimpi, sa mga barumbado sa daan. noong isang linggo lang, may tinadyakan akong taksi sa tagiliran. nakita na kaming tumatawid ay umarangkada pa rin.

    kunsabagay, mas nakakaasar pa iyong mga private vehicles na naturingang “sibilisadong” mamamayan, pero kung makabusina kahit na nakita nang tumatawid ka, akala mo hinahabol ng demonyo.

    3. nakalimutan mong talakayin dito iyong pagka-macho rin ng mga driver. siguro dahil babae ako, kaya ko ito naobserbahan. madalas, lalo na kapag mag-isa ang babae sa taksi, ang itatanong nila: may boypren ka na? o kaya, anong trabaho ng mister mo? bakit kaya hindi ako ang tanungin nila ano? siyempre kasama na doon iyong mga hirit kapag nakakita sila sa tabing daan ng mga babaeng seksi, sosyal, mga magkakabarkadang dalaga, o pokpok. tulad ng mga komento nila sa mga pulitiko, minsan marahas din ang mga sagot nila.

    3.

  • kapirasongkritika  On May 7, 2008 at 5:58 am

    Maila,

    Maraming salamat sa komento. (1) Kaya pala iyung isang nakausap ko tungkol sa entri na ito, ang sabi, minsan dumaan siya sa may mobilisasyon sakay ng taksi, tapos sabi daw ng taksi drayber: “May mga nandito na.”

    (2) Hindi ko naman maaalis sa iyong mainis. Mahirap ding all the time ay iisipin mong naghahanap-buhay lang sila lalo na kung muntik ka na nilang masagasaan. Hindi naman ganoon ang ibig sabihin ng pagiging maka-masa.

    (3) Oo nga, hindi ko iyan naisulat. Hindi ko rin kasi nasiyasat at naobserbahan. Parang magiging weird ang usapan kapag ipinasok — na malinaw na patunay na may ganoon nga. Hindi ba?

  • larawang kupas  On May 11, 2008 at 12:03 am

    tsek this out! bak makasama mo ingat!

    http://blogs.gmanews.tv/abet-umil/index.php?url=archives/1-Atake.html&serendipity%5Bcsuccess%5D=true#feedback

  • kapirasongkritika  On May 12, 2008 at 9:45 am

    Hay, ano ba iyan? Parang ang iresponsable namang ilabas ang mga usaping barkada sa blog, lalo na kung blog ng GMA! Tirang traydor naman iyan. Kumprontahin mo na lang, mabuti pa. Kung tama ka, bakit ka magfo-forum shopping?

  • jhen  On May 13, 2008 at 7:57 am

    Maraming salamat sa pagbo-blog tungkol sa mga taksi drayber. Dalawang tito ko ang nasa ganitong trabaho (yung isa, hanggang mamatay siya), at pareho silang nagsusumikap na maging ‘matino’ na drayber. Kaya minsan talaga, masakit pakinggan na sinasabihang abusado ang lahat ng taksi drayber sa Pinas kasi oppressed din naman sila, at di naman lahat sa kanila ay gumagawa ng kalokohan.

    Although, totoo yung tungkol sa police trackers. Inalok na ng ganyan ang isang tito ko (dahil nalaman nilang nag-awol sya sa marines). Sabi nila, kikita sya ng mas malaki at makakatulong pa raw sya sa peace and order ng bansa. Pero dahil disillusioned na rin sya sa militar, tinaggihan nya.

  • kapirasongkritika  On May 13, 2008 at 9:04 am

    Salamat sa pagkomento, Jhen.

    May mga ganyan talagang mag-isip, na masasama ang mga taksi drayber. Hindi nga naman lahat.

    Mabuti at tinanggihan niya. Kung kriminalidad, okey naman siguro. Pero kung may target na mga aktibista para isakay at tiktikan, sana hindi.

  • myrna  On May 25, 2008 at 7:26 am

    meron akong nasakyan n taxi. mlapit na kami sa destinasyon pero inilayo pa. sa ngayon hindi pa ako nakakakita ng mga taxi driver na maprinsipyo. puro na lang kita ang iniisip nila at hindi nila iniisip n tulad nila naghihirap din ang kanilang pasahero, kaya lang sumasakay sa taxi ay dahil sa kagipitan sa oras.

    maganda rin naman na may positibong nasusulat tungkol sa kanila na kailanman ay hindi ko pa nabasa, ngayon lang.

  • kapirasongkritika  On May 26, 2008 at 7:03 am

    Myrna, salamat sa kuwento at komento. Actually, iyun ang nakakainis sa ilan sa kanila, at sa iba pang katulad nila — parang pakiwari nila, puwede silang lumusot sa masamang pagtrato sa mga kustomer dahil naghahanap-buhay sila. Dapat din namang mabalanse ito ng konsepto ng pagseserbisyo.

    Siguro, kapag kinausap natin sila, mas makikilala natin sila at mas mahihikayat natin silang magmalasakit sa atin. Ingatz.

  • abet umil  On June 3, 2008 at 5:35 pm

    “Parang ang IRESPONSABLE namang ilabas ang mga usaping barkada sa blog, lalo na kung blog ng GMA! Tirang TRAYDOR naman iyan. Kumprontahin mo na lang, mabuti pa. Kung tama ka, bakit ka magfo-forum shopping?”

    sa susunod alamin mo ang tunay na istorya bago magkukomento. maganda na ang impresyon sa ‘yo bilang responsable. ta’s ganyan ka naman, barkada mo siguro ‘yong tatlo ‘no? tanungin sina patrick at emil!

  • kapirasongkritika  On June 4, 2008 at 3:26 am

    Abet Umil,

    Hindi ko kailangang alamin ang buong kuwento. Basic lang iyan, hindi mo kailangan ng grabeng katalinuhan para maunawaan: Na hindi tinitira ang tao — kahit na sino — nang walang kalaban-laban. Blog ng GMA iyan ah, pangmalakasan, para magkuwento ka ng tungkol sa totoong mga tao na walang kasing-pangmalakasang blog para sagutin ka.

    Nagpipilit akong maging progresibo, kaya I take this to heart kahit sa personal kong buhay. Hindi ko kailangang maging defensive sa ugnayan ko sa dalawa, at ang isa nga diyan ay ni hindi ko kilala.

  • abet umil  On June 4, 2008 at 9:55 pm

    wala ring kalabanlaban ‘yong mga babaing biniktima niya ng kamera sa CR. kahit saan at kanino mo itanong, krimen ‘yon.

    ang dalawang beses na pagmaktol ni nino sa panahon ng trabaho namin, na ako ang nagpasok sa kanya, ay kawalan ng respeto sa sarili niya.

    remote na ang kinalaman ng ibang bagay pa. trabaho lang ‘yon at nakuha niyang walanghiyain ako at ang kababaihan doon.

    ano ang kaibahan ng sina emil at patrick ang nakakita nang hamunin niya ako ng suntukan noong pangalawang maktol niya. noong una, dinuruduro ako ni nino sa loob ng fastfood, sa harap ni patrick at may mga kustomer nu’n. 2 days after nag-apologize naman. ang ika-2 at naghamon pa ng suntukan, wow man!

    inunawa ko pa rin. pero mayabang ang kaibigan mo. masyadong lumaki ang ulo!!! nasakasihan na ni emil, kinampihan pa. pati ni patrick. saan ka nakakita ng ganyang objectivity na ipinapanukala mo? may apelyido ba sila sa sinulat ko?

    ang pag-label mo sa akin ng

    “Tirang TRAYDOR naman iyan,”

    ang pinaka-iresponsableng nai-contribute mo sa isyung ito. sino ba talaga ang traydor sa aming dalawa sa context ng trabaho namin? gusto mo rin bang isama sa context ang ibang bagay pa na remote ang kinalaman?

    at kung nai-blog ko ‘yon sa isa o mahigit na mambabasa, kaTRAYDORan ‘yon? he-he-he…

    kung nagpilit kang maging progresibo at gusto mo ng piraso/basic lang na basehan, ayus! sa puso at personal na buhay mo pa naman. pa’no na ang sosyal at political? ganda ng pseudoname mo may KRITIKA.

    sana inayos mo na lang ang comment mo kung hindi ka defensive sa katarantaduhan ng mama. o sa samahan ninyo ng tarantadong ‘yon. baka understatement ang tarantado.

  • kapirasongkritika  On June 5, 2008 at 3:51 am

    Abet,

    Wala akong alam at kapaki-pakialam sa personal ninyong mga away. Kaya please lang, huwag mo nang i-ventilate dito ang lahat ng sama ng loob mo.

    Kung krimen, eh di ihabla mo. Awayin mo kung gusto mo. Pero iyung iba-blog mo — sa blog at blog pa ng GMA, susmaryosep! — paninira ng buhay ang habol mo, hindi katarungan. At iyun ang kinokomentuhan ko.

    Kahit ang mga nahatulang maysala sa batas — at hindi naman krimen sa sambayanan — hindi karapat-dapat na siraan ng buhay o sabihan ng kung anu-ano sa isang blog. Oo, walang apelyido kang inilagay. Pero alam naman ng mga taong nakakakilala sa iyo at nakapaligid sa iyo kung sino ang tinutukoy mo.

    Ang alam ko, sa komunidad, kapag may kaaway ka, hahamunin mo ng sapakan. Hindi mo ititsismis sa kapitbahay. Hindi gusto ng kapitbahay ang ganoon, at iyon ang tinatawag na tirang traydor.

    Huwag mong idawit ang pangalan ng blog ko sa usaping ito. Basahin mo ang buong blog na ito at maayos ang nilalaman nito. Ang minumura dito, mga pulitiko at mapagsamantala sa nakakarami sa lipunan. Kung magiging abusado ka pa sa wika mo sa susunod mong komento, hindi ko na ilalabas.

  • kapirasongkritika  On June 5, 2008 at 4:19 am

    Pahabol:

    Kahit ipagpalagay na nating totoo ang mga sinasabi mo — at iyun ang assumption o palagay sa lahat ng tugon ko — at sasabihin mong mas malaking kasalanan ang nagawa ng mga “inaatake” mo, hindi pa rin ako sasang-ayon.

    Ang paniniwala ko sa personal na mga gusot na ganyan: Harapin sa dapat na pagharapan (korte kung kaso, kalye o saanman kung sapakan), tapos tapos na. Hindi puwedeng iti-tsismis, lalo na kung ibo-broadcast natin sa blogs, lalo na sa blog ng GMA.

    Kung hindi ka naniniwala sa aking iresponsable iyan, tanungin mo ang sinumang pinaka-pinapaniwalaan mong editor sa GMA, at makikita mo ang punto ko.

  • abet umil  On June 6, 2008 at 5:49 pm

    kung abusado at traydor ako sa pangangalandakan mo sa akin dito, responsable ka? parehas ka nga ba sa blog mo na ‘to?

    ako ang idinawit ninyo sa blog mo na ‘to kaya lang ako pumasok rito. hindi kita kilala, at kung magkakilala tayo mas gugutuhin kong mag-usap tayo!!!

  • abet umil  On June 6, 2008 at 5:54 pm

    “Wala akong alam at kapaki-pakialam sa personal ninyong mga away.”

    bakit mo ko ni-label na “traydor” at abusado pa ngayon. ano ang maitatawag mo sa ginawa mo sa akin ngayon n’yan?

    magpaabot ka kung kelan tayo pwedeng mag-usap.

  • kapirasongkritika  On June 7, 2008 at 4:42 pm

    Abet Umil, pasensiya na at ngayon lang nakapagbukas ulit ng blog.

    Hindi ka “idinawit” sa blog na ito, na parang gusto ko talagang mabasa ang isinulat mo at makasagutan ka. Hindi po.

    The mere fact na inilagay mo sa blog mo o sa Internet ang kuwento mo, ibig sabihin, bukas iyon sa komento.

    At ganoon ba talaga ang ginagawa kapag nakomentuhan? Makipagharap? Ganoon ba ang gagawin mo sa mga nagkomento sa iyo nang negatibo sa blog mo? O sa iba mo pang sulatin?

    Mas mainam na nga sigurong sa e-mail na tayo magsagutan, huwag na rito. Salamat sa pagpansin at pagkomento.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: