Bayani ng Pakikibaka

Noong Mayo 14, namatay ang progresibong manunulat at gurong si Bayani S. Abadilla sa edad na 67. Natapos na ang maalab niyang paglilingkod sa kapwa at bayan, gayundin ang mahaba-haba na rin niyang pakikibaka sa lymphoma.

Bagong kakilala ko lang si “Ka Bay,” sakto sa pagkokontribyut ko sa Pinoy Weekly, pahayagang siya ang dating patnugot sa balita at pagkalao’y katuwang na patnugot. Pumasok ako sa pag-uusap, kumbaga, sa bandang dulo na nito.

(1)

Parang laging handa, kung hindi man sabik, makipaglaban. Ganito ilarawan ng isang kakontemporaryo niya ang dating ni Karl Marx. Sa isang banda, masasabi ring ganito ang dating ni Ka Bay – na sinusuportahan naman ng ilan sa tampok niyang mga ugali. Sa mga talakayan, kahit sa karaniwang mga pag-uusap at lalo na sa mga debate, madiin siya sa mga punto niya, tumataas ang boses. “Hindi ako galit,” sagot daw niya kapag inaasar na siya, “I’m just being emphatic!

Kaya nanibago ako sa kuwento ng bunsong anak niya noong burol niya: Tahimik, at masaya pa nga daw, siyang namaalam. Sa buong panahon ng pagpapagamot niya, lalo daw naging magagalitin si Ka Bay. Pero iba daw ang timpla niya noong gabing iyon. “Huwag na,” sagot niya noong tinatanong kung may magagawa pa sa sakit na nararamdaman na pala niya pero hindi idinadaing. Pangiti-ngiti daw si Ka Bay, hanggang sa nakatulog na – nang dilat ang mga mata, na ipinikit nila.

Dahil nagbatay ako sa dating niya, inakala kong lalaban siya nang patayan, kumbaga, hanggang dulo. Literal kong nakini-kinita na magre-“rage against the dying of the light” siya: Madamdaming gagawin ang lahat para mapahaba ang laban. Pero mali ako. Marxista talaga siya: Marunong magsuri ng kongkretong kalagayan at, bilang dati ring gerilya, marunong umatras kapag malakas ang kaaway. Matapos ang mahigit tatlong taong pakikipagbuno sa sakit, alam niya…

Parang ilaw iyon na nagbigay-liwanag sa nakaraan. Oo nga. Sa lahat ng talakayan, usapan at debate, lumaban siya hanggang kaya, nang buong alab – at anghang din minsan. Hindi siya bumibitiw kapag kanya ang mas wastong argumento – iyung makakapagpabuti sa mga bagay-bagay, sa lahat at sa bayan. Pero kapag hindi kanya o buong kanya, at naging malinaw na ito, sumasalubong siya. Mangunguna pa siyang ipagsaya’t ipagdiwang ang nakamit na pagkakaisa.

(2)

Sa misa at parangal para kay Ka Bay, nagpasalamat ang pamilya niya sa mga naging katrabaho niya sa Pinoy Weekly. Sa pagkakaalam ko, seryosong tumulong ang Pinoy sa pagpapagamot niya – huwag nang banggitin kung paano.

Naging daluyan ng tulong na ito, at nagpayaman sa tulong, sa pagkakaalam ko, si J. Isa o dalawang beses bawat linggo, sa loob ng mahigit dalawang taon, umulan man o umaraw, sinusundo at ihinahatid niya si Ka Bay sa ospital, klinika, o saanman kailangang pumunta para sa pagpapagamot at pagpapagaling.

Pinakinggan at, madalas, pinatawa niya si Ka Bay sa panahong napakahirap para sa huli. Siya ang nakasubaybay sa pagbagsak ng pangangatawan nito, nakakita sa mukha nitong may sakit o ginhawa. Bandang dulo, may halong hapdi ito para kay J, dahil naaalala niya paano nagkasakit at namatay ang tatay niya.

Siguro, isa sa mga umagang ito, gigising siya nang maaga, maghahanda ng sarili at maglilinis ng sasakyan para manundo, magkakape habang naghihintay ng tawag o text ng pagkumpirmang tuloy ang lakad – para lamang mabigo at magulat, mahimasmasan, mapailing. “Oo nga pala. Wala na nga pala…”

Kakalmahin niya ng sarili: Mabuti na rin iyon, nakapagpahinga na siya. Pero tayong nanatili, na hinaplos at binago sa kung anong paraan ng buhay ni Ka Bay, hindi pa rin makapahinga. Sariwa pa ang mga alaala, at kung gusto talaga natin siyang parangalan, papanatilihin nating sariwa ang halimbawa ng buhay niya.

Hindi tayo bibigyan nito ng pahinga, pero hindi rin tayo papagurin. Bibigyan tayo nito ng lakas na lumaban, nang maalab – at maalam din – katulad niya.

18 Mayo 2008, araw na inihatid sa “huling hantungan” si Ka Bay.

Basahin ang mga parangal nina Edel E. Garcellano, Ilang-Ilang D. Quijano (kung saan naroon ang parangal nina Prop. Bienvenido Lumbera, E. San Juan, Jr. at Ninotchka Rosca), at Kenneth Roland A. Guda.

Post a comment or leave a trackback: Trackback URL.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: